Ang bangungot ay isang karamdaman o kondisyon kung saan ang isa tao ay nagigising sa gabi, napapaungol, nananaginip ng masama, at may pakiramdam na parang may nakadagan sa dibdib at kung minsan ay humahantong sa biglaang pagkamatay. Gaya ng “pasma”, walang eksaktong katumas na kahulugan ang bangungot. Ang “nightmare” ay hindi sapat para mabigyang kahulugan ang salitang “bangungot”. Ngunit ayon kay Prop. Michael Tan ng UP, sa ating mga karatig-bansa, ang bangungot ay nararanasan din ng kanilang mga kalalakihan, kaya maaaring ang “bangungot” sa atin ay katumbas ng “lai tai” sa Thailand at “tsob tsuang” ng Vietnam.

Sino ang maaaring makaranas ng bangungot?

Ang bangungot ay karaniwang nakakaapekto sa mga kalalakihan, lalo na sa mga binata o mga lalaki edad 17-30 na napalayo o malayo sa kanilang mga pamilya. Bagamat mas karaniwan sa mga lalaki, maaari ring bangungutin ang mga kababaihan.

Bakit binabangungot?

Ayon sa lumang paniniwala, ang bangungot ay maaaring maranasan kung matutulog kaagad matapos kumain ng marami, o uminom ng maraming alak o beer. Ngunit ayon naman sa modernong medisina, ang bangungot ay maaaring iugnay sa ilang mga kondisyon gaya ng “acute pancreatitis”, o mga sakit sa puso gaya ng “Brugada syndrome”. Ito ay isang sakit sa puso na napag-alamang karaniwang nangyayari lamang sa mga kalalakihang mula sa Asya. Sa ngayon, ang “Brugada syndrome” ay tinatanggap na ekplanasyon sa bangungot ngunit ito ay hindi parin tiyak. Sa iba pang katawagan, ang bangungot ay tinatawag ding “Sudden Unexpected Death Syndrome” (SUDS). Sa kabila ng iba’t ibang mga paliwanag, ang maaaring pinakamalapit sa katotohanan ay ang wika ni Prop. Tan, na ang bangungot ay sanhi ng hindi lamang iisang kondisyon; ito’y maaaring kombinasyon ng iba’t ibang kondisyon.