Buod
Ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay tinatawag na hematuria. Dahil sa paghalo ng kakaunti o kaya ay ng katamtamang dami ng dugo sa ihi, ito ay nagkukulay pula, pink, o minsan naman ay kayumanggi.
Nagkakaroon ang tao ng ganitong uri ng kondisyon dahil sa iba’t ibang mga uri ng sakit sa urinary tract, kagaya ng sakit sa kidney, sa pantog, sa urethra, at iba pa. Maaari rin itong bunga ng injury malapit sa mga bahaging ito ng katawan.
Ang mga palatandaan ng hematuria ay ang pag-iiba ng kulay ng ihi at ang pagkakaroon ng hindi pangkaraniwang amoy nito. Maari ring magkaroon ng mga kumpol ng dugo sa ihi.
Nilulunasan ang hematuria sa pamamagitan ng antibiotic kung ito ay bunga ng impeksyon. Samantala, kung ito ay dulot ng injury, maaaring mangailangan ng mga mas komplikadong lunas.
Kasaysayan
Hindi tiyak ang mga taon kung kailan nadiskubre ang kondisyong ito, subalit ito ay naobserbahan at nabanggit na sa panahon ng matandang Ehipto. Lalong nagkaroon ng malawakang kabatiran sa hematuria noon lamang umunlad ang microscopy.
Mga Uri
Ang hematuria ay may tatlong pangunahing uri: ang microscopic hematuria, gross hematuria, at “joggers’ hematuria.”
Microscopic Hematuria
Ang dugo sa ihi sa uring ito ng hematuria ay hindi mapapansin sa pamamagitan lamang ng mga mata. Bagkus, ito ay makikita sa pamamagitan ng microscope. Ito ay tinatawag din na “idiopathic hematuria” sapagkat hindi tiyak ang mga sanhi nito.
Gross Hematuria
Ang uri na ito ng hematuria ay tinatawag din na macroscopic o frank hematuria. Ito ay ang nakikitang pagbabago sa kulay ng ihi dulot ng pagkakaroon ng mataas na antas ng dugo na humalo rito. Sa kondisyong ito, karaniwang kulay pula, pink, o kaya ay kayumanggi ang ihi. May mga ilang pasyente rin na may gross hematuria ay nagkakaroon ng maliliit o katamtamang laki ng mga kumpol ng dugo sa ihi.
Dapat malaman na hindi kailangang napakarami ng dugo sa ihi upang magbago ang kulay nito. Kahit ang ilang patak lang nito ay maaaring magdulot ng pagbabago sa kulay ng ihi. Samantala, ang lala ng kondisyong nagdudulot ng hematuria ay wala sa dami ng dugo sa ihi. Kahit kaunti lang ang dugo na nasa ihi ay maaari na itong maging indikasyon ng malubhang uri ng sakit.
Joggers’ Hematuria
Batay sa katawagan ng kondisyong ito, ang uri na ito ng hematuria ay karaniwang umaapekto sa mga tumatakbo nang malayo. Ang pagtakbo nang malayo, maging ang mga mabibigat na mga gawain, ay maaaring magdulot ng problema sa pantog na maaaring mauwi sa pagdurugo nito.
Iba pang uri batay sa sanhi
May iba pang uri ng hematuria batay sa sanhi ng kondisyon, kagaya ng mga sumusunod:
- Hematuria na dulot ng bato sa kidney
- Hematuria na dulot ng trauma o injury sa balakang
- Hematuria na dulot ng sakit sa kidney
- Hematuria na dulot ng iba’t ibang uri ng urinary infection
- Hematuria na dulot ng iba’t ibang urinary, renal, o rectal procedure
- Benign hematuria
- Malignant hematuria
Mga Sanhi
Marami ang mga kondisyon na maaaring magdulot ng hematuria. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
Mga namamanang kondisyon. Mayroong mga uri ng namamanang kondisyon na nagdudulot ng pagdurugo sa urinary tract. Ang isa sa mga ito ay ang sickle cell anemia, isang uri ng namamanang kondisyon ng mga hemoglobin sa red blood cell. Ang kondisyong ito ay nagdadala ng dugo sa ihi. Ganito rin ang epekto ng Alport syndrome, isang uri naman ng kondisyon na umaapekto sa mga bahaging pangsala ng mga kidney.
Urinary tract infections (UTI). Ang mga urinary tract infection (UTI) ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa daanan ng ihi. Ito ay mas karaniwang nakaaapekto sa mga kababaihan. Kapag lumubha ang mga impeksyong ito, maaaring magkaroon ng pag-agos ng mga red blood cell sa urinary tract at humalo sa ihi.
Pagkakaroon ng bato sa pantog o kidney. Ang pagkakaroon ng sobrang dami ng mga mineral sa mga pantog o kaya sa kidney ay maaaring magdulot ng pamumuo ng mga bato sa mga bahaging ito ng katawan. Lubhang masakit ang kondisyong ito. Kapag hindi naagapan ay nagdudulot din ito ng pagkakaroon ng dugo sa ihi.
Mga impeksyon sa mga kidney. Ang mga impeksyong dulot ng mga bacteria sa kidney ay maaari ring magbunga ng pagdurugo sa mga bahaging ito ng katawan. Dahil dito, ang mga red blood cell sa mga apektadong bahagi ay maaaring lumabas sa mga daluyan ng ihi.
Kanser. Ang pantog, prostate, bayag, maging ang mga kindey ay maaaring magkaroon ng kanser. Ang sakit na ito ay nagdudulot ng pagdurugo sa mga nabanggit na mga bahagi. At ang dugo mula sa mga bahaging ito ay maaaring dumaloy papunta sa daanan ng ihi at humalo rito.
Mga gamot. May iba’t ibang uri ng mga gamot na nagdudulot ng pagdurugo na humahalo sa ihi. Ang ilan sa mga ito ay ang mga anticoagulant o mga gamot na pumipigil sa paglapot ng dugo, mga gamot na panlaban sa kanser, aspirin, at maging ang ilang uri ng antibiotic.
Paglaki ng prostate. Ang prostate ay isang uri ng gland na matatagpuan sa ilalim ng pantog ng mga kalalakihan. Karaniwan itong lumalaki sa pagtanda ng isang lalaki. Dahil sa paglaki, napipisil nito ang urethra at bahagyang nahaharangan ang pagdaloy ng ihi. Ang bahaging ito ng katawan ay maaari ring magkaroon ng impeksyon. Ang paglaki ng prostate at ang mga impeksyon dito ay maaari ring magdulot ng pagkakaroon ng dugo sa ihi.
Mga aksidente. Ang taong naaksidente at nagkaroon ng tama (trauma) sa bahagi ng katawan malapit sa kidney ay maaaring magdulot ng pagdurugo nito. Ganito rin ang maaaring mangyari sa mga atleta ng anumang contact sport.
Pagtakbo nang malayo. Ang pagtakbo nang malayo maging ang mahahabang cardiovascular na mga ehersisyo ay nagdudulot din ng hematuria. Ito ay sapagkat ang mga ganitong uri ng ehersisyo ay nagbubunga ng matinding pagka-uhaw, trauma sa pantog, at maging ng pagkadurog ng mga red blood cell.
Sintomas
Image Source: unsplash.com
Ang palatandaan ng pagkakaroon ng hematuria ay ang pag-iiba ng kulay ng ihi. Kapansin-pansin na ang taong may gross hematuria ay mayroong pula, pink, o kung minsan ay kayumanggi na ihi. Ito ay dahil sa dugo na humahalo dito.
Maaari ring may namuong dugo sa ihi kapag may hematuria. Ang ganitong uri ng kondisyon ay nagdudulot ng matinding sakit habang umiihi.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: thriveglobal.com
Ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay maaaring mangyari kahit na kanino. Bagama’t iba’t iba ang sanhi ng kondisyong ito, ang mga sumusunod ay ang mga salik sa panganib ng hematuria:
- Edad at kasarian. Ang isang taong may 50 na taong gulang pataas, lalo na kung lalaki, ay maaaring magkaroon ng paminsan-minsang dugo sa ihi. Ito ay bunga ng pamamaga ng kanilang prostate gland.
- Pagkakaroon ng impeksyon sa kidney. Sa mga bata, ang pamamaga ng mga kidney pagkatapos na gumaling ang impeksyon ng mga ito ay maaaring magdulot ng hematuria.
- Pagkakaroon nito sa pamilya. Maaari ring genetics ang dahilan ng pagkakaroon ng hematuria ng isang tao. Kapag ang isang pamilya ay mayroong kasaysayan sa pagkakaroon ng sakit sa mga kidney, ang isang tao ay maaaring makaranas ng pagdurugo sa ihi.
- Mga ilang uri ng gamot. Ang mga gamot na katulad ng aspirin, mga nonsteroidal anti-inflammatory pain reliever, maging ang mga antibiotic na kagaya ng penicillin ay maaaring magdulot ng pagkakaroon ng dugo sa ihi. Kaya, ang mga ito ay dapat na iniinom batay lamang sa rekomendasyon ng mga doktor.
- Malabis na pag-ehersisyo. Ang malabis na pag-eehersisyo maging ang pagtakbo nang malayo ay nagdudulot ng pagdurgo sa urinary tract. Kaya, kailangan munang magpatingin sa manggagamot bago mag-ehersisyo upang malaman ang tunay na kalagayan ng kalusugan.
Pag-Iwas
Image Source: whyy.org
Ang mga sumusunod na mga hakbang ay maaaring gawin upang maiwasan ang mga panganib ng pagkakaroon hematuria:
- Pagtigil sa paninigarilyo
- Pag-inom ng mga painkiller ayon lamang sa rekomendasyon ng mga manggagamot
- Pag-iwas sa pagtakbo nang malayo
- Pag-iwas sa ilang uri ng mga kemikal
- Pag-iwas sa radiation
- Pag-inom ng maraming likido upang makaiwas sa dehydration o matiniding pagka-uhaw
Sanggunian
- https://www.drugs.com/health-guide/hematuria.html
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/15234-hematuria/prevention
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/10213808
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/blood-in-urine/symptoms-causes/syc-20353432
- http://www.kidneyfund.org/kidney-disease/kidney-problems/blood-in-urine.html
- https://www.webmd.com/digestive-disorders/blood-in-urine-causes#1
- https://en.wikipedia.org/wiki/Hematuria
- https://www.news-medical.net/health/Types-of-Hematuria.aspx
- http://www.healthcommunities.com/hematuria/types.shtml