Buod

Ang isa sa mga pinaka-karaniwang uri ng kondisyon na umaapekto sa balat ng tao ay ang bungang araw. Ito ay tinatawag ding miliaria rubra, prickly heat, o kaya ay heat rash. Makikilala ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga maliliit na butlig na maaaring may likido sa loob. Ito ay karaniwang napakakati at minsan naman ay nagdudulot ng pakiramdam na tila tinutusok ng maliliit na mga karayom ang balat.

Ang bungang araw ay karaniwang bunga ng pagkakabara ng mga labasan ng pawis mula sa mga sweat gland. Kaya, ito ay maaaring mas makaapekto sa mga taong parating nalalantad sa sikat ng araw o kaya sa mga taong namamalagi sa mga maaalinsangan na mga lugar. Ito ay karaniwang umaapekto sa mga balat ng mukha, leeg, balikat, maging sa dibdib. Ang kondisyong ito ay higit na nakaapekto sa mga bata kaysa sa mga may sapat nang edad.

Kabilang sa mga sintomas ng bungang araw ay ang pagkakaroon ng mga mapuputi, o kung minsan ay mapupula, na mga butlig sa balat. Dagdag dito, maaari ding makaramdam ang may bungang araw ng pagkabalisa bunga ng makati o mahapding pakiramdam na dulot nito.

Maaaring mawala nang kusa ang bungang araw sa loob lamang ng ilang araw. Subalit, may iba’t ibang uri na ng mga gamot na maaaring ipahid sa apektadong bahagi ng balat upang lunasan ang pangangating dulot ng kondisyong ito.

Kasaysayan

Hindi matiyak kung kailan unang nadiskubre ang bungang araw. Subalit, ang kondisyong ito ay kilala na noon pa mang mga panahon ni Hippocrates na manggagamot sa klasikal na Gresya. Ito ay inugnay sa labis na pagpapawis sa panahon ng tag-araw. Ang mga unang nagsalarawan sa kondisyong ito ay una itong tinawag na miliaria na nangangahulugang pino na mga pantal sa balat na may hawig sa mga butil ng millet.

Sa pagpasok naman ng ika-19 na siglo ay nagkaroon ng malawakan na pagkalito ukol sa pagkakaiba ng mga sweat rash, o pangangating bunga ng pagpapawis. Subalit, sa paglipas ng maraming mga taon, ay nagkaisa ang mga manggagamot sa pagklasipika sa bungang araw bilang isang uri ng kondisyon sa balat na bunga ng malabis na pagpapawis. Batay sa klasipikasyong ito, ang bungang araw ay makikilala sa pamamagitan ng mga sintomas na karaniwan sa lahat ng mga mayroon nito.

Mga Uri

Ang bungang araw ay may tatlong pangunahing uri. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

Miliaria crystalline. Ang kondisyong ito ay ang pinaka-karaniwang uri ng bungang araw. Makikilala ito sa pamamagitan ng mga mapuputi na pantal na mayroong pawis sa loob sa ibabaw ng apektadong bahagi ng balat. Ang uring ito ng bungang araw ay karaniwang hindi makati o mahapdi at mas karaniwang umaapekto sa mga sanggol.

Miliaria rubra. Ito ay tinatawag ding prickly heat. Ang mga pantal na namumuo sa balat sa kondisyong ito ay mapupula at namamaga. Hindi rin nagpapawis ang bahagi ng balat na apektado ng kondisyong ito. Ang pangangating ito ay nasa ilalim ng balat na maaaring magkaroon ng nana kapag hindi kaagad nalunasan.

Miliaria profunda. Hindi gaanong karaniwan ang kondisyong ito na namumuo sa dermis, o sa ilalim na bahagi ng balat. Malalaki at makakapal ang mga pantal na ibinubunga ng kondisyong ito.

Mga Sanhi

Image Source: www.sportsrec.com

Sa ngayon ay hindi pa matiyak kung bakit may mga taong nagkakaroon ng bungang araw. Ang alam lamang ng mga dalubhasa ay kapag nabarahan ang mga pore ng balat at ang mga sweat gland, nagdudulot ito ng pangangati sa balat na maaaring magdulot ng bungang araw.

Ang mga sumusunod ay ang ilan sa mga dahilan kung bakit nababarahan ng pawis ang mga sweat gland:

  • Pamumuo ng pawis sa mga tupi ng balat kung saan hindi gaanong nakakadaan ang hangin
  • Pagsusuot ng mga masisikip na uri ng damit
  • Pagsusuot ng mga damit na hindi pinapasok ng hangin, kagaya ng mga damit na yari sa nylon o kaya ay sa balat
  • Pagpatong-patong ng maraming mga damit
  • Paglalagay ng mga napakalapot na uri ng cream o lotion sa balat

Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang bungang araw ay magkakaiba ng uri. Bawat uri ay may kani-kaniyang pagkakakilanlan. Subalit, ang lahat ng mga ito ay may karaniwang sintomas. Ang ilan sa mga sintomas na ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng mga pulang butlig sa balat
  • Pagkakaroon ng labis na makating pakiramdam sa balat
  • Pamamaga ng mga apektadong bahagi ng balat
  • Banayad na paghapdi ng apektadong bahagi ng balat
  • Pagkabalisa (lalo na sa mga sanggol)

Mga Salik sa Panganib

Kahit na sino ay maaaring magkaroon ng bungang araw. Subalit, ang mga sumusunod ay may mas mataas na pagkakataong magkaroon ng kondisyong ito:

  • Mga bagong panganak na sanggol
  • Mga matatanda
  • Mga taong may labis na katabaan

Ang mga binanggit sa itaas ay may kakulangan sa kakayahang kumilos. Bunga nito, may bahagi ng kanilang mga katawan ang labis na nagpapawis o kaya ay hindi gaanong nahahanginan.

Ang ilan pa sa mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng bungang araw ay ang pamamalagi sa mga maaalinsangan na lugar kung saan maaaring labis na magpawis ang isang tao.

Maging ang mga manlalaro ay mayroon ding mataas na panganib na magkaroon ng bungang araw. Palibhasa, sila ay laging nagpapawis at hindi kaagad-agad na natutuyuan ng pawis.

Ang mga tao naman na may uri ng hanapbuhay na nasa maiinit na lugar ay may panganib din na magkaroon ng bungang araw.

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Madaling iwasan ang pagkakaroon ng bungang araw. Ang ilan sa mga hakbang na maaaring gawin ay ang mga sumusunod:

Pag-iwas sa pagpapawis. Iwasan ang pagpapawis, dahil ito ay maaaring magbunga ng pangangati, lalo na kapag ang pawis ay namuo at nakulong sa balat. Kaya, kapag nagpawis ay dapat magpalit kaagad ng tuyo at malinis na damit.

Pagsusuot ng magiginhawang uri ng mga damit. Upang makatulong sa pagpanatiling tuyo ang balat o upang maiwasan ang pagpapawis, makatutulong din na magsuot ng maluluwag na mga damit. Maaari ring magsuot ng maginhawang uri ng damit, kagaya ng mga yari sa bulak at iba pang mga natural na kasangkapan.

Pagligo kapag labis na nagpawis. Bukod sa pagpapalit kaagad ng damit kapag labis na nagpawis, ipinapayo rin na dapat maligo kaagad upang maalis ang mga namuong pawis sa balat. Maiiwasan nito ang pagbabara sa mga sweat gland na maaaring magdulot ng pangangati.

Pag-iwas sa pamamalagi sa mga maalinsangan na lugar. Huwag ugaliin ang pamamalagi sa mga maalinsangan na lugar. Kapag mainit ang panahon, tumapat sa bentilador, magbukas ng mga bintana, o kaya ay gumamit ng air conditioner upang maiwasan ang pagpapawis.

Sanggunian