Buod

Tuwing mainit at maalinsangan ang panahon, madalas ay nagkakaroon ng kung anu-anong sakit sa balat ang mga tao gaya ng buni o ringworm. Ang buni ay isang uri ng sakit sa balat na dulot ng fungi na tinatawag na dermatophytosis o tinea.

Kapag naapektuhan ng tinea ang balat, magkakaroon ng parang bilog na patse na may kasamang pangangati. Bukod dito, ang gilid na bahagi ng buni ay nagiging mamula-mula at mas nakaumbok kumpara sa gitnang bahagi nito. Ang gitnang bahagi naman ng buni ay medyo namumuti dahil sa nagkakaliskis ito.

Kapag nagkaroon ng buni, maaaring ito ay isang patse lamang, o kaya naman ay marami itong patse-patse na tumubo sa iba’t ibang parte ng balat. Halos lahat ng bahagi ng katawan ay maaari nitong maapektuhan gaya ng ulo, mukha, leeg, braso, kamay, kuko, singit, pwetan, hita, binti, paa, at iba pa.

Bukod sa hindi kaaya-ayang itsura nito, ang buni ay lubos na nakahahawa. Maaaring magkaroon nito kapag nadikitan ng taong may buni ang iyong balat. Maaari ring mahawa kapag ginamit mo ang mga infected na gamit ng taong may buni gaya ng damit, tuwalya, o suklay. Bukod dito, puwede ring magkaroon ng buni kapag naupo o nahiga ka sa silya o kama ng taong may buni.

Bagama’t ang buni ay nakahahawa, madali naman itong gamutin sa pamamagitan ng pagpapahid ng fungal ointment o cream at pagligo araw-araw. Mayroon ding ilang home remedies na puwedeng ipahid upang ang buni ay mas mabilis na gumaling.

Kasaysayan

Ang buni ay kilala sa tawag na “ringworm” sa wikang Ingles. Binansagan itong ringworm sapagkat inakala ng mga tao noon na ang buni ay dulot ng mga bulate. Pero kahit napag-alaman na kung ano ang tunay na sanhi ng buni, hindi na binago ang bansag dito dahil sa hugis singsing o bilog naman ang itsura nito.

Laganap ang sakit sa balat na buni noong taong 1800 lalo na sa mga taong mahihirap. Dahil dito, inihayag ng mga doktor na ang buni ay dulot ng hindi wastong pagkain at kakulangan ng kalinisan sa katawan.

Mabilis din ang pagkalat ng buni noon lalo na sa mga pagupitan. Hindi kasi nalilinis nang maigi ang mga ginagamit na gunting at suklay ng mga barbero, kaya naman ang mga tao noon ay maraming buni sa ulo. Sa panahong ito, ang tanging ginagawa lamang ng mga doktor upang pagalingin ang kanilang mga buni ay ang pagbunot ng mga buhok sa buni upang mabilis itong matuyo.

Pero noong taong 1843, nadiskubre ni David Gruby na isang uri ng fungus pala ang sanhi ng buni, subalit wala nang iba pang mga sumunod na pag-aaral tungkol dito. Nahikayat lamang magsagawa ng iba pang pananaliksik noong taong 1940 nang magkaroon ng mga buni ang mga sundalong militar ng Estados Unidos na nakabase sa South Pacific noong World War II.

Mga Uri

Ang buni ay maraming mga uri. Depende sa bahagi ng katawan na naapektuhan nito, ang buni ay may iba’t ibang tawag.

  • Tinea capitis – Ang tinea capitis ay isang uri ng buni na tumubo sa ulo. Kadalasang nakukuha ito sa mga pagupitan dulot ng maduduming gamit ng mga barbero.
  • Tinea barbae – Ang tinea barbae ay buni na matatagpuan sa balbas at leeg. Kung may buni sa ulo, kadalasan ay mayroon ding buni sa ibang mga parte ng mukha na tinutubuan ng buhok.
  • Tinea faciel – Ang tinea faciel naman ay isang uri ng buni na tumubo sa mukha. Madalas nagkakaroon nito kapag nakagamit ng bimpo o tuwalya na pinamamahayan ng fungus na tinea.
  • Tinea corporis – Ang tinea corporis ay buni na tumutubo sa pangkalahatang parte ng katawan gaya ng braso, dibdib, tiyan, likod, o binti. Kumpara sa ibang uri ng buni, ito ay mas madaling gamutin dahil ang mga naaapektuhang bahagi nito ay hindi gaanong pawisin at madaling tuyuin.
  • Tinea manuum – Ang tinea manuum ay isang uri ng buni na matatagpuan sa kamay. Kadalasan nitong naaapektuhan ang mga pagitan ng mga daliri at palad.
  • Tinea pedis – Ang tinea pedis naman ay buni na tumubo sa paa. Sa Pilipinas, mas kilala ito sa tawag na alipunga o athlete’s foot.
  • Tinea unguium – Ang tinea unguium ay isang uri ng buni na matatagpuan sa mismong mga kuko ng kamay o paa. Ang mga kuko ay nagkakaroon ng nakaumbok na puti o manilaw-nilaw na patse.
  • Tinea cruris – Ang tinea cruris naman ay buni na tumubo sa singit, pwetan, at hita. Mas kilala ito sa tawag na hadhad.

Mga Sanhi

Source Image: dogopedia.net

Ang mga Pilipino ay madalas magkaroon ng buni sapagkat ang klima ng Pilipinas ay mainit at maalinsangan. At ang pinaka-dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa balat na ito ay ang fungus na tinatawag na dermatophytosis o tinea. Kadalasang nakukuha ang fungus na ito nang dahil sa mga sumusunod:

  • Napadikit sa balat ng taong may buni – Ang buni ay maaaring maihawa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact. Kahit ang simpleng pakikipagkamay sa taong may buni ay maaari na agad makahawa.
  • Paghawak sa mga alagang hayop na may buni – Maging ang mga alagang hayop na may buni ay puwede ring makahawa. Kadalasan ay hindi napapansin na may buni pala ang mga alagang hayop dahil sa kanilang mga balahibo.
  • Paggamit ng mga infected na bagay – Ang mga infected na bagay mula sa taong may buni ay posible ring makahawa. Ang mga damit, tuwalya, suklay, silya, at kama ng taong may buni ay hindi dapat hinihiram o ginagamit.
  • Paglalaro sa lupa o putikan – Marami ring mga bata ang may buni sa katawan dahil sa paglalaro sa labas ng bahay. Ang fungus na tinea kasi ay maaari ring makuha sa lupa o putikan.
  • Hindi wastong paglilinis ng katawan – Ang tinea ay mahilig manirahan sa maruruming parte ng katawan. Mabilis din itong kumalat lalo na sa mga bahaging madalas pagpawisan.

Sintomas

Madali lamang matukoy kung may buni ang isang tao. Masasabing siya ay may buni kapag nakikitaaan siya ng mga sumusunod na senyales at sintomas:

  • Mayroong isa o maraming bilugang patse-patse sa katawan.
  • Ang patse ay mukhang makaliskis lalo na sa gitnang bahagi nito.
  • Ang patse ay mukhang nakaumbok lalo na sa gilid na bahagi nito.
  • Mamula-mula ang gilid ng patse, samantalang medyo maputi naman ang gitnang bahagi nito.
  • May kasamang bahagya o matinding pangangati ang patse.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: unsplash.com

Lahat ay maaaring magkaroon ng buni, subalit ang mga taong nabibilang sa mga sumusunod na grupo ay may mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa balat na ito:

  • Mga bata – Ang mga bata ay mas mataas ang posibilidad na magka-buni sapagkat mahilig silang maglaro sa labas ng bahay. Sila rin ay hindi gaanong marunong maglinis ng kanilang mga katawan kaya sila ay mas madalas dapuan ng iba’t ibang uri ng sakit sa balat.
  • Mga naninirahan sa lugar na may mainit na klima – Mas laganap ang buni sa mga bansang kagaya ng Pilipinas sapagkat ito ay may mainit at maalinsangan na klima. Ang matinding init ay nagdudulot ng labis na pagpapawis, kaya naman nagiging pinakamainam na tirahan ang katawan ng mga fungi na gaya ng tinea.
  • Mga may alagang hayop – Ang mga may alagang hayop gaya ng pusa at aso ay mas mataas din ang posibilidad na magka-buni. Ang mga pusa at aso ay mahilig maglaro sa labas ng bahay at ang mga balahibo nila ay madaling kapitan ng iba’t ibang klaseng dumi, bacteria, at fungi.
  • Mga atleta – Ang mga atleta ay madalas magkaroon ng buni lalo na ng alipunga. Dahil sila ay madalas na pagpawisan, ang kanilang mga katawan ay nagiging lapitin ng sakit sa balat na gaya ng buni.
  • Mga mahilig magsuot ng hindi komportableng damit – Maging ang mga taong mahihilig magsuot ng masisikip at hindi komportableng damit ay mataas ang posibilidad na magkabuni. Ang hindi komportableng damit kasi ay nagdudulot ng labis na pamamawis ng katawan, kaya maaari itong pamahayan ng mga fungi na gaya ng tinea.

Pag-Iwas

Image Source: www.refinery29.com

Upang hindi magkaroon ng buni, gawin lamang ang mga sumusunod:

  • Panatilihing malinis ang katawan – Upang hindi madapuan ng kung anumang sakit sa balat, ugaliing maligo dalawang beses sa isang araw. Tuyuin din nang mabuti ang katawan upang hindi pamahayan ng fungi.
  • Regular na paliguan ang mga alagang hayop – Kung may mga alagang hayop gaya ng pusa at aso, regular silang paliguan upang ang mga fungi na kumapit sa kanilang mga balahibo ay mawala.
  • Ugaliing maghugas ng mga kamay – Ang palagiang paghugas ng mga kamay ay hindi lamang nakatutulong sa pag-iwas sa buni kundi pati na rin sa iba’t ibang klase ng sakit.
  • Huwag manghiram ng mga gamit ng iba – Huwag manghihiram ng mga personal na gamit ng iba gaya ng damit, tuwalya, at suklay. Kadalasan, ang mga personal na gamit ang siyang may pinakamaraming fungi at dumi.
  • Linisin ang mga gamit sa bahay – Ugaliin ding linisin ang mga gamit sa bahay lalo na kapag umalis na ang mga bisita. Ang mga bisita ay maaari ring maging tagapagdala ng fungi sa inyong tahanan.
  • Siguraduhing may sapat na bentilasyon – Upang hindi labis pagpawisan ang katawan, siguraduhing may sapat na bentilasyon ang mga kuwartong pinapaligan sa pamamagitan ng aircon o electric fan. Kung nasa labas naman ng bahay, maaaring magdala ng pamaypay.

Kung may napansing bilog na patse-patse sa katawan, posibleng ito ay buni na. Gamutin ito agad upang hindi ito dumami at lumala. Kung ang buni naman ay hindi gumaling sa loob ng tatlong linggo kahit ginawa na ang mga gamot at lunas na nabanggit, iminumungkahi na kumonsulta na sa doktor.

Sanggunian