Gamot at Lunas

May dalawang pamamaraan sa paggamot ng Cushing syndrome: ang pag-inom (o pagbawas) ng gamot at operasyon para matanggal ang tumor. Tulad ng naunang nabanggit, may dalawang uri ng Cushing syndrome. Samakatuwid, ang karampatang gamot at lunas para sa Cushing syndrome ay batay sa uri at sanhi nito.

Madalas ay isang uri lamang paggamot lamang ang ginagamit para sa Cushing syndrome. Subalit, may mga pagkakataong kailangang pagsabayin ang dalawang proseso upang matiyak ang lubusang paggaling ng pasyente.

Pagbawas sa Pag-inom ng Corticosteroids at Pag-inom ng Bagong Gamot

Kung ikaw ay mayroong exogenous Cushing syndrome, puwedeng unti-unting bawasan ang iyong iniinom na mga corticosteroid hanggang sa maabot ang tamang dosis na hindi nagdudulot ng mga sintomas. Puwede ring palitan ng iyong doktor ang iyong iniinom na gamot para sa iyong sakit. Tandaan lamang na ang pagbabawas ng dosis ng gamot o pagpapalit ng gamot ay dapat gawin lamang ayon sa payo ng doktor.

Mayroon ding mga gamot na puwedeng inumin para mapigilan ang paggawa ng katawan ng labis na cortisol. Kadalasan, ibinibigay din ang mga gamot na ito sa mga pasyente bago operahan upang bumababa muna ang dami ng cortisol at mabawasan din ang panganib ng operasyon. Ilan sa mga gamot na ginagamit para sa Cushing syndrome ay ketoconazole, metyrapone, at mitotane.

Para sa mga pasyenteng may , inirerekomenda ng mga dalubhasa ang pag-inom ng mifepristone. Ang mifepristone ay hindi nagpapababa ng dami ng cortisol sa katawan. Sa halip, hinahadlangan nito ang epekto ng cortisol sa mga tissue at organ. Tandaan lamang na hindi maaaring ireseta sa mga babaeng nagdadalantao ang mifepristone. Ito ay dahil sa kontorbersiyang gingagamit daw ang gamot na ito bilang abortifacient o pampalaglag.

May isa pang gamot na ginagamit para sa Cushing syndrome. Ito ay ang bagong-tuklas na pasireotide, na binabawasan ang paggawa ng ACTH ng katawan. Madalas na ibinibigay ang gamot na ito sa pamamagitan ng pagturok, dalawang beses sa isang araw.

Tandaan na may mga side effects ang mga gamot na ito. Kabilang na rito ang pagkahilo at pagsusuka, pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, pagtaas ng blood pressure, at pamamanas. Huwag mag-atubiling magtanong sa iyong doktor tungkol sa mga side effect na ito at kung ano ang puwedeng gawin kung sakaling maranasan ang mga ito.

Pagtanggal sa Tumor at Radiotherapy

Image Source: www.dailymail.co.uk

Para sa mga may endogenous Cushing syndrome, inirerekomendang alisin ang tumor na tumubo sa mga adrenal gland, pituitary gland, o iba pang mga bahagi ng katawan upang mawala at gumaling ang sakit. Kung hindi kayang alisin ang tumor sa pamamagitan lamang ng  pangkaraniwang operasyon, puwede itong sabayan ng radiation therapy. Maaari ring gamitin ang prosesong ito kung ang pasyente ay hindi puwedeng sumailalim sa operasyon dahil sa ibang mga sakit o kahinaan ng katawan. Kadalasan ay tumatagal nang hanggang anim na linggo ang radiation therapy.

Mayroon ding tinatawag na stereotactic radiosurgery kung saan isang malaking dosis lamang ng radiation ang ibinibigay sa pasyente. Sa pamamagitan nito, nababawasan ang pagkalantad ng mga nakapalibot na tissue sa labis na radiation na puwedeng magdulot ng pagkasira ng mga ito.

Panghuli, puwede ring imungkahi ng iyong doktor ang pag-alis mismo sa mga adrenal glands at hindi lamang sa tumor. Ginagawa ito kung hindi naging mabisa ang mga naunang nabanggit na mga gamot at lunas. Puwede rin itong gawin kung masyado nang malaki ang tumor. Ang operasyong ito ay tinatawag na bilateral adrenalectomy. Matapos ito, kailangang uminom ng maintenance medicine upang matiyak na makatatanggap pa rin ang katawan ng sapat na dami ng cortisol.

Pagsunod sa Tamang Diyeta Para sa Cushing Syndrome

Image Source: capobythesea.com

Hindi nagagamot ang Cushing syndrome sa pamamagitan ng pagdi-diyeta. Subalit, makatutulong ang pagkain nang tama at sapat upang mapigilan ang lubhang pagtaas ng antas ng cortisol sa katawan at para maiwasan na rin ang ibang mga komplikasyon ng sakit na ito. Makatutulong rin ang tamang pagkain upang hindi masyadong tumaas ang timbang, na mayroon ding ibang naidudulot na komplikasyon sa kalusugan.

Narito ang ilang payo sa pagdi-diyeta upang maibsan ang mga sintomas ng Cushing syndrome:

  • Iwasan ang pagkain ng matatamis. Isa sa mga komplikasyon ng Cushing syndrome ay ang pagtaas ng blood sugar. Hangga’t maaari, umiwas sa mga pagkaing may taglay na mataas na sugar content. Sa halip, kumain ng mga whole grains, gulay na walang gaanong starch, at proteins. Hanggang maaari, umiwas sa mga sobrang tamis na panghimagas tulad ng cake o ice cream.
  • Bawasan ang sodium sa pagkain. Bukod sa type 2 diabetes, isang komplikasyon din ng Cushing syndrome ang altapresyon, sa pinalulubha naman ng sobrang Bawasan ang pagkain ng mga maaalat na pagkain at iwasan o bawasan din ang paggamit ng asin at iba pang maalat na seasoning sa pagluluto. Para madagdagan ng lasa ang pagkain, subukang gumamit ng mga likas na mga spice, tulad ng paminta, luya, luyang dilaw, at cinnamon.
  • Iwasan ang pag-inom ng alak. Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-inom ng alak ay kaugnay ng pagtaas ng antas ng cortisol sa katawan. Bukod dito, marami ring iba pang benepisyong maidudulot sa kalusugan ang pag-iwas o pagbawas sa pag-inom ng alak.
  • Siguraduhin ang sapat ang calcum at vitamin D. Kung hindi maagapan, nagdudulot ang Cushing syndrome ng paghina ng mga buto na maaaring mauwi sa pagkabali o fracture. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa calcium tulad ng broccoli, repolyo, okra, soya, at tofu. Puwede ring uminom ng gatas at kumain ng iba pang mga dairy product kung hindi naman lactose intolerant. Para naman sa vitamin D, mainam ang mga isdang tulad ng salmon at tuna, gayundin ang dilaw ng itlog, at mga kabute. Huwag kalimutang magpaaraw nang hanggang 30 minuto, tatlo hanggang apat na araw sa isang linggo. Gawin ito bago magtanghali at huwag kalimutang maglagay ng sunscreen upang maprotektahan ang balat.
  • Kumain nang sapat na protina. Bukod sa paghina ng mga buto, isa ring komplikasyon ng Cushing syndrome ang paghina ng mga kalamnan dahil sa labis na cortisol. Para maiwasan ang tinatawag na muscle loss, siguraduhing kumain nang sapat na protina. Maliban sa karne, maganda ring pagkunan ng protina ang beans, mani, oatmeal, tofu, itlog, at maging yogurt.

Ang mga payong ito may mahalaga ring sundin habang umiinom ng gamot para sa Cushing syndrome at pagkatapos sumailalim sa operasyon. Sa pamamagitan nito, matitiyak ang buong bisa ng mga gamot at makatutulong na rin sa mabilis na paggaling matapos operahan.