Buod
Kapag nabawasan ang kakayahan ng katawang iproseso ang glucose (blood sugar) na nasa dugo, siya ay maaaring magkaroon ng diabetes. Ang sakit na ito ay tinawag ni Aretaeus ng Cappadocia na manggagamot sa Alexandria na “diabetes,” mula sa Griyego na ang kahulugan ay ang “malabis na pag-agos ng ihi.”
Nagkakaroon ng diabetes ang tao kapag ang katawan ay nawalan ng kakayahang gumawa ng sapat na dami ng insulin upang mabalanse ang dami ng glucose sa dugo. Nakaaapekto ito sa pancreas kung saan ginagawa ng katawan ang insulin.
Ang mga karaniwang sintomas ng taong may diabetes ay ang malabis na pagka-uhaw, madalas na pag-ihi, labis na pagkagutom, hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang ng katawan, pagkapagod, panlalabo ng paningin, mabagal na paggaling ng mga sugat, maging ang madalas na pagkakaroon ng impeksyon.
Nilulunasan ang diabetes sa pamamagitan ng insulin at mga pagbabago sa mga uri ng kinakain ng pasyente upang makontrol ang kaniyang blood sugar.
Kasaysayan
Image Source: www.npr.org
Naitala sa sinaunang Ehipto ang isang uri ng sakit na tila ay tumutukoy sa diabetes may 3,000 taon na ang nakararaan. Kapansin-pansin diumano sa mayroon nito ang pagka-uhaw, pagbaba ng timbang, maging ang malabis na pag-ihi.
Samantala, noong ika-5 na siglo C.E. ay natuklasan sa India at Tsina na may dalawang uri ng diabetes: ang type 1 at type 2 na uri. Noon nila unang napansin na ang type 2 na uri ng sakit na ito ay karaniwang umaapekto sa mga matataba at mayayamang tao.
Sa panahon naman ng Middle Ages, inakala ng mga manggagamot na ang diabetes ay bunga ng pagkakaroon ng kondisyon sa mga bato o kidney. Subalit, napatunayan kalaunan na ito ay maaari ring umapekto sa mga taong may kondisyon sa lapay (pancreas).
Noong 1776 ay pinatunayan ni Matthew Dobson na ang ihi ng mga taong may diabetes ay may matamis na lasa. Pinag-aralan niya ang glucose sa ihi ng mga taong mayroong diabetes at napag-alamang may mataas na antas nga ito ng glucose.
Sa ngayon ay patuloy ang pag-unlad ng kaalaman ng mga manggagamot ukol sa sakit na ito. Nagpapatuloy din ang pananaliksik ukol sa mga karagdagang gamot na makatutulong upang ito ay malunasan.
Mga Uri
Mayroong tatlong pangunahing uri ng diabetes: ang type 1, type 2, at diabetes na dulot ng pagbubuntis (gestational diabetes).
- Type 1 na diabetes. Ito ay kilala rin bilang diabetes ng mga bata. Nagkakaroon nito kapag wala nang kakayahang gumawa ng insulin ang katawan. Kaya, ang mga taong may ganitong uri ng diabetes ay umaasa sa insulin araw-araw para mapanatili ang wastong antas ng glucose sa dugo.
- Type 2 na diabetes. Ito ay tinaguriang sakit ng mga mayayaman ng mga sinaunang manggagamot. Napakalaki ng kinalaman ng pamamaraan ng pamumuhay sa pagkakaroon ng sakit na ito. Ang kondisyong ito ay maaaring umapekto sa mga taong matataba, kulang sa ehersisyo, at mga may edad 45 na taong gulang pataas.
- Diabetes na sanhi ng pagbubuntis (gestational diabetes). Ito ay karaniwang nakaaapekto sa mga nagbubuntis. Sa pagbubuntis ay karaniwang humihina ang kakayahan ng kanilang katawan na gamitin nang maayos ang insulin. Subalit, ang kondisyong ito ay maaaring mawala matapos ang pagkapanganak.
Mga Sanhi
Narito ang mga sanhi ng type 1 at type 2 na diabetes:
Type 1 na diabetes
Nagkakaroon ang tao ng type 1 na diabetes kapag inaatake at sinisira ng mismong immune system ang mga beta cell ng pancreas kung saan ginagawa ang insulin. Hindi pa matiyak sa ngayon kung bakit ito nangyayari, subalit ipinalalagay ng mga dalubhasa na ito ay bunga ng mga namamanang gene at ng mga salik na pangkapaligiran.
Type 2 na diabetes
Ang type 2 na diabetes ay maaaring bunga ng mga sumusunod:
- Pagiging mataba at pagkakaroon ng kakulangan sa mga pisikal na gawain. Ang pagiging mataba ay karaniwang nagdudulot ng resistensya sa insulin, lalo na kung maraming taba sa paligid ng tiyan.
- Hindi tinatablan ng insulin (insulin resistance). Isa itong uri ng kondisyon kung saan hindi nagagamit nang wasto ng mga selula ng atay, taba, at mga kalamnan ang insulin. Dahil napipilitang gumawa ng maraming insulin ang pancreas, nagkakaroon ng malabis na pagdami ng glucose sa dugo.
- Pagkakaroon sa pamilya (genetics). May mga gene na tinuturong dahilan ng pagkakaroon ng diabetes. Dahil dito, ang diabetes ay maaaring maipasa ng isang taong mayroon nito sa kaniyang magiging mga anak.
Ang iba pang mga maaaring sanhi ng diabetes ay ang mga sumusunod:
- Pagbabago ng mga gene (mutation)
- Pagkakaroon ng kondisyong hormonal
- Pagkakaroon ng kondisyon sa pancreas o kapag inalis ito sa pamamagitan ng operasyon
- Pag-inom ng mga gamot na maaaring makasira sa mga beta cell
Sintomas
Magkakatulad ang mga sintomas sa bawat taong mayroong diabetes. Subalit, dapat malaman na ang mga taong may type 2 na uri ng kondisyong ito ay may banayad lamang na mga sintomas.
Ang mga sintomas ng diabetes ay ang mga sumusunod:
- Labis na pagka-uhaw
- Madalas na pag-ihi
- Madaling magutom, o kaya ay nagugutom pa rin kahit kumakain nang sapat
- Pagkakaroon ng ketones sa ihi
- Labis na pagkapagod at panghihina
- Paglabo ng paningin
- Pagkakaroon ng mga galos at sugat na matagal gumaling
- Labis na pagbaba ng timbang kahit marami ang kinakain
- Pamamanhid sa mga kamay at paa
Mga Salik sa Panganib
Ang type 1 na diabetes ay maaaring umapekto kahit sa mga bata. Ang mga taong may mataas na posibilidad na magkaroon nito ay ang mga sumusunod:
- Mga may kapamilyang diabetic. Maaaring magkaroon ang tao ng diabetes kung may mga kamag-anak, lalo na sa mga malalapit na miyembro ng kaniyang pamilya, na mayroon nito.
- Mga may kondisyon sa lapay (pancreas). Maaaring humina ang kakayahang gumawa ng insulin ng pancreas na may kondisyon.
- Mga mayroong impeksyon. May mga hindi pangkaraniwang impeksyon at sakit na maaaring magdulot ng kondisyon sa pancreas. Maaari ring magdulot ang mga ito ng paghina ng kakayahan ng pancreas na gumawa ng insulin.
Ang type 2 na diabetes ay karaniwang umaapekto sa mga adult o mga nasa tamang edad. Sa mga ito, ang mga may mataas ang panganib na magkaroon ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Mga may kamag-anak na may ganitong uri ng kondisyon (genetics)
- Mga may 45 na taong gulang pataas
- Mga taong labis ang katabaan
- Mga babaeng may polycystic ovary syndrome (PCOS)
- Mga may insulin resistance
- Mga kabilang sa ilang uri ng lahi. Napag-alaman na ang mga African-American, Latino American, Native American, Asian-American, at mga katutubo ng Alaska at Pacific Islands ay may mataas na panganib na magkaroon ng type 2 diabetes.
- Ang mga matataba at sobrang bigat ang timbang
- Mga may mahihinang tolerance sa glucose. Ang mga taong may ganitong kondisyon ay bihira, subalit mataas ang posibilidad na magkaroon ng type 2 diabetes ng sinumang may ganitong uri ng sakit na ito.
- Mga nagkaroon ng diabetes habang nagbubuntis. Ang kondisyong ito ay tinatawag na gestational diabetes. Ang pagkakaroon nito ay nag-aangat sa panganib ng pagkakaroon ng type 2 diabetes kalaunan.
- Mga kulang sa pisikal na gawain. Ang mga taong madalang lamang mag-ehersisyo o kaya ay laging nakaupo ay mataas ang panganib na magkaroon ng type 2 diabetes.
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Ang type 1 na diabetes ay hindi maiiwasan. Subalit, may mga maaaring gawin upang ang ibang mga sintomas nito ay hindi lumala o tuluyang maibsan, kagaya ng mga sumusunod:
- Pagpili ng wastong uri ng mga pagkain. Piliin lamang ang mga pagkaing mababa ang caloric count at mataas naman sa fiber. Mainam na piliin ang mga sariwang gulay at prutas na may kaunti lamang na mga calorie.
- Pagkakaroon ng sapat na ehersisyo. Sapat na ang 30 minuto ng katamtamang ehersisyo araw-araw katulad ng paglalakad, paglalangoy, o pagbibisikleta. Maaari ring mag-ehersisyo nang ilang oras, subalit mainam parin na limitahin ito ayon sa kakayahan ng katawan.
- Magbawas ng timbang. Mababawasan ang panganib ng pagkakaroon ng diabetes kung tama sa edad at tangkad ang timbang ng katawan.
- Mga gamot na pang-iwas sa type 2 diabetes. Kung ang isang tao ay may panganib na magkaroon ng type 2 diabetes, maaari siyang uminom ng mga gamot na pang-iwas dito batay sa payo ng doktor. Ang metformin ay isa sa mga ganitong uri ng gamot.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/diabetes/guide/risk-factors-for-diabetes#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/diabetes/symptoms-causes/syc-20371444
- https://www.medicinenet.com/diabetes_treatment/article.htm#diabetes_type_1_and_type_2_definition_and_facts
- http://www.diabetes.org/diabetes-basics/symptoms/
- https://www.niddk.nih.gov/health-information/diabetes/overview/symptoms-causes
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/323627.php
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/317484.php