Buod
Ang bingot (cleft lip) at ngongo (cleft palate) ay mga uri ng congenital deformity. Ibig sabihin nito, ang isang tao ay mayroon na ng ganitong kondisyon mula nang siya ay isinilang. Kapag ang isang tao ay may bingot, may siwang o hiwa ang itaas ng kanyang labi na maaaring umabot hanggang ilong. Sa ngongo naman, mayroong siwang ang kanyang gilagid.
Ang dalawang kondisyong ito ay kadalasang magkasama. Subalit, may ilang mga kaso rin na ang mga ito ay magkabukod. Maaaring may bingot at hindi ngongo ang isang tao, o kaya naman ay ngongo pero walang bingot.
Hindi pa lubusang malaman ng mga doktor kung bakit ang ilang mga sanggol ay ipinapanganak na bingot at ngongo. Subalit, pinaniniwalaan nila na ito ay maaaring sanhi ng pagkakamana, o kaya naman ay nagkulang ang ina sa pag-inom ng mga kinakailangang bitamina habang nagbubuntis. Maaaring ito rin ay dulot ng labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo.
Ang pagkakaroon ng bingot at ngongo ay nagdudulot ng problema sa pagsuso, pagkain, pagsasalita, at maging sa pandinig. Bukod dito, nakababawas ito ng tiwala sa sarili ng isang tao. Ang tanging paraan lamang upang malunasan ang kondisyong ito ay ang pagsasailalim ng pasyente sa isang operasyon upang maretoke ang mga apektadong bahagi.
Kasaysayan
Ayon sa datos, 1 o 2 sa bawat 1,000 sanggol na isinisilang ay maaaring apektado ng pagkabingot at pagkangongo. Dagdag dito, ang mga lahi na may pinakamataas na naitalang kaso nito ay mga Native American at Asyano, samantalang ang mga Aprikano naman ang may pinakamababang kaso ng kondisyong ito.
Noong hindi pa natutuklasan kung paano lunasan ang pagkabingot at pagkangongo, maraming mga sanggol ang namamatay sapagkat nakaaapekto ang mga ito sa kanilang pagsuso nang maayos. Subalit noong 390 BC pa lamang, naisagawa na ng mga Tsino ang kauna-unahang matagumpay na operasyon para sa bingot. Subalit, ang unang matagumpay na operasyon para sa ngongo ay naisagawa lamang noong taong 1816.
Mga Uri
Ang bingot at ngongo ay mayroong iba’t ibang mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Mga Uri ng Bingot
- Forme fruste unilateral cleft lip. Sa uring ito, ang pasyente ay may kaunting siwang lamang sa isang itaas na bahagi ng kanyang labi.
- Incomplete unilateral cleft lip. Sa uring ito, ang pasyente ay may siwang sa isang itaas na bahagi ng kanyang labi, subalit hindi naman ito umaabot sa ilong.
- Complete unilateral cleft lip. Bukod sa pagkakaroon ng siwang sa isang itaas na bahagi ng labi, ang pasyente ay mayroon ding siwang hanggang sa kanyang ilong.
- Incomplete bilateral cleft lip. Sa uring ito, ang magkabilang gilid ng itaas na bahagi ng labi ay mayroong siwang, subalit hindi naman umaabot ang mga ito sa ilong.
- Complete bilateral cleft lip. Sa uring ito, ang mga siwang sa magkabilang gilid ng itaas na bahagi ng labi ay umaabot hanggang ilong.
Mga Uri ng Ngongo
- Incomplete cleft palate. Sa uring ito, may siwang ang likod ng bibig sa may bandang soft palate.
- Complete cleft palate. Sa uring ito, parehas na may siwang ang hard at soft palate ng bibig.
- Submucous cleft palate. Sa uring ito, ang alinman sa hard o soft palate ay may siwang.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Hindi pa lubusang malaman ng mga doktor kung bakit isinisilang na apektado ng pagkabingot o pagkangongo ang isang tao. Subalit, maaaring sanhi ito ng mga sumusunod:
- Pagkamana ng kondisyon sa pamilya
- Pagkukulang ng ina sa pag-inom ng mga kinakailangang bitamina habang buntis
- Hindi pag-inom ng folic acid
- Labis na pag-iinom o paninigarilyo ng ina habang buntis
- Labis na pagtaas ng timbang habang nagbubuntis
- Pag-inom ng mga seizure medication at steroid tablet habang buntis
Kung hindi naging malusog ang pagbubuntis ng isang ina, maaaring makaapekto ito sa unang 12 linggo ng development ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa halip na magdikit ang mga buto at tisyu sa bibig, maaaring hindi sila tuluyang magsara at magresulta sa pagkabingot at pagkangongo.
Mga Sintomas
Madali lamang matukoy kung ang sanggol ay may bingot. Subalit, kung siya ay ngongo lamang, kailangang suriin ang loob ng kanyang bibig. Narito ang mga sintomas ng mga kondisyong ito:
- Pagkakaroon ng siwang o hiwa sa labi at ilong (bingot)
- Pagkakaroon ng siwang o hiwa sa gilagid o loob ng bibig (ngongo)
Bukod sa mga kitang-kita na sintomas, maaari ring mapansin sa mga sanggol ang mga sumusunod:
- Hirap makasuso sa ina
- Pagkaipon ng likido sa tenga
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.theglobeandmail.com
Gaya ng nabanggit noong una, 1 o 2 sa bawat 1,000 sanggol na isinisilang ay maaaring maapektuhan ng pagkabingot at pagkangongo. Dagdag dito, mas nagiging mataas ang posibilidad na magkaroon nito dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagkakaroon ng kasaysayan ng bingot o ngongo sa pamilya o mga kamag-anak
- Pag-inom ng alak o paninigarilyo ng ina habang nagbubuntis
- Pagkulang ng ina sa folic acid habang nagbubuntis
- Pagiging mataba habang nagbubuntis
- Pag-inom ng inang nagbubuntis ng mga gamot para sa epilepsy
- Pagiging diabetic ng inang nagbubuntis
- Pagkakaroon ng tigdas habang nagbubuntis
Mga Komplikasyon
Kung hindi malulunasan ang pagkabingot o pagkangongo ng sanggol, maaari itong magdulot ng mga sumusunod na komplikasyon o mga problema:
- Pagkakaroon ng mababang timbang dulot ng hirap sa pagsuso
- Pagkakaroon ng impeksyon sa tenga
- Pagkawala ng pandinig
- Hindi wastong pagtubo ng mga ngipin
- Hindi maayos na pagsasalita
- Pagkakaroon ng social, emotional, at behavioral problem sa paglaki
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Hindi maaaring ma-iwasan ang pagkabingot o pagkangongo kung ito ay namamana sa pamilya. Ganunpaman, makatutulong ang mga sumusunod upang maging maayos ang paglaki ng sanggol sa sinapupunan at hindi magkaroon ng mga kondisyong ito:
- Uminom ng folic acid habang nagbubuntis upang maging maayos ang pagbuo ng mga buto at kalamnan ng sanggol.
- Itigil muna ang pag-inom ng alak at paninigarilyo habang nagbubuntis.
- Panatilihin ang wastong timbang habang nagbubuntis. Iwasan ang labis-labis na pagkain.
- Tanungin muna ang doktor bago uminom ng kung anu-anong gamot.
- Regular na kumonsulta sa Ob-Gyne upang masiguradong malusog at normal ang pagbubuntis.
Sanggunian:
- https://en.wikipedia.org/wiki/Cleft_lip_and_cleft_palate#Epidemiology
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/3095876
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cleft-palate/symptoms-causes/syc-20370985
- https://www.chla.org/cleft-lip-and-palate
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/164660
- https://www.marchofdimes.org/complications/cleft-lip-and-cleft-palate.aspx#