Buod
Ang cystic fibrosis ay isang malubhang uri ng chronic o pangmatagalang disorder. Tinatayang ito ay isa sa mga pinakakaraniwan na namamanang sakit na nakapagpa paikli ng buhay. Ang pinakanaapektuhan nito ay ang mga baga at ang mga bahagi ng digestive system. Sa kondisyong ito, ang katawan ay gumagawa ng labis na dami ng malapot at malagkit na mga sipon o plema na maaaring makabara sa mga baga at sa pancreas.
Ang sakit na ito ay dulot ng pagbabago o mutation sa gene. Dahil dito, ito ay lubhang napakahirap na iwasan. Kapag umiral ito sa katawan ng tao ay maaaring maging pamalagian na ito.
Ang mga sintomas ng cystic fibrosis ay ang labis na hirap sa paghinga, pag-uubo, at pagkakaroon ng masebong dumi.
Wala pang lunas sa sakit na ito. Subalit, pinamamahalaan ang mga sintomas nito sa pamamagitan ng mga gamot na tumutulong sa pagluwag ng daanan ng hangin at maging ng mabuting nutrisyon upang maagapan ang mga sintomas nito sa digestive system.
Kasaysayan
Tinatantyang marami na ang namatay dahil sa cystic fibrosis sa loob ng ilang libong mga taon. Subalit, ang pinakamalinaw na tala ukol sa sakit na ito ay mula sa ilang siglo pa lamang ang nakalilipas. Ito ay naitala na sa mga medikal na mga sulat noon pang taong 1595 kung saan isinalarawan ang ukol sa pagkakaroon ng maalat na balat at pagkapinsala ng pancreas.
Noon namang 1938, ang kauna-unahang tiyak na pagsasalarawan sa sakit na ito na ginawa ng isang Amerikanong pathologist na si Dr. Dorothy Andersen ay nailathala sa mga literaturang medikal. Tinawag niya itong “cystic fibrosis of the pancreas.” Ang iba namang mga manggangamot noon ay tinawag itong “mucoviscidosis” dahil sa pagkakaroon ng malapot na mga plema o sipon sa katawan.
Noon lamang 1948 nagkaroon ng balidasyon ang mga obserbasyon noong sinaunang panahon ukol sa pagkakaroon ng maalat na balat nang maobserbahan ni Dr. Paul di Sant’Agnese ang mga sanggol na dehydrated. Napansin niya na lubhang napakarami ng asin sa pawis ng mga batang ito.
Noon namang mga 1980s ay isinalarawan ang pagkakaroon ng depekto sa protina kaugnay ng sakit na ito. At noong 1989 naman nakilala ang CFTR gene na responsable sa pagkakaroon ng kondisyong ito.
Sa paglipas ng mga dekada ay umunlad na rin ang mga kaalaman ukol sa mga therapy para sa mga mayroon ng sakit na ito.
Mga Uri
Ang mga uri ng cystic fibrosis ay ang mga sumusunod:
Idiopathic Pulmonary Fibrosis (IPF)
Ang pinakakaraniwang uri ng cystic fibrosis ay ang idiopathic pulmonary fibrosis (IPF). Ang uri ng pulmonary fibrosis na ito ay hindi tiyak ang sanhi. Tinatayang may 50,000 na mga bagong kaso ng uri ng pulmonary fibrosis na ito ang naitatala bawat taon. Ito ay karaniwang tumatama sa mga kalalakihan, subalit dumadami na rin ang mga kababaihan ang nagkakaroon nito.
Pulmonary fibrosis na dulot ng sakit
Mayroong mga kaso ng pulmonary fibrosis na dulot ng mga autoimmune na mga sakit katulad ng rheumatoid arthritis, scleroderma or Sjogren’s syndrome. Mayroon ding mga impeksyong dulot ng virus at pangangasim ng sikmura na maaaring tumuloy sa pulmonary fibrosis. Ito ay sapagkat ang pangangasim ng sikmura ay nagdudulot ng pinsala sa mga baga.
Familial pulmonary fibrosis
Ang familial pulmonary fibrosis ay bihira. Ito ay umiiral kapag may miyembro ng pamilya na mayroong idiopathic pulmonary fibrosis. May mga pagsusuri ukol sa mga genes na may kaugnayan sa pulmonary fibrosis, subalit hindi pa rin ito tiyak sa ngayon.
Pulmonary fibrosis na dulot ng mapanganib na mga bagay
Ang pulmonary fibrosis ay maaaring dulot ng pagkakalantad sa mga mapanganib na mga materyales, kagaya ng silica at asbestos. May iba namang uri ng pulmonary fibrosis na dulot ng pagkakalanghap ng mga dumi ng mga hayop.
Mga Sanhi
Image Source: www.johngraycentre.org
Ang cystic fibrosis ay ang pagkakaroon ng depekto sa isang uri ng gene na nagdudulot ng pagbabago sa protina na nagsasaayos sa paglabas-masok ng asin sa mga cells. Ang bunga nito ay ang pagkakaroon ng malapot at malagkit na plema sa loob ng mga baga, mga bituka, at maging sa reproductive system. Nagdudulot din ito ng pagdami ng asin sa pawis.
Dahil sa ito ay isang uri ng mutation sa gene, ang kondisyong ito ay maaaring maipasa sa mga anak.
Sintomas
Ang mga sumusunod ay ang mga karaniwang palatandaan ng pagkakaroon ng cystic fibrosis:
- Malalang pag-ubo
- Pagkakapos ng hininga
- Pag-alat ng lasa ng balat
- Pag-agahas ng paghinga
- Mabagal na pagbigat ng timbang sa kabila ng ganang kumain
- Pagkakaroon ng masebo at makakapal na dumi
- Pagkakaroon ng nasal polyps, o kaya ay mga laman na tumutubo sa ilong
Mga Salik sa Panganib
Mayroong dalawang pangunahing salik sa panganib sa pagkakaroon ng cystic fibrosis. Ito ay ang mga sumusunod:
- Kasaysayan ng pamilya. Ang cystic fibrosis ay depekto sa gene. Kaya, ito ay maaaring mamana.
- Etnisidad o lahi. Lahat ng etnisidad o lahi ay maaaring maapektuhan ng sakit na ito. Subalit, ang pinakanaapektuhan nito ay ang mga caucasian na may mga ninuno na taga Northern Europe.
Pag-Iwas
Ang cystic fibrosis ay mutation ng gene. Kaya, ito ay hindi maiiwasan.
Subalit, kung ang tao ay nagbabalak na magkaroon ng anak, mainam na siya at ang kaniyang partner ay magpasuri muna ng genes upang malaman kung ang kanilang magiging mga supling ay may panganib na magkaroon ng cystic fibrosis.
Sanggunian
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/147960.php
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cystic-fibrosis/symptoms-causes/syc-20353700
- https://www.cysticfibrosis.org.uk/what-is-cystic-fibrosis
- https://www.nationaljewish.org/conditions/cystic-fibrosis-cf/history
- https://www.cff.org/What-is-CF/Genetics/Types-of-CFTR-Mutations/
- https://www.cysticfibrosis.org.uk/what-is-cystic-fibrosis/faqs
- https://www.lung.org/lung-health-and-diseases/lung-disease-lookup/pulmonary-fibrosis/introduction/types-causes-and-risk-factors.html