Buod

Ang chalazion ay isang uri ng karamdaman sa mata. Madalas itong naihahalintulad sa stye o kuliti dahil halos magkatulad ang kanilang pisikal na mga sintomas. Ang pangunahing pagkakaiba ng dalawa ay ang kanilang sanhi. Ang chalazion ay nabubuo dahil sa pagbara ng mga oil gland sa talukap ng mata at ang kuliti ay nabubuo dahil sa impeksyon na dulot ng bacteria. Maaari ring magkaroon ng chalazion dahil sa nakaraan nang pagkakaroon ng kuliti.

Kagaya ng sa pagkakaroon ng kuliti, maaaring magkaroon ng chalazion ang isang tao kung siya ay mahilig magkamot ng mata, gumamit ng maruming contact lens, at hindi nagtatanggal ng makeup o pampaganda bago matulog. Ang mga sintomas din ng nasabing mga karamdaman sa mata ay halos magkatulad. Ang chalazion ay nagdudulot ng pamamaga at pamumuo ng bukol sa talukap ng mata, at maaari rin itong maging sanhi ng paglabo ng mata kapag lalo pa itong lumaki. Subalit, ang kuliti naman ay puwedeng magdulot ng nana at mas madalas na pagmumuta.

Ginagamot ang chalazion sa dalawang pamamaraan: ang paggamit ng warm compress at pagmasahe sa apektadong bahagi. Ang kuliti naman ay maaaring gamutin gamit ang mga antibiotic. Minsan ay kailangan din ng operasyon kapag malubha na ang kondisyon nito. Ang pagiging malinis sa katawan at mukha ay sapat na upang mabisang maka-iwas sa mga karamdamang ito.

Kasaysayan

Ang salitang chalazion ay nanggagaling sa salitang Griyego na “chalaza,” na ang ibig sabihin ay bola ng yelo na umuulan mula sa langit. Ang chalazion naman ay ang salitang Grieygo para sa maliit na bola ng yelo o chalaza, dahil dito naihalintulad ang mga maliit bukol sa mata na dulot ng karamdamang ito. Madalas itong napagkakamalang stye o kuliti.

Mga Uri

Madalas ikumpara ang chalazion sa stye, na mas kilala bilang kuliti, dahil ang dalawang karamdaman ay halos magkatulad. Mahirap din matukoy kung ang bukol sa talukap ng mata ay chalazion o kuliti sa unang mga araw dahil halos pareho ang kanilang itsura. Kaya narito ang kanilang pinagkaiba:

  • Stye o kuliti. Kuliti ang tawag kapag ang namuong suron (cyst) ay dahil sa impeksyon na dulot ng bacteria. Madalas na nagkakaroon ng kuliti sa bandang gilid ng mga talukap ng mata. Ang kuliti ay maaaring mamula, mamaga, at magkaroon ng nana. Dahil ito ay dulot ng isang impeksyon, madalas itong ginagamot gamit ang mga antibiotic. Minsan ay kailangan din itong operahan ng doktor upang mawala ang nana at pamamaga.
  • Chalazion. Chalazion naman ang tawag kapag ang suron sa talukap ng mata ay nabuo dahil sa pagbara ng oil glands. Puwede ring magkaroon ang isang tao ng chalazion dahil nagkaroon na siya ng kuliti noong nakaraan. Madalas na namumula ang bukol ngunit hindi naman ito masakit. Maaaring gumaling ang chalazion nang hinahayaan lamang kung hindi naman ito kalakihan. Ngunit kailangang tandaan na maaari pa ring magkaroon ng mga komplikasyon kapag hindi ito naghilom matapos ang ilang linggo. Puwedeng pansamantalang lumabo ang mata kapag lumaki nang labis ang chalazion.

Mga Sanhi

Ang pangunahing sanhi ng kuliti ay impeksyon na dulot ng bacteria. Ang chalazion naman ay maaaring mag-umpisa dulot ng pagbabara ng oil glands o dahil sa komplikasyon mula sa pagkakaroon ng kuliti. Puwedeng makuha ang mga karamdamang ito dahil sa sumusunod na mga kaugalian:

  • Bihirang paglilinis o paghuhugas ng mukha
  • Paghawak sa mga mata gamit ang maruming mga kamay at daliri
  • Hindi maayos na pagtanggal ng makeup sa mukha
  • Hindi maayos na paggamit at paglinis ng contact lens

Mga Sintomas

Image Source: medicalnewstoday.com

Mas madaling matukoy kung chalazion o kuliti ang bukol sa talukap ng mata matapos lumabas ang iba pang pisikal na mga sintomas nito.

Chalazion. Maaaring masabing chalazion ang pamumukol sa mata kapag nakita ang sumusunod na mga sintomas:

  • Pamamaga ng isang bahagi ng talukap ng mata
  • Pamumula ng buong talukap ng mata
  • Pagkabuo ng bukol sa loob ng talukap ng mata
  • Pangangati sa apektadong bahagi ng mata
  • Lumalabong paningin, lalo na kung malaki ang namumuong chalazion

Stye o kuliti. Malalaman na kuliti ang karamdaman kapag ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:

  • Pagkabuo ng masakit na bukol sa bandang gilid ng mga talukap ng mata
  • Pagkabuo ng nana sa nasabing bukol na maaaring mapagkamalang tigyawat
  • Pagkakaroon ng pakiramdam na mayroong maliit na “mata” sa may talukap ng mata
  • Pagluluha
  • Mas madalas na pamumuo ng muta sa apektadong bahagi ng mata
  • Pagiging sensitibo sa liwanag o mas madalas na pagkasilaw

Mga Salik sa Panganib

Image Source: nurturemybody.com

Lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng chalazion at kuliti, ngunit napapataas ang posibilidad ng pagkakaroon nito dahil sa mga sumusunod:

  • Madalas na pagkakaroon ng mga tigyawat
  • Pagkakaroon ng oily skin o mamantikang balat
  • Pagkakaroon ng ilang mga medikal na kondisyon tulad ng diabetes o acne rosacea
  • Kasaysayan ng pagkakaroon ng kuliti o chalazion
  • Madalas na paggamit ng contact lens

Pag-Iwas

Image Source: freepik.com

Maraming puwedeng gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng chalazion at kuliti, gaya ng mga sumusunod:

  • Iwasang hawakan o kamutin ang mga mata
  • Panatilihing laging malinis ang mga contact lens
  • Iwasang gamitin ulit ang mga disposable contact lens
  • Ugaliin ang palagiang paghugas ng mga kamay
  • Linisin nang maigi ang mukha gamit ang hindi marahas na panglinis (mild soap o shampoo)
  • Huwag gumamit ng luma o expired na makeup
  • Iwasang gumamit ng makeup ng ibang tao
  • Iwasang magpahiram ng makeup sa ibang tao

Sanggunian

Chalazion – StatPearls – https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK499889/

Chalazion Treatment, Images, Causes, Remedies, and Symptoms – https://whttps://www.ncbi.nlm.nih.gov/bookww.medicinenet.com/chalazion/article.htm

Chalazion – Eyewiki – https://eyewiki.aao.org/Chalazion#Diagnosis

Chalazion: Causes, Risk Factors, and Symptoms – https://www.healthline.com/health/chalazion#prevention

What Causes a Stye – https://www.healthline.com/health/eye-health/what-causes-a-stye#prevention

Chalazion – https://www.aoa.org/patients-and-public/eye-and-vision-problems/glossary-of-eye-and-vision-conditions/chalazion

Chalazion and Hordeolum (Stye) – Eye Disorders – MSD Manual Professional Edition – https://www.msdmanuals.com/professional/eye-disorders/eyelid-and-lacrimal-disorders/chalazion-and-hordeolum-stye#

Chalazion | origin and meaning of chalazion by Online Etymology Dictionary – https://www.etymonline.com/word/chalazion

Styes and Chalazion – Harvard Health – https://www.health.harvard.edu/a_to_z/styes-and-chalazions-a-to-z

Who is at risk for Chalazion and Styes? – American Academy of Opthalmology – https://www.aao.org/eye-health/diseases/chalazion-stye-risk

Chalazion: Symptoms, Causes, and Treatment – https://www.webmd.com/eye-health/chalazion-what-is#1