Buod

Ang ebola virus disease ay isang uri ng viral infection na sanhi ng ebola virus. Ito ay endemic na sakit na karaniwang nakaaapekto sa mga taong naninirahan sa Aprika. Ganunpaman, hindi ibig sabihin nito ay mga Aprikano lamang ang maaaring tamaan ng sakit na ito. Kapag nagkaroon ng sakit na ito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, pagkati ng lalamunan, panghihina, pananakit ng tiyan, kawalan ng gana sa pagkain, at iba pa.

Sa mga malulubhang kaso ng ebola, maaari ring makaranas ang pasyente ng pagdurugo kaya naman nakilala ang ebola noon sa tawag na ebola hemorrhagic fever. Noong unang mga kaso ng ebola, 75% ng mga pasyente ay nakararanas ng pagdurugo. Subalit, batay sa mga kamakailang outbreak at pag-aaral, 1 pasyente na lamang sa bawat 87 na pasyente ang nagkakaroon ng pagdurugo. Dahil dito, binansagan na lamang itong ebola virus disease o ebola sa mas pinasimpleng tawag.

Lubos na nakamamatay ang ebola. Ayon sa datos, 1 sa bawat 2 pasyenteng nagkakaroon nito ay namamatay. Bagama’t ang sakit na ebola ay matagal nang natuklasan, hanggang ngayon ay wala pa ring aprubadong gamot para rito. Ganunpaman, maaaring maibsan ang mga sintomas ng pasyente sa pamamagitan ng pagpapalit ng nawalang tubig sa katawan, pagsasailalim sa oxygen therapy, pagsasalin ng dugo, at pag-inom ng mga gamot para sa lagnat, pananakit ng katawan, at iba pa.

Kasaysayan

Ang ebola virus disease ay unang natuklasan sa bansang Congo noong 1976, malapit sa Ilog Ebola kaya dito ibinatay ang pangalan ng sakit na ito. Simula noong nagkaroon ng unang mga kaso ng ebola, pasulpot-sulpot na ang mga outbreak ng sakit na ito sa Aprika.

Ang pinakamalaking outbreak ng ebola ay naitala noong taong 2013, na umabot hanggang taong 2016, sa Kanlurang Aprika. Ang pinaka-apektadong mga lugar ay Guinea, Liberia, at Sierra Leonne. Pero bukod sa mga lugar na ito, nagkaroon din ng mga kaso sa Nigeria at Mali. Nagkaroon din ng secondary infection ang mga doktor at nars na nagmula sa Estados Unidos at Espanya na tumulong sa pangangalaga ng mga may sakit. May pangilan-ngilan ding mga kaso ang naitala sa Senegal, United Kingdom, at Italya.

Noong May 8, 2016, nakapagtala ang World Health Organization (WHO) ng 28,646 na kaso at 11,323 na binawian ng buhay.

Mga Sanhi

Ang pinakapangunahing sanhi ng ebola virus disease ay ang ebola virus. Ang sakit na ito ay maaaring makuha sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pagkakadikit ng balat o pagkakalunok sa dugo, ihi, o anumang likido ng hayop o taong nagtataglay ng virus
  • Aksidenteng pagkakaturok ng hiringgilya na naglalaman ng dugo ng taong infected
  • Pakikipagtalik sa taong may ebola
  • Paghawak ng infected na hayop
  • Pagkain ng hilaw na karne ng infected na hayop

Narito naman ang mga halimbawa ng mga hayop na maaaring magtaglay ng ebola virus:

  • Unggoy o mga bakulaw (gorilla)
  • Fruit bat o mga paniking nanginginain ng prutas
  • Porcupine
  • Forest antelope o anumang hayop na nasa pamilya ng mga usa

Hindi naman lubos na nakahahawa ang ebola. Mas nakahahawa pa ang mga sakit na gaya ng sipon, trangkaso, at tigdas. Hindi rin ito nakukuha sa pamamagitan ng tubig at hangin.

Mga Sintomas

Image Source: www.childrenscolorado.org

Sa unang yugto ng ebola virus disease, maaaring mapagkamalan na trangkaso, malaria, o typhoid fever ito. Hindi kasi nagkakalayo ang mga sintomas ng sakit na ito, tulad ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pananakit ng ulo
  • Pananakit ng mga kasu-kasuan at kalamnan
  • Panghihina o mabilis na pagkapagod
  • Pagkati ng lalamunan
  • Panginginig ng kalamnan

Habang tumatagal ang sakit, maaari ring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagduduwal at pagsusuka
  • Pagtatae
  • Pagkakaroon ng pantal
  • Pananakit ng dibdib
  • Pananakit ng tiyan
  • Hirap sa paglunok
  • Hirap sa paghinga
  • Pagdurugo sa loob at labas ng katawan

Mga Salik sa Panganib

Napakaliit lang ang posibilidad na magkaroon ng ebola, lalo na kung hindi naman naninirahan sa Aprika. Subalit, tataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit na ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagbabakasyon sa Aprika lalo, na sa mga lugar na nagkaroon na ng mga outbreak
  • Pagsasagawa ng mga pananaliksik sa mga hayop na mula sa Aprika
  • Pangangalaga sa taong may sakit na ebola lalo na kung walang suot na personal protective equipment o PPE
  • Paghahanda sa mga taong namatay dahil sa sakit na ebola

Ayon sa mga pag-aaral, nakahahawa pa rin ang mga katawan ng mga taong namatay dahil sa sakit na ebola. Kung ang isang tao naman ay naka-recover o gumaling na mula sa sakit na ito, maaari pa rin siyang makahawa lalo na kung hindi pa naman tuluyang nawawala ang virus sa dugo, tamod, at ibang mga bodily fluid o likido ng katawan.

Mga Komplikasyon

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Kung hindi agad malalapatan ng angkop na lunas ang sakit na ebola, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod na komplikasyon:

  • Pagpalya ng mga organ ng katawan
  • Labis na pagdurugo
  • Paninilaw ng balat o jaundice
  • Pagkakaroon ng deliryo
  • Pagkakaroon ng seizure
  • Pagiging comatose ng pasyente
  • Pagkaranas ng hypovolemic shock

Pag-Iwas

Image Source: www.nbcnews.com

Upang maiwasan na magkaroon ng ebola virus disease, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:

  • Bago magbakasyon sa Aprika, alamin muna kung walang aktibong mga kaso ng ebola.
  • Ugaliing maghugas ng mga kamay upang maalis ang anumang mikrobyong nakakapit sa mga ito.
  • Hugasan nang maigi ang mga prutas at lutuin nang maayos ang mga karne ng hayop.
  • Iwasan ang pagkain ng mga hayop na naninirahan sa gubat sapagkat maaaring may dala-dala silang virus.
  • Huwag hawakan ang mga hayop sa gubat na tulad ng paniki, unggoy, gorilya, chimpanzee, at iba pa.
  • Huwag ding hawakan nang walang proteksyon ang mga katawan ng namatay na hayop sa gubat.
  • Kung nangangalaga ng taong may sakit na ebola, siguraduhin na magsuot ng PPE. Dagdag dito, gawin din ang tamang pagtatanggal ng mga ito upang hindi magkaroon ng impeksyon.

Sanggunian