Buod

Ang bipolar disorder ay isang uri ng karamdamang pangkaisipan o mental na kondisyon. Kilala rin ito sa tawag na bipolar disease at manic depression. Kapag mayroon ang isang tao nito, siya ay nakararanas ng high mood (mania o hypomania) at low mood (depression). Sa madaling salita, ang pasyenteng may bipolar disorder ay nakararanas ng matitinding mood swing, gaya ng labis na pagkasaya na biglang mapapalitan ng sobrang pagkalungkot, pagkagalit, at iba pa. Dahil sa mga paiba-ibang mood swing na ito, ang pasyente ay may mga pagkakataong hindi nakapag-iisip nang mabuti.

Hindi naman palaging “high” o “low” ang mood ng mga taong may ganitong kondisyon. Episodic lamang ito. Ibig sabihin, may mga episode o pagkakataon lamang na bigla silang aatakihin ng matitinding mood swing. Upang mas maintindihan, ilan lamang sa mga kilalang personalidad na may ganitong kondisyon ay ang aktor na si Baron Geisler na kung minsan ay nasasangkot sa mga gulo dahil sa pananakit niya sa ibang mga tao. Nariyan din ang nag-trending na nars na si Julie Ann Hamor dahil sa kanyang pagbangga at panunuhod sa isang matandang naglalakad lamang sa daan.

Bagama’t hindi magaganda ang ilang mga bagay na nagagawa ng mga taong bipolar, kailangang intindihin na hindi nila kontrolado ang kanilang mga mood swing. Ayon sa mga doktor, hindi pa lubusang nalalaman kung bakit nagkakaroon ng bipolar disorder ang isang tao. Subalit, ayon sa kanila, maaaring may kinalaman ang pisikal na istruktura ng utak sa kondisyong ito. Bukod dito, maaari rin itong mamana o kaya naman ay dulot ito ng labis na stress o trauma.

Walang gamot sa bipolar disorder sapagkat ito ay isang panghabambuhay na kondisyon. Subalit, maaari namang mabawasan ang dalas ng pagkakaroon ng manic o depressive episode sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot at pagsasailalim sa psychotherapy.

Kasaysayan

Isa sa mga kauna-unahang naglahad ng kondisyon na bipolar disorder ay ang mga sinaunang Tsino. Ayon sa kanila, isa itong uri ng mental illness. Noong taong 1583, nabanggit ni Gao Lian ang kondisyong ito sa kanyang akda na Eight Treatises on the Nurturing of Life o Ts’un-sheng pa-chien.

Noong taong 1854 naman, inilahad ni Jules Baillarger ang bipolar disorder bilang dual-form insanity kung saan ang pasyente ay papalit-palit ng kanyang mga mood at nakararanas ng mania at depression. Sa parehas na taon, inilahad naman ito ni Jean-Pierre Falret bilang circular insanity.

Noong kapanahunan naman ni Emil Kraepelin (1856-1926), binansagan niya ang bipolar disorder na manic depressive psychosis.

Mga Uri

Ang bipolar disorder ay mayroong iba’t ibang mga uri. Nahahati ang mga uri nito batay sa tindi at dalas ng mga sintomas na nararanasan ng pasyente. Kabilang sa mga uri nito ay ang mga sumusunod:

  • Bipolar I. Masasabing nabibilang sa uri na bipolar I ang pasyente kung siya ay nakaranas lamang ng isang manic episode o kaya naman ay isang depressive episode. Sa uring ito, parehas na naaapektuhan ang mga lalaki at babae.
  • Bipolar II. Kung ang pasyente naman ay nakaranas na ng higit sa isang manic o depressive episode, masasabing mayroon siyang bipolar II. Mas madalas nitong maapektuhan ang mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan.
  • Cyclothemia. Sa kondisyong ito, nakararanas ang pasyente ng manic at depressive episode, subalit hindi naman kasing-lubha ng mga naunang nabanggit na uri.

Mga Sanhi

Image Source: www.freepik.com

Bagama’t hindi pa lubusang nalalaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng bipolar disorder ang isang tao, pinaniniwalaan nilang may kinalaman ang mga sumusunod:

  • Pagkakaiba ng pisikal na istruktura ng utak. Ang bawat tao ay mayroong iba’t ibang pisikal na istruktura at kondisyon ng utak. Kung hindi napapangalagaan ang kalusugan ng utak, maaaring magkaroon ng mga brain-chemical imbalance at hormonal problem na maaaring magdulot ng bipolar disorder.
  • Pagkamana. Kung ang mga magulang o malalapit na kamag-anak ay mayroong bipolar disorder, maaaring mamana ito ng mga anak. Ganunpaman, hindi ibig sabihin nito ay magkakaroon ka na agad nito kung mayroong bipolar disorder ang ilan sa pamilya o angkan niyo.
  • Pagkakalantad sa labis na stress o trauma. Kung minsan naman, nagkakaroon ang isang tao ng bipolar disorder kung siya ay may matinding pinagdaraanan, gaya ng stress o trauma. Halimbawa na lamang nito ay ang pagkamatay ng mahal sa buhay o pagkaka-aksidente.

Mga Sintomas

Batay sa tindi ng kondisyon, maaaring magpakita ng mga sumusunod na sintomas ang taong may bipolar disorder. Upang mas maintindihan ito, hinati ang mga sintomas batay sa manic episode at depressive episode:

Mga sintomas ng manic episode

  • Labis na pagkasaya
  • Pagkakaroon ng labis na tiwala sa sarili o pakiramdam na magagawa ang lahat ng gustong gawin
  • Pagkakaroon ng paniniwalang walang mali sa kanyang ginagawa
  • Pagdanas ng hirap sa pag-isip nang maayos
  • Pagkakaroon ng mga hallucination
  • Pakikipag-usap nang mabilis at paiba-iba ang ikinukuwento
  • Pagkukulang sa tulog nang hindi napapagod
  • Pagiging nerbyoso
  • Palagiang pagkawala ng konsentrasyon o madalas na pagkainip
  • Pagkakaroon ng hirap sa pagtrabaho nang maayos
  • Paggawa ng mga mapanganib na gawain, gaya ng pagnanakaw, labis na paggamit ng droga at pag-inom ng alak, at agresibong pakikipagtalik

Mga sintomas ng depressive episode

  • Pagdamdam ng labis na kalungkutan
  • Pag-iyak nang pag-iyak
  • Pagkakaroon ng pakiramdam na laging wala na’ng pag-asa
  • Pagkakaroon ng insomnia o problema sa pagtulog
  • Laging pag-aalala kahit sa mga maliliit na bagay
  • Parang may nararamdamang kung anu-anong sakit
  • Pagkakaroon ng pakiramdam na parang laging may mali sa ginagawa
  • Kawalan ng gana sa pagkain o pagiging matakaw
  • Pagbaba o pagbigat ng timbang
  • Labis na pagkapagod
  • Pagkawala ng interes sa mga bagay-bagay
  • Pagkukulang sa konsentrasyon at pagkakaroon ng hirap sa pag-alala
  • Madalas na pagiging iritable kahit sa mga simpleng bagay
  • Mabagal na pagsalita
  • Pagkakaroon ng mga pag-iisip tungkol sa pagpapatiwakal

Bagama’t tila pangkaraniwan lamang ang ilan sa mga nabanggit na sintomas, kapag nagkaroon na ng manic o depressive episode ang isang taong may bipolar episode, hindi na niya malaman kung alin ba ang pantasya o realidad.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Bata man o matanda ay maaaring magkaroon ng bipolar disorder. Subalit, mas malaki ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagkakaroon ng mga kamag-anak na may bipolar disorder
  • Pagkaranas ng matinding stress o trauma
  • Paggamit ng ipinagbabawal na gamot
  • Labis na pag-inom ng alak

Mga Komplikasyon

Kung hindi agad mabibigyan ng lunas ang bipolar disorder ng isang tao, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:

  • Pagkakaroon ng eating disorder
  • Labis na pagsakit ng ulo o migraine
  • Pagkakaroon ng sakit sa puso
  • Pagkakaroon ng diabetes
  • Pagiging obese o labis na pagtaba

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Walang tiyak na paraan upang maka-iwas sa pagkakaroon ng bipolar disorder sapagkat ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ay maaaring namamana. Subalit, maaari namang ma-iwasan ang dalas ng pagkakaroon ng manic o depressive episode sa pamamagitan ng mga sumsuunod:

  • Maging mapanuri sa mga warning sign o hudyat. Kung napapansin na parang nag-iiba na ang iyong mood o paraan ng pagkilos o pakikipag-usap, agad na kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng wastong lunas.
  • Iwasan ang pag-inom ng alak at paggamit ng droga. Ang alak ay maaaring mag-trigger ng depressive episode sa isang taong Ito kasi ay mayroong sedating effect na maaaring magdulot ng pagkalungkot o depresyon. Ang droga naman ay maaaring mag-trigger ng manic episode ng pasyente at magdulot ng mga hallucination.
  • Patuloy na uminom ng mga maintenance medication. Kadalasan, ang mga taong may bipolar disorder ay mayroon ng mga maintenance medication. Nakatutulong ang mga gamot na ito upang hindi magkaroon ng manic o depressive episode.

Sanggunian: