Buod
Ang bulok na ngipin ay kilala sa mga tawag na tooth decay, tooth cavity, at dental caries sa wikang Ingles. Sa kondisyong ito, nagkakabutas at nagiging kulay dilaw o itim ang bulok na ngipin. Ito ay sanhi ng pagkakaroon ng labis na bacteria sa bibig. Kapag ang mga bacteria ay naglabas ng maraming asido, ang ngiping apektado ay maaaring mabutas at mabulok.
Kung nagsisimula pa lamang ang pagkabulok ng ngipin, maaaring walang maramdamang mga sintomas ang isang tao. Subalit, sa paglubha nito, ang pasyente ay makararanas ng pananakit ng ngipin, pamamaga ng gilagid, hirap sa pagnguya o pagkain, pagiging sensitibo ng ngipin sa temperatura, pagbaho ng hininga, pagsama ng panlasa, at iba pa.
Marami namang mga paraan kung paano malulunasan ang kondisyong ito. Batay sa tindi ng pagkabulok ng ngipin, ang dentista ay maaaring magsagawa sa pasyente ng fluoride treatment, filling, crown, root canal, o tooth extraction.
Kasaysayan
Ayon sa mga mananaliksik, ang bulok na ngipin o tooth decay ay isang ancient disease. Noong ilang milyong taon na ang nakararaan, maraming mga ebidensya ang nagpapatunay na nagkaroon na ng bulok na ngipin ang mga sinaunang taong katulad ng mga Paranthropus. Tinatayang dahil na rin ito sa mga uri ng pagkain na kanilang kinokonsumo.
Nang pinag-aralan ng mga mananaliksik ang mga bungo at ngipin ng mga sinaunang tao noong Neolithic, Paleolithic, at Mesolithic period, napansin nila na may mga butas ang mga ngipin nito. Pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na ito ay dulot ng pagtaas ng pagkonsumo ng mga halaman na mayaman sa mga carbohydrate. Napansin din ng mga mananaliksik na may mga bulok na ngipin ang karamihan sa mga kababaihang populasyon nang magsimula ang pagtatanim ng palay sa Timog Asya.
Batay naman sa isang Sumerian text noong 5000 BC, pinaniniwalaan na ang sanhi ng bulok na ngipin ay mga uod. Ang paniniwalang ito ay sinangayunan din ng mga sinaunang tao sa India, Ehipto, Japan, at Tsina. Ganunpaman, may mga ilang ngipin na sinadyang butasin alang-alang sa sining. Noong bandang 5500 BC hanggang 7000 BC, may ilang mga ebidensya na nagpapakita na binutas ang mga ngipin ng ilang mga tao sa Pakistan gamit ang mga sinaunang maliliit na barena para sa ngipin.
Mga Uri
Ang bulok na ngipin ay may tatlong pangunahing uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Root decay. Ang root decay ay ang pagkakaroon ng butas o pagkabulok sa pinaka-ugat ng ngipin. Ang kadalasang naaapektuhan ng kondisyong ito ay mga matatanda na mayroong mga problema sa kanilang gilagid. Kapag umurong ang kanilang gilagid, mas nalalantad ang mga ugat ng ngipin, kaya naman nagiging mas mataas ang posibilidad na maapektuhan ang mga ito ng bacteria at asido.
- Pit and fissure decay. Sa pit and fissure decay naman, ang mga ngipin na nasa bandang bagang ang naaapektuhan. Ang karaniwang bahagi ng ngipin na nabubutas o nabubulok ay ang ibabaw lamang nito o yung baku-bakong bahagi na ginagamit pang-nguya. Bagama’t mas madaling linisin ang ibabaw ng ngipin, maaari pa rin itong mabulok kung hindi palagiang nagsisipilyo.
- Smooth and surface decay. Sa smooth and surface decay, ang naaapektuhan ay ang makinis at patag na bahagi ng ngipin. Ito ang pinakamadalang na uri at pinakamadali ring malunasan. Ganunpaman, maaari itong lumala kung hindi napangangalagaan nang maayos ang mga ngipin.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng bulok na ngipin o tooth decay ay ang pamumuo ng labis na bacteria sa bibig. Bagama’t natural na may mga bacteria ang bibig, maaaring magresulta ito sa pagkabulok ng ngipin kung mayroong namuong mga plaque.
Ang plaque ay karaniwang malagkit at kulay dilaw na nakadikit sa ngipin. Binubuo ito ng pinagsamang mga bacteria, laway, asido, at maliliit na piraso ng pagkain. Maaaring magkaroon ng mga plaque ang ngipin ng dahil sa mga sumusunod:
- Labis na pagkain ng matatamis at maaasim. Kapag hindi agad natanggal ang matamis o maasim na pagkain sa ngipin, maaakit ang mga bacteria dito at magsisimula silang gawing asido ang mga asukal na matatagpuan sa mga pagkaing ito. Dahil sa asido, maaaring mabutas at mabulok ang mga ngipin.
- Hindi regular na pagsisipilyo. Karaniwang nagkakaroon ng mga plaque ang ngipin dahil sa hindi maayos na pangangalaga ng ngipin. Kung hindi regular na nagsisipilyo, maiipon lamang ang mga maliliit na piraso ng pagkain sa mga ngipin at maaari itong pagmulan ng mabilis na pagdami ng mga bacteria.
- Kakulangan sa fluoride. Ang fluoride ay isang uri ng mineral na tumutulong sa pagpuksa ng mga bacteria na nagdudulot ng pagkabulok ng ngipin. Maraming mga uri ng toothpaste ang naglalaman ng fluoride upana mapanatiling masigla at matibay ang mga ngipin. Subalit, kung may kakulangan nito, nagiging marupok ang mga ngipin at mas madaling mabutas ng mga bacteria at asido.
- Panunuyo ng loob ng bibig. Kung ang loob ng bibig ay may panunuyo, mas mabilis dumami ang mga Dahil dito, mas madali nilang masisira ang mga ngipin.
- Pagkakaroon ng eating disorder. Ang mga eating disorder na gaya ng anorexia at bulimia ay maaari ring magdulot ng pagkabulok ng ngipin. Sa anorexia, ang isang tao ay palagiang sinusuka ang kanyang mga kinain. Sa kanyang pagsuka, nasasama ang mga asido sa tiyan, kaya naman mas mabilis masira ang mga ngipin. Sa bulimia naman, ang isang tao ay maya’t maya ang pagkain. Dahil dito, nagkakaroon ng mas maraming asukal ang bibig.
- Pagkakaroon ng acid reflux disease. Sa acid reflux disease, ang asido sa tiyan ay nagba-backflow o bumabalik papunta sa lalamunan at bibig, kaya naman ang pasyente ay nagkakaranas ng pangangasim. Dahil sa asidong ito, ang ibabaw ng mga ngipin ay unti-unting numinipis at nabubutas.
Mga Sintomas
Kung mayroong bulok na ngipin ang isang tao, maaari siyang walang maramdamang mga sintomas lalo na kung nagsisimula pa lamang ang pagkasira ng ngipin nito. Subalit, kapag tumagal ang kondisyon at walang lunas na nailapat dito, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Paninilaw o pangingitim ng ngipin
- Pagkakaroon ng butas ng ngipin
- Pananakit ng ngipin
- Pamamaga ng gilagid
- Paghirap sa pagnguya o pagkain
- Pagiging sensitibo ng ngipin sa init o lamig
- Pagbaho ng hininga
- Pagkakaroon ng masamang panlasa
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang kahit na sinuman ay maaaring magkaroon ng bulok na ngipin. Subalit, mas tumataas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata o matanda
- Hindi regular o hindi wastong pagsisipilyo sa mga ngipin
- Madalas na pagkain ng mga matatamis at malalagkit na pagkain
- Palagiang pagmemeryenda o pag-inom ng mga matatamis na inumin
- Pagpapadede sa mga bata bago matulog
- Pagkakaroon ng tuyong bibig
- Pag-urong ng mga gilagid
- Pagkakaroon ng heartburn
- Pagkakaroon ng mga eating disorder, gaya ng anorexia at bulimia
Mga Komplikasyon
Bagama’t ang pagkakaroon ng bulok na ngipin ay tila isang napakasimpleng kondisyon, maaari pa rin itong magdulot ng mga komplikasyong gaya ng mga sumusunod:
- Pagkasira ng ngipin hanggang sa lumuwag at mabunot ito
- Pagkakaroon ng gingivitis o pamamaga at pagdurugo ng gilagid
- Pagkakaroon ng mas malubhang problema sa gilagid, gaya ng periodontitis
- Pagkakaroon ng dental abscess o pagnanana ng bulok na ngipin
- Pagkakaroon ng dental sepsis o impeksyon sa iba’t ibang bahagi ng bibig
Pag-Iwas
Madali lamang ma-iwasan ang pagkakaroon ng bulok na ngipin. Upang hindi maapektuhan ng kondisyong ito, ugaliing gawin ang mga sumusunod:
- Masipilyo ng 2-3 beses sa isang araw lalo na pagkatapos kumain at bago matulog.
- Gumamit ng dental floss upang matanggal ang mga tinga sa mga singit-singit ng ngipin.
- Iwasan ang pagkain ng masyadong matatamis, malalagkit, at maaasim na pagkain.
- Kumain ng mga prutas at gulay na nakatutulong sa paglinis ng ngipin, gaya ng hilaw na mangga at pipino.
- Regular na magpakonsulta sa dentista taon-taon upang masuri at malinis nang maayos ang mga ngipin.
Sanggunian:
- https://www.healthline.com/health/dental-oral-health-cavities
- https://www.nhs.uk/conditions/tooth-decay/
- https://en.wikipedia.org/wiki/Tooth_decay#History
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cavities/symptoms-causes/syc-20352892
- https://oralb.com/en-us/oral-health/conditions/cavities-tooth-decay/cavities-treatment-ways-to-treat-cavities
- https://www.news-medical.net/health/Complications-of-Tooth-Decay.aspx