Buod

Sa kondisyon na Bell’s palsy, ang isang bahagi ng mukha ay lumalaylay o ngumingiwi. Ito ay dahil sa pinsalang sa ika-7 na cranial nerve o mas kilala sa tawag na facial nerve. Kapag nagkaroon ng Bell’s palsy ang isang tao, ang isang bahagi ng kanyang mukha ay magkakaroon ng panghihina o pagkaparalisa.

Kung minsan, ang mga sintomas ng Bell’s palsy ay bigla-bigla na lamang dumarating. Pero ayon sa ibang mga pasyenteng may Bell’s palsy, sila muna ay nakararamdam ng pananakit sa kanilang tenga sa loob ng 1 o 2 araw bago sila magkaroon ng panghihina at pagkaparalisa ng mukha. Bukod sa mga sintomas na ito, maaari ring makaranas ang pasyente ng hirap sa pagnguya, paglunok, maging ang kawalan ng panlasa. Maaari ring mahirapan ang pasyente sa pagpikit ng kanyang mata na nagreresulta sa panunuyo nito. Isa rin sa mga kapansing-pansing sintomas ay ang hindi mapigilang pagtulo ng laway sapagkat hindi na magawang kontrolin ng pasyente ang mga kalamnan ng kanyang mukha.

Bagama’t hindi pa lubusang maintindihan kung bakit nagkakaroon ng Bell’s palsy ang isang tao, pinaniniwalaan ng mga doktor na ito ay dulot ng viral infection. Ayon sa mga pag-aaral, kadalasang may natatagpuang virus sa pasyenteng may Bell’s palsy gaya ng mga virus na nagdudulot ng genital herpes, bulutong, tigdas, beke, trangkaso, hand-foot-and-mouth-disease, at iba pa. Kung minsan naman, ang kondisyong ito ay namamana.

Ayon sa mga doktor, ang Bell’s palsy ay maaaring gumaling kahit hindi nilalapatan ng lunas. Subalit, kaakibat nito ay ang posibleng pagkakaroon ng permanenteng pagbabago sa hugis at itsura ng mukha. Upang maiwasan ang anumang problemang dulot ng kondisyon na ito, ang mga doktor ay karaniwang nagrereseta ng mga gamot o kaya naman ay nagpapayo na sumailalim ang pasyente sa physical therapy.

Kasaysayan

Ang Bell’s palsy ay ipinangalan sa nakatuklas nito: si Sir Charles Bell. Noong taong 1821, inilahad ni Bell ang istruktura ng facial nerve at ang pagkakaugnay nito sa pagkaparalisa ng isang bahagi ng mukha. Subalit, ayon sa ibang mananaliksik, hindi si Bell ang kauna-unahang nakapaglahad tungkol sa sakit na ito. Ayon sa mga tala, mas naunang maglahad ang mga doktor na gaya nila Sydenham, Stalpart van der Wiel, Douglas, Friedreich, at Thomassen a Thuessink. Maging si Hippocrates ay nakapagbigay din ng paglalahad tungkol sa facial palsy.

Ayon kay Hippocrates, isang Griyegong manggagamot, ang facial palsy ay isang kondisyon kung saan nagbabago ang porma ng mukha ng isang tao at nagdudulot din ng pagkaparalisa. Bagama’t wala pang opisyal na tawag noon sa Bell’s palsy, malinaw na ito ang kondisyong tinutukoy ni Hippocrates.

Subalit, kung susuruin pa ang ibang tala, ang kauna-unahang doktor na nagbigay ng komprehensibong paglalahad tungkol sa kondisyon na ito ay si Razi, isang doktor mula sa Persiya. Noong ika-9 na siglo, inilahad ni Razi ang tungkol sa facial distortion sa kanyang inilathalang libro na pinamagatang “al-Hawi.” Sa ika-6 na yugto ng librong ito, mababasa ang tungkol sa “Facial distortion, spasm and paralysis.”

Ayon sa inilathalang libro ni Razi, ang facial distortion ay maaaring dulot ng spasm (paninigas o pamumulikat ng kalamnan ng mukha) o paralysis (pamamanhid o pagkaparalisa). Ayon kay Razi, magkaiba ang dalawang ito at hindi dapat ituring na iisang bagay. Dahil sa kanyang malinaw na paglalahad tungkol sa kondisyong ito, ang kanyang libro ay isinalin sa Latin noong taong 1279 at inilathala ito sa Europa noong taong 1468.

Mga Sanhi

Hindi pa lubusang maintindihan kung bakit nagkakaroon ng Bell’s palsy ang isang tao. Subalit, pinaniniwalaan ng mga doktor na ang mga sumusunod ay may kinalaman sa pagkakaroon ng kondisyon na ito:

  • Viral infection. Kung ang isang tao ay nagkaroon ng viral infection, maaaring ma-trigger nito ang pagkakaroon ng Bell’s palsy. Ang virus ay maaaring magdulot ng pamamaga sa facial nerve at magresulta sa pagkapinsala nito. Dahil dito, makararanas ng panghihina o pagkaparalisa ng mga kalamnan ng isang bahagi ng mukha ang pasyente. Ilan lamang sa mga virus na maaaring makapagdulot ng Bell’s palsy ay ang mga virus na nagdudulot ng bulutong, shingles, cold sores, genital herpes, mononucleosis, cytomegalovirus infection, beke, trangkaso, hand-foot-and-mouth disease, at marami pang iba.
  • Namamana sa pamilya. Maaari ring magkaroon ng Bell’s palsy kung ang ilang malalapit na miyembro ng pamilya ay nagkaroon nito. Ayon sa datos, nasa 4-14% ang mga naitalang namamanang kaso ng Bell’s palsy.

Sintomas

Image Source : www.freepik.com

Masasabing may Bell’s palsy ang isang tao kapag siya ay nakararanas ng karamihan sa mga sumusunod na sintomas:

  • Panghihina o pagkaparalisa ng mga kalamnan ng isang bahagi ng mukha
  • Pagkakaroon ng nakangiwing itsura
  • Imboluntaryong pagkibit ng mga kalamnan ng mukha
  • Hindi maipikit ang mata ng apektadong bahagi
  • Panunuyo ng mata
  • Hindi mapigilang pagtulo ng laway
  • Hindi makangiti o makasimangot
  • Hirap sa pag-inom, pagnguya, at paglunok
  • Pag-iba ng panlasa
  • Pananakit ng tenga
  • Pagiging sensitibo sa tunog
  • Pananakit ng ulo

Ang Bell’s palsy ay madalas mapagkamalan na stroke dahil sa pagngiwi at pagkaparalisa ng isang bahagi ng mukha. Subalit kung ito ay stroke, hindi lamang mukha ang dapat na naaapektuhan nito, kung hindi pati na rin ang buong kalahating bahagi ng katawan.

Mga Salik sa Panganib

Ang Bell’s palsy ay walang pinipiling kasarian. Babae man o lalaki ay maaaring magkaroon nito. Subalit, ayon sa pananaliksik, ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng Bell’s palsy ng isang tao:

  • Edad. Ayon sa datos, ang madalas na maapektuhan ng Bell’s palsy ay ang mga taong nasa pagitan ng mga edad 15 at 60-anyos.
  • Pagkakaroon ng diabetes. Ang mga taong diabetic ay mataas din ang posibilidad na magkaroon ng Bell’s palsy. Ito ay dahil ang diabetes ay kadalasang nagdudulot ng komplikasyon sa nervous system at maaari nitong maapektuhan ang mga nerve ng katawan, gaya ng facial nerve.
  • Pagkakaroon ng upper respiratory infection. Ang ilang mga uri ng upper respiratory infection ay dulot ng Halimbawa nito ay ang virus na nagdudulot ng trangkaso. Kung ang virus ay mananatili nang matagal sa katawan, maaaring ma-trigger nito ang pagkakaroon ng Bell’s palsy.
  • Pagbubuntis. Mas madalas ding maapektuhan ng Bell’s palsy ang mga buntis, lalo na kung sila ay nasa ika-3 trimester ng pagbubuntis. Dahil sa pagbabagong hormonal ng katawan, humihina ang resistensya ng isang buntis at ito ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng sakit.
  • Bagong kapapanganak. Gaya ng mga buntis, maaari ring maapektuhan ng Bell’s palsy ang mga bagong panganak. Ito ay dahil nagpapagaling pa lamang ang kanilang katawan mula sa stress na dulot ng panganganak.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Bagama’t hindi lubusang maiiwasan ang pagkakaroon ng Bell’s palsy, maaari namang paliitin ang posibilidad na magkaroon nito sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Magsagawa ng mga ehersisyo para sa mukha. Gaya ng mga ibang bahagi ng katawan, kailangan din ng mukha ng ehersisyo. Ilan lamang sa mga maiinam na ehersisyo para sa mukha ay ang pagtaas-baba ng mga kilay, pagkibit ng ilong, pagngiti at pagsimangot, at marami pang iba. Ang pag-eehersisyo ng mukha ay nakatutulong upang ma-relax ang mga kalamnan nito at maging mas maayos ang pagdaloy ng dugo.
  • Pagmamasahe ng mukha. Upang hindi manigas o manghina ang mga kalamnan ng mukha, ugaliing masahihin ito. Nakatutulong ito upang mabatak ang mga kalamnan ng mukha at mapanatili ang porma nito.
  • Patibayin ang resistensya ng katawan. Upang hindi dapuan ng anumang virus sa katawan, dapat patibayin ang resistensya nito. Nakatutulong dito ang pagpili ng mga pagkaing mayaman sa bitamina B at C, at Ang mga bitamina at mineral na ito ay kalimitang matatagpuan sa mga prutas at gulay.
  • Iwasan ang pagkain ng matatamis. Dahil ang pagkakaron ng diabetes ay isa sa mga salik sa panganib ng Bell’s palsy, makabubuti na iwasan ang pagkain ng labis na matatamis. Alalahanain na kapag nagkaroon ng diabetes, ang mga nerve ng katawan gaya ng facial nerve ay posibleng mapinsala at magresulta sa Bell’s palsy.

Ang Bell’s palsy ay hindi naman gaanong delikadong kondisyon sapagkat kusa itong gumagaling. Kadalasang gumagaan na ang pakiramdam ng pasyente matapos ang ilang mga linggo. Subalit, ang lubusang paggaling mula sa sakit na ito ay maaaring tumagal ng hanggang 3 buwan. Kaya naman upang mapabilis ang paggaling sa kondisyon na ito, magpakonsulta agad sa doktor upang ang karamdaman ay malapatan ng karampatang lunas.

Sanggunian