Buod

Ang isa sa mga kondisyon na maaaring umapekto sa sistemang panunaw o digestive system ay ang diverticulitis. Nagkakaroon ang tao nito kapag mayroong sumulpot na mga maliliit na tila bulsa sa loob na malaking bituka na umuumbok papalabas. Ang mga ito ay maaaring mayroong impeksyon at pamamaga.

Ang isa sa mga pangunahing itinuturing na sanhi ng kondisyong ito ay ang kakulangan ng fiber sa kinakain. Maaari rin itong dulot ng paghina ng muscle lining ng malaking bituka bunga ng edad. Ayon sa mga dalubhasa, ang sakit na ito ay karaniwang umaapekto sa mga taong may 40 na taong gulang pataas.

Ang ilan naman sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang pananakit sa bahaging apektado, pagtitibi, maging ang pagkakaroon ng dugo sa mga dumi.

Depende sa kalubhaan nito, ang diverticulitis ay maaaring mawala nang kusa. Subalit, kung ito ay pabalik-balik, maaaring kailanganin na ang pagpapa-opera.

Kasaysayan

Ang mga kondisyong kaugnay ng diverticulitis ay unang isinalarawan ng Pranses na surgeon na si Alexis Littre noong ika-18 na siglo. Subalit, ang kondisyong ito ay lalong kumalat at nakilala noon lamang ika-20 at ika-21 na siglo.

Ang kondisyong ito ay tinawag na “divertikel” ng isang dalubhasang nagngangalang G. Fleischmann noong 1815. At noon namang 1849, ang dalubhasang si Jean Cruveilheir ay isinalarawan ang pag-umbok (herniation) ng mga kalamnan ng malaking bituka.

Noon namang 1869 ay unang iniugnay ang diverticula sa pagtitibi. At sa taong 1971 naman ay unang tinukoy ang kaugnayan ng fiber sa pagkain sa pag-iwas sa sakit na ito.

Mga Uri

Ang kondisyong kaugnay ng diverticulitis ay may dalawang uri: ang diverculitis at ang pagdurugo na kaugnay ng sakit na ito.

Diverticulitis

Ang kondisyong ito ay bunga ng pagsiksik ng mga dumi, kasama na ng mga bacteria, sa mga butas o bulsa sa loob ng malaking bituka. Ito ay maaaring magdulot ng pagsusugat sa bahaging ito ng katawan. Ang ilan pa sa mga maaaring ibunga nito ay ang pagkawala ng mga mabubuting bacteria at ang pagdami naman ng mga masasamang uri nito.

Ang diverticulitis ay maaaring maging sanhi ng impeksyon, pananakit at pamamaga, maging ng pagka-irita sa bahaging apektado.

Ang kondisyong ito ay maaari ring magdulot ng mga komplikasyong katulad ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng nana
  • Pagdurugo ng puwet
  • Pagkipot ng malaking bituka na nagdudulot ng hirap sa pagdudumi
  • Pagkakaroon ng fistula – isang uri ng daluyan na umuugnay sa dalawang bahagi, halimbawa ay mula sa malaking bituka papunta sa pantog

Dapat malaman na ang kondisyong ito ay mangangailangan ng operasyon.

Pagdurugo na kaugnay ng diverticulitis

Ang mga ugat na daluyan ng dugo mula sa kalamnan ng malaking bituka na dumaraan sa mga namuong bulsa nito ay maaaring pumutok. Kapag nangyari ito, magkakaroon ng dugo ang mga dumi sa tuwing magbabawas ang taong may diverticulitis.

Ang kondisyong ito ay maaaring hindi masakit. Subalit, ang pagkawala ng dugo ay maaaring magdulot ng pagkahilo.

Ang pagdurugo ay maaaaring mawala nang kusa. Subalit, kapag lumala, ito ay maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng mga komplikasyon. Kapag nangyari ito, maaaring kailanganin ang mga sumusunod:

  • Operasyon
  • Pagpapaturok ng suwero (IV)
  • Pagsasalin ng dugo
  • Agarang pagpapagamot

Mga Sanhi

Image Source: www.freepik.com

Ang isa sa mga maituturing na sanhi ng diverticulitis ay ang kakulangan ng fiber sa kinakain. Kapag nagkukulang ng fiber sa pagkain, nagdudulot ito ng pagtigas ng dumi sa loob ng malaking bituka. Dahil dito, kinakailangan ng mas malakas na puwersa upang mailabas ang mga matitigas na dumi na ito mula sa malaking bituka.

Ang labis na pagpuwersa ng malaking bituka upang ilabas ang matitigas na mga dumi ay nagpapahina sa muscle wall nito. Lumulubog ito at nagdudulot ng pagkakaroon ng mga bulsa na kung tawagin ay diverticula.

Subalit, may ilang mga pag-aaral na nagpapakita ng kakulangan ng kaugnayan ng fiber sa pagkakaroon ng diverticula sa malaking bituka. Gayunpaman, itinuturing sa ngayon na ang paghina ng muscle wall sa loob ng malaking bituka ang maaaring dahilan ng pagkakaroon ng diverticulitis.

Mga Sintomas

Image Source: www.scoopwhoop.com

Ang ilan sa mga sintomas ng pagkakaroon ng diverticulitis ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit sa kaliwang bahagi ng tiyan sa loob ng ilang araw
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Pagtitibi o kaya ay pagtatae
  • Panghihina ng tiyan
  • Pagkakaroon ng dugo sa dumi
  • Pagkakaroon ng pulikat sa kaliwang bahagi ng tiyan na nawawala kapag nailabas ang hangin sa loob nito

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Sa ngayon ay hindi pa lubos na maunawaan kung bakit nagkakaroon ang tao ng diverticulitis. Subalit, tukoy na ang ilang salik sa panganib ng pagkakaroon ng kondisyong ito. Ang ilan sa mga salik na ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagiging nasa sapat na edad na (adult) o mas matanda pa
  • Paninigarilyo
  • Kakulangan sa ehersisyo
  • Pagiging labis na mataba
  • Kakulangan ng fiber sa pagkain
  • Pagkakaroon ng mataas na antas ng taba ng hayop sa pagkain
  • Ilang uri ng mga gamot na katulad ng steroid, opiate, maging ang mga non-steroidal anti-inflammatory (NSAID) na uri nito

Mga Komplikasyon ng Diverticulitis

Ayon sa mga pagususri, ang 25 na porsyento sa mga pasyenteng mayroong diverticulitis ay maaaring makaranas ng mga sumusunod na komplikasyon:

  • Pamumuo ng nana sa apektadong bahagi
  • Pagkakaroon ng bara sa malaking bituka o kaya ay sa maliit na bituka bunga ng mga peklat
  • Pagkakaroon ng mga fistula, o mga hindi pangkaraniwang daanan sa pagitan ng dalawang bahagi ng mga bituka, o kaya ay sa pagitan ng bituka at ng
  • Pagkakaroon ng peritonitis, isang uri ng kondisyong medikal na nangangailangan ng agarang lunas

Pag-Iwas

Image Source: www.health.harvard.edu

Madaling iwasan ang kondisyong diverticulitis. Kailangan lamang na subaybayang mabuti ang sarili upang masunod ang mga hakbang sa pag-iwas dito. Ang mga hakbang na ito ay ang mga sumusunod:

  • Regular na pag-eehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang maging madali ang pagbabawas. Ito ay sapagkat binabawasan ng ehersisyo ang presyon sa loob ng malaking bituka. Subalit, mas mabisa ang ehersisyo sa pag-iwas sa diverticulitis kung gagawin ito nang hindi bababa sa 30 na minuto araw-araw.
  • Pag-inom ng maraming tubig. Makatutulong sa pagpapalambot ng dumi ang pag-inom ng sapat na dami ng tubig. Para sa mga adult o nasa sapat nang edad, ang ipinapayong dami ng tubig na iniinom araw-araw ay mula anim hanggang walong baso.
  • Pagpili sa mga pagkaing mayaman sa fiber. Tumutulong ang fiber sa pagpapalambot ng mga dumi sa malaking bituka. Dahil dito, magiging napakadali nang ilabas ng mga ito sa tuwing magbabawas. Kaya, ugaliing kumain ng maraming prutas at gulay dahil sa taglay ng mga ito na fiber.

Sanggunian