Buod
Ang dystonia ay isang uri ng neurolohikal na kondisyon na umaapekto sa utak at mga ugat. Ito ay nakaaapekto sa katawan sa pamamagitan ng mga hindi sinasadyang paggalaw ng mga kalamnan. Sa kondisyong ito ay kusang pumipilipit o nangingig ang apektadong bahagi ng katawan.
Bagama’t apektado ng kondisyong ito ang paggalaw ng mga kalamnan, hindi nito naaapektuhan ang pag-iisip, ang memorya, o ang kakayahan sa pagsasalita.
Sa ilang uri ng kondisyong ito ay apektado ang buong katawan. Sa iba naman ay apektado ang ilan lamang na bahagi, katulad ng mga kamay o braso kapag nagsusulat. Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang tiyak na dahilan ng pagkakaroon nito. Subalit, kinikilalang may kaugnayan dito ang kawalan ng koordinasyon ng mga ugat sa utak (neurons).
Kabilang sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang kusang paggalaw ng isang bahagi ng katawan, paninikip ng lalamunan, hirap sa paglunok, maging ang kusang paggalaw ng mga talukap ng mga mata. Ang ilan sa mga lunas para sa kondisyong ito ay ang mga gamot na nagpapakalma sa mga kalamnan. Sa mga malalalang kaso naman nito ay maaaring isagawa ang operasyon sa apektadong bahagi.
Kasaysayan
Ang Italyanong si Bernardino Ramazzini ang isa sa mga unang naglarawan ng dystonia na kaugnay ng isang gawain (task-specific dystonia) noong 1713. Nailathala ang kanyang mga pagsusuri sa isang aklat para sa mga karamdamang nakukuha sa hanap-buhay: ang Morbis Artificum. Sa isang bahagi ng aklat na ito ay isinulat niya kung paanong ang mga manunulat at mga notaryo na kanyang na-obserbahan ay maaaring magkaroon ng hindi mapigilang paggalaw ng mga kamay papunta sa isang direksyon.
Sa isang ulat naman sa Civil Service ng Britanya ay inilarawan ang writer’s cramp. Noong 1864 ay ginamit ang terminong scrivener’s palsy para sa kondisyong ito. Ang mga naunang ulat na ito tungkol sa dystonia ay ipinalalagay na dulot ng labis na paggamit sa apektadong bahagi.
Noon lamang 1911 nagkaroon ng detalyadong pag-uulat ukol sa dystonia sa pamamagitan ni Hermann Oppenheim, Edward Flatau, at Wladyslaw Sterling nang ilarawan nila ang ilang mga batang Hudyo na apektado ng isang uri ng kondisyong ipinalalagay na kaugnay ng familial na kaso ng DYT1 dystonia.
Makaraan ang ilang mga dekada, ang kauna-unahang pagpupulong ukol sa dytonia ay naganap sa New York noong 1975. Dito ay tinalakay ang iba’t ibang mga kondisyon ng karamdamang ito. Noong taong 1984 naman ay nalathala ang makabagong kahulugan ng dystonia. Paglipas pa ng ilang taon ay napatunayang napakarami ng uri ng kondisyong ito.
Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang mga pagsasaliksik sa lalong ikauunawa sa mga sanhi at lunas sa kondisyong ito.
Anu-ano ba ang mga uri ng dystonia?
Mga Uri
Maaaring uriin ang dystonia sa pamamagitan ng mga dahilan ng pagkakaroon nito. Ang mga uring ito ay ang mga sumusunod:
- Primary dystonia. Ito ay walang kaugnay na kondisyon at walang malinaw na sanhi.
- Secondary dystonia. Kaugnay ito ng mga kondisyong namamana o genetic, mga neurolohikal na pababago, o ng pinsala sa katawan.
Maaari ring uriin ang dystonia sa pamamagitan ng apektadong bahagi ng katawan, kagaya ng:
- Focal dystonia. Sa kondisyong ito ay isang bahagi lang ng katawan ang apektado.
- Segmental dystonia. Apektado nito ang dalawang magkaugnay na bahagi ng katawan.
- Multifocal dystonia. Apektado nito ang hindi bababa sa dalawang hindi magkaugnay na bahagi ng katawan.
- Generalized dystonia. Apektado nito ang dalawang hita at iba pang bahagi ng katawan.
- Hemidystonia. Apektado nito ang kalahating bahagi ng katawan.
Anu-ano naman ang mga sanhi ng dystonia?
Mga Sanhi
Image Source: www.health.com
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang mga tiyak na sanhi ng dystonia. Subalit, ipinalalagay na ang kawalan ng kaugnayan ng mga ugat sa ilang bahagi ng utak ang dahilan ng pagkakaroon nito. Ang ilang uri naman ng kondisyong ito ay namamana.
Dapat ding tandaan na ang dystonia ay maaaring sintomas ng ilang uri ng sakit, kabilang ang:
- Parkinson’s disease
- Huntington’s disease
- Wilson’s disease
- Pinsala sa utak dulot ng trauma
- Pinsala sa katawan na naganap sa panahon ng panganganak
- Stroke
- Kanser sa utak
- Kakulangan ng oxygen
- Labis na pagkalanghap ng carbon monoxide
- Impeksyong kagaya ng tuberkulosis o encephalitis
- Reaksyon ng katawan sa ilang uri ng mga gamot
Anu-ano naman ang mga palatandaan ng pagkakaroon ng dystonia? Anu-ano ang mga sintomas ng kondisyong ito?
Mga Sintomas
Image Source: hemighty.com
Ang dystonia ay umaapekto sa tao sa iba’t ibang paraan, kagaya ng mga sumusunod:
- Paggalaw ng kalamnan sa isang bahagi ng katawan, kagaya ng sa leeg, hita, o braso
- Paggalaw ng mga kalamnan habang ginagawa ang isang bagay, kagaya ng kapag nagsusulat
- Paglala ng paggalaw ng mga kalamnan kapag nakararanas ng stress o pagkabalisa
- Paglala ng paggalaw ng kalamnan at pagiging kapansin-pansin nito kalaunan
Ang iba’t ibang bahagi ng katawan na maaaring maapektuhan ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Kamay at bisig. Ito ang uri ng dystonia na umaapekto kapag nagsusulat (writer’s dystonia) o kaya ay kapag tumutugtog ng mga instrumentong pang musika (musician’s dystonia).
- Leeg. Ito ay karaniwan sa cervical dystonia. Ang paggalaw ng kalmnan sa bahaging ito ay nagdudulot ng pag-ikot o ng paggalaw paabante o paatras ng ulo na kung minsan ay nagdudulot pa ng pagsakit nito.
- Panga o dila. Ito ay tinatawag na oromandibular dystonia. Ito ay nagdudulot ng hirap sa pagsasalita, paglalaway, maging ng hirap sa pagnguya. Maaari itong masakit.
- Voice box at vocal cords. Ito ay tinatawag na spasmodic dystonia. Nagdudulot ito ng paghina ng boses.
- Mga talukap ng mata. Ang mabilis na pagkurap ng mga mata na kung tawagin ay blepharospasms ay nagdudulot ng hirap sa pagkakita. Sa karaniwan ay hindi ito masakit, subalit maaaring lumala, lalo na kapag may nakikitang napakaliwanag na ilaw o kaya ay kapag nakararanas ng Makararamdam din ng pagkatuyo ng loob ng mata.
Anu-ano ang mga dahilan na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kondisyong ito?
Mga Salik sa Panganib
Ang mga sumusunod na salik ay napatataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na ito:
- Pagkakaroon ng DYT1 na isang uri ng mutation sa gene
- Pagkakaroon ng pinsala sa basal ganglia, isang grupo ng mga selula na matatagpuan sa isang bahagi ng utak
- Pagkakaroon ng hindi maayos na ugnayan ng mga selula sa basal ganglia
- Pagkakaroon ng pinsala sa katawan habang ipinangangak
- Pagkalantad sa mga sangkap na nakalalason
- Mga trauma
- Pagkakaroon ng tumor, lalo na sa utak
- Pagkakaroon ng stroke
Anu-ano ang mga komplikasyon na maaaring ibunga ng pagkakaroo ng sakit na ito?
Mga Komplikasyon ng Dystonia
Ang mga sumusunod na komplikasyon ng dystonia ay ayon sa uri nito:
- Pisikal na kapansanan na umaapekto sa pagkilos
- Pinsala sa paningin na umaapekto sa mga talukap ng mata
- Hirap sa paggawal ng mga panga, paglunok, at pagsasalita
- Pananakit ng katawan at labis na kapaguran
- Depresyon at pagkabalisa
Maaari bang iwasan ang pagkakaroon ng dystonia.
Pag-Iwas
Sa ngayon ay ipinalalagay na ang dystonia ay maaaring hindi maiwasan. Subalit, nagpapatuloy ang pagsasaliksik ng mga dalubhasa upang ito ay maiwasan. Ang isa sa mga sinusuri nila ngayon ay ang mga gene na maaaring may kinalaman sa pagkakaroon nito.
Ang maipapayo sa ngayon ng mga dalubhasa ay ang pagkakaroon ng wasto at malusog na paraan ng pamumuhay. Kasama dito ang pagkakaroon ng sapat na tulog, regular na ehersisyo, maging ang pag-iwas sa mga ipinagbabawal na droga upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng dystonia.
Sanggunian
- http://www.healthcommunities.com/dystonia/causes.shtml
- https://www.webmd.com/brain/dystonia-causes-types-symptoms-and-treatments#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dystonia/symptoms-causes/syc-20350480
- https://www.dystonia.org.uk/what-is-dystonia
- https://en.wikipedia.org/wiki/Dystonia#History
- https://dystonia-foundation.org/what-is-dystonia/types-dystonia/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/171354.php
- https://www.dystonia.org.uk/pages/category/types-of-dystonia?Take=18
- http://www.healthcommunities.com/dystonia/followup.shtml