Buod
Ang elephantiasis ay isang uri ng tropikal na sakit o sakit na pangkaraniwan sa mga bansang may tropikal na klima. Kilala rin ang elephantiasis sa tawag na lymphatic filariasis sa larangang medikal. Sa kondisyong ito, ang isang tao ay kadalasang nagkakaroon ng pamamaga sa mga paa na maihahalintulad sa mga paa ng elepante.
Maaaring magkaroon ng elephantiasis kung nakagat ng lamok na may dala-dalang itlog ng parasitikong gaya ng mga roundworm. Bagama’t iba’t iba ang mga uri ng roundworm na sanhi ng elephantiasis, 90% ng mga kaso nito ay dulot ng Wuchereria bancrofti.
Upang gumaling sa sakit na ito, maaaring bigyan ng doktor ang pasyente ng mga antiparasitic na gamot para mapuksa ang mga itlog at ang mga uod sa katawan. Kung may iba pang mga sintomas na nararamdaman, maaari ring magbigay ang doktor ng mga gamot sa pangangati ng balat, pananakit ng katawan, lagnat, at impeksyon.
Kasaysayan
Ayon sa mga tala, mayroon ng mga kaso ng elephantiasis mahigit 4,000 taon na ang nakararaan. Batay ito sa mga labi na nakita sa sinaunang sibilisasyon ng Ehipto at Kanlurang Aprika. Dagdag dito, may nabanggit din na mga sintomas ng kondisyong ito sa sulatin ng mga sinaunang Griyego. Subalit, ang pinaka-unang detalyadong tala ng mga sintomas nito ay naisulat ni Jan Huyghen van Linschoten noong ika-16 na siglo.
Noong taong 1866 naman, nagsagawa si Timothy Lewis ng pag-aaral tungkol sa pagkaka-ugnay ng microfilariae (uri ng parasitiko) at elephantiasis. Dahil sa pananaliksik ni Lewis, unti-unting naintindihan ang kondisyong ito. Sumunod kay Lewis ay ang pag-aaral ni Joseph Bancroft noong taong 1876. Natuklasan ni Bancroft ang adult form ng itlog ng parasitikong sanhi ng elephantiasis. Noong taong 1877 naman, umabot si Patrick Manson ng haka-haka na ang mga itlog at uod ay dulot ng mga lamok. Bagama’t malapit-lapit na siya sa sanhi nito, mali ang kanyang haka-haka na ang mga itlog ng parasitiko ay nakukuha sa pamamagitan ng pag-inom sa tubig kung saan nangitlog ang mga lamok.
Subalit pagsapit ng taong 1900, natuklasan na ni George Carmichael Low ang tunay na paraan kung paano nadadala ng lamok ang mga itlog ng parasitikong nagdudulot ng elephantiasis. Natuklasan niya ito nang kanyang makita na may itlog o uod ang bahaging pantusok o pangkagat ng lamok.
Mga Sanhi
Ang sanhi ng elephantiasis ay isang uri ng parasitiko. Maaaring magkaroon nito kapag nakagat ng lamok na may dala-dalang itlog ng roundworm na Wucheria brancrofti, Brugia malayi, o brugia timori. Kapag ang mga itlog ay nakarating sa lymphatic system ng katawan, doon sila lalaki at magdudulot ng mga sintomas.
Ang lymphatic system ay binubuo ng mga lymph nodes o kulani. Tumutulong ang mga bahaging ito sa pagtatanggal ng dumi o anumang lason sa dugo at katawan. Subalit kapag ang mga ito ay nabarahan ng mga itlog o lumaking uod ng parasitiko, magkakaroon ng pamumuo ng lymphatic fluid o likido at magdudulot ito ng paglaki o pamamaga ng mga paa at iba pang mga bahagi ng katawan.
Mga Sintomas
Image Source: www.globalcitizen.org
Kung ang isang tao ay may elephantiasis, maaari siyang hindi magpakita ng mga sintomas na gaya ng paglaki ng mga paa. Ganunpaman, maaari pa ring maapektuhan ang kanyang lymphatic system at maging ang kanyang mga kidney o bato na maaaring magresulta sa panghihina ng resistensya ng katawan.
Kung magkaroon man ng mga sintomas ang taong may elephantiasis, maaari siyang makitaan o makaramdam ng mga sumusunod:
- Pamamaga o paglaki ng mga paa at kamay
- Paninigas at pangangapal ng mga bahaging namaga
- Paglaki ng mga bayag ng mga kalalakihan
- Paglaki ng mga suso ng mga kababaihan
- Pagkakaroon ng mga sugat at impeksyon ng balat
- Pagkakaroon ng lagnat
- Panginginig ng kalamnan
- Bahagyang pangigitim ng mga apektadong bahagi
- Panghihina ng katawan
- Pagkakaroon ng mga umbok ng apektadong bahagi
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.lshtm.ac.uk
Maaaring maapektuhan ng elephantiasis ang kahit na sinuman. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Paninirahan sa mga tropikal na lugar. Ang mga tropikal na lugar na gaya ng Aprika, India, Timog Amerika, at Timog-Silangang Asya ay mayroong mainit na klima kaya naman marami ring mga lamok sa lugar na ito.
- Palagiang nakakagat ng mga lamok. Ayon sa mga doktor, hindi naman agad-agad na magkakaroon ng elephantiasis kapag nakagat ng lamok. Kailangan ay paulit-ulit ito upang tuluyang mailipat ang mga itlog ng parasitiko sa katawan.
- Paninirahan sa maruruming mga lugar. Kung ang lugar na tinitirhan ay marumi o walang wastong sanitasyon, maaaring pamahayan ito ng mga lamok.
Mga Komplikasyon
Maaaring manirahan ang mga itlog at uod ng parasitiko sa lymphatic system sa loob ng napakaraming taon. Kung hindi ito matutukoy agad at malalapatan ng lunas, maaari itong magdulot ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkakaroon ng hirap sa pagkilos o disabilidad. Dahil sa paninigas, pangangapal, at pamamaga ng mga kamay at paa, maaaring magkaroon na ng pangmatagalan o permanenteng kapansanan. Maaaring hindi na magawang maigalaw nang maayos ang mga kamay at paa at makaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay.
- Pagkakaroon ng mga impeksyon. Kapag napinsala ang lymphatic system, maaaring magkaroon ang pasyente ng mga fungal at bacterial infection.
- Pagkakaroon ng depresyon. Hindi lamang pisikal na komplikasyon ang maaaring maidulot ng Maaari rin itong makaapekto sa emosyonal na aspeto ng pasyente at magresulta sa labis na pag-aalala at depresyon.
Pag-Iwas
Image Source: crystalzonecleaning.com.au
Ayon sa World Health Organization (WHO), 120 milyong katao ang maaaring maapektuhan ng kondisyong ito lalo na yung mga naninirahan sa mga bansang may tropikal na klima. Upang ma-iwasan ang pagkakaroon ng sakit na ito, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:
- Linisin ang bahay at kapaligiran. Hangga’t maaari ay panatilihing malinis at maaliwalas ang pamamahay sapagkat ang mga lamok ay mahilig magkubli sa mga marurumi at madidilim na lugar. Dagdag dito, tanggalin ang mga gamit o basura na nakatambak na maaaring maipunan ng tubig.
- Gumamit ng kulambo sa pagtulog. Siguraduhing nakasuksok nang maayos ang mga laylayan ng kulambo sa ilalim ng kama upang hindi makapasok ang mga lamok.
- Magpahid ng mga mosquito repellent. Maraming nabibiling mga mosquito repellent sa botika na hindi nangangailangan ng reseta. Ang mga ito ay parang losyon o cream lamang na ipinapahid sa balat. Mayroong mga mosquito repellent na pambata at pangmatanda.
- Magsuot ng mahahabang damit. Upang ma-iwasan na kagatin ng lamok, magsuot ng mahahabang damit na gaya ng long sleeves, pajama, o pantalon.
- Iwasan ang magbakasyon sa mga apektadong lugar. Hindi nangangahulugan na lahat ng bansang may tropikal na klima ay mapanganib na at siguradong magkakaroon ng Kung pupunta sa ibang bansa, iwasan lamang ang magbakasyon sa mga lugar na may mga aktibong kaso nito.
Sanggunian
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/321797.php
- https://www.healthline.com/health/elephantiasis
- https://www.webmd.com/a-to-z-guides/elephantiasis-what-to-know#1
- https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/lymphatic-filariasis
- https://en.wikipedia.org/wiki/Lymphatic_filariasis#History
- https://www.washingtonpost.com/national/health-science/for-haitis-elephantiasis-patients-specter-of-voodoo-lingers-hampering-care/2012/09/30/2badf306-b170-11e1-80ac-dab76d0e77c0_story.html