Buod
Ang dilated cardiomyopathy (DCM) ay isang uri ng sakit sa puso na kung saan na nakaaapekto sa left ventricle nito. Ang left ventricle ay ang kaliwang kalamnan ng puso at ito ay itinututuring na pangunahing tagapagdala ng dugo sa halos lahat ng parte ng katawan. Ang hindi lamang nito dinadalhan ng dugo ay ang mga baga sapagkat ang responsable na sa mga ito ay ang right ventricle.
Kapag may dilated cardiomyopathy, ang left ventricle ay lumalaki o lumalawak kaya tinawag itong “dilated.” Dahil wala na sa normal na laki ang left ventricle, hindi na ito nakapagpapadala ng dugo nang maayos. Ang supply ng dugo na natatanggap ng iba’t ibang parte ng katawan ay umuunti, kaya naman ang pasyente ay nakararanas ng mga sintomas gaya ng hirap sa paghinga, pagkapagod, pamamanas, at ipa ba.
Ang dilated cardiomyopathy ay maaaring mamana. Subalit, ito ay puwede ring maging sanhi ng labis na pag-inom ng alak, pagkakaroon ng altapresyon, pag-inom ng medikasyon, o kaya naman ay may ibang mga karamdaman gaya ng coronary artery disease, mga viral infection sa puso, thyroid disease, at diabetes.
Upang malunasan ang sakit na ito, maaaring magreseta ang doktor ng iba’t ibang medikasyon para sa puso. Bukod dito, ang pasyente ay maaari ring sumailalim sa operasyon upang malagyan ang kanyang puso ng naaangkop na heart-assisted device. Kapag lumala na ang kondisyong ito, maaari ring sumailalim ang pasyente sa heart transplant.
Kasaysayan
Ang dilated cardiomyopathy ay isa lamang sa mga pangunahing uri ng cardiomyopathy. Ang cardiomyopathy ay nangangahulugan na “sakit sa kalamnan ng puso.” Sa lahat ng uri ng cardiomyopathy, ang dilated cardiomyopathy ang pinakalaganap at ito rin ang pinakapangunahing dahilan kung bakit nangangailangan ng heart transplant ang mga pasyente.
Ang dilated cardiomyopathy ay isa ring “progressive” na sakit. Ibig sabihin, ito ay lumalala kalaunan at maaaring maapektuhan pa ang kanang kalamnan ng puso at ang iba’t ibang daluyan ng dugo. Bagama’t may iba’t ibang uri ng operasyon para rito, wala nang paraan pa upang maibalik sa dating laki ang kalamnan ng puso kapag naapektuhan na ng sakit na ito.
Subalit, sa pangunguna ng Harvard Medical School, Imperial London College, Singapore’s National Heart Centre, at Victor Chang Cardiac Research Institute, napag-alaman nila na ang dilated cardiomyopathy ay posibleng maiwasan kahit ang sanhi nito ay ang pagkamana sa pamilya o angkan. Nadiskubre nila sa kanilang isinagawang pakikipag-ugnayan na ang “titin” ay ang uri ng gene kung bakit nag-mumutate o nagbabago ang kalamnan ng puso. Bagama’t hindi pa kayang mapigilan ang pag-mutate ng puso dahil sa titin, maaari nang matukoy kung sino sa mga miyembro ng pamilya ang puwedeng maapektuhan ng dilated cardiomyopathy sa pamamagitan ng genetic testing.
Kapag natukoy na kung sinu-sino sa pamilya ang mga may pinakamatataas na posibilidad na magkaroon ng sakit na ito, maaaring isailalim agad sila sa isang therapy o treatment upang mapigilan ang mga sintomas ng dilated cardiomyopathy.
Mga Sanhi
Source: telegraph.co.uk
May iba’t ibang sanhi ang dilated cardiomyopathy. Kabilang na rito ay ang mga sumusunod:
- Namana sa pamilya – Ang sakit na ito ay lubos na namamana. Kung mayroon sa pamilya o angkan niyo ang sakit na ito, posible ring magkaroon ka nito lalo na kung hindi nag-iingat.
- Labis na pag-inom ng alak – Ang labis na pag-inom ng alak ay nakapagpapahina ng tibok ng puso sapagkat ito ay may mga kemikal na nakalalason.
- Pagkakaroon ng mataas na presyon – Kapag may mataas na presyon, ang kalamnan ng puso ay napipilitang maki-angkop sa pagbabagong ito. Kaya naman, ang kalamnan nito ay mas lalong kumakapal at tumitigas, upang makapagbomba lamang ng dugo sa katawan. Subalit, ang kapalit nito ay ang unti-unting paglaki ng kalamnan ng puso na nagreresulta sa dilated myocardiopathy.
- Pag-inom ng medikasyon – Ang ilang medikasyon ay maaaring maging makalason sa puso lalo na kung inaabuso ang pag-inom dito. Halimbawa ng mga medikasyon na maaaring makapagdulot ng dilated myocardiopathy ay doxorubicin at daunorubicin—mga gamot na ginagamit para sa cancer. Bukod dito, nakaaapekto rin sa puso ang cocaine at amphetamine.
- Iba pang mga karamdaman – Kung ang pasyente ay may iba pang mga karamdaman gaya ng coronary artery disease, viral infections sa puso, thyroid disease, at diabetes, posibleng magkaroon siya ng mga komplikasyon. Ilan sa mga ito ay maaari namang magresulta sa dilated cardiomyopathy.
Sintomas
Source: sakit.info
Ang dilated cardiomyopathy ay kadalasang nakaaapekto sa mga taong nasa pagitan ng mga edad 20 at 60-anyos. Kung mayroong kondisyon na ito, maaaring maranasan ang mga sumusunod na sintomas:
- Hirap sa paghinga – Ang sinumang may dilated cardiomyopathy ay makararanas ng hirap sa paghinga sapagkat hindi nakatatanggap ng sapat na supply ng dugo ang katawan. Ito ay dahil ang dugo rin ang nagdadala ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
- Paninikip ng dibdib – Posible ring makaranas ng paninikip ng dibdib ang pasyenteng may dilated cardiomyopathy. Dahil unti-unting lumalaki ang left ventricle, lalong nagsisiksikan ang mga bahagi ng puso at ang kalapit na mga organs at buto nito.
- Pagkapagod – Bukod sa hirap sa paghinga, ay makararanas din ng pagkapagod ang mayroong dilated cardiomyopathy. Dahil hindi makapagpadaloy nang maayos ang puso ng dugo, wala ring sapat na nutrisyon na natatanggap ang iba’t ibang bahagi ng katawan.
- Pagkahilo – Nakararanas din ng pagkahilo ang may dilated cardiomyopathy sapagkat kulang na kulang ang dugo, oxygen, at nutrisyon na natatanggap ng utak. Ang pagkahilo ay maaari ring magresulta sa pagkahimatay.
- Pagkakaroon ng palpitations – Ang palpitations ay ang pakiramdam na parang napakabilis na pagtibok ng iyong puso. Nangyayari ito sapagkat hindi na normal ang laki ng kalamnan ng puso.
- Edema o pamamanas – Ang ibig sabihin ng “edema” ay pamamanas. Sa pasyenteng may dilated cardiomyopathy, ang kadalasang namamanas na mga bahagi ng katawan ay ang tiyan, binti, at talampakan. Ang pamamanas ay maaaring resulta na rin ng pinsala sa mga kidney (bato) sapagkat hindi na nakatatanggap ng sapat dami ng dugo ang mga ito. Tandaan na ang mga kidney ang nagtatanggal sa labis na tubig sa katawan. Kaya naman kapag napinsala ang mga ito, ang labis na tubig ay hindi nailalabas at nananatili ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mga Salik sa Panganib
Ang kadalasang nagkakaroon ng dilated cardiomyopathy ay ang mga sumusunod:
- Nasa pagitan ng mga edad 20 at 60-anyos – Ang mga taong nasa edad na ito ay posible nang maapektuhan ng dilated cardiomyopathy. Sa edad na ito mayroong pinakamaraming pagkakataon na pumili ng lifestyle na hindi mabuti para sa kalusugan na maaari namang makasama sa puso.
- Mga kalalakihan – Ang mga kalalakihan ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng dilated cardiomyopathy. Sila kasi ay mas malakas uminom ng alak kaysa sa mga kababaihan.
- Pagkakaroon nito ng isang malapit na kamag-anak – Kung mayroong dilated cardiomyopathy ang isa sa inyong pamilya o angkan, hindi malayong magkaroon ka rin nito. Subalit, kung lubos na mag-iingat sa iyong lifestyle, maaari paring makaiwas dito.
- Mga labis-labis uminom ng alak – Babae man o lalaki, kung labis-labis naman ang pag-inom ng alak, ay maaaring maaapektuhan ng dilated cardiomyopathy. Ang alak ay nakapagpapataas ng presyon at nakapagpapahina sa mga kalamnan ng puso.
- Mga may matataas na presyon – Kung laging mataas ang presyon, maaaring lumaki ang left ventricle. Sa mga pagkakataong ito, masyado napapagod ang puso sa kabobomba ng dugo, maka-angkop lamang sa pagtaas ng iyong presyon. Kalaunan, ang left ventricle ay lumalaki dahil nasosobrahan ito sa trabaho.
- Mga overweight – Ang mga taong overweight o labis-labis ang timbang ay nanganganib ding magkaroon ng dilated cardiomyopathy. Ito ay dahil sa nagdudulot din ang labis na katabaan sa pagkakaroon ng mataas na presyon na isa rin sa mga salik sa panganib ng sakit na ito.
- Mga taong may ibang karamdaman – Ang mga taong may ibang karamdaman gaya ng coronary artery disease, viral infections sa puso, thyroid disease, at diabetes ay nanganganib ding magkaroon ng dilated cardiomyopathy. Kung hindi nagagamot ang kasalukuyang karamdamang kagaya ng mga ito, posibleng magkaroon ng komplikasyon at magresulta sa sakit sa puso.
Pag-Iwas
Source: blogs.discovermagazine.com
Halos lahat ng uri ng sakit sa puso ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng healthy lifestyle. Upang hindi magkaroon ng dilated cardiomyopathy, maaaring gawin ang mga sumusunod:
- Kumain ng masusustansyang mga pagkain. Iwasan ang pagkain ng matataba at maaalat na pagkain.
- Mag-ehersisyo araw-araw. Magpapayat kung wala sa wastong timbang.
- Iwasan ang mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo.
- Iwasan ang mga nakaka-stress na bagay at ugaliing magpahinga.
- Siguraduhing ginagamot ang anumang karamdaman upang hindi ito magresulta sa komplikasyon sa puso.
- Regular na magpa-checkup sa doktor.
Kung minsan, walang nararamdamang mga sintomas ang pasyente kahit siya ay may dilated cardiomyopathy. Kaya naman, ang regular na pagpapa-checkup sa doktor ay malaki ang naitutulong upang matukoy agad ang anumang sakit, hindi lamang sa puso.
Sanggunian
- https://www.heart.org/en/health-topics/cardiomyopathy/what-is-cardiomyopathy-in-adults/dilated-cardiomyopathy-dcm
- https://www.medicinenet.com/cardiomyopathy_dilated/article.htm
- https://rarediseases.info.nih.gov/diseases/221/dilated-cardiomyopathy
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dilated-cardiomyopathy/symptoms-causes/syc-20353149
- https://www.victorchang.edu.au/cardiomyopathy-discovery
- https://www.uptodate.com/contents/dilated-cardiomyopathy-beyond-the-basics
- https://www.cardiomyopathy.org/about-cardiomyopathy/heart-failure
- https://www.webmd.com/heart-disease/heart-failure/qa/how-can-heart-failure-cause-fluid-and-water-retention
- http://www.bloodpressureuk.org/BloodPressureandyou/Yourbody/Enlargedheart
- https://www.heart.org/en/health-topics/cardiomyopathy/understand-your-risk-for-cardiomyopathy
- https://www.heart.org/en/health-topics/cardiomyopathy/prevention-and-treatment-of-cardiomyopathy