Buod
Ang COVID-19 ay unang nakilala sa pangalang 2019-nCoV o nCoV (novel coronavirus). Ang sakit na ito ay sanhi ng bagong strain o uri ng coronavirus na nagsimula at nagdulot ng outbreak sa Wuhan, Hubei, China at iba’t ibang mga panig ng mundo. Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang pasyente ay makararanas ng mga sintomas na gaya ng lagnat, ubo, at hirap sa paghinga. Bagama’t ang mga sintomas nito ay tila pangkaraniwan lamang, ito ay mapanganib at nakamamatay sapagkat nagdudulot ito ng mga malulubhang komplikasyon, gaya ng pulmonya at respiratory failure.
Naihahalintulad ang COVID-19 sa mga viral na sakit na Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome (MERS) sapagkat magkakatulad na coronavirus ang mga sanhi nito, subalit magkakaiba ang strain. Karaniwang nakukuha ang mga coronavirus sa mga hayop. Sa katunayan, ang COVID-19 ay pinaniniwalaan na nagsimula sa pagkain o direktang pagkahawa sa mga hayop, pagkaing-dagat, at karne na nabibili sa isang palengke sa Wuhan.
Wala pang tiyak na paraan kung paano malulunasan ang kondisyong ito. Gaya ng nabanggit noong una, ito ay bagong uri ng coronavirus. Upang bumaba ang posibilidad na manganib ang buhay ng pasyenteng nahawa sa sakit na ito, kailangan niyang manatili sa ospital nang sa gayon ay mabigyan siya ng mga lunas upang maibsan ang kanyang mga sintomas. Maari ring resetahan ang pasyente ng mga gamot para sa lagnat at ubo. Kailangan ding lagyan ang pasyente ng suwero upang hindi makaranas ng dehydration. Kung nahihirapan namang huminga ang pasyente, maaari rin siyang sumailalim sa oxygen therapy o respiratory support.
Kasaysayan
Ang pag-usbong ng sakit na COVID-19 (na unang naitawag na nCoV) ay nagsimula noong bandang katapusan ng Disyembre 2019, bago sumapit ang bagong taon. Ayon sa datos, may unang naitala na 59 na mga pinaghihinalaang kaso ng sakit na ito sa isang ospital sa China. Sa 59 na pasyente, 41 sa kanila ay nagpositibo sa nCoV. Batay sa pagsusuri, 2/3 ng mga pasyenteng nagpositibo ay nanggaling sa Huanan Seafood Wholesale Market kung saan ay may itinitindang mga buhay na hayop, pagkaing-dagat, at karne.
Hindi pa noon nababahala ang pamunuan ng Wuhan sapagkat maituturing na kakaunti pa lamang ang mga kaso. Subalit pagsapit ng ika-20 ng Enero 2020, nagkaroon ng biglaang pagtaas ng mga kaso ng nCoV na umabot sa 140. Pagkalipas lamang ng limang araw, pumalo ang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa China ng mahigit sa 2,000. Maging ang ibang mga bansang gaya ng Hongkong, Macau, Australia, Malaysia, Singapore, Pransya, Japan, South Korea, Taiwan, Estados Unidos, Canada, Vietnam, Nepal, at iba pa ay nagkaroon na rin ng mga kumpirmadong kaso ng nCoV.
Kalaunan, naging tiyak na pandemic na ang sakit na ito nang kumalat nito sa halos lahat ng mga bansa sa daigdig. At noon namang Pebrero 2020 ay nagdedisyon ang World Health Organization (WHO) na baguhin ang pangalan ng sakit na ito upang ma-iwasan ang pag-ugnay ng pangalan na ito sa isang partikular na lugar o grupo ng mga tao. Kaya, inihayag nila ang bagong pangalan nitong COVID-19. Inansunsyo rin na ang virus na nagdudulot ng sakit na ito ay pinangalanang, “severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2).”
Sa Pilipinas naman, umabot ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa 52 noong Marso 12, 2020. Kaya, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim ang buong Metro Manila sa isang community quarantine simula ng Marso 15, hanggang Abril 14, 2020. Isa sa mga pangunahing resulta nito ay ang pagbawal ng paglalakbay papasok o palabas ng Metro Manila sa anumang paraan upang mahinto o mapabagal ang pagkalat ng sakit.
Noon namang Marso 17 pinalawig ang community quarantine upang isama na ang buong Luzon, kasama na ang MIMAROPA. Ang bagong enhanced community quarantine na ito ay inaasahang matatapos ng Abril 12, 2020. Sa panahong ito, mahigpit na ipagbabawal ang pagtitipon ng mga tao sa mga pampublikong lugar, maging ang paglabas ng bahay nang hindi kinakailangan. Noong Marso 28 naman unang lumagpas sa isang libo ang mga kaso ng COVID-19 sa PIlipinas, nang nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 272 bagong kaso sa isang araw o kabuuang bilang na 1,075.
Ayon sa ulat ng DOH noong Marso 30, mayroon nang 1,546 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa iba’t ibang mga ospital sa bansa. Samantala, 42 naman ang bilang ng mga kilalang gumaling na mula sa sakit na ito at 78 naman na ang naitalang nabawian ng buhay. Maaari ring makita ang mga napapanahong datos tungkol sa COVID-19 sa Pilipinas sa tulong ng sumusunod:
Mga Sanhi
Image Source: unsplash.com
Ang sanhi ng COVID-19 ay isang bagong strain ng coronavirus na unang tinawag bilang 2019-nCoV. Ngunit matapos ang karagdagang pagsusuri ay binago ang pangalan ng virus na ito. Binansagan itong severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 o SARS-CoV-2 dahil sa mga natuklasang pagkatulad nito sa virus na nagdudulot ng SARS. Pinaniniwalaan naman ng iba’t ibang mga mananaliksik ng Tsino na ang bagong virus na ito ay nagmula sa mga hayop na gaya ng paniki at pangolin.
Dahil ang kondisyong ito ay dulot ng isang bagong uri ng coronavirus, ito ay lubos na nakahahawa at maaaring makuha sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagkakalantad, pagkakahawak, at pagkain sa mga hayop na infected
- Paglanghap ng maliliit na laway ng infected na tao
- Pakikipag-usap o paghawak sa infected na tao
- Kapag na-ubohan ng infected na tao
- Pagkakahawak sa mga bagay na may laway ng infected na tao
Noong bago pa lamang umuusbong ang mga kaso ng COVID-19, tila hindi ito gaanong pinag-ukulan ng pansin ng pamunuan ng Wuhan at ng gobyerno ng Tsina. Sa katunayan, ang Wuhan ay nagsagawa pa ng isang pampublikong pagdiriwang na tinatawag na “Wanjiayan” kahit na may kasalukuyan silang isyung pangkalusugang kinakaharap. Dahil dito, nakatanggap ang pamunuan ng Wuhan ng matinding kritisismo mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Apat na araw matapos ang pagdiriwang, biglang tumaas ang bilang ng mga taong nagkaroon ng COVID-19 na siyang nag-udyok upang isailalim sa isang lockdown ang lungsod.
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Ang mga sintomas ng COVID-19 ay hindi nalalayo sa normal na ubo at trangkaso. Kung maaapektuhan ng kondisyong ito, maaaring makaranas ng mga sumusunod:
- Mataas na lagnat
- Pagkakaroon ng sipon
- Matinding pag-ubo
- Hirap sa paghinga
Bukod sa mga nabanggit, maaari ring makaranas ang mga pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng katawan
- Matinding pagkapagod
- Pagtatae
- Pag-ubo ng may kasamang dugo
Ayon sa mga doktor, ang mga sintomas ay maaaring lumabas 2 hangggang 14 na araw magmula sa araw ng pagkakalantad sa virus. Subalit maaaring ang mga sintomas ay lumabas nang mas huli pa sapagkat ang pinagbatayan lamang nito ay ang mga nakaraaang outbreak ng SARS at MERS.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.nytimes.com
Dahil lubos na nakahahawa ang COVID-19, maaaring magkaroon ang kahit na sinuman ng kondisyong ito. Subalit, mas tataas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Paninirahan o paglalakbay sa mga lugar na may mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, hindi lamang sa China
- Pagkain o paghawak ng mga hayop na gaya ng mga paniki at ahas
- Pagiging sakitin o pagkakaroon ng mahinang pangangatawan
- Pagkakaroon ng ibang kondisyong gaya ng diabetes, altapresyon, o ipa pang sakit sa puso
- Pagtratrabaho sa mga ospital at iba pang pangkalusugang pasilidad
- Pagpunta sa siksikang mga lugar ng walang sapat na proteksyon
Mga Komplikasyon
Kung hindi agad maaagapan, maaaring magdulot ang COVID-19 ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pulmonya
- Lung injury
- Acute respiratory distress syndrome (ARDS)
- Respiratory failure
- Septic shock
- Acute kidney injury
- Virus-induced cardiac injury
Ang lahat na nabanggit na mga komplikasyon ay nakamamatay. Kumpara rin sa ibang mga uri ng sakit, mas mabilis magkaroon ng mga komplikasyon ang sakit na hatid ng isang uri ng coronavirus. Kaya naman kung nakararamdam ng mga sintomas, agad na pumunta sa ospital.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Kumpara sa ibang mga uri ng virus, ang coronavirus ay higit na nakahahawa, kaya naman iminumungkahi ng mga doktor na lubusang mag-ingat. Upang maka-iwas sa sakit na ito, nangangailangang gawin ang mga sumusunod:
- Magsuot ng face mask kahit wala pang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Palitan din ang nagamit na face mask araw-araw at huwag paulit-ulitin ang suot, lalo na kung ito ay disposable.
- Iwasan ang mga taong may sakit. Kung hindi lubusang maiiwasan, magsuot ng face mask.
- Pagkauwi ng bahay, maligo muna upang maalis ang mga kumapit na mikrobyo sa katawan. Hangga’t maaari, huwag munang hahawakan o yayakapin ang mga anak, asawa, o ibang kasama sa bahay kung hindi pa nalilinis ang katawan.
- Ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig. Kung walang sabon at tubig, gumamit ng alcohol o sanitizer.
- Iwasang hawakan ang mukha, mata, ilong, at bibig hangga’t hindi pa naghuhugas ng mga kamay.
- Palakasin ang resistensya ng katawan sa pamamagitan ng pagkain ng mga prutas at gulay na mayaman sa bitamina C. Maaari ring uminom ng mga vitamin o supplement.
- Iwasan ang paghawak sa mga palaboy-laboy na mga hayop. Kung may mga alagang hayop naman, regular na paliguan ang mga ito at linisin palagi ang kanilang mga kulungan.
- Kung may ubo o nababahing, takpan nang maigi ang ilong at bibig gamit ang tisyu upang hindi makahawa sa iba. Itapon nang maayos ang tisyu pagkatapos.
- Maglinis at mag-disinfect ng buong bahay, lalo na ang mga bagay na madalas na hinihawakan.
- Kung hindi naman kailangan lumabas ng bahay ay huwag na munang lumabas.
Sanggunian
- https://en.wikipedia.org/wiki/2019%E2%80%9320_Wuhan_coronavirus_outbreak
- https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/about/index.html
- https://www.theguardian.com/science/2020/jan/26/what-is-the-coronavirus-wuhan-china-virus-sars-symptoms
- https://foreignpolicy.com/2020/01/26/2019-ncov-china-epidemic-pandemic-the-wuhan-coronavirus-a-tentative-clinical-profile/
- https://www.sciencealert.com/wuhan-coronavirus-can-be-infectious-before-people-show-symptoms-official-claims
- https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/723656/13-persons-under-investigation-for-possible-ncov-infection-duque/story/