Buod
Kapag mas maraming tubig ang nawawala sa katawan kaysa sa pumapasok dito, nagkakaroon ng dehydration. Sa kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng panunuyo ng mga labi, bibig, at balat, pananakit ng ulo, pagkauhaw, pagkakaroon ng mas madilaw na ihi, at marami pang iba. Kung ang dehydration ay malala na, mapapansin din sa pasyente na mas lubog na ang kanyang mga mata, mas mabilis ang pagtibok ng kanyang puso at paghinga, at nanghihina na rin ang kanyang pakiramdam.
Kadalasang nagkakaroon ng dehydration kapag ang pasyente ay nagtatae o nagsusuka. Dahil dito, ang katawan ay hindi na makakilos nang maayos. Bukod sa tubig, sumasama rin sa pagtatae o pagsusuka ang mga electrolyte na kailangan ng katawan. Ang electrolytes ay ang medikal na termino para sa mga asin na kailangan ng katawan gaya ng sodium, calcium, potassium, chloride, phosphate, at magnesium.
Upang malunasan ang dehydration, kailangang mapalitan ang nawalang tubig at electrolytes sa katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, mga sports drink, o oresol. Para naman sa malalang dehydration, ang pasyente ay kailangan nang i-confine sa ospital upang siya ay makabitan ng suwero nang sa gayon ay maging mas mabilis ang pagpapalit ng tubig at mga electrolyte sa katawan.
Kasaysayan
Noong panahon ng sinaunang Gresya, laganap ang sakit na cholera. Sa kondisyong ito, ang mga pasyente ay nagtatae at nagsusuka na kadalasang nagreresulta sa dehydration. Dulot ito ng bacteria na tinatawag na Vibrio cholerae. Bagama’t hindi makahanap noon ng lunas ang mga sinaunang Griyego para sa sakit na ito, pinaniniwalaan nila na ang cholera ay dulot ng hindi wastong paglilinis ng katawan at kapaligiran.
Ngayon, maaari nang maibsan ang mga sintomas ng cholera gaya ng dehydration sa pamamagitan ng pag-inom ng oral rehydration solution o ORS. Subalit, mas kilala ito sa Pilipinas sa tawag na oresol. Itinuturing ito na isa sa mga pinakamahahalagang imbensyon sa kasaysayan ng medisina. Bagama’t ang pagkakabit ng suwero sa pasyente ay mainam na lunas para sa dehydration, ang oresol ay nakatutulong din upang manumbalik agad ang lakas ng pasyente.
Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong ang glucose o asukal upang masisipsip nito nang mas maayos ang asin at tubig sa katawan. Ang unang sumubok ng oral glucose saline para sa ilang pasyenteng may cholera ay si Robert Allan Phillips noong 1964. Dahil dito, ang mga siyentipiko ay nagsimulang pag-aralan at kumpletuhin ang bagong formula ng oral rehydration solution o ORS.
Ang unang sumubok naman ng standard ORS ay sila Nathaniel Pierce at ang kanyang mga kasamahan noong 1965-1969. Ginamit din ang ORS noong nagkaroon ng cholera sa Bangladesh noong 1971-1972 at Manipur noong 1978. Dahil matagumpay naman ang paggamit ng ORS upang mabawasan ang dehydration ng mga pasyente, ang World Health Organization o WHO ay nagsagawa ng Global Diarrheal Diseases Control Program noong 1978 at ang sentro nito ay ang paggamit ng ORS. Dahil sa ORS, maraming buhay ang nasagip mula sa cholera at pagtatae.
Mga Uri
Ang dehydration ay may tatlong uri. Kabilang na rito ang mga sumusunod:
- Hypotonic dehydration. Sa uring ito, ang mas maraming nawawala sa katawan ay mga electrolyte kaysa sa tubig.
- Hypertonic dehydration. Kabaligtaran naman ito ng Sa uring ito, ang mas maraming nawawala sa katawan ay tubig kaysa sa mga electrolyte.
- Isotonic dehydration. Sa uring ito, magkasing dami lang ang nawawalang tubig at mga electrolyte sa katawan. Ito rin ang pinakalaganap na uri sa tatlo.
Upang malaman kung hypotonic, hypertonic, o isotonic ang dehydration ng isang pasyente, kailangan niyang sumailalim sa mga laboratory test gaya ng blood test (pagsusuri sa dugo), urinalysis (pagsusuri sa ihi), at iba pa.
Mga Sanhi
Image Source: www.scoopwhoop.com
Ang katawan ay naglalabas ng tubig at electrolytes sa pamamagitan ng pagpapawis, pag-ihi, pagdumi, pag-iyak, pagdura ng laway, at maging ang paghinga. Normal lang ang mga ito upang mailabas sa katawan ang mga toxin o nakalalasong kemikal. Subalit, maaaring maglabas ng mas maraming tubig at electrolytes ang katawan at magresulta sa dehydration kung nararanasan ang mga sumusunod:
- Pagtatae
- Pagsusuka
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Labis na pagpapawis ng katawan
- Madalas na pag-ihi
Bukod sa mga nabanggit, maaari ring maging sanhi ng dehydration ang mga sumusunod:
- Hindi pag-inom ng sapat na tubig
- Hindi nakararamdam ng pagka-uhaw
- Pagkawala ng ganang uminom sapagkat nakararamdam ng sakit sa lalamunan
Mga Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Batay sa tindi ng kondisyon, maaaring makaramdam ng iba’t ibang sintomas ang pasyente. Kung ang dehydration ay hindi malala o mild lamang, maaari itong lunasan sa bahay. Narito ang mga sintomas ng mild dehydration:
- Bahagyang panunuyo ng mga labi, bibig, at balat
- Pakiramdam na laging nauuhaw
- Minsanan na lang kung umihi
- Mas madilaw ang ihi kaysa sa dati
- Pananakit ng ulo
- Bahagyang pananakit ng mga kalamnan
Kung ang dehydration naman ay malala, maaaring makitaan ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng lubog na mga mata
- Labis na panunuyo ng balat
- Hindi pag-ihi o kung umihi man ang ihi ay napakadilaw
- Pagkahilo at pagkahimatay
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Mabilis na paghinga
- Pagkaantok at panghihina ng katawan
Ang mga sintomas na nabanggit ay para sa mga matatanda. Subalit, kung ang isang sanggol o bata ay pinaghihinalaang dehydrated, maaari siyang kakitaan ng mga sumusunod na sintomas:
- Tuyong labi, bibig, at dila
- Lubog na mga mata at bunbunan
- Walang lumalabas na luha sa tuwing iiyak
- Walang laman na ihi ang lampin sa loob ng 3 oras
- Laging tulog
Mga Salik sa Panganib
Ang kahit na sinuman ay maaaring magkaroon ng dehydration. Subalit, maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging sanggol o bata. Kapag ang isang sanggol o bata ay nilagnat, maraming tubig ang nawawala sa kanyang katawan. Bukod dito, dahil sa mura nilang edad, hindi pa sila gaanong nakapagsasabi kung sila ay nauuhaw pa.
- Pagiging matanda. Habang tumatanda ang isang tao, mas nahihirapan na siyang kumilos. Maging ang pagkuha ng tubig sa kusina ay nagdudulot na ng pananakit ng mga kasu-kasuan. Dahil dito, titiisin na lamang na hindi uminom ng tubig. Kung minsan naman, ang mga may edad na ay may ibang karamdaman na nagbabawal sa kanila na uminom ng maraming tubig gaya ng mga sakit sa puso.
- Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Kung may karamdaman ang isang tao gaya ng diabetes, mas napapadalas ang kanyang pag-ihi kaya naman maraming tubig at electrolytes ang nawawala sa katawan. Maaari ring magdulot ng dehydration ang hindi pag-inom ng tubig kung ang isang tao ay may sakit sa lalamunan sapagkat ang simpleng paglagok ng tubig ay maaaring magdulot ng matinding pananakit.
- Pagiging atleta. Ang mga atleta ay mataas din ang posibilidad na maging dehydrated sapagkat maraming tubig at mga electrolyte ang nawawala sa kanilang katawan dahil matindi ang kanilang pag-eehersisyo.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Upang maka-iwas sa dehydration, mainam na gawin ang mga sumusunod:
- Uminom ng 8 basong tubig araw-araw. Upang mapalitan ang nawawalang tubig sa katawan, uminom ng 8 basong tubig araw-araw. Kung nag-eehersisyo, mas damihan pa ang pag-inom ng tubig.
- Damihan ang pag-inom ng tubig tuwing mainit ang panahon. Kung sobrang init ng panahon, ang katawan ay mas nagpapawis. Upang hindi ma-dehydrate, uminom ng mas maraming tubig araw-araw.
- Iwasan ang pag-inom ng masyadong matatamis na inumin at kape. Ang masyadong matatamis na inumin at kape ay nakapagpapatuyo ng lalamunan. Bukod dito, ang mga inuming ito ay maaaring magdulot ng madalas na pag-ihi.
- Magsuot ng maginhawang damit. Ang labis na pagpapawis ay maaaring magdulot ng Upang hindi mabilis pagpawisan, magsuot ng maginhawang damit.
- Iwasang mag-ehersisyo o gumawa ng mabibigat na gawain sa mainit na oras. Kung mag-eehersisyo sa labas ng bahay gaya ng jogging, mainam na gawin ito tuwing umaga o gabi. Gayon din sa paggawa ng mabibigat na gawain, gawin lamang ito kapag hindi katirikan ng araw upang maiwasan ang
- Kumain ng prutas at gulay. Ang prutas at gulay ay naglalaman ng maraming katas at nakatutulong ito upang mapalitan ang nawalang tubig at asin sa katawan. Bukod dito, ang prutas at gulay ay maigi sa kalusugan.
Kung ang dehydrated na pasyente ay isang sanggol o bata at nagpapakita ng malalang mga sintomas, kailangang ipakonsulta agad ng magulang ang kanilang anak upang malapatan ng karampatang lunas. Ang dehydration ay mapanganib sa mga sanggol at bata sapagkat nagdudulot ito ng malnutrisyon. Maaari rin itong humantong sa pangingisay (convultions) at pagkakaroong ng pinsala sa utak kapag hindi ito maaagapan.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/a-to-z-guides/dehydration-adults#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dehydration/symptoms-causes/syc-20354086
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/153363.php
- https://www.nhs.uk/conditions/dehydration/
- https://medlineplus.gov/dehydration.html
- https://kidshealth.org/en/teens/dehydration.html
- https://kidshealth.org/en/parents/dehydration.html
- https://www.healthline.com/health/how-to-tell-if-youre-dehydrated#14-symptoms
- https://familydoctor.org/dehydration/
- https://www.home-remedies-for-you.com/facts/greek-medicines.html
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/7530695
- https://ancientgreecebyanyak.weebly.com/list-of-diseases.html
- https://rehydrate.org/about/
- https://www.physio-pedia.com/Dehydration
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dehydration/diagnosis-treatment/drc-20354092
- https://www.webmd.com/children/news/20051031/can-sports-drinks-rehydrate-sick-kids