Buod
Ang bato sa daluyan ng apdo (choledocholithiasis) ay isang uri ng kondisyon na kaugnay ng pagkakaroon ng bato sa apdo. Nagkakaroon ng kondisyong ito ang tao kapag ang mga bato sa apdo ay bumara sa mga daluyan ng bile papunta sa maliit na bituka. Ang mga karaniwang apektadong bahagi ng sakit na ito ay ang mga cystic duct, common bile duct, maging ang common hepatic duct.
Ang apdo ay matatagpuan sa ilalim ng atay at nagsisilbing sisidlan ng mga bile bago ito dumaloy papunta sa maliit na bituka. Ang bile ay isang uri ng sangkap na tumutulong sa paglusaw sa mga pagkaing pumapasok sa digestive system. Nagkakaroon ng bato sa apdo kapag ang bile ay nagtataglay ng sobrang dami ng kolesterol o kaya ay ng bilirubin, isang uri ng sangkap mula sa dinurog na selula ng dugo mula sa atay.
Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng bato sa daluyan ng apdo ay ang pananakit sa kanang itaas o kaya ay sa gitnang itaas na bahagi ng tiyan, pagsusuka, paninilaw ng balat at mga mata, maging ang pamumutla ng mga dumi.
May iba’t ibang paraan sa paglunas sa sakit na ito, kabilang na ang operasyon para alisin ang mismong apdo.
Kasaysayan
Ang ugat na dahilan ng pagkakaroon ng choledocholithiasis ay ang pamumuo ng mga bato sa apdo, isang uri ng kondisyon sa apdo na kilala na maging sa mga sinaunang panahon. Subalit, ang mga paraan upang ito ay lunasan ay inumpisahang gawin sa makabagong panahon na.
Ang isa sa mga paraan upang lunasan ang pagkakaroon ng bato sa apdo ay ang cholecystectomy, o ang pag-aalis sa apdo, na unang ginawa noong mga 1800.
Nagpapatuloy sa ngayon ang iba’t ibang mga pagusuri upang lalo pang mapabisa at gawing mas ligtas ang mga paraan sa paggamot sa bato sa daluyan ng apdo.
Anu-ano naman ang iba’t ibang uri ng sakit na ito?
Mga Uri
Mayroong dalawang uri ng bato sa apdo na maaaring maging sanhi ng choledocholithiasis: ang mga bato na gawa sa kolesterol at ang mga bato na gawa ng mga bilirubin.
Mga Sanhi
Nagkakaroon ng mga bato sa apdo bunga ng mga sumusunod na dahilan:
- Pagmumuo ng mga kolesterol sa bile
- Pagkakaroon ng labis na dami ng bilirubin sa bile
- Kakulangan ng bile salt sa apdo
- Hindi ganap na pagkaubos ng bile sa apdo
- Pagkakaroon ng impeksyon sa mga daluyan ng atay
- Pagkakaroon ng cirrhosis
- Pagkakaroon ng namamanang kondisyon sa dugo na nagdudulot ng pagkakaroon nito at ng pamumuo ng napakaraming bilirubin
Mga Sintomas
Image Source: www.babycentre.co.uk
Sa karaniwang pagkakataon ay walang mapapansing mga sintomas ang sakit na ito, maliban na lang kung ang mga bato ay nakabara sa mga karaniwang daluyan ng bile. Ang ilan sa mga maaaring sintomas ay ang mga sumusunod:
- Pananakit sa may kanang itaas o itaas na gitnang bahagi ng tiyan na maaaring matindi at tuloy-tuloy, o kaya naman ay banayad na tumatagal nang may 30 na minuto
- Paninilaw ng balat at ng mga puti ng mga mata
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pagkahilo at pagsusuka
- Kawalan ng gana sa pagkain
- Pagkakaroon ng mapuputlang mga dumi
Mayroong mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng choledocholithiasis.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang ilan sa mga karaniwang salik na nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng bato sa apdo na nagbibigay-daan naman sa maaaring pagkakaroon ng bato sa daluyan ng apdo ay ang mga sumusunod:
- Pagiging babae at pagkakaroon ng mataas na antas ng estrogen
- Pagiging buntis
- Paggamit ng hormone replacement therapy o kaya ay mga gamot na pumipigil sa pagbubuntis
- Pagiging 40 na taong gulang
- Pagkakaroon sa pamilya ng taong may bato sa apdo
- Labis na katabaan ng katawan
- Mabilis na pagbagsak ng timbang ng katawan
- Pagkakaroon ng mataas na calorie at carbohydrate sa mga kinakain
- Kakulangan ng fiber sa mga kinakain
- Pagiging kabilang sa lahing Native American o kaya ay Mexican-American
- Pagkakaroon ng problema sa tiyan, kagaya ng Crohn’s disease
- Pagkakaroon ng diabetes o iba pang uri ng metabollic syndrome
- Pagkakaroon ng cirrhosis o kaya ay mga impeksyon sa mga daluyan ng bile
- Pagkakaroon ng hemolytic anemia na kagaya ng sickle cell disease
- Pagkakaroon na dati ng bato sa apdo
- Kawalan ng apdo sa katawan dahil kinailangan itong tanggalin
Mga Komplikasyon ng Bato sa Daluyan ng Apdo
Maaaring magdulot ng mga komplikasyon ang pagkakaroon ng mga bato sa daluyan ng apdo. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Pamamaga ng apdo o atay
- Pinsala sa apdo, daluyan ng apdo, o atay
- Impeksyong dulot ng bacteria
- Pamamaga ng lapay bugna ng mga bato sa apdo
Malulubha ang mga komplikasyong ito. Kaya, ipinapayo na magpatingin o magpagamot kaagad sa ikabibilis ng paggaling mula sa sakit na ito.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Kapag ang tao ay dati nang nagkaroon ng mga bato sa apdo, maaari pa ulit silang magkaroon nito. Kahit pa napatanggal na ang apdo, mayroon pa ring panganib ng pagkakaroon ng bato sa daluyan ng apdo.
Subalit, may mga paraan upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng bato sa apdo, kabilang ang mga sumusunod:
- Regular na pag-ehersisyo. Malaki ang naitutulong ng pag-eehersisyo sa pag-iwas sa pagkakaroon ng mga bato sa apdo at sa daluyan nito. Ipinapayo na gawin ito nang may 30 minuto araw-araw o limang beses sa loob ng isang linggo.
- Pagpili sa mga pagkaing may mataas na fiber. Tumutulong ang fiber sa maayos na metabolismo, maging sa pagpapababa ng antas ng mga kolesterol sa digestive tract.
- Pagbawas sa mga pagkaing may taglay na saturated fat. Ang mga saturated fat ay mahirap lusawin. Dahil dito, maaari silang mamuo sa loob ng apdo at maging sanhi ng pagkakaroon ng mga bato rito.
- Pag-inom ng maraming likido. Napakalaki ng naitutulong ng pag-inom ng sapat na dami ng likido, lalo na ng tubig, sa maayos na metabolismo ng mga pagkaing pumapasok sa katawan.