Buod

Ang cerebral palsy ay isang uri ng karamdamang debelopmental na nailalarawan ng kahirapan sa paggalaw, koordinasyon, postura, pag-balanse, at tono sa kalamnam o muscle tone. Ang sakit na ito’y kadalasang bunga ng pinsala sa utak ng bata habang ito’y nasa sinapupunan, o habang pinapanganak. Maari din ito mangyari sa mga batang 3 hanggang 5-taong gulang. cerebral palsy na nangyayari habang di pa pinapanganak ang bata’y tinatawag na congenital cerebral palsy; kapag naipanganak naman ang bata, ang tawag dito ay acquired cerebral palsy.

Isa rin ang sakit na ito sa mga pangunahing sanhi ng motor disability o kapansanan sa paggalaw sa mga bata. Itinatayang mga 500,000 na kabataang nasa gulang ng 18 pababa ang mayroong ganitong uri ng sakit. Itinataya din na mga apat sa 1,000 na pinapanganak na buhay ang magkakaroon cerebral palsy.

Kadalasan lumalabas ang mga senyales at sintomas ng cerebral palsy mula sa pagkasilang ng bata hanggang bago sila magsimulang pumasok sa paaralan. Iba’t iba naman ang paraan kung paano naghahayag ang sakit na ito. May mga batang may cerebral palsy na hindi makalakad, mayroon din namang nakakalakad bagama’t hirap. Sa ibang dako, may mga batang may ganitong sakit na normal o malapit sa normal ang kapasidad na pang-intelektwal, at mayroon din na na may problemang debelopmental ang pag-iisip na naka-aapekto sa pagtuto.

Bukod sa kahirapan sa paggalaw, paglalakad, koordinasyon, at problema sa muscle tone, ang mga may cerebral palsy ay pwede ring makaranas ng kahirapan sa pag-lunok, pag-focus ng mga mata sa iisang bagay (kahawig sa pagka-banlag), at limitadong saklaw ng paggalaw o range of motion. May mga pagkakataon din na nakikitaan ng pagka-bulag, pagka-bingi, at Epilepsy ang may ganitong uri ng karamdaman.

Walang tiyak na lunas ang cerebral palsy. Hindi naman din ito lumalala, bagama’t maaring mag-bago ang mga ibang sintomas nito.

Sa kasamaang palad, pwedeng ikamatay ng isang bata ang cerebral palsy bunga ng mga komplikasyon. Pero ito’y nakadepende sa pagkalala ng mga kaakibat na sintomas. Ang paggamot naman ng sakit na ito’y nahahanay sa pang-matagalang pag-aaruga at iba’t ibang klase ng therapy. May mga pagkakataon din na kinakailangan ng operasyon ang bata, lalo na sa mga buto.

Kasaysayan

Bagama’t may katagalan nang napapansin ang mga sintomas ng cerebral palsy, ang kauna-unahang doktor na sumaliksik nito’y si Dr. William John Little noong ika-19 na siglo. Si Dr. Little ay nakaranas ng maraming sakit noong kanyang kabataan, isa nito’y kahirapan sa paglalakad gawa ng Poliomyelitis at iba pang sakit sa sistemang nerbiyos o nervous system. Ito ang mga kondisyong nag-udyok sa kanya na pag-aralan ang mga sakit na may kahawig sa cerebral palsy.

Noong taong 1861 ay inilahad ni Dr. Little ang kanyang mga pananaliksik sa Obstetrical Society of London na kung saan ay una niyang tinukoy ang sintomas ng cerebral palsy. Sinabi nya dito na ang mga batang may ganitong uri ng sakit ay nagkaroon ng pinsala sa nervous system. Gayunpaman, di pormal na tinawag na cerebral palsy ang sakit na ito kundi “Little’s Disease”.

Si Sir William Osler naman noong taong 1887 ang unang doctor na ginamit ang katagang cerebral palsy sa kanyang librong “Cerebral Palsies of Children.” Sa librong ito’y binuod nya ang lahat ng kanyang nasaliksik tungkol sa sakit, pati na rin ang mga kabatiran nya sa kung paano ito gagamutin.

Isa pang doktor na malaki ang naging kontribusyon sa kaalaman tungkol sa cerebral palsy ay si Dr. Sigmund Freud na naging mas kilala bilang ama ng psychotherapy. Ang naambag naman niya’y ang panukala na ang sakit na ito’y maaring magmula sa abnormal na pagbuo ng bata habang ito’y nasa sinapupunan.

Mga Uri

Image Source: ikeafoundation.org

Tatlo ang uri ng Cerbral Palsy: ang Spastic, ang Dyskinetic, at ang Ataxic cerebral palsy.

Spastic Cerebral Palsy

Ang spastic cerebral palsy ang pinaka-pangkaraniwang uri ng cerebral palsy at nakikita sa humigit-kumulang 80% ng mga taong may ganitong karamdaman. Inilalarawan nito ang pagiging matigas ng kalamnan na nagre-resulta sa kahirapan sa pagkilos. Mayroon rin tatlong uri ang spastic cerebral palsy. Ito ay:

  • Spastic Diplegia/Diparesis – Kadalasan ay ang dalawang binti ang apektado dito, at hindi gaanong apektado ang mga braso. Nahihirapan maglakad ang mga may Spastic Diplegia hindi lamang dahil sa katigasan ng kalamnan, pero dahil din sa nahihilang paloob at pa-ekis ang binti sa bandang tuhod.
  • Spastic Hemiplagia/Hemiparesis – Sa ganitong uri naman ng Spastic cerebral palsy, apektado ang isang panig lang ng katawan. Dito rin ay mas apektado ang braso kaysa sa binti.
  • Spastic Quadriplegia/Quadriparesis – Ito ang pinaka malala na uri ng Spastic cerebral palsy at apektado ang lahat ng braso at binti, pati na rin ang dibdib at mukha. Ang mga taong may Spastic Quadriplegia ay kadalasang may iba pang problemang debelopmental gaya ng problema sa pag-iisip, pati na rin sa paningin, at pandinig.

Dyskinetic Cerebral Palsy

Ang mga taong may dyskinetic cerebral palsy ay di kayang pigilan ang paggalaw ng mga ng iba’t ibang parte ng katawan partikular ang kamay, paa, braso, at binti. Ang paggalaw ng mga nabanggit na parte ng katawan ay pwedeng mabagal at tila nangingisay, o mabilis at pabugso-bugso. Kung minsa’y apektado din ang mukha at ang dila, na nagreresulta sa kahirapan lumunok o magsalita. Pwede rin magbago ang tono ng kalamnan ng taong mayroong ganitong uri ng cerebral palsy, mula sa pagiging matigas hanggang sa malambot.

Ataxic Cerebral Palsy

Kapag mayroong ataxic cerebral palsy ang ang pasyente, siya ay makararanas ng kahirapan sa balanse at koordinasyon. Dahil dito, apektado ang kanyang paglalakad, pagsusulat, at pag-hawak ng mga bagay-bagay.

Mga Sanhi

Ang sanhi ng cerebral palsy ay di maayos na pag-debelop ng utak o brain development, kadalasan habang ang bata’y nasa sinapupunan ng ina. Hindi pa natutugon ang ganap na dahilan kung bakit nangyayari ang maling brain development. Gayunpaman, ang mga pinaniniwalaang trigger nito ay:

  • Impeksyon – Maaring mangyari ito sa ina habang sya’y buntis, o sa bata pagka-panganak. Sa dalawang ito, mas madalas nakaka-apekto ang impeksyon ng ina.
  • Mutasyon (Mutation) sa mga genes – Maari ding magkaroon ng di maayos na brain development dahil sa mga genes na may mutasyon.
  • Atake sa utak (Stroke) – Ito ay pwedeng mangyari kung ang bata’y naipanganak na o habang nasa loob ng sinapupunan. Ang uri ng stroke na huling nabanggit ay tinatawag na “Fetal Stroke”.
  • Pagka-bagok ng ulo ng sanggol – Kadalasan ay bunga ito ng aksidente sa sasakyan, o pagkalaglag mula sa mataas na lugar.
  • Kakulangan ng oxygen sa utak (Asphyxia) – Isa ito sa mga kaunahang pinaghihinalaang sanhi ng cerebral palsy. Sa ngayon, hindi na siya gaanong kadalas na kinikilalang sanhi ng sakit na ito dahil may mga sanggol na nawawalan ng oxygen habang sila’y pinapanganak na hindi naman nagkakaroon ng cerebral palsy.

Sintomas

Image Source: www.rossfellercasey.com

Marami at iba-iba ang mga sintomas ng cerebral palsy. Gayunpaman, ang mga sintomas nito’y kadalasang may kaugnayan sa pagkilos, gaya ng:

  • Pabago-bagong muscle tone – maaaring masyadong matigas ang kalamnan o masyadong malambot.
  • Paggalaw na mistulang pangingisay (spasticity), o di kaya ay kahirapang paggalaw (rigidity).
  • Pagkaantala sa pangkaraniwang paggalaw ng bata – gaya ng paggapang, pag-upo nang mag-isa, o pagtulak ng mga brasong patingala habang nakadapa.
  • Pagkaantala sa pagsasalita
  • Di mapigilang paggalaw, o di kaya paggalaw na mabagal na parang di mapakali.
  • Kahirapan sa paglalakad – kasama dito ang paglalakad na patingkayad, o di kaya sobrang pagkayuko. Kasama din dito ang paglalakad na mala-gunting, o na masyadong malapad ang hakbang.
  • Kahirapan sa mga kakayahan ng bibig – kasama dito ang sobrang paglalaway, hirap sa paglunok, pagsuso, at pag-kain.
  • Kahirapan sa tumpak na paggalaw – halimbawa nito’y pag-pulot ng mga bagay gaya ng kutsara o lapis.

Mga Salik sa Panganib

Ang mga salik sa panganib ng cerebral palsy ay kadalasan naa-ayon sa kalusugang maternal, pero mayroon ding salik sa panganib ang mga bagong panganak.

Kalusugang Maternal

  • Mga impeksyon – Ang mga impeksyon na kailangang pag-ingatan ng buntis ay:
  • Mga lason – Bagama’t lahat ng lason ay kailangan iwasan ng isang nagbu-buntis, ang Methyl-Mercury ay kilalang nakatataas ng salik sa panganib ng cerebral palsy.
  • Mga iba pang kondisyon – Kasama dito ang problema sa Thyroid, mga atakeng pangingisay o seizures, at problema sa pag-iisip.

Mga Sakit ng Sanggol

May mga sakit ang sanggol na salik din sa panganib ng cerebral palsy, gaya ng:

  • Pamamaga sa pambalot ng utak, gaya ng Bacterial Meningitis at Viral Encephalitis.
  • Lubhang paninilaw o Jaundice at Kernicterus – Bagama’t medyo pangkaraniwan ang paninilaw ng balat ng sanggol, kapag hindi ito kaagad humupa, pwede ito pagmulan ng cerebral palsy.

Pag-Iwas

Image Source: www.independent.co.uk

Dahil kadalasang ang cerebral palsy ay nagmumula sa pinsala sa utak ng batang nasa sinapupunan, kailangan iwasan ng ina ang mga bagay na maari niyang ikasakit. Ang sumusunod ay ilan lamang sa kailangang gawin ng isang buntis para maiwasan ang ganitong klaseng sakit:

  1. Magpabakuna, o siguradihing kumpleto ang bakuna. Para ito sa mga sakit na nabanggit gaya ng Tigdas Hangin, o Bulutong Tubig.
  2. Iwasan ang lugar na kilalang may pangyayaring patungkol sa Zika virus.
  3. Iwasan ang pagkain ng hilaw na karne, itlog, isda, at mga ilang uri ng keso, at gatas na hindi Pasteurized. Kung kakain ng hilaw na gulay, hugasan ito nang mabuti, o iwasan na lamang kumain nito, lalo na sa mga hindi binabalatan, gaya ng letsugas, o repolyo.
  4. Iwasan humawak ng mga hayop. Kung ikaw ay may alagang pusa, ipa-alaga muna ito sa iba. Sa hanay na iyon, dalhin ang ma alaga sa doktor ng hayop para ipasuri.
  5. Maghugas ng kamay lalong-lalo na pag humawak ng hilaw na pagkain, at laway, ihi, o dumi ng bata.
  6. Iwasan ang may sakit na nakahahawa.
  7. Iwasan ang masyadong mabigat na trabaho.
  8. Higit sa lahat, palaging kumonsulta sa doktor habang nagbubuntis.

Bagama’t nakababahalang isipin ang pagkakaroon ng cerebral palsy ang iyong anak, sa ilang gawaing pagiingat ay maaring iwasan ito ng tuluyan.

Sanggunian