Buod
Maaaring isilang ang isang sanggol ng may sakit sa puso. Ang kondisyong ito ay tinatawag na congenital heart disease (CHD). Sa sakit na ito, ang sanggol ay ipinanganak na may butas ang kanyang puso o kaya naman ay ang mga ugat nito.
Ayon sa datos, sa kada 1,000 bagong-silang na sanggol, lima sa kanila ay may congenital heart disease. Nalalaman na may butas sa puso ang isang sanggol kapag siya ay may iregular na pagtibok ng puso, mabilis na paghinga, mahina sumuso sa kanyang ina, at nagkukulay ube o nangingitim ang kanyang balat, labi, at mga kuko.
Ang sanggol ay posibleng magkaroon ng congenital heart disease kapag ang kanyang ina ay hindi sapat na nag-ingat sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. Ang unang tatlong buwan kasi ay ang pinaka-kritikal na panahon sa paglaki ng mga bahagi ng katawan ng sanggol, gaya ng puso.
Kapag ang isang buntis ay hindi tumigil sa mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo, posibleng magkabutas ang puso ng kanyang sanggol. Maaari ring maging sanhi ng congenital heart disease ang kakulangan sa pag-inom ng mga iniresetang supplements, labis na exposure sa radiation, at ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang congenital heart disease ay posible ring mamana lalo na kung may history nito sa inyong pamilya o angkan.
Depende sa pagkalubha ng kondisyon, ang congenital heart disease ay maaaring mabigyan ng lunas sa pamamagitan ng pag-inom ng medikasyon at pagsasailalim sa operasyon.
Kasaysayan
Maraming doktor at mananaliksik ang nag-aral tungkol sa congenital heart disease. Subalit, iilan lamang sa kanila ang may tumpak na paglalahad tungkol dito. Kabilang na rito sina Dr. Thomas Bevill Peacock (1858) at Dr. Maude Abbott (1908). Ayon sa magkahiwalay nilang mga tala, ang sanhi ng congenital heart disease ay ang pagkakaroon ng abnormalidad sa embriyon, kaya naman hindi nabubuo nang maayos ang puso ng sanggol.
Noong taong 1944 naman, nagkaroon ng pinakamalaking development tungkol sa paglunas ng congenital heart disease. Sa pangunguna ni Dr. Helen Brooke Taussig, kasama ang surgeon na si Dr. Alfred Blalock at surgical technician na si Dr. Vivien Thomas, naisagawa nila ang pinaka-angkop na operasyon para sa sakit na ito.
Dahil sa patuloy na pananaliksik at pag-unlad ng kaalamang medikal tungkol sa congenital heart disease, mas marami nang mga sanggol naililigtas mula rito. Subalit, hanggang sa ngayon, ay nananatili pa ring mataas ang mortality rate ng sakit na ito.
Mga Uri
Maraming uri ang congenital heart disease batay sa lokasyon ng butas sa puso. Ilan sa mga pinakalaganap na uri ay ang mga sumusunod:
Hindi gaanong kritikal na uri
Ang congenital heart disease ay may mga ilang hindi gaanong kritikal na uri. Sa mga uri na ito, nagkakaroon lamang ng butas ang “septum” o ang bahaging nagsisilbing dingding at naghahati sa mga kalamnan ng puso. Nabibilang dito ang mga sumusunod:
- Atrial septal defect – Ang atrial septal defect (ASD) ay ang pagkakaroon ng butas sa “atrial septum” o ang pagitan ng dalawang atrium o itaas na mga bahagi ng puso. Normal lang naman na may butas ang bahaging ito habang ang sanggol ay nasa sinapupunan pa lamang. Subalit, kapag ang butas na ito ay hindi nagsara habang lumalaki ang sanggol, nagkakaroon ng sobrang dugo ang mga baga at ito’y maaaring magdulot ng iba’t ibang sintomas gaya ng iregular na pagtibok ng puso at hirap sa paghinga.
- Atrioventricular septal defect – Sa atrioventricular septal defect (AVSD) naman, ang butas ay nasa “atrioventricular septum” o ang gitnang bahagi na naghahati sa kanan at kaliwang mga kalamnan ng puso. Ang mga kanang bahagi ng puso (right atrium at right ventricle) ay ang nagdadala ng dugo sa mga baga, samantalang ang mga kaliwang bahagi (left atrium at left ventricle) ay nagdadala ng dugo sa iba’t ibang parte ng katawan. Kung may butas sa atrioventricular septum, maaari ring magkaroon ng sobrang dugo ang mga baga at magdulot ng iregular na pagtibok ng puso at hirap sa paghinga.
- Ventricular septal defect – Ang ventricular septal defect (VSD) ay ang pagkakaroon ng butas sa “ventricular septum” o ang pagitan ng dalawang ventricle o ibabang mga bahagi ng puso. Sa kondisyong ito, ang dugo na mula sa left ventricle ay hindi magawang dumaloy nang maayos papunta sa right ventricle sapagkat karamihan ng dugo ay bumabalik lamang sa left ventricle. Dahil dito, napupuno na naman ang mga baga ng sobrang dugo na siyang nagdudulot ng iregular na pagtibok ng puso at hirap sa paghinga.
Ang mga nabanggit na uri ay mas malaki ang posibilidad na mailigtas ang buhay ng sanggol. Kadalasan, ang mga butas sa mga bahaging ito ay maliliit lamang at nagsasara nang kusa kahit walang gawin dito. Kung minsan ay wala ring nakikitang mga senyales o sintomas kapag ang isang sanggol ay mayroon nito. Subalit, mas mainam pa ring sumailalim ang pasyente sa maigting na pagsusuri ng doktor upang malaman kung kailangan ding operahan at sarhan ang butas sa puso.
Kritikal na uri
Isa ang congenital heart disease sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi nabubuhay nang matagal ang mga sanggol. Ayon sa datos, ang mga sanggol na may kondisyon na ito ay maaaring umabot lamang ng hanggang 28 araw, lalo na kung hindi agad nalapatan ng lunas. Bukod dito, ang congenital heart disease ay mas maraming mga kritikal na uri, kaya naman mas komplikado ang paggamot sa mga ito. Ilan sa mga laganap na kritikal na uri ay ang mga sumusunod:
- Coarctation of the aorta
- Double-outlet right ventricle
- d-Transposition of the great arteries
- Ebstein anomaly
- Hypoplastic left heart syndrome
- Interrupted aortic heart
- Pulmonary atresia
- Single ventricle
- Tetralogy of Fallot
- Total anomalous pulmonary venous return
- Tricuspid atresia
- Truncus arteriosus
Kung ang isang sanggol ay na-diagnose ng kritikal na uri ng congenital heart disease, posibleng mahirapang lunasan ito. Sa mga uring ito, ang butas ng puso ay hindi simpleng butas lamang sa septum o dingding gaya ng sa mga hindi gaanong kritikal na uri.
Ilan sa mga uri na ito ay nagkakabutas dahil “mali” ang pagkakakonekta ng bahagi ng puso. Gaya na lamang sa double-outlet right ventricle. Sa halip na nakakonekta ang aorta sa left ventricle, nakakonekta ito sa right ventricle. Dahil dito, ang left ventricle ng puso ay nanatiling bukas o butas kasi walang aorta na nakakonekta at nagtatakip nito.
Kung hindi naman mali ang pagkakakonekta ng bahagi ng puso, ang iba naman ay nagkakabutas sa puso sapagkat “wala” o “kulang” ang bahagi nito. Gaya na lamang sa tricuspid atresia, nagkakabutas ang puso kasi hindi nabuo ang tricuspid heart valve. Ang tricuspid heart valve ay bahagi ng puso na nagsisilbing pinto kung gaano kadaming dugo ang dapat lumabas at pumasok sa mga kalamnan nito.
Bagama’t ang mga kritikal na uri ng congenital heart disease ay maaaring masolusyonan sa pamamagitan ng operasyon, ito ay napaka-komplikado sapagkat ang mga pasyente ay mga sanggol. Sa ibang mga ospital, nangangailangan munang umabot ng 1 taong gulang ang bata bago magsagawa ng operasyon sa puso.
Mga Sanhi
Nagkakaroon ng congenital heart disease ang isang sanggol kapag ang kanyang ina ay hindi nag-ingat habang nagbubuntis. Ilan sa mga posibleng sanhi ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon nito ng mga malalapit na kamag-anak – Ang congenital heart disease ay maaaring mamana, lalo na kung mayroong malapit na kamag-anak o miyembro ng angkan na mayroon nito.
- Pag-inom ng alak at paninigarilyo habang buntis – Ang alak at sigarilyo ay may mga nakalalasong kemikal na maaaring makaapekto sa sanggol na nasa sinapupunan. Pinipigilan ng mga ito ang sanggol na makatanggap ng sapat na supply ng dugo, oxygen, at nutrisyon. Dahil dito, hindi nadedevelop nang husto ang kanyang organs gaya ng puso.
- Kakulangan sa pag-inom ng niresetang supplements – Habang nagbubuntis, ang doktor ay nagrereseta ng supplements gaya ng folic acid. Ang folic acid ay nakatutulong upang lumaking malusog at walang anumang depekto ang sanggol habang siya ay nasa sinapupunan pa lamang.
- Labis na pagkalantad sa radiation – Hangga’t maaari, ang mga doktor ay hindi inirerekomenda na magpa-X-ray ang sinumang nagbubuntis sapagkat ito ay may dalang radiation. Ang radiation ay nakasasama sa development ng sanggol sa sinapupunan at maaaring magdulot ito ng congenital heart disease.
- Paggamit ng ipinagbabawal na gamot – Ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot habang nagbubuntis ay maaari ring magdulot ng congenital heart disease. Ang droga ay kilala sa mga nakalalasong kemikal at maaari nitong maapektuhan ang paglaki ng sanggol sa sinapupunan. Bukod dito, ang buntis ay maaaring makunan o manganak nang wala pa sa hustong buwan.
Sintomas
Source: confettissimo.com
Ang isang tao ay maaaring lumaki nang hindi nalalaman na may congenital heart disease pala siya sapagkat kung minsan ay wala itong mga sintomas. Subalit, kung ang sanggol ay nagpapakita ng mga sumusunod na senyales, ipagbigay alam ito agad sa doktor:
- Iregular na pagtibok ng puso – Ang sanggol na may iregular na pagtibok ng puso ay posibleng may congenital heart disease. Kadalasan, kapag ang sanggol ay may iregular na pagtibok ng puso, nakaririnig ng “heart murmur” o tunog na parang umaagos sa pag-itan ng bawat pagtibok.
- Mabilis na paghinga – Ang bagong-silang na sanggol ay karaniwang may bilang na 30 hanggang 60 na paghinga sa loob ng isang minuto. Kapag lumampas dito o napansin mong mabilis ang pagtaas at pagbaba ng kanyang dibdib at tiyan, ang sanggol ay posibleng may butas ang puso.
- Mahina sumuso – Dahil sa ang sanggol ay nakararanas na ng hirap sa paghinga, hindi niya magawang sumuso nang maayos sa kanyang ina. Dahil dito, ang sanggol ay hindi nakakukuha ng sapat na nutrisyon na nagiging sanhi ng pamamayat.
- Nagkukulay ube o nangingitim – Ang sanggol na may congenital heart disease ay nagkukulay ube o nangingitim ang balat, labi, at mga kuko. Mas kapansin-pansin ito kapag siya ay sumususo sa kanyang ina, o kaya naman ay sa tuwing umiiyak.
Mga Salik sa Panganib
Mataas ang posibilidad na magkaroon ng congenital heart disease ang isang sanggol kapag ang kanyang ina ay nabibilang alinman sa mga sumusunod na grupo:
- Family history – Ang congenital heart disease ay posibleng mamana ng sanggol. Ayon sa datos, tumataas ng hanggang 50% ang posibilidad na magkaroon nito kapag mayroong history ng sakit na ito ang pamilya o kamag-anak.
- Nagbibisyo habang buntis – Ang mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, at pagdrodroga ay maaaring makasama hindi lamang sa ina kundi pati na rin sa sanggol na nasa sinapupunan. Gaya ng nabanggit noong una, ang alak, sigarilyo, at droga ay may mga nakalalasong kemikal na posibleng makaapekto sa development ng mga organs ng sanggol.
- May type 1 o type 2 diabetes ang ina – Kung ang ina ng sanggol ay may type 1 o type 2 na uri ng diabetes, posibleng maapektuhan nito ang development ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Ayon sa pag-aaral, kapag may type 1 diabetes ang isang buntis, posibleng magkaroon ng butas ang arteries sa puso ng sanggol. Ang arteries ay parang malalaking tubo na nakakonekta sa puso na nagsisilbing daluyan ng dugo. Samantalang kapag ang isang buntis ay may type 2 diabetes, maaaring magkabutas ang left ventricle o kaliwang masel ng puso ng sanggol.
- Nagkatigdas habang nagbubuntis – Ang sinumang buntis na hindi naturukan ng MMR (Measles-Mumps-Rubella) vaccine noong sanggol pa lamang sila ay hindi dapat maglalapit sa mga taong may tigdas sapagkat malaki ang posibilidad nilang makahawa. Bukod dito, kapag nagkatigdas ang isang buntis, maaapektuhan din nito ang development ng organs ng kanilang sanggol sa sinapupunan.
Pag-Iwas
Source: capobythesea.com
Upang hindi magkaroon ang sanggol sa sinapupunan ng congenital heart disease, ang bawat nagbubuntis ay kailangang gawin ang mga sumusunod:
- Kung may planong magbuntis, siguraduhin na kumpleto muna sa MMR vaccine upang hindi magka-tigdas. Ngunit kung buntis na, ang pagpapaturok ng vaccine na ito ay hindi inirerekomenda. Umiwas na lamang sa mga taong may tigdas upang hindi mahawaan.
- Itigil ang anumang bisyo gaya ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
- Regular na inumin ang mga iniresetang supplements ng doktor upang magkaroon ng malusog na pagbubuntis.
- Bago uminom ng anumang gamot, herbal man o over-the-counter meds, ay itanong muna sa doktor kung maaari itong inumin.
- Kumain ng masusustansyang pagkain at uminom ng maraming tubig upang hindi magkaroon ng anumang sakit gaya ng ubo, sipon, lagnat, at impeksyon.
May mga laboratory at imaging tests na maaaring isagawa upang malaman agad kung ang sanggol sa sinapupunan ay may congenital heart disease. Subalit, hindi ito magagamot habang ang sanggol ay nasa sinapupunan pa lamang. Ang tanging magagawa ng mga magulang at doktor ay paghandaan at pagplanuhan kung anu-ano ang mga dapat gawin upang maibsan ang mga sintomas ng sanggol kapag siya ay naisilang na.
Sanggunian
- https://news.abs-cbn.com/life/10/03/17/alamin-sakit-sa-puso-na-karaniwan-sa-mga-sanggol
- https://www.senate.gov.ph/lisdata/86477236!.pdf
- https://medlineplus.gov/congenitalheartdefects.html
- https://mendedhearts.org/story/chd-facts-and-statistics/
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4870049/
- https://cfmedicine.nlm.nih.gov/physicians/biography_316.html
- https://www.webmd.com/heart-disease/guide/congenital-heart-disease
- https://share.upmc.com/2016/03/how-smoking-alcohol-drugs-harm-your-baby/
- https://www.healthline.com/health/newborn-breathing#normal-breathing
- https://www.aap.org/en-us/advocacy-and-policy/aap-health-initiatives/chphc/Pages/Risk-Factors-For-CHD.aspx
- https://www.webmd.com/heart-disease/what-makes-congenital-defects-likely
- https://www.sciencedaily.com/releases/2018/12/181221142509.htm
- https://www.cdc.gov/ncbddd/heartdefects/facts.html
- https://www.nhs.uk/conditions/congenital-heart-disease/prevention/
- https://www.heart.org/en/health-topics/congenital-heart-defects/about-congenital-heart-defects/atrial-septal-defect-asd
- https://www.cdc.gov/ncbddd/heartdefects/avsd.html
- https://www.cdc.gov/ncbddd/heartdefects/data.html
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/ventricular-septal-defect/symptoms-causes/syc-20353495
- https://www.cdc.gov/ncbddd/heartdefects/facts.html