Buod
Ang cyst sa atay o liver cyst ay ang pagkakaroon ng mga pamumuo sa atay na may lamang mga fluid, gaya ng hangin o mga likido. Subalit, sa ilang pagkakataon ay maaari ring solid o buo ang laman ng mga ito. Kapag nagkaroon ng cyst sa atay, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pananakit sa itaas na kanang bahagi ng tiyan, paglaki, pamamaga, at pag-umbok ng tiyan, bloating, heartburn, pagduduwal o pagsusuka, at pananakit ng mga balikat.
Hindi pa lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng cyst sa atay. Subalit, pinaniniwalaan nila na ang posibilidad ng pagkakaroon ng cyst sa atay ay maaaring mamana at posibleng ipanganak ang isang tao na mayroon na nito. Pinaniniwalaan din na nagdudulot ng cyst sa atay ang unti-unting pagtanda na sinabayan ng hindi wastong pagkain at hindi malusog na paraan ng pamumuhay. Dahil dito, ang mga selula ng atay ay napupuno ng mga taba at maaaring magresulta sa pagkamatay ng ilang mga selula. Bukod dito, maaari ring magkaroon ng cyst sa atay kung may parasitikong nakapasok sa katawan. Ang mga parasitikong gaya ng Echinococcus granulosus ay maaaring mangitlog sa atay at bumuo ng mga kapsula.
Ayon sa mga doktor, wala namang dapat ikabahala kung may cyst sa atay lalo na kung ito ay kaunti at maliliit lamang. Hindi rin ito cancerous sapagkat kadalasan ito ay benign lamang. Hindi rin ito gaanong nakaaapekto sa normal na gawain ng atay. Subalit, kung ang mga cyst ay marami at malaki, maaaring makaranas na ng pananakit ang pasyente. Dahil dito, maaaring siya ay operahan. Kung ang sanhi naman ng cyst sa atay ay mga parasitiko, maaaring bigyan ng antihelmintic na mga gamot ang pasyente upang matanggal ang mga ito.
Kasaysayan
Ang atay ay isa sa mga pangunahing organ ng katawan at ito ay matatagpuan sa itaas na kanang bahagi ng tiyan. Ang atay ay ikalawa rin sa pinakamalaking organ ng katawan, una ang balat. Bukod dito, ang atay ay ang tanging organ na may kakayahang mag-regenerate o gumawa ng mga bagong selula. Mahati o mabawasan man ang bahagi ng atay, ito ay babalik ulit sa dati nitong laki, pero may kaunting pagkakaiba lamang sa hugis. Bagama’t may kakayanan itong mag-regenerate, hindi nangangahulugan na palaging makakayanan ng atay ang anumang sakit na dumapo rito.
Ang pagkakaroon ng cyst ay isa sa mga kondisyon na maaaring makaapekto sa atay. Subalit, ayon sa mga doktor, ang cyst sa atay ay isang hindi malalang kondisyon lalo na kung ito ay kaunti at maliit lamang. Kadalasan, ang cyst sa atay ay hindi rin cancerous at ito ay benign. Ayon sa datos, tinatayang 5% ng populasyon ay nagkakaroon ng cyst sa atay. Sa bilang na ito, 10-15% lamang ang nangangailan ng atensyong medikal, samantalang ang karamihan ng may cyst sa atay ay hindi nakararamdam ng mga sintomas. Kung wala namang naidudulot na pananakit at hindi nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay, ang cyst sa atay ay maaaring hindi tanggalin o gamutin.
Walang gaanong mga tala tungkol sa cyst sa atay noong unang panahon. Subalit, may ilang mga tala tungkol sa atay. Noong unang panahon, hindi lubos malaman ng mga doktor kung ano talaga ang mga gawain ng atay sa katawan. Maging si Galen, isang kilalang Griyegong doktor, ay hindi nagawang makapagbigay ng tumpak na paglalahad tungkol dito. Sa maling pag-aakala nga ni Galen, ang atay, at hindi ang puso, ang gumagawa ng mga dugo.
Matapos ang napakaraming argumento, pag-aaral, at paghiwa ng mga atay ng bangkay ng tao at hayop, naglahad si Thomas Bartholin (1653), isang doktor mula sa Denmark, na ang atay ay ang “ruler of abdomen.” Nangangahulugan ito na ang atay ay ang pinakasentro o pinakapunong bahagi ng tiyan. Noong taong 1654 naman, nakapaglathala si Thomas Gilson ng isang libro na pinamagatang “Anatomy of the Liver.” Subalit, maging si Gilson ay hindi alam ang pagkakaugnay ng atay sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon naman sa sinaunang medisina ng Ehipto, ang atay ay nagkakaroon ng iba’t ibang sakit. Subalit, hindi rin nila magawang magamot ang mga ito sapagkat hindi rin nila alam kung ano talaga ang mga gawain ng atay sa katawan.
Nagkaroon lamang ng tiyak na progreso sa pag-aaral at paggamot sa iba’t ibang uri ng sakit sa atay nang sumapit ang ika-20 siglo. Noong taong 1958, naisagawa ni Francis Moore ang kauna-unahang liver transplant sa mga aso. Naisagawa naman ni Thomas Starzl ang kauna-unahang human liver transplant noong taong 1963. Nasundan naman ito ng pagkakatuklas ni Baruch Blumberg ng hepatitis B virus noong taong 1966 at ang paggawa ni Blumberg ng kauna-unahang hepatitis B vaccine noong taong 1969.
Sa pagda-diagnose naman ng cyst sa atay, ang ginagamit ngayon ng mga doktor ay ang mga pamamaraan gaya ng ultrasound at computed tomography scan o CT scan.
Mga Sanhi
Image Source: en.wikipedia.org
Hindi pa lubusang malaman kung bakit nagkakaroon ng cyst sa atay. Subalit, ayon sa mga doktor, maaaring magkaroon nito kapag ang ilan sa mga selula ng atay ay namatay o kaya naman ay nagkaroon ng problema ang mga bile duct nito. Ang bile duct ay tila mga maliliit na tubo na tumutulong sa metabolismo. Bukod sa mga ito, maaari ring magkaroon ng cyst sa atay dahil sa mga sumusunod:
- Pagmana ng mga kaugnay na gene na nagdudulot nito. Ang panganib ng pagkakaroon ng cyst sa atay ay kadalasang namamana. Kung nagkaroon ng cyst sa atay ang ilang miyembro ng pamilya, maaari ring magkaroon nito. Napakaraming uri ng sakit sa atay ang posibleng mamana at magdulot ng cyst sa atay. Kabilang dito ang hepatic fibrosis, polycystic liver disease, choledochal cyst disease, bile duct cystadenoma at Caroli disease.
- Pagtanda at hindi malusog na pamumuhay. Ang pagtanda ay maaari ring magdulot ng cyst sa atay sapagkat may mga pagkapinsala o sugat na ito dulot ng hindi malusog na pamumuhay gaya ng labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, paglanghap ng mga nakalalasong kemikal, hindi wastong pag-inom ng mga gamot, at labis na pagkain ng matatabang pagkain.
- Pagkalantad sa mga parasitiko. Maaari ring magdulot ng cyst sa atay ang ilang uri ng parasitiko gaya ng Echinococcus granulosus. Ito ay mga maliliit na uod na karaniwang naninirahan sa mga baka at tupa. Kapag nakakain ng pagkain na kontaminado ng parasitikong ito, ang uod ay maaaring mangitlog sa atay at gumawa ng mga pamumuo o
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Kadalasan, walang nararamdamang mga sintomas ang mga taong may cyst sa atay sapagkat ito ay kaunti o maliit lamang. Subalit, kung ang isang tao ay nakikitaan o nakararamdam ng mga sumusunod na sintomas, maaaring siya ay may cyst sa atay:
- Pananakit ng itaas na kanang bahagi ng tiyan
- Paglaki, pamamaga, at pag-umbok ng tiyan
- Pagkaranas ng bloating o tila palaging puno o busog ang tiyan
- Nakararanas ng heartburn o pagbalik ng asido ng tiyan sa lalamunan
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pananakit ng mga balikat
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang pagkakaroon ng cyst sa atay ay maaaring makaapekto sa kahit na sinuman. Subalit, ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon nito:
- Pagkakaroon ng kasaysayan ng sakit sa atay sa pamilya. Ang ilang mga uri ng sakit sa atay ay maaaring mamana at ang mga sakit na ito ay karaniwang nagdudulot ng cyst sa atay. Ilan lamang sa mga namamanang uri ng sakit sa atay ay hepatic fibrosis, polycystic liver disease, choledochal cyst disease, bile duct cystadenoma at Caroli disease.
- Pagiging matanda at pagkakaroon ng hindi malusog na pamumuhay. Sa pagtanda, ang iba’t ibang mga organ ng katawan gaya ng atay ay wala na sa dati nitong sigla. Maaaring naipunan na rin ito ng mga taba, peklat, o maliliit na sugat dulot ng hindi malusog na pamumuhay.
- Pag-inom ng labis na alak. Posibleng tumaas din ang posibilidad na magkaroon ng cyst sa atay ang mga taong labis na umiinom ng alak. Ito ay dahil naglalaman ang mga nakalalasing na inumin ng mga sangkap na maaaring makapagpinsala sa atay.
- Mga nag-aalaga ng mga baka at tupa. Ang parasitikong nagdudulot ng cyst sa atay ay kalimitang naninirahan sa mga lugar na pinagpapastulan ng mga baka at tupa. Maaari ring makapasok ang mga parasitiko sa pamamagitan ng pagkain ng mga kontaminadong pagkain.
Pag-Iwas
Image Source: classpass.com
Ang pagkakaroon ng cyst sa atay ay maaaring hindi maiwasan sapagkat kadalasang ito ay namamana. Subalit, maaari namang gawin ang mga sumusunod upang mapanatiling malusog at masigla ang atay:
- Bawasan ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo upang hindi malason at magkaroon ng mga sugat ang atay.
- Kumain nang may tamang balanse at pumili ng mga masusustansiyang pagkain. Umiwas din sa pagkain ng matatabang pagkain nang sa gayon ay hindi magkaroon ng cyst sa atay at iba pang uri ng sakit.
- Mag-ehersisyo araw-araw upang mapanatili ang tamang timbang at maiwasan ang pagka-ipon ng taba sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
- Kung umiinom ng gamot para sa ibang sakit o kondisyon, huwag sosobrahan ang pag-inom nito. Uminom lamang ng angkop na dosage ng gamot.
- Magtakip ng ilong sa tuwing gagamit ng mga insecticide at aerosol upang hindi ito direktang malanghap. Ang mga kemikal nito ay maaaring magdulot ng pagkalason sa atay.
Kung may nararamdamang pananakit sa itaas na kanang bahagi ng tiyan, agad na magpakonsulta sa doktor. Bagama’t maaaring hindi ito malubhang kondisyon, mainam pa ring siguraduhin kaagad kung ito ay cyst sa atay o ibang uri ng sakit. Kung matukoy na may cyst sa atay, huwag mag-alala at sundin lamang ang payo ng doktor.
Sanggunian
- https:s://www.medicalnewstoday.com/articles/324420.php
- https:s://www.healthline.com/health/liver-cyst
- https:s://www.liversupport.com/what-you-should-know-about-liver-cysts/
- https:s://healthhearty.com/liver-cysts-causes
- https:s://www.belmarrahealth.com/liver-hepatic-cysts-causes-symptoms-natural-treatments/
- https:s://www.livestrong.com/article/215664-what-are-the-treatments-for-a-liver-cyst/
- https:://www.cysts.co/liver-cyst.html
- https:s://www.innerbody.com/image_digeov/card10-new2.html
- https:://web.stanford.edu/class/history13/earlysciencelab/body/liverpages/livergallbladderspleen.html
- https:s://www.ancient.eu/Egyptian_Medicine/
- https:s://www.news-medical.net/health/Hepatology-History.aspx
- https:s://www.webmd.com/hepatitis/features/healthy-liver#1