Buod
Ang coronary artery disease (CAD) ay isang uri ng sakit sa puso na kilala rin sa mga tawag na coronary heart disease (CHD) at ischemic heart disease.
Sa sakit na ito, naaapektuhan ang mga ugat ng puso, partikular na ang coronary artery. Ang coronary artery ay ang pinakamalaking ugat na daanan ng dugo na tumutulong maghatid ng oxygen at nutrisyon sa puso.
Kadalasang nagkakaroon ng coronary artery disease kapag nabarahan ng mga taba ang coronary artery. Dahil dito, sumisikip nang husto ang mga ugat ng puso at ito ay nagdudulot ng paninikip ng dibdib o angina, hirap sa paghinga, at atake sa puso.
Ayon sa World Health Organization (WHO), kabilang ang coronary artery disease sa sampung pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga tao. Maraming nagkakaroon ng sakit na ito dahil sa pagkain ng matatabang pagkain, kakulangan sa ehersisyo, paninigarilyo, at labis na pag-inom ng alak.
Ang coronary artery disease ay isang mapanganib na sakit, pero ito naman ay nagagamot sa pamamagitan ng pag-inom ng medikasyon, o kaya naman ay operasyon kung ito ay malala na.
Kasaysayan
Sa sakit na coronary artery disease, nagkakaroon ng pagbabara ang mga ugat ng puso. Ang pagbabarang ito ay tinatawag na atherosclerosis. Ayon sa mga mananaliksik, isa ang atherosclerosis sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga sinaunang taga-Ehipto. Halimbawa nito ay ang pagkamatay ni Pharaoh Merenptah noong 1,203 BCE.
Ayon sa mga mananaliksik, ang pinakanaaapektuhan ng sakit sa puso ay ang mga mayayamang taga-Ehipto. Sila kasi ay sagana sa mga pagkaing matataba gaya ng baka, bibe, at gansa. Mahilig din silang maglagay ng asin sa kanilang pagkain, kaya mas mataas ang posibilidad nilang magkaroon ng mga baradong ugat sa puso.
Dahil sa kakulangan pa ng kaalaman tungkol sa sakit na coronary artery disease, maraming mananaliksik pa ang nag-aral tungkol dito gaya ni Leonardo da Vinci (1452-1519). Ang pinakamahalagang kontribusyon ni da Vinci sa larangang ito ay ang pagkakadiskubre na may apat na valves ang puso. Ayon din kay da Vinci, kapag nabarahan ang mga ugat ng puso ay hindi malayong magkaroon ng sakit ang isang tao.
Upang mas maintindihan pa kung bakit nagkakaroon ng iba’t ibang sakit sa puso, nagsagawa rin ng pag-aaral si William Harvey (1578-1657), isang Ingles na doktor. Sa dinami-rami ng teorya tungkol sa pagdaloy ng dugo, tanging si Harvey lamang ang nakapaglahad nang tama kung paano ang wastong sirkulasyon ng dugo sa katawan.
Ayon naman kay Friedrich Hoffman (1660-1742), isang propesor ng medisina sa University of Halle, nagkakaroon ng coronary artery disease kapag sumisikip ang mga daluyan ng dugo.
Mga Sanhi
Gaya ng nabanggit noong una, ang pinakapangunahing sanhi ng coronary artery disease ay ang pagkakaroon ng baradong coronary artery. Posibleng mabarahan ang ugat na ito nang dahil sa mga sumusunod:
- Pagkain ng matatabang pagkain – Nagiging sanhi ng pagbabara ng coronary artery ang matatabang pagkain sapagkat ang mga ito ay mayaman sa saturated fats. Ang saturated fats ay uri ng taba na nakapagpatataas ng bad cholesterol ng katawan. Ilan lamang sa mga pagkaing sagana sa saturated fats ay ang matataba at masesebong parte ng karne ng baka, tupa, baboy, at manok.
- Kakulangan sa pag-eehersisyo – Kapag ang labis na pagkain ay sinabayan ng kakulangan sa pag-eehersisyo, hindi rin malayo na magkaroon ng coronary artery disease. Dahil sa hindi pag-eehersisyo, hindi nawawala ang bad cholesterol ng katawan, kaya naman nagkakaroon din ng pagbabara sa mga ugat ng puso.
- Paninigarilyo – Ang carbon monoxide, nicotine, at iba pang mga nakalalasong kemikal mula sa sigarilyo ay nagdudulot din ng coronary artery disease. Imbes na taba, ang mismong dugo ng katawan ay lumalapot at nagkukumpul-kumpol para mabarahan ang mga ugat ng puso.
- Labis na pag-inom ng alak – Ang labis na pag-inom ng alak ay nakapagpapataas ng presyon ng dugo na posibleng maging sanhi ng paninikip ng mga ugat ng puso. Bukod dito, pinapahina nito ang pagtibok ng puso, kaya naman hindi makatanggap ng sapat na oxygen at nutrisyon ang ibang mga parte ng katawan.
Sintomas
Source: healthination.com
Ang coronary artery disease ay may iba’t ibang sintomas. Magpatingin agad sa doktor kung nakararanas ng alinman sa mga sumusunod:
- Angina – Ang angina ang pinakapangunahing sintomas ng coronary artery disease. Ito ay ang paninikip ng dibdib sa hindi malamang dahilan. Kadalasan, inilalahad ang angina na parang may nakadagan sa dibdib, o kaya naman ay parang pinipiga ang dibdib.
- Pananakit ng panga, balikat, braso, o likod – Kapag may angina, posibleng makaramdam din ng pananakit sa ibang mga parte ng katawan gaya ng panga, balikat, braso, o likod.
- Hirap sa paghinga – Dahil sa hindi magawang maghatid nang maayos ng oxygen ang puso sa iba’t ibang parte ng katawan, ang pasyenteng may coronary artery disease ay makararanas din ng hirap sa paghinga.
- Pagkakaroon ng cold sweat o malamig na pawis – Kung ang lumalabas na pawis sa iyong katawan ay labis-labis at malamig, posibleng indikasyon na ito ng sakit sa puso.
- Pagkahilo – Ang pagkahilo ay isa rin sa mga sintomas ng coronary artery disease sapagkat bukod sa puso, hindi na rin nakatatanggap ng sapat na oxygen at nutrisyon ang utak.
Kapag lumala ang isang kaso ng coronary heart disease, maaari itong magdulot ng mga komplikasyon. Ang pinakamalala sa mga dito ay ang heart attack o atake sa puso. Dito, ang mga kalamnan ng puso ay unti-unting nanghihina at pansamantalang titigil sa pagbomba ng dugo. Kapag nangyari ito, ang pasyente ay mawawalan ng malay. Upang mailigtas ang buhay ng pasyente, kailangang magsagawa ng emergency chest compressions at magbigay ng agarang atensyong medikal.
Minsan, isinasawalang-bahala ng iba ang mga sintomas na ito lalo na ang angina o paninikip ng dibdib, sapagkat inaakala nilang ito ay heart burn o indigestion lamang. Bagama’t ang ilang mga sintomas ng coronary artery disease ay natutulad sa ibang hindi kaselang sakit, iminumungkahi pa rin na magpakonsulta agad sa doktor.
Mga Salik sa Panganib
Source: saukprairiehealthcare.org
Tumataas ang posibilidad na magkaroon ng coronary artery disease kapag nabibilang ang isang tao sa alinman sa mga sumusunod na grupo:
- Mga may matataas na presyon at cholesterol – Isa sa mga pangunahing salik sa panganib ng coronary artery disease ay ang pagkakaroon ng mataas na presyon at cholesterol. Maigting na pinag-iingat ang sinumang madalas magkaroon ng presyon na 140/80 mmHg pataas o kaya naman ay may mahigit 240 mg/dL na lebel ng cholesterol.
- Mga overweight – Ang mga taong overweight o labis-labis ang timbang ay nanganganib ding magkaroon ng coronary artery disease. Ang mga katawan nila kasi ay maraming saturated fats na posibleng bumara sa mga ugat ng puso.
- Mga mahihilig kumain ng matatabang pagkain – Kahit hindi overweight, posible pa ring magka-coronary artery disease kung ikaw naman ay mahilig kumain ng matatabang pagkain. Tandaan, ang matatabang pagkain ay maraming saturated fats na nakapagpapataas ng presyon at cholesterol ng katawan.
- Mga naninigarilyo – Kung umuubos ng mahigit sa isang pakete ng sigarilyo isang araw, hindi malayong magkaroon ng coronary artery disease. Gaya ng nabanggit noong una, ang mga nakalalasong kemikal ng sigarilyo ay nagdudulot ng pagkukumpul-kumpol ng dugo na siyang nagiging sanhi ng pagbabara ng mga ugat ng puso.
- Mga labis-labis uminom ng alak – Ang labis-labis na pag-inom ng alak ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon at panghihina ng mga kalamnan ng puso.
- Mga taong may ibang karamdaman – Ang mga taong may ibang karamdaman gaya ng diabetes at sleep apnea ay maaaring magkaroon ng komplikasyon at magdulot ng pagbabara ng mga ugat sa puso.
Pag-Iwas
Source: wikihow.com
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng coronary artery disease, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:
- Kumain ng mga masusustansyang pagkain – Ang pagpili ng mga masusustansyang pagkain ay nakatutulong upang makaiwas sa mga salik sa panganib ng coronary artery disease gaya ng mataas na presyon, labis na timbang, at diabetes. Damihan ang pagkain ng mga gulay, prutas, at isdang mayaman sa omega-3 (healthy fats). Bawasan din ang pagkain ng matataba at masesebong parte ng mga karne upang hindi dumami ang saturated fats ng katawan.
- Mag-ehersisyo araw-araw – Ang pag-eehersisyo kahit 30 minuto lamang araw-araw ay makatutulong upang mapanatili ang wastong timbang. Bukod dito, ang pag-eehersisyo ay nakapagpapababa ng cholesterol ng katawan.
- Itigil ang paninigarilyo – Ang paninigarilyo ay napakaraming naidudulot na sakit. Hindi lamang sakit sa baga ang naidudulot nito, kundi pati sakit sa puso.
- Bawasan ang pag-inom ng alak – Ang sobrang pag-inom ng alak ay nakapagpapataas ng presyon. Kung nais uminom ng alak, mas maigi kung ang pag-inom nito ay tuwing may mga okasyon lamang.
Maliit lamang ang posibilidad na magkaroon ng coronary artery disease kung uugaliin ang healthy lifestyle. Sa oras naman na makaramdam ng mga sintomas nito, agad na magpa-checkup sa doktor upang hindi na ito lumala pa.
Sanggunian
- https://www.cardiosmart.org/Heart-Conditions/Coronary-Artery-Disease
- https://www.healthline.com/health/coronary-artery-disease
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/184130.php
- https://www.healthinfotranslations.org/pdfDocs/CAD_TAG.pdf
- https://www.nhlbi.nih.gov/health-topics/ischemic-heart-disease
- https://www.healthline.com/health/heart-disease/history#diet-and-heart-disease
- https://www.nhs.uk/conditions/coronary-heart-disease/
- https://columbiasurgery.org/news/2016/02/18/heart-disease-was-common-ancient-egypt-too-0
- https://www.cardiosmart.org/Healthwise/hw79/682/hw79682
- https://www.drinkaware.co.uk/alcohol-facts/health-effects-of-alcohol/diseases/alcohol-and-heart-disease/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/315900.php