Gamot at Lunas

Image Source: myeasychoices.com

Bagama’t iba-iba ang mga bahagi ng balat na naaapektuhan ng buni (ringworm), halos iisa lamang ang paggamot dito. Subalit, ang mga bahagi ng katawan na nakakubli at mas madalas pagpawisan gaya ng mga singit at paa ay nangangailangan ng mas mahabang gamutan. Ang mga kadalasang ipinapayong paraan upang gamutin at lunasan ang buni ay ang sumusunod:

  • Pahiran ng antifungal ointment o cream. Isa sa mga pinakamabisang paraan ng paggamot sa buni ay ang paggamit ng antifungal ointment o cream. Nakabibili ng mga ito kahit walang reseta ng doktor. Maaaring bumili ng ketoconazole, clotrimazole, at miconazole. Pahiran lamang ang buni ayon sa direksyong nakalagay sa biniling ointment o cream. Pero kadalasan, dalawa hanggang tatlong beses isang araw pinapahiran ang buni upang ito ay mabilis na gumaling.
  • Kuskusin o tapalan ng bawang. Ang pinakasikat na halamang gamot para sa buni ay ang bawang sapagkat kilala ito sa mga antibacterial at antifungal na katangian nito. Hiwain lamang ang bawang sa gitna at ikuskos ito nang direkta sa buni. Puwede rin itong durugin at gawing paste bilang pangtapal. Gumamit lamang ng gasa at micropore tape para hindi mawala sa ayos ang tapal. Tanggalin ito makalipas ang dalawang oras. Gawin ito tuwing umaga, tanghali, at gabi.
  • Gumamit ng ibang home remedies. Kung hindi mabisa ang bawang, maaaring sumubok ng ibang mga home remedy gaya ng apple cider vinegar, aloe vera o sabila, langis ng niyog, luyang dilaw, at oregano. Ayon sa iilang mga pag-aaral, ang mga nabanggit ay may antifungal din na katangiang mabisa laban sa buni. Subalit, pinaaalalahanan ang lahat na kumonsulta muna sa doktor bago gumamit ng mga ito.
  • Maligo araw-araw at tuyuing mabuti ang katawan. Upang mawala ang fungi at hindi na dumami pa, maligo araw-araw at tuyuing mabuti ang katawan. Pagkatapos ay magsuot ng komportableng mga damit upang may hanging pumasok at matuyo agad ang buni sa katawan.
  • Linisin o labhan ang mga infected na gamit. Ang buni ay maaaring magpa-balik-balik kung hindi lilinisin o lalabhan ang mga infected na gamit gaya ng damit, tuwalya, suklay, at kobre kama. Tandaan, ang fungi na sanhi ng buni ay naninirahan din sa mga gamit na ito.
  • Gumamit ng cold compress kung nangangati ang buni. Upang mawala ang pangangati ng buni, gumamit lamang ng cold compress. Kung wala nito, maaari kang maglagay ng malamig na tubig at mga yelo sa isang bote at siya mong gamiting cold compress. Balutan ang bote ng malinis na tuwalya nang sa gayon ay hindi ito gaanong makairita sa balat.

Ang buni ay matagal gumaling. Kadalasan, inaabot ito ng dalawa hanggang tatlong linggo bago tuluyang mawala ang fungi na sanhi nito.