Buod
Ang beke o mumps ay isang lubhang nakahahawang sakit na sanhi ng mumps virus. Laganap ang sakit na ito noong hindi pa natutuklasan ang MMR (measles, mumps, rubella) na bakuna. Subalit ngayon, ang sakit na ito ay napakadalang na at halos hindi na ito pamilyar sa bagong henerasyon. Kaya, naituturing ito bilang isang sakit na mas kilala sa mga tropikal na lugar, o sa mga bansang paunlad pa lamang.
Sa sakit na ito, ang bandang tenga at panga ay lumolobo o namamaga. Ang naaapektuhan kasi ng virus na sanhi ng beke ay ang mga parotid gland na matatagpuan sa harap at ilalim ng mga tenga, malapit sa mga panga. Ang mga parotid gland ay ang gumagawa ng laway. Kapag naapektuhan ito ng mumps virus, maaaring magkaroon ng beke.
Kadalasang nakukuha ang mumps virus kapag nakalanghap ng mga droplet o maliliit na laway ng infected na tao. Maaari rin itong makuha sa paghawak ng isang bagay na may laway, plema, o dura, o kaya naman ay sa pamamagitan ng paghalik sa pasyente. Nakukuha rin ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga baso, pinggan, o mga kubyertos ng infected na tao at maaaring lumabas ang mga sintomas ng beke 14 hanggang 25 araw mula sa araw ng pagkakahawa.
Bukod sa pamamaga sa may bandang tenga at panga, maaari ring magkaroon ang pasyente ng lagnat at manakit ang iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng tenga, panga, ulo, kasu-kasuan, at tiyan. Maaari ring mawalan ng gana ang pasyente sa pagkain.
Bagama’t ang beke ay lubusang nakahahawa, maaari namang gumaling ang pasyente sa loob ng 2 linggo ng pagpapahinga. Walang ring gamot dito, subalit may mga paraan naman upang maibsan ang mga sintomas. Maaaring uminom ng mga gamot para sa sakit ng katawan, uminom ng maraming tubig, at kumain ng masusustansyang pagkain upang mas mabilis gumaling mula sa sakit na ito.
Kasaysayan
Ang beke o mumps ay laganap na noong sinaunang panahon pa lamang. Sa katunayan, nailahad ito ni Hippocrates sa kanyang inilathala na “Of the Epidemics” noong 400 BC. Pagsapit ng bandang taong 1790, isang doktor na taga-Britanya, si Dr. Robert Hamilton, ang naglahad ng kondisyon na ito sa kanyang inilathala na “Transactions of the Royal Society of Edinburgh.”
Isa ring laganap na sakit ng mga sundalo ng parehong Digmaang Pandaigdig ang beke. Subalit, hindi napatunayan ng mga doktor noon na isa itong nakahahawang sakit. Ngunit pagsapit ng taong 1934, napatunayan nila Claude Johnson at Ernest William Goodpasture na ang beke ay isang nakahahawang sakit at natuklasan nila na ang sanhi nito ay isang virus.
Bagama’t mabilis makahawa ang beke, naging napakadalang na ng sakit na ito nang maimbento ang MMR vaccine. Noong taong 1967, pormal na ipinakilala ang bakunang ito sa Estados Unidos, at magmula noon, naging maunti na ang mga kaso ng beke sa kanilang lugar. Subalit sa Pilipinas, naisama lamang ang MMR vaccine sa Expanded Immunization Program ng Department of Health noong 2010.
Mga Sanhi
Isang uri ng paramyxovirus ang mumps virus. Ang kadalasang naaapektuhan ng virus na ito ay mga bata. Kapag nagkaroon ng beke, ang virus ay dadaan sa iyong ilong, bibig, at lalamunan papuntang mga parotid gland. Maaaring maapektuhan nito ang dalawa o isang bahagi ng mukha, subalit kadalasan ay isang bahagi lamang. Maaari ring maapektuhan ng virus ang utak, lapay, bayag, at obaryo, pero ito ay napakadalang. Nakukuha ang beke sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paglanghap ng mga droplet o maliliit na laway ng infected na tao
- Paghawak ng mga bagay na may laway, plema, o dura ng infected na tao
- Paghalik sa infected na tao
- Paggamit ng mga baso, pinggan, mga kubyertos, at iba pang mga personal na gamit ng infected na tao
Mga Sintomas
Image Source: www.devonlive.com
Masasabing may beke o mumps ang isang tao kapag sila ay nakitaan o nakararamdam ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng “chipmunk cheek” o namamagang pisngi (malapit sa tenga at panga)
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pananakit ng tenga at panga
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng kasu-kasuan
- Pananakit ng tiyan
- Pagkakaroon ng nanunuyong bibig
- Pagdanas ng hirap sa paglunok
- Pagkawala ng gana sa pagkain
- Mabilis na pagkapagod
Hindi rin agad lumalabas ang mga sintomas ng beke. Maaaring abutin ng 14 hanggang 25 araw bago lumabas ang mga sintomas.
Mga Salik sa Panganib
Ang lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng beke o mumps. Subalit kapag nagkaroon na ng beke, hindi na magkakaroon nito. Kagaya lamang ito ng tigdas o measles na kapag nagkaroon na nito ay protektado na ang katawan habangbuhay at hindi na ulit magkakaroon pa ng ganitong sakit. Subalit, ang posibilidad ng pagkahawa ng kondisyong ito pinatataas ng sumusunod na mga salik:
- Hindi pagkabakuna ng MMR vaccine. Napakataas ng posibilidad na magkaroon ng beke kung hindi nabakunahan ng MMR vaccine. Subalit, ang mga taong ipinanganak bago sumapit ang taong 1957 ay hindi na nangangailangan ng bakunang ito, sapagkat siguradong nagkaroon na sila ng beke at nagkaroon na ng immunity ang kanilang katawan.
- Pagiging bata. Ang kadalasang naaapektuhan ng beke ay ang mga batang nasa pagitan ng mga edad 2 at 12-anyos. Subalit, kahit matanda na ay maaari pa ring magkaroon nito.
- Pagbabakasyon sa ibang bansa. Kung magbabakasyon sa ibang bansa na hindi aktibo ang mga mumps vaccination program, maaari ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng beke.
- May kasamang may beke sa bahay o kalapit-lugar. Kung naninirahan sa bahay na may kamag-anak na may beke, maaaring magkaroon din nito—lalo na kung hindi nabakunahan.
- Pagkakaroon ng mahinang resistensya. Mas mabilis magkaroon ng beke kung mahina ang resistensya ng katawan. Ito ay sapagkat hindi magagawang labanan ng immune system nang maayos ang mga virus na pumapasok sa katawan.
Mga Komplikasyon
Kung hindi malalapatan ng tamang lunas ang beke, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Orchitis o pamamaga ng bayag
- Pagkabaog
- Iba’t ibang sakit sa utak gaya ng encephalitis at meningitis
- Pancreatitis o pamamaga ng lapay
- Pagkabingi
- Pagkakaroon ng sakit sa puso
- Pagkalaglag ng sanggol sa sinapupunan
Napakadalang lamang mangyari ang mga komplikasyong nabanggit. Subalit, hinihikayat pa rin ang mga pasyenteng may beke na magpakonsulta sa doktor kahit na gumagaling ito nang kusa.
Pag-Iwas
Image Source: www.dukehealth.org
Ang pagkakaroon ng beke ay hindi madaling ma-iwasan sapagkat isa itong lubos na nakahahawang uri ng sakit. Makasalubong ka lamang sa daan ng isang taong may beke ay puwede ka na agad magkaroon nito kahit wala kayong tunay na interaksyon. Ganunpaman, hinihikayat ang mga sumusunod na pag-iingat upang hindi magkaroon ng kondisyon na ito:
- Pabakunahan ang mga anak ng MMR vaccine upang magkaroon ng immunity ang katawan laban sa beke. Kadalasang binibigay ang unang dosage ng bakunang ito sa mga batang nasa pagitan ng mga edad 12 at 15 buwan. Ang ikalawang dosage naman ay ibinibigay kapag sumapit ang bata sa pagitan ng mga edad 4 at 6 na taon.
- Ugaliing maghugas ng mga kamay upang mawala ang anumang virus na kumapit sa mga ito.
- Magtakip ng ilong lalo na kung may kasabay na mga taong umuubo upang hindi malanghap ang kanilang mga bahing.
- Huwag muna lumapit sa taong may beke upang hindi mahawaan nito.
Ang pinakamainam na paraan ng pag-iwas ay ang pagpapabakuna, subalit hindi ito rekomendado sa mga buntis, sapagkat maaaring malaglag ang sanggol sa kanilang sinapupunan. Noong mga panahong hindi pa uso ang bakuna sa Pilipinas, sinasadyang ipahawa ng mga magulang ang kanilang mga anak sa taong may beke upang hindi na ulit magkaroon pa ang kanilang mga anak ng sakit na ito.
Sanggunian:
- https://www.webmd.com/children/vaccines/what-are-the-mumps
- https://www.nhs.uk/conditions/mumps/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/224382.php#_noHeaderPrefixedContent
- https://www.cdc.gov/mumps/outbreaks.html
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/mumps/symptoms-causes/syc-20375361
- https://www.healthline.com/health/mumps
- https://en.wikipedia.org/wiki/Mumps#History
- http://upcm.ph/wp-content/uploads/2018/09/AMP-Vol52-No4-HP2-OA-14-Epidemiology-of-Measles.pdf
- https://www.wikidoc.org/index.php/Mumps_risk_factors