Buod
Ang isa sa mga pinakamalubhang uri ng kondisyon na maaaring umapekto sa atay ang ang cirrhosis. Ang sakit na ito ay makikilala sa pamamagitan ng pamamaga ng atay at ang pagkakaroon nito ng mga peklat. Kapag lumala ang kondisyon ng pasyente, napapalitan ng mga peklat na ito ang mga malulusog na selula ng atay. Ang katawagang cirrhosis ay mula sa salitang Griyego na tumutukoy sa dilaw na kulay ng atay na tumigil na sa paggana bunga ng malubhang sakit.
Ang isa sa mga pangunahing sanhi ng cirrhosis ay ang labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang isa pa sa mga sanhi nito ay ang pagkakaroon ng hepatitis C. Ang mga ito ay umaapekto sa maayos na paggana ng atay. Kapag lumala ang mga ito, labis na nagkakaroong ng pamemeklat ang atay hanggang sa ganap nang tumigil ang wastong paggana nito.
Karaniwang mapapansin sa mga taong may cirrhosis ang paglaki ng tiyan bunga ng pamamaga ng atay at ang pagkakaroon ng tubig sa tiyan. Kabilang din sa mga sintomas ng sakit na ito ang labis na pagkapagod, pagkahilo, maging ang pamamanas ng mga binti at paa.
Nilulunasan ang mga sintomas ng cirrhosis sa pamamagitan ng ganap na pagtigil sa pag-inom ng nakalalasing na inumin, tamang pag-inom ng mga gamot na lumulunas sa mga sintomas nito, maging ang pagsasailailm sa sa operasyong liver transplant (para sa malalang kaso na ng sakit na ito).
Kasaysayan
Ang cirrhosis ay unang isinalarawan ni Hippocrates noong ika-5 na siglo, B.C.E. Subalit, ang katawagang cirrhosis ay inimbento at ginamit noon lamang taong 1819. Ang katawagang ito ay hango sa salitang Griyego na tumutukoy sa paninilaw ng atay na hindi na gumagana.
Mga Uri
Mayroong apat na uri ng cirrhosis. Ang mga ito ay ang cirrhosis na dulot ng nakalalasing na inumin, cirrhosis na kaugnay ng hepatitis C, primary sclerosing cholangitis, at ang primary biliary cirrhosis.
- Cirrhosis na dulot ng nakalalasing na inumin. Ayon sa American Liver Foundation, ang cirrhosis na dulot ng labis na pag-inom ng nakalalasing na inumin ay ang pinaka-malubhang kondisyon sa atay na bunga ng mga ganitong inumin. Tinatayang ang may 10 hanggang 20 na porsyento ng mga labis na umiinom ng mga ganitong uri ng inumin sa loob ng sampung taon ay maaaring magkaroon ng cirrhosis.
- Cirrhosis na kaugnay ng hepatitis C. Ang hepatitis C ay isang uri ng sakit sa atay na dulot ng virus. Sa kondisyong ito ay namamaga ang atay. Ang may 20 hanggang 25 na porsyento ng mga taong may ganitong uri ng sakit ay maaaring magkaroon ng cirrhosis.
- Primary sclerosing cholangitis. Ang primary sclerosing cholangitis (PSC) ay isang uri ng kondisyon na umaapekto o nagdudulot ng pagbabara sa daluyan ng bile. Ang bile ay ang sangkap na nagmumula sa atay at ito ay dumadaloy sa bile duct papunta sa apdo at sa maliit na bituka. Kapag namaga ang daluyan ng bile, nagkakaroon ito ng mga peklat. Dahil dito, kumikipot ang daluyang ito hanggang sa hindi na halos makadaloy papalabas ng atay ang bile. Kapag lumala ito, maaaring magkaroon ng cirrhosis ang atay hanggang sa ito ay hindi na gumana.
- Primary biliary cirrhosis. Ang kondisyong primary biliary cirrhosis (PBC) ay isang uri ng pabalik-balik na autoimmune disease. Unti-unti nitong sinisira ang atay na maaari ring magdulot ng cirrhosis at ganap na pagtigil ng paggana nito.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Ang mga pinaka-karaniwang sanhi ng cirrhosis ay ang mga sumusunod:
- Labis na pag-inom o pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin
- Pagkakaroon ng hepatitis B at C
- Pamumuo ng mga taba sa atay
- Pagkalantad sa mga toxic na metal
Subalit, maarari ring maging sanhi ng cirrhosis ang ibang mga karamdaman at sakit a nakaaapekto sa atay. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
- Mga namamanang kondisyon. Ang mga kondisyong namamana (genetic) na maaaring magdulot ng cirrhosis ay ang gaya ng Hemochromatosis kung saan namumuo ang mga iron sa atay at sa iba pang bahagi ng katawan. Ang Wilson’s disease naman ay ang pamumuo ng copper sa atay maging sa iba pang bahagi ng katawan.
- Pagkakaroon ng bara sa mga daluyan ng bile. May mga kondisyon at mga sakit na nagpapabara sa mga bile duct na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng cirrhosis. Ang mga kondisyong ito ay kagaya ng kanser sa daluyan ng bile at kanser sa lapay (pancreatic cancer).
- Budd-Chiari syndrome. Ang kondisyong ito ay nagbubunga ng pagkukumpol ng dugo sa mga hepatic vein. Ito ay ang ugat na nagdadala ng dugo mula sa atay. Kapag namuo ang dugo sa ugat na ito, mamamaga ang atay at maaaring maging daan sa pagkakaroon ng cirrhosis. Ang iba pang mga kondisyong maaaring magpataas sa panganib ng pagkakaroon ng cirrhosis ang mga sumusunod:
- Primary sclerosing cholangitis, o ang pagtigas at pagkakaroon ng peklat sa daluyan ng bile
- Galactosemia, o ang kawalan ng kakayahan ng katawan na iproseso ang asukal na nasa gatas
- Cystic fibrosis
- Glycogen storage disease na umaapekto sa normal na paggana ng mga selula ng katawan
- Pagkakaroon ng schistosomiasis, isang uri ng parasitiko na karaniwang matatagpuan sa mga umuunlad na bansa
- Biliary atresia, o ang pagkakaroon ng mga daluyan ng bile sa mga sanggol na hindi namuo nang maayos
Mga Sintomas
Image Source: vitamins.lovetoknow.com
Sa simula ay hindi mapapansin ang mga sintomas ng cirrhosis. Ngunit kapag malala na ang pinsala sa atay, makikita na ang mga palatandaang kagaya ng mga sumusunod:
- Madaling pagdurugo at pagkakaroon ng mga pasa
- Pagkahilo
- Pagkakaroon ng edema o pamamanas ng mga binti, paa, maging ng mga bukung-bukong
- Pagkakaroon ng jaundice o paninilaw ng mga mata at balat
- Pagkakaroong ng ascites o ng tubig sa tiyan
- Pagbagsak ng timbang
- Labis na pagkapagod
- Pagkawala ng ganang kumain
- Pangangati ng balat
- Pagbakat ng mga ugat sa balat
- Pamumula ng mga palad
- Pagkakaroon ng hepatic encephalopathy kung saan ang tao ay nakararanas ng pagkalito, hirap sa pagsasalita, maging ng madalas na pag-aantok
- Pagkawala ng regla sa mga kababaihan kahit hindi pa nagkakaroon ng menopause
- Pagkawala ng ganang makipagtalik, paglaki ng dibdib, maging ang pagliit ng mga bayag pagdating sa mga kalalakihan
Mga Salik sa Panganib
Kapag nagkulang sa pag-iingat, ang sinuman ay maaaring magkaroon ng cirrhosis. Ito ay lalo na kung hindi sumusunodsa malusog na paraan ng pamumuhay Ang mga sumusunod ay ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng kondisyong ito:
- Labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin
- Pagiging labis na mataba
- Pagkakaroon ng viral na uri ng hepatitis
- Pakikipagtalik nang walang sapat na proteksyong kagaya ng condom
Pag-Iwas
Ang taong mayroong cirrhosis ay maaaring hindi na gumaling sa sakit na ito. Kaya, pinakamainam na gawin ang lahat ng uri ng pag-iingat upang maiwasan ito.
Ang isa sa mga pangunahing hakbang upang maiwasan ang cirrhosis ay ang pag-iwas sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang mga ito ay nagpapabilis sa paglala ng kondisyong ito. Subalit, maaari pa rin namang uminom ng nakalalasing na inumin. Tiyakin lamang na nasa tamang dami lamang o pasok sa recommended limit ang iniinom.
Para naman makaiwas sa hepatitis B at C, gawin lamang ang mga sumusunod na gabay sa pag-iingat:
- Gumamit ng proteksyong katulad ng condom sa tuwing makikipagtalik
- Huwag gagamit ng hiringgilya na ginamit na ng ibang tao
- Magpabakuna laban sa mga sakit na ito
Sanggunian
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/172295.php
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cirrhosis/symptoms-causes/syc-20351487
- https://www.medicinenet.com/cirrhosis/article.htm
- https://www.healthline.com/health/cirrhosis#prevention
- https://en.wikipedia.org/wiki/Cirrhosis#Etymology
- https://www.mymed.com/diseases-conditions/cirrhosis
- https://www.livestrong.com/article/82514-types-liver-cirrhosis/