Buod

Ang isa sa mga masasakit na uri ng karamdaman na umaapekto sa mga buto at kasu-kasuan ay ang bursitis. Ito ay ang pamamaga ng mga bursa, isang bahagi na nagsisilbing sisidlan ng likido na matatagpuan sa mga pagitan ng mga buto, litid, kasu-kasuan, at mga kalamnan. May 150 na mga bursa sa katawan ng tao at ang mga ito ay tumutulong sa pagpapalambot ng paggalaw ng mga kasu-kasuan.

Ang bursitis ay ang pamamaga ng mga bursa bunga ng paulit-ulit na paggalaw ng apektadong bahagi.

Ang mga sintomas nito ay ang pananakit, pamamaga, pamumula, panlalambot, maging ang hirap ng paggalaw sa bahaging apektado.

May iba’t ibang lunas para sa bursitis, kabilang dito ang paglalagay ng compress, ice, at proteksyon sa bahaging apektado. Ang pamamaga naman ng bahaging apektado ay maaaring lunasan gamit ang mga steroid, ibuprofen, at ng aspirin na uri ng gamot.

Kasaysayan

Sa ngayon ay wala pang mga natutuklasang tiyak na tala o ulat ukol sa kasaysayan ng sakit na bursitis. Gayunman, ngayon ay marami nang alam tungkol sa mga uri, samhi, at sintomas nito.

Mga Uri

Ang bursitis ay maaaring umapekto sa alinmang bahagi ng katawan kung saan ay may bursae. Ang mga sumusunod ay ang iba’t ibang uri ng sakit na ito:

  • Anterior Achilles tendon bursitis. Ang uri na ito ng bursitis ay tinatawag ding “Albert’s disease” at nadulot ng pagkakabanat at pinsala sa mga litid. Maaari rin itong bunga ng pagsusuot ng hindi komportableng sapatos. Sa kondisyong ito, namamaga ang bursa na matatagpuan sa harap ng litid na kumakapit sa sakong.
  • Posterior Achilles tendon bursitis. Ang uri na ito ng bursitis ay kilala rin bilang “Haglund’s deformity” at matatagpuan sa pagitan ng balat ng sakong at ng Achilles tendon, isang bahagi na nagdidikit sa kalamnan ng calf sa sakong. Ito ay napalala ng uri ng paglalakad kung saan napipisil ang malambot na bahagi ng sakong. Ito ay karaniwang matatagpuan sa mga kababaihan.
  • Bursitis sa baywang. Tinatawag din itong trochanteric bursitis. Ang kondisyong ito ay karaniwang resulta ng injury, mga abnormalidad sa gulugod, arthritis, o operasyon. Ito ay higit na karaniwan sa mga kababaihan at maging sa mga taong may edad na.
  • Bursitis sa mga siko. Ang kondisyong ito ay bunga ng pamamaga ng olecranon ng bursa sa pagitan ng balat at mga buto ng mga siko. Ito ay dulot ng injury o kaya ay panayang pagkakapisil ng mga siko.
  • Bursitis ng mga tuhod. Tinatawag din itong goosefoot bursitis o kaya ay Pes Anserine bursitis. Ang Pes Anserine bursa ay matatagpuan sa pagitan buto sa harap ng binti (shin) at ng tatlong litid ng mga kalamnan sa likod ng hita, sa loob ng tuhod. Ito ay maaaring dulot ng kakulangan ng pag-uunat bago mag-ehersisyo maging ng iba pang paraan ng paggalaw ng bahaging ito ng katawan.
  • Bursitis sa bahaging tumatakip sa tuhod. Tinatawag din itong prepatellar bursitis. Ang kondisyong ito ay karaniwan sa mga taong laging nakatukod ang kanilang mga tuhod, kagaya ng mga taong ang uri ng hanap-buhay ay paglalatag ng carpet o kaya ay mga tubero.

Papaano naman nagkakaroon ang tao ng bursitis? Anu-ano ang mga sanhi ng sakit na ito?

Mga Sanhi

Image Source: www.dukehealth.org

Ang bursitis ay karaniwang bunga ng paulit-ulit na pagkilos sa isang bahagi ng katawan, o kaya ay ng injury dulot ng mga isport. Maaari rin itong bunga ng mga sumusunod:

    • Maling postura
    • Maling paraan ng paglalakad
    • Pagkakapisil ng mga malalambot na tisyu dulot ng hindi maayos na posisyon ng mga kasu-kasuan
  • Pagkakaroon ng ibang uri ng arthritis, katulad ng rheumatoid arthritis, osteoarthritis, o kaya ay gout
  • Mga metabolikong kondisyon na kagaya ng diabetes
  • Mga epekto ng ilang uri ng mga gamot

Ang pananakit na nararanasan sa sakit na ito ay malapit sa mga kasu-kasuan. Dahil dito, ito ay napagkakamalang rayuma o arthritis.

Anu-ano naman ang mga palatandaan ng pagkakaroon ng bursitis?

Mga Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang bursitis ay nagdudulot ng panglalambot at pananakit sa mga bahaging apektado. Sa kondisyong ito, maaaring mamaga ang mga sisidlan ng bursae na nagdudulot ng hirap sa pagkilos. Ang mga sumusunod ay ang mga bahaging karaniwang naaapektuhan ng bursitis:

  • Mga balikat
  • Mga hita
  • Mga siko
  • Mga tuhod
  • Puwet
  • Baywang
  • Mga bukong-bukong

Ang mga sintomas naman ng sakit na ito sa mga apektadong bahagi ay ang mga sumusunod:

  • Panlalambot
  • Labis na pananakit
  • Pananakit kapag napipisil o kaya ay ikinikilos
  • Mukhang namamaga at namumula
  • Hirap sa pagbubuhat ng mga bagay

Sinu-sino ang maaarig magkaroon ng sakit na ito? Anu-ano ba ang iba’t ibang salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito?

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Napatataas ng mga sumusunod na salik ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na ito:

    • Edad. Batay sa mga pag-aaral, nagiging mas karaniwan ang sakit na ito sa pagtanda ng tao.
    • Uri ng hanap-buhay o libangan. Kapag ang uri ng hanap-buhay o kaya ng libangan ng isang tao ay nangangailangan ng paulit-ulit na mga kilos na nagdudulot ng pressure sa bursae, lumalaki ang panganib sa pagkakaroon nito. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagtugtog ng mga instrumentong musikal, pagpipinta, maging ang paghahardin.
  • Mga medikal na kondisyon. Ang pagkakaroon ng arthritis, gout, diabetes, maging ng labis na katabaan sa katawan, ay maaaring magdulot ng

Anu-ano mga komplikasyon na maaaring idulot ng sakit na ito?

Mga Komplikasyon ng Bursitis

Ang pangunahing komplikasyon ng sakit na ito ay impeksyon sa bursa. Ang mga ito ay maaaring malantad sa mga bacteria, lalo na sa mga taong may diabetes.

Anu-ano naman ang mga paraan na maaaring gawin upang maiwasan ang bursitis?

Pag-Iwas

Image Source: www.wikihow.com

Maaaring iwasan ang bursitis sa pamamagitan ng mga sumusunod na mga hakbang:

  • Bigyan nang sapat na proteksyon ang mahihinang bahagi ng katawan. Kung kinakailangan ay maglagay ng proteksyon sa tuhod kung luluhod nang mahabang panahon. Maaari ring maglagay ng mga brace para sa siko ang mga manlalaro. At kung bahagi ng araw-araw na gawain ang mahabang lakaran, mainam na magkaroon ng komportableng sapatos na para rito.
  • Pagpapalakas ng mga kalamnan. Ang mga kalamnan sa paligid ng mahihinang bahagi kung saan maaaring magkaroon ng busitis ay dapat na pinalalakas. Magagawa ito sa pamamagitan ng wastong ehersisyo.
  • Ugaliing mag warm-up bago mag-ehersisyo. Ang lima hanggang sampung minuto na warm-up bago mag-ehersisyo ay nakatutulong sa wastong pagdaloy ng dugo sa paligid ng mga kasu-kasuan.
  • Pamalagiin ang katamtamang timbang. Ang labis na bigat ng katawan ay nakasasama sa mga kasu-kasuan dahil sa stress na idinudulot nito.
  • Huwag kaligtaan ang pahinga. Hindi masama na magkaroon ng maikling pahinga sa trabaho. Kapag paulit-ulit ang mga kilos ng katawan, mainam na ibahin ito kung magpapahinga.

Sanggunian