Buod
Ang isa sa mga pinakamalubha at nakamamatay na sakit sa panahon natin ay ang dengue. Ang sakit na ito, na tinatawag ding “breakbone fever,” ay dulot ng isang uri ng virus na dala ng apat na magkaka-ugnay na uri ng mga lamok. Ang katawagang dengue ay mula sa Swahili na “ka dinga pepo”, na ang kahulugan ay “may pagpupulikat na seizure na dulot ng masasamang espiritu.”
Nakukuha ang sakit na ito mula sa dengue virus na kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng mga lamok na may dala-dala nito: ang Aedes aegypti at Aedes albopictus. Ang mga lamok na ito ay matatagpuan sa halos lahat ng mga bansa, lalung-lalo na sa mga lugar na may tropikal na klima.
Ang mga karaniwang sintomas ng sakit na dengue ay katulad ng mga makikita sa mayroong flu, kagaya ng pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo at ng mga kasu-kasuan, pagkahilo, maging ang pagdurugo sa ilang bahagi ng katawan.
Sa ngayon ay wala pang gamot para sa sakit na dengue. Nilulunasan lamang ang epekto ng mga sintomas nito sa pamamagitan ng pagpapababa ng lagnat, pagpapalakas ng immune system, at paglunas sa pananakit ng pangangatawan.
Kasaysayan
Image Source: eureka.criver.com
Ayon sa kasaysayan na itinala ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang virus ng dengue ay lumipat mula sa mga unggoy papunta sa mga tao may 100 hanggang 800 taon na ang nakararaan. Subalit, lumala lamang ang problemang ito noong kalagitnaan ng ika-20 na siglo.
Ang lamok na nagdadala ng dengue virus ay ang Aedes aegypti na nagmula sa Africa. Subalit, ang lamok na ito ay kumalat na sa mga tropical na lugar sa buong mundo, lalo na sa mga matataong lugar.
Ang kauna-unahang talang kaso na maaaring tumutukoy sa dengue ay matatagpuan sa mga medical encyclopedia sa China mula sa Jin Dynasty. Sa mga ito ay binanggit ang isang uri ng “water poison” na kaugnay ng mga lumilipad na insekto na maaaring tumutukoy sa mga lamok na carrier ng dengue.
Noon namang mga huling bahagi ng ika-18 na siglo ay naitala ang kauna-unahang magkakasabay na epidemya ng dengue sa Asya, Aprika, at Hilagang Amerika. At noon namang 1779 ay pinangalanan ang sakit na ito. Noong 1789 naman ay itinala ni Benjamin Rush ang kauna-unahang kumpiramdong kaso ng dengue. Siya ang gumawa ng terminong “breakbone fever” bilang isa pang katawagan sa sakit na ito, dahil taglay nito ang mga sintomas ng arthralgia at myalgia.
Subalit, noon lamang ika-20 na siglo lubos na naintindihan na ang virus ng dengue ay kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Dahil sa kalagayang pang-ekonomiya ng buong mundo bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II) ay lalong kumalat ang sakit na ito sa buong mundo. Sa kasalukuyan, tinatayang may 2.5 bilyong katao ang naninirahan sa mga lugar kung saan ay mataas ang panganib na magkaroon ng dengue.
Ang sakit na ito ay kumalat na sa may 100 mga bansa sa Asya, sa Pacific, sa Aprika, at maging sa Caribbean.
Ang pagkalat ng dengue sa panahon natin ngayon ay maaaring bunga ng mga sumusunod:
- Kakulangan ng maayos na pagpaplano ukol sa paglobo ng populasyon—na siya namang nagdulot ng hindi maayos na pampublikong sistema ng pangkalusugan at maayos na pabahay
- Hindi maayos na pagkontrol sa mga hindi dumadaloy na tubig, lalo na sa mga matataong lugar
- Pagbabago ng klima at pagbabago ng virus (viral evolution)
- Pagdami ng bilang ng mga taong bumibiyahe sa iba’t ibang mga lugar, lalo na sa mga apektadong dako
At sa paglipas pa ng mga taon ay lalo pang naging malala ang uri ng dengue na nagbunga rin ng pagkakaroon ng iba’t ibang uri nito.
Mga Uri
May tatlong karaniwang uri ng dengue: ang dengue fever (DF), dengue hemorrhagic fever (DHF), at dengue shock syndrome (DDS).
Dengue Fever (DF)
Ang mga adult o mga nasa tamang edad at ang mga nagbibinata o nagdadalaga ay mayroong mataas na tsansa na magkaroon ng dengue fever. Ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- Biglaang pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng tatlo hanggang pitong araw
- Sobrang pananakit ng ulo, lalo na sa likod ng mga mata
- Pananakit ng mga kasu-kasuan, lalo na sa mga tuhod at siko
- Pagkakaroon ng hindi kanais-nais na lasa sa loob ng bibig
- Pagkawala ng ganang kumain, pagsusuka, at pagtatae
- Pagkakaroon ng pamamantal sa braso at hita
- Labis na pangangati ng katawan
- Pagdurugo ng ilong at bunganga
- Labis na pagkapagod at panghihina
Dengue Hemorrhagic Fever (DHF)
Ang DHF ay isang uri ng komplikasyon ng dengue fever at nagkakaroon nito ang tao sa ikalawang pagkakataon ng pagkakaroon ng dengue. Ang mga sintomas ng dengue hemorrhagic fever ay may hawig sa dengue fever. Pero pagkaraan ng ilang araw, ang pasyente ay magkakaroon ng pagdurugo sa ilong o kaya ay sa bibig, o kaya ay madali siyang magkakaroon ng mga pasa.
Kapag lumala pa ang kondisyong ito, ang pasyenteng hindi sumailalim sa wastong pagpapagamot ay maaaring mamatay sa loob ng 24 na oras.
Dengue Shock Syndrome (DSS)
Ang kondisyong ito ay karaniwang kasunod ng dengue hemorrhagic fever at ito ay ang pinakamalalang uri ng dengue. Ang mga palatandaan nito ay ang mga sumusunod:
- Malabis na pananakit ng tiyan
- Pagsusuka na may kasamang dugo
- Pagiging iritable
- Madalas na pagbabago ng temperatura ng katawan
- Pagbaba ng blood pressure
Mga Sanhi
Image Source: consent.yahoo.com
Ang dengue ay bunga ng virus. Ito ay kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng mga lamok na Aedes aegypti at ng Aedes albopictus na karaniwang mga carrier ng virus na ito.
Kapag ang mga carrier na mga lamok ay kinagat ang taong may dengue virus, maaari rin nitong maipasa ang virus sa susunod na makakagat nito.
Dapat malaman na maaaring magkaroon ang tao ng sakit na dengue nang mahigit sa isang beses. Kapag nangyari ito, ang susunod na impeksyon ay maaaring maging mas malala pa.
Sintomas
Image Source: news.autmillennium.org.nz
Karaniwan, mapapansin ang mga sintomas ng sakit na dengue apat hanggang anim na araw mula sa unang pagkahawa dito. Ang mga sumusunod ay ang mga sintomas ng sakit na ito na maaaring tumagal nang may 10 araw:
- Biglaang pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Pamamantal na karaniwang lumalabas dalawa hanggang limang araw pagkaraang lagnatin
- Malubhang pananakit ng ulo
- Malubhang pananakit ng mga kalamnan at mga kasu-kasuan
- Pananamlay
- Pananakit sa likod ng mga mata
- Pagkahilo
- Pagsusuka
- Banayad na pagdurugo sa ilong at sa mga gilagid
- Madaling magkapasa
Kung minsan ay mapagkakamalang sintomas ang mga ito ng sakit na flu o kaya ay ng ibang sakit na dulot ng viral infection. Kapag hindi naagapan ay maaaring magdulot pa ito ng mga malulubhang komplikasyon na maaari ring ikamatay ng pasyente.
Mga Salik sa Panganib
Ayon sa pagtaya ng mga dalubhasa, may mga 390 na milyong katao ang apektado ng dengue virus. Ang may 96 na milyon sa mga ito ay mayroong ganap (full-blown) na dengue.
Ang paninirahan sa mga sumusunod na lugar, kung saan laganap ang dengue, ay isang malaking salik sa panganib ng pagkakaroon nito:
- Aprika
- Ginta at Timog Amerika (maliban sa Chile, Paraguay, at Argentina)
- Timog-silangang Asya
- Timugang bahagi ng China
- Taiwan
- The Caribbean (maliban sa Cuba at sa Cayman Islands)
- India
- The Pacific Islands
- Iba pang mga tropikal na dako at bansa
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Sa ngayon ay wala pang mga aprobadong gamot o bakuna na pang-iwas sa sakit na dengue. Ang maaari lamang na gawin para maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na ito ay umiwas sa kagat ng lamok na may dala nito.
Kaya, upang makaiwas sa kagat ng lamok, ang mga sumusunod na hakbang ay dapat na gawin:
- Pagsusuot ng mga damit na angkop sa lugar na may dengue outbreak, kagaya ng mahahabang pantalon, medyas, at damit na may mahahabang manggas
- Paggamit ng mga lotion na pang-iwas sa kagat ng lamok (mosquito repellants)
- Paggamit ng kulambo kung matutulog sa mga lugar na malamok
- Paggamit ng mga insecticide sa mga malalamok na lugar
- Paglalagay ng screen door at mga screen sa mga bintana
- Pag-iwas sa mga lugar na may mga stagnant na tubig
- Paglilinis sa mga kanal sa paligid ng bahay
- Pagtiyak na walang naiipong tubig sa mga alulud ng bubong
- Pagtatakip sa mga timba na may tubig
- Pagpapalit ng tubig sa mga flower vase
- Pag-iwas sa pagpunta sa mga malalamok na dako, lalo sa gabi.
Sanggunian
- https://www.who.int/ith/diseases/dengue/en/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dengue-fever/diagnosis-treatment/drc-20353084
- https://www.webmd.com/a-to-z-guides/dengue-fever-reference#1
- https://en.wikipedia.org/wiki/Dengue_fever#Etymology
- https://www.cdc.gov/dengue/symptoms/index.html
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/179471.php
- http://www.denguevirusnet.com/history-of-dengue.html
- https://www.onlymyhealth.com/what-types-dengue-12977600909