Buod
Ang isa sa mga pinakanakahahawang sakit na dulot ng virus ay ang bulutong, o chickenpox. May iba’t ibang teoriya kung bakit tinawag na “chickenpox” ang sakit na ito sa wikang Ingles. Ang isa rito ay sapagkat ang mga butlig na nililikha nito sa balat ay may hawig sa chickpeas (garbanzo beans). Ang isa pang teoriya ng pinagmulan ng pangalan ay batay sa itsura ng mga butlig na mistulang dulot ng tuka ng manok.
Ang sakit na ito ay bunga ng impeksyong mula sa varicella zoster virus. Kaya, ang isa pa sa mga katawagan sa sakit na ito ay varicella. Maaaring kumalat ang virus na ito sa pamamagitan ng hanging mayroon nito o kaya ay ng laway na nagtataglay nito. Maaari ring mahawa ang sinoman sa taong may sakit na bulutong kapag nagdikit ang kanilang balat.
Ang mga karaniwang sintomas ng sakit na ito ay ang pagkakaroon ng maliliit na pulang butlig sa balat na lubhang napakakati, pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng mga kasu-kasuan, at ang panghihina ng katawan.
Sa ngayon ay wala pang tiyak na lunas para sa bulutong. Bukod sa maagang pagbabakuna, nilulunasan lamang ang mga sintomas nito, lalo na ang pangangati ng balat at ang lagnat.
Kasaysayan
Image Source: www.syfy.com
Umiiral at kilala na noon pang sinaunang panahon ang bulutong. Subalit, noon lamang ika-16 na siglo unang inilarawan ang sakit na ito sa pamamagitan ni Giovanni Filippo. Noon namang ika-19 siglo ay saka lamang ibinukod ng mga manggagamot ang sakit na ito sa iba pang mga kauri nito. Palibhasa, ang bulutong ay may mga sakit na nakakahawig ng sintomas.
Noon namang taong 1954 ay matagumpay na na-isolate ni Thomas Weller ang varicella virus. Samantala, noon namang taong 1972 ay nagkaroon na ng bakuna, o vaccine, para sa varicella. At mula rin sa panahong ito ay nag-umpisa nang bumaba ang bilang ng mga kaso nito sa buong mundo.
Mga Uri
Sa ngayon ay wala pang napag-alamang ibang uri ng bulutong. Ang taong may impeksyong dulot ng varicella zoster virus ay magkakaperaho ng mga ipinapakitang sintomas. Bata man o matanda, iisa ang palatandaan ng mga taong taglay ang sakit na ito: ang pagkakaroon ng mga butlig na sinasabayan ng lagnat. Pero ang bulutong ay may iba’t ibang phase, at ang mga ito ay ang mga sumusunod:
Primary viremia o prodromal phase
Mula apat hanggang anim na araw mula sa unang pagka-expose sa varicella zoster virus, unti-unti nang makikita ang mga sintomas ng bulutong. Makararanas siya ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pananakit ng mga kalamnan, pananakit ng kasu-kasuan, at panghihina. Maaari ring sipunin o magka-ubo ang taong may bulutong. Ang mga sintomas na ito ay katulad ng mga sintomas ng flu, o ng sakit na dulot ng influenza virus.
Sa phase na ito ay nag-uumpisa nang lumipat ang virus mula sa baga papunta sa mga kulani (lymph nodes). Pagkatapos ay kakalat na sa dugo ang virus at mararanasan na ang mga paunang sintomas ng bulutong. Sa punto ring ito ay maaari nang makahawa ang mayroong bulutong.
Secondary viremia o blister stage
Pagkaraan ng may 10 araw, ang virus ay mag-uumpisa nang kumalat sa ibabaw na bahagi ng balat at maging ang mga maliliit na mga daluyan ng dugo sa bahaging ito.
Dahil dito ay mabilis na mamumuo ang mga likido sa ilalim ng balat at magdudulot ng blisters na kulay pula o kaya ay pink. Lubhang napakakati at nagdudulot ng pagkabalisa ang mga butlig na ito. Sa puntong ito ay makararanas na ng lagnat ang may bulutong. Maaari din siyang magkaroon ng mga singaw sa bibig.
Mga Sanhi
Lubhang nakahahawa ng sakit na bulutong dahil sa varicella zoster virus na sanhi nito. Sa katunayan, ang mahigit sa 90% ng mga hindi pa immune, o nagkakaroon ng sakit na ito, ay magkakaroon nito kapag na-expose sa taong mayroon nito.
Ang sakit na ito ay lumilipat at kumakalat sa ibang tao sa pamamagitan lamang ng pagdampi sa balat ng mayroon ng sakit na ito. Kumakalat din ang virus mula sa taong may bulutong sa pamamagitan ng pagbahing at pag-ubo.
Kapag ang virus ng bulutong ay nakapasok na sa katawan ng tao, ito ay nag-i-incubate sa loob ng 12 hanggang 14 na mga araw. Subalit, ang mga sintomas ay maaaring magpakita na mula pa lamang sa ika-10 araw hanggang sa ika-21 araw mula nang mahawa sa sakit na ito.
Sintomas
Image Source: owlcation.com
Ang sintomas ng bulutong ay katulad din ng maraming ibang mga sakit, lalo na ng flu. Subalit, ang isa sa pinakamadaling makita na sintomas ng taong may bulutong ay ang pagkakaroon ng makakating butlig na kulay pula, o minsan ay pink, na may mala-nanang likido. Ang mga butlig na ito ay karaniwang lumalabas sa mga balat mula sa ika-10 at ika-21 araw ng pagkakahawa. Kadalasan ay tumatagal ng 10 araw ang mga butlig.
Kasabay ng pagkakaroon ng mga butlig ay ang pagkakaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- Labis na pagkapagod (kahit walang ginagawa)
- Mataas na lagnat
- Pagkawala ng ganang kumain
- Pananakit ng mga kalamnan
- Pananakit ng mga kasu-kasuan
- Pananakit ng ulo
Ang mga sintomas na ito ay karaniwang mararanasan ng taong may bulutong sa loob ng unang 10 araw ng pagkakaroon nito. Maaaring mauna ang mga sintomas na ito bago pa man mag-umpisang lumabas ang mga butlig.
Ang bulutong ay maaaring iwasan. Subalit, may mga taong mas mataas ang panganib na dapuan ng sakit na ito.
Mga Salik sa Panganib
Mabilis makahawa ang varicella zoster virus na sanhi ng bulutong. At kahit na sino, bata man o matanda, ay maaaring dapuan nito. Subalit, mas mataas ang panganib ng pagkakaroon nito sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng bulutong o iyong mga hindi pa nababakunahan laban dito.
Ang iba pang salik sa panganib ng pagkakaroon nito ay ang mga sumusunod:
- Pagtira sa mga lugar kung saan ang mga nakatira ay hindi pa nababakunahan laban sa bulutong
- Pagtatrabaho sa lugar na kung saan ay may maraming mga batang hindi pa nababakunahan
- Paglalagi ng mahigit sa 15 minuto sa isang silid na may taong nagtataglay ng sakit na ito
Pag-Iwas
Image Source: newsnetwork.mayoclinic.org
Sa ngayon ay wala pang gamot para sa bulutong. Ang pinakamainam na gawin ay ang tumanggap ng bakuna laban dito. Ayon sa mga dalubhasa, ang bakuna laban sa bulutong ay nagbibigay ng kumpletong proteksyon laban sa varicella zoster virus. Sa katunayan, 98% ng mga taong nabigyan ng proteksyong ito ay hindi tinatablan ng bulutong. At kahit pa tablan pa rin ng sakit na ito, magiging bahagya lamang ang lala ng mga sintomas nito.
Kung sakaling hindi pa nagkakaroon ng sakit na ito o kaya ay hindi pa nakatatanggap ng proteksyon laban dito, kailangang magpakonsulta agad sa espesyalista. Maaari ring gawin ng sinoman ang mga sumusunod upang makaiwas sa bulutong:
- Iwasan makisalamuha sa mga taong may sakit na ito
- Huwag magtatagal ng 15 minuto sa silid kung saan ay may taong taglay ang sakit na ito
- Gumamit ng face mask kung sakaling hindi maiiwasang makisalamuha sa taong may bulutong
- Tiyaking laging nagdadala at gumamit ng rubbing alcohol o kaya ng hand sanitizer kahit saan magpunta
Sanggunian
- https://www.healthline.com/health/chickenpox-in-adults#recovery
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/239450.php
- https://www.verywellhealth.com/chicken-pox-pictures-4020407
- https://carrington.edu/blog/medical/vaccines/chickenpox-and-varicella-vaccine/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/chickenpox/symptoms-causes/syc-20351282