Gamot at Lunas
Image Source: www.freepik.com
Kadalasan, ang mga viral na sakit ay walang lunas. Upang gumaling mula sa mga ito, kailangang hintayin na malabanan ng immune system ang mga virus sa katawan. Kung mahina ang resistensya, maaaring lumubha ang kalagayan. Kahit na may mga antiviral medication, limitado lamang ang magagawa ng mga ito, hindi gaya ng mga antibiotic na pinupuksa talaga ang mga bacteria.
Sa kasalukuyan, ang lunas sa COVID-19 ay umiikot lamang sa paggamot ng mga sintomas na nararamdaman ng pasyente, sapagkat wala pa talagang gamot at bakuna para rito. Upang guminhawa ang pakiramdam ng pasyente, kadalasang iminumungkahi ng mga doktor ang mga sumusunod:
- Pag-inom ng mga gamot para sa lagnat. Karaniwang nagkakaroon ng lagnat ang pasyenteng may COVID-19. Upang bumaba ang temperatura ng katawan, kadalasang nagrereseta ang doktor ng paracetamol at acetaminophen, o kaya naman ay mga non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID) na gaya ng ibuprofen, aspirin, at May ilang mga ulat na kumakalat na nakasasama raw ang paggamit ng NSAID sa mga pasyenteng may COVID-19, partikular na ang ibuprofen, sapagkat lalo lamang nitong pinapalubha ang mga sintomas ng pasyente. Subalit, ayon sa US Food and Drug Administration, walang sapat na pag-aaral dito kaya naman maaari pa rin itong gamitin bilang lunas sa pagpapababa ng temperatura ng pasyente. Ganunpaman, pinapayuhan nila ang publiko na huwag basta-basta bibili ng gamot na ito kung walang reseta ng doktor.
- Pag-inom ng mga gamot sa ubo at sipon. Kung ang pasyente naman ay bahagyang inuubo at sinisipon, maaari rin siyang resetahan ng mga gamot na nakatutulong sa pagpapalabnaw ng plema nang sa gayon ay mas madali niyang mailabas ito. Sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot sa ubo at sipon, mas makahihinga nang maluwag ang pasyente.
- Paglalagay ng suwero. Ang mga pasyenteng may COVID-19 na nakararanas ng lagnat, pagsusuka, pagtatae, at mabilis na paghinga ay kadalasang nilalagyan ng suwero sapagkat ang mga sintomas na ito ay maaaring mapunta sa dehydration. Ang paglalagay ng suwero ay nakatutulong upang mapanatili ang normal na dami ng tubig at asin (electrolyte) sa katawan. Nagsisilbi rin ang suwero na daanan ng mga tinuturok na uri ng gamot upang maging mabilis ang pagbisa ng mga ito. Dagdag dito, ang suwero ay nakatutulong upang magkaroon ng bukas na linya papuntang mga ugat kung sakaling may mga emergency na gamot na kailangang ibigay.
- Oxygen therapy o ventilator. Dahil ang madalas na komplikasyon ng COVID-19 ay pulmonya at respiratory failure, maaari ring sumailalim ang pasyente sa oxygen therapy. Sa pamamaraang ito, ang pasyente ay kakabitan lamang ng oxygen mask upang hindi siya mahirapang huminga. Subalit, kung lubusan nang nahihirapan ang pasyente sa paghinga, kailangan siyang ilipat sa Intensive Care Unit (ICU) ng ospital upang doon makabitan ng mas mabisang respiratory support, katulad ng ventilator. Ito ay isang uri ng makina na tumutulong sa pagbuga ng tamang dami ng oxygen papunta sa mga baga ng pasyente. Bago magamit ang makinang ito, ang pasyente ay kailangang tubuhan.
Bukod sa mga nabanggit, pinapayuhan din ng mga doktor ang mga pasyente na gawin ang mga sumusunod na simpleng lunas upang mas mabilis na gumaling mula sa COVID-19:
Image Source: unsplash.com
- Pagkakaroon ng sapat na pahinga. Sa anumang uri ng sakit, malaking tulong ang pagkakaroon ng sapat na pahinga, sapagkat kapag nakatutulog ang pasyente nang maayos, mas mabilis maghilom ang mga selula ng kanyang katawan. Dahil dito, nakaka-recover ang immune system ng pasyente at nagkakaroon ng sapat na lakas upang malabanan ang mga nakapasok na mikrobyo.
- Pag-inom ng maraming tubig. Kapag nagkaroon ng COVID-19, mas mabilis ma-dehydrate ang pasyente dahil sa lagnat, pagsusuka, at pagtatae. Maging ang mabilis na paghinga ay isa rin sa mga sanhi ng mabilis na pagkawala ng tubig sa katawan. Dahil dito, pinapayuhan ng mga doktor na uminom ng maraming tubig ang pasyente upang mapalitan ang mga nawalang tubig sa katawan.
- Pagpapanatili ng katamtamang temperatura ng katawan. Kung ang pasyente ay nilalamig, maaari namang magkumot o magsuot ng jacket upang maging mas maginhawa ang pakiramdam. Kung pinagpawisan, magsuot ng bagong damit upang hindi matuyuan.
- Pagligo gamit ang maligamgam na tubig. Maaari ring maligo ang pasyente kahit na may COVID-19 lalo na kung ang kondisyon ay hindi naman malala at hindi nakararanas ng mataas na lagnat. Siguraduhin lamang na ang gagamiting tubig sa paliligo ay maligamgam. Ang ganitong temperatura ng tubig ay nakatutulong upang hindi gaanong mabarahan ng sipon ang ilong. Bukod dito, nakatutulong din ang maligamgam na tubig upang ma-dilate o mapaluwag ang mga daluyan ng dugo na nagreresulta sa pagkawala ng sakit ng katawan at ulo.
- Paggamit ng room humidifier. Ang room humidifier ay isang electrical device na bumubuga ng bahagyang malamig na water vapor o singaw sa kuwarto upang mapanatiling basa ang hangin. Sa pamamagitan nito, mananatili ring basa ang mga daanan sa ilong, lalamunan, at baga. Dahil dito, mas madaling makapapasok ang hangin sa katawan ng pasyente.
Ang mga simpleng lunas na nabanggit ay iminumungkahi rin ng World Health Organization (WHO), subalit wala pa ring kasiguraduhan kung gagaling nga ang pasyente. Bukod sa mga ito, may ilan pang mga kumakalat na paraan sa social media kung paano magagamot ang COVID-19. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Pag-inom ng salabat o pinaglagaan ng luya. Ang salabat ay matagal nang ginagamit bilang gamot sa masakit na lalamunan. Bukod dito, nakatutulong din ito upang palakasin ang immune system. Subalit, ayon sa WHO at mga dalubhasa, hindi pa rin nito kayang pagalingin ang pasyenteng may COVID-19 sapagkat walang pag-aaral tungkol dito.
- Pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin o suka. Bukod sa salabat, kumalat din sa social media na nakapapatay ng SARS-CoV-2 ang pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin o suka. Ayon sa mga nagpakalat ng impormasyong ito, nalulusaw at namamatay ang anumang mikrobyo sa asin at maasim na inumin. Ganunpaman, sinabi ng WHO na hindi rin nito kayang puksain ang SARS-CoV-2. Dagdag dito, walang mga pag-aaral ang sumusuporta sa mga inilahad ng nagpakalat ng impormasyong ito.
- Pagkain ng saging. Sumikat din sa social media na ang saging ay gamot sa COVID-19. Kaya naman noong kumalat ang balitang ito, naging doble o triple ang presyo ng mga saging sa mga pamilihan. Ayon sa mga doktor, mainam ang saging para sa katawan sapagkat nakatutulong ito upang palakasin ang resistensya lalo na ng mga taong nakararanas ng pagtatae. Subalit, mariin nilang pinabatid na hindi ito gamot sa COVID-19 sapagkat wala namang pag-aaral tungkol dito.
- Paglalagay ng gayat-gayat na sibuyas sa kuwarto. May mga kumakalat din na impormasyon sa social media na nililinis ng sibuyas ang hangin at pinapatay nito ang mga mikrobyong gaya ng virus na sanhi ng COVID-19. Maglagay lamang daw ng gayat-gayat na sibuyas sa kuwarto at didikit o lilipat na nang kusa rito ang mga Subalit, sinabi rin ng mga doktor na ito ay walang katotohanan. Ayon sa mga doktor, walang benepisyo para sa mga virus na lumipat sa sibuyas sapagkat hindi naman ito nakapagbibigay ng nutrisyon sa kanila. Ang tanging kinakapitan lamang ng virus ay ang mga tao o hayop sapagkat dito lamang sila maaaring kumuha ng nutrisyon at magpakarami.
Bagama’t maraming maling impormasyon ang kumakalat, patuloy pa rin ang mga doktor at mananaliksik sa pagtuklas ng mga gamot na maaaring makatulong sa pagpuksa ng COVID-19. Ilan sa mga gamot na kanilang pinag-aaralan na may malaking potensyal para sa pagsugpo ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:
- Remdesivir. Ang remdesivir ay isang uri ng antiviral medication na ginagamit para sa mga taong may ebola. Subalit nang subukan ng mga mananaliksik ito sa mga isolated cell na may SARS-CoV-2, naging mabisa naman ito. Ganunpaman, hindi pa ito opisyal na aprubado bilang gamot para sa COVID-19.
- Chloroquine. Ang chloroquine naman ay isang uri ng gamot na karaniwang ginagamit para sa mga taong may malaria. Natuklasan ng mga mananaliksik na mabisa ang gamot na ito sa mga SARS-CoV-2 na nilagay nila sa mga test tube. Subalit, kailangan pa nang mas masusing mga pag-aaral upang makatiyak na ligtas ngang gamitin ito para sa mga pasyenteng may COVID-19.
- Lopinavir at ritonavir. Ang mga gamot naman na ito ay karaniwang ginagamit para sa mga taong may HIV. Ginamit ang kombinasyon ng mga gamot na ito sa isang 54-taong-gulang na pasyente sa South Korea, at nakitaan naman na may pagbabago sa kanyang kondisyon. Ganunpaman, kailangan pa rin ng maraming pag-aaral para rito.
- APN01. Ang gamot na ito ay naimbento noong mga taong 2000 at ginamit noon sa mga pasyenteng nagkaroon ng SARS. Gaya ng ibang mga gamot na may potensyal, nangangailangan pa rin ito ng mas masusing pag-aaral kung bibisa rin ito sa COVID-19.
- Favilavir. Ang favilavir ay isa ring uri ng antiviral drug na ginagamit upang malunasan ang pamamaga ng ilong at lalamunan ng pasyente. Sa kasalukuyan, ang bansang Tsina pa lamang ang gumagamit ng gamot na ito. Hindi pa kasi lumalabas ang opisyal na mga resulta sa pag-aaral ng gamot na ito, kaya naman hindi pa ito aprubado sa ibang mga bansa. Subalit dahil pataas nang pataas ang mga kaso sa Tsina, ginamit na rin ito ng mga doktor doon sapagkat batay sa kanilang clinical trial, 70 katao na ang gumaling sa kanilang mga sintomas ng COVID-19.
Ayon sa mga doktor, mananaliksik, at dalubhasa, matatagalan pa ang pagtuklas sa gamot o bakuna na bibisa para sa COVID-19. Maaari itong abutin ng isang taon o mahigit pa. Dahil dito, maigting na pinababatid ng mga doktor na ang pinakamabisang lunas dito ay ang pag-iwas sa sakit na ito. Upang hindi magkaroon ng COVID-19, iminumungkahi ng mga doktor, maging ng gobyerno, na gawin ang mga sumusunod:
Image Source: unsplash.com
- Social distancing. Kung lalabas upang bumili ng pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang bagay, kailangang hindi makikipagsiksikan sa mga tao at obserbahan ang layo na mga 2 metro.
- Paghuhugas ng mga kamay o paggamit ng alcohol. Ugaliin ding maghugas ng mga kamay, lalo na kung galing sa labas ng bahay. Maaari kasing ang mga kamay ay nadikitan ng mga virus dahil sa paghawak sa iba’t ibang mga bagay. Kung hindi naman agarang makapaghuhugas ng mga kamay, iminumungkahi na palagiang linisin ang mga ito gamit ang alcohol o hand sanitizer.
- Paggamit ng mask. Bagama’t sinasabi ng DOH at WHO noon na ang kailangan lamang gumamit ng mask ay ang mga may sakit at frontliner, nakatutulong pa rin na magsuot ng mask ang mga taong walang sakit. Ito ay dahil sa maaari rin silang mahawaan ng mga asymptomatic na pasyente o yung mga taong hindi nakararanas ng mga sintomas subalit may COVID-19 na pala. Alalahanin lamang na walang bisa ang mga mask kung hindi sila susuotin nang maayos.
- Paggamit ng gloves. Ayon kay Dr. Richard Mata, isang kilalang pediatrician sa social media at DOH consultant, makatutulong ang paggamit ng gloves upang ma-iwasan ang habit o gawi na mahawakan ng mga kamay ang mukha.
Ang COVID-19 ay isang mapanganib na sakit. Subalit batay sa mga datos, 80% naman ng naapektuhan nito ay gumagaling. Higit na pinag-iingat ang mga bata, buntis, pati na rin ang mga matatanda na may iba pang kondisyon, gaya ng mataas na presyon, diabetes, sakit sa puso, at iba pa.
Ganunpaman, hindi pa rin dapat ipagsawalang-bahala ng mga masisiglang tao ang banta nito sa kalusugan. May pangilang-ngilang pasyente sa Pilipinas maging sa ibang bansa ang tila may malulusog na pangangatawan subalit naapektuhan pa rin ng sakit na ito at nabawian ng buhay.
Sanggunian
- https://www.fda.gov/drugs/drug-safety-and-availability/fda-advises-patients-use-non-steroidal-anti-inflammatory-drugs-nsaids-COVID-19
- https://www.nebraskamed.com/patients/covid19/symptoms-treatment
- https://www.healthline.com/health/coronavirus-treatment#available-treatment
- https://www.who.int/news-room/q-a-detail/q-a-coronaviruses
- https://www.msn.com/en-ph/health/medical/fact-check-no-luya-cannot-be-used-to-treat-corona-virus-disease-COVID-19/ar-BBZZ2pK?li=BBr8Mkn
- https://factcheck.afp.com/gargling-warm-salt-water-or-vinegar-does-not-prevent-coronavirus-infection-health-experts-say
- https://www.manilatimes.net/2020/03/16/news/latest-stories/bananas-no-cure-for-COVID-19-doctor/703677/