Buod

Ang isa sa mga hindi pangkaraniwang sakit na maaaring umapekto sa digestive system ng tao ay ang celiac disease. Ito ay ang pagkakaroon ng reaksyon ng immune system sa gliadin, isang uri ng protinang gawa sa gluten na matatagpuan sa mga trigo o wheat at iba pang mga kauri nito.

Sa kondisyong ito ay namamaga at napipinsala ang mga bahaging nagsisilbing dingding sa loob ng maliit na bituka. Kapag nangyari ito, mawawalan ang maliit na bituka ng kakayahang i-absorb ang mga sustansya na mula sa pagkain.

Ang ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang pagkakaroon ng pabalik-balik na pagtatae, kung minsan ay pagtitibi, labis na kapaguran, maging ang pagbagsak ng timbang. Sa iba namang mga kaso ay maaaring magkaroon ng anemia ang mayroon ng sakit na ito.

Sa ngayon ay wala pang tiyak na lunas ang celiac disease. Ang tanging magagawa ng taong mayroon nito ay ang umiwas sa mga pagkaing mayroong gluten.

Kasaysayan

Ang celiac disease ay maaaring umiral na kahit pa sa mga sinaunang panahon. Noong ika-2 na siglo A.D., inilarawan ni Arataeus ng Cappadocia, isang Griyegong manggagamot, ang isang uri ng malabsorptive na uri ng pagtatae sa mga bata.

Ang pinaka-malaking pag-unlad naman sa pag-aaral na humantong sa pagkakatuklas sa celiac disease ay naganap noong 1888 sa pamamagitan ni Samuel Gee, isang Ingles na manggagamot ng mga bata. Napansin niya ang pabalik-balik na impatso at pagtatae sa mga bata na nalulunasan sa pamamagitan ng isang paraan ng pagkain.

Noon namang 1924, napag-alaman ng isang Amerikanong manggagamot ng mga bata na si Sidney Haas na ang mga carbohydrate ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng celiac disease. Ginamot niya ang 10 na mga bata na may ganitong kondisyon sa pamamagitan ng pagpapakain ng saging.

Noon namang mga 1930, napag-alaman ng isang Dutch na manggagamot ng mga bata na si William Dicke na ang mga batang may celiac disease na hindi makakain ng trigo (wheat) dahil sa kakulangan nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay bumuti ang kalagayan. Lalo nitong napatibay ang kaugnayan ng pagkain ng trigo sa pagkakaroon ng sakit na ito.

Pagsapit ng mga 1950, ang pediatric gastroenterologist na si Margot Shiner ay nakabuo ng isang paraan ng biopsy upang suriin ang maliit na bituka at upang tignan ang mga pagbabagong pathological nito sa mga may celiac disease.

Pagsapit naman ng taong 1964, ang anti-gliadin ay natuklasan. Ito ay isang uri ng antibody na matatagpuan sa halos lahat ng mayroong celiac disease. Noon namang mga 1980, napag-alaman na ang celiac disease ay may kinalaman sa iba pang mga autoimmune na sakit, katulad ng sakit sa thyroid, diabetes, at Down syndrome.

Hanggang sa kasalukuyang panahon ay nagpapatuloy pa rin ang mga pag-aaral para tuklasin ang mga mas mabibisang paraan upang lunasan ang celiac disease.

Mga Uri

Noon ay inaakalang iisa lamang ang uri ng celiac disease. Subalit, sa pag-unlad ng mga pamamaraan sa pagsusuri sa sakit na ito, kinikilala na ngayon ng mga manananaliksik na ang sakit na ito ay may apat na uri. Ang mga ito ay ang sumusunod:

  • Silent. Ang uri na ito ng celiac disease ay walang mga kapansin-pansing mga sintomas o palatandaan. Sa karaniwan, ang mga pasyenteng mayroon nito ay unang sinuri para sa ibang uri ng kondisyon hanggang sa sila ay natukoy na nagtataglay ng salik sa pagkakaroon nito.
  • Latent. Ang latent na celiac disease ay ang pagkakaroon lamang ng ilan sa mga sintomas ng sakit na ito, subalit negatibo sa mga pagsusulit. Kalaunan naman, ay nagiging positibo sa pagkakaroon ng celiac disease ang pasyente.
  • Typical. Ang uri na ito ng celiac disease ay mayroon ng karamihan ng mga sintomas ng pagiging intolerant sa gluten, kagaya ng pagkakaroon ng kabag, pagtatae, paglobo ng tiyan, o kaya ng pagtitibi.
  • Atypical. Ang uri na ito ng celiac disease ay ang pagiging positibo sa pagkakaroon ng sakit na ito, subalit walang ipinakikitang mga sintomas sa bituka. Ang mga palatandaan sa pagkakaroon ng sakit na ito ay karaniwang matatagpuan sa iba pang bahagi ng katawan, kagaya ng pagkakaroon ng migraine, ataxia, neuropathy, maging ng mga kondisyon sa mga kasu-kasuan.
  • Non-responsive. Kapag ang celiac disease ng isang tao ay hindi nasosolusyonan ng mga karaniwang paraan ng panglunas dito, ang kaso ng sakit na ito ay maituturing na non-responsive.

Mga Sanhi

Ang reaksyon ng immune system sa gluten ang pinaka-sanhi ng celiac disease. Kapag ang taong may sakit na ito ay nakakain ng gluten, ang kanilang mga selula at immune system ay kikilos upang magdulot ng pagkapinsala sa maliit na bituka.

Ang bahagi ng maliit na bituka na naaapektuhan ng kondisyong ito ay ang mga villi. Napagkakamalan ang mga ito na nagdudulot ng pinsala sa katawan, kaya inaatake ang mga ito ng immune system. Dahil dito, ang mga villi ay mamamaga at maaaring tuluyang mapinsala, kaya nahihirapan ang maliit na bitukang i-absorb ang mga sustansya mula sa mga pagkaing pumapasok dito.

Ang mga maaaring maging sanhi ng celiac disease ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng mga uri ng autoimmune na sakit, katulad ng type 1 diabetes, rheumatoid arthritis, o kaya ay iba pang uri ng autoimmune na kondisyong umaapekto sa thyroid at atay.
  • Pagtaglay ng genetic o namamanang kondisyon, kagaya ng mga taong mayroong Down syndrome o kaya ay Turner syndrome
  • Kasaysayan ng celiac disease sa pamilya, na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kondisyong ito

Mga Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com
Lubhang magkakaiba ang mga sintomas ng celiac disease sa bawat taong mayroon nito, at magkakaiba rin ang mga palatandaan nito sa mga matatanda at mga bata.

Para sa mga nasa husto nang gulang, ang mga digestive na sintomas ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagtitibi
  • Labis na pagtatae
  • Labis na kapaguran
  • Pagbagsak ng timbang
  • Pagkakaroon ng kabag
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagkahilo at pagsusuka

Subalit, marami sa mga nasa sapat nang edad na may celiac disease ang nakararanas ng mga sintomas na wala namang kinalaman sa digestive system, kagaya ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng anemia na bunga ng kakulangan ng iron
  • Pagbawas ng bone density o paglambot ng mga buto
  • Pangangati at pagkakaroon ng paltos ng balat
  • Pagkakaroon ng mga singaw o ulcer sa bibig
  • Pagkakaroon ng masakit na ulo at labis na kapaguran
  • Pagkakaroon ng pinsala sa nervous system na nagdudulot ng pamamanhid, pagkawala ng balanse, at hirap sa pag-unawa
  • Pananakit ng mga kasu-kasuan
  • Pagbaba ng gana ng pali o spleen (hyposplenism)

Sa mga bata naman, ang posibilidad ng pagkakaroon ng problema sa digestive system ay mas mataas kaysa sa mga nasa sapat nang edad. Ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:

  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Pabalik-balik na pagtatae
  • Paglobo ng tiyan
  • Pagtitibi
  • Pagkakaroon ng kabag
  • Pagkakaroon ng maputla at masangsang na dumi

Ang celiac diseae ay maaari ring magdulot ng kawalan ng kakayahan ng katawan na i-absorb ang mga sustansya ng pagkain na maaaring magdulot ng mga sumusunod:

  • Mabagal na paglaki ng sanggol
  • Pagkasira ng mga ngipin
  • Pagbagsak ng timbang
  • Pagkakaroon ng anemia
  • Pagiging iritable
  • Pagkakaroon ng kakulangan sa tangkad
  • Pagbagal ng pagbibinata o pagdadalaga

Ang mga neurolohikal naman na sintomas ng celiac disease sa mga bata ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD)
  • Hirap sa pag-aaral
  • Pagkakaroon ng masakit na ulo
  • Kakulangan ng koordinasyon ng mga kalamnan
  • Pagkakaroon ng seizure

Ang pagkakaroon ng celiac disease ay maaari ring magdulot ng sakit sa balat na kung tawagin ay dermatitis herpetiformis. Ang mga sintomas nito ay kagaya ng pangangati at pagkakaroon ng mga paltos sa siko, sa mga tuhod, sa anit, maging sa puwet.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ayon sa mga pag-aaral, ang mga sumusunod na salik ay nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng celiac disease:

  • May kamag-anak na may celiac disease o kaya ay dermatitis herpetiformis
  • Mga taong may type 1 diabetes
  • Mga taong may Down syndrome o kaya ay Turner syndrome
  • Mga nagtataglay ng autoimmune na sakit sa thyroid
  • Mga nagtataglay ng microscopic colitis
  • Mga taong may Addison’s disease

Kagaya ng ibang uri ng mga sakit, ang celiac disease ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon.

Mga Komplikasyon ng Celiac Disease

Kapag hindi nalunasan, ang celiac disease ay maaaring magdulot ng mga sumusunod na mga komplikasyon:

Pag-Iwas

Ang tanging paraan upang makaiwas sa celiac disease ang mga taong naaapektuhan nito ay ang pag-iwas sa mga pagkaing may gluten.

Makatutulong sa pag-iwas sa sakit na ito ang paglayo sa mga pagkaing gawa sa o kaya ay sangkap ang mga sumusunod:

  • Barley
  • Durum
  • Farina
  • Graham flour
  • Malt
  • Rye
  • Semolina

Sanggunian