Buod

Ang fibromyalgia ay isang uri ng karamdaman na nailalarawan ng laganap na pananakit o pangingirot ng kalamnan. Madalas itong may kasamang pagka-hapo, kahirapan sa pagtulog, kawalan ng konsentrasyon, pagiging makalilimutin, at pagiging balisa. Kung minsan, nakararamdam din ang may fibromyalgia ng pananakit ng ulo, at sakit sa sistemang dihestibo na kung tawagin ay Irritable Bowel Syndrome o IBS.

Kontrobersyal din ang sakit na ito gawa ng hindi madaling sukatin ang mga sintomas nito sa pamamagitan ng mga pagsusuri sa laboratoryo. Isa pang dahilan ay ang walang tiyak na sanhi ng sakit na ito. Dahil dito, may mga pagkakataon na mali ang nagiging pag-suri o diagnosis nito ng ibang mga doktor. Kung minsan pa, pinawawalang-bahala ito at hinuhusgahang kathang-isip lamang ang nararamdaman ng pasyente.

Gayunpaman, pinaniniwalaang pinalalala ng fibromyalgia ang pakiramdam ng pangingirot sa pamamagitan ng pag-bago ng pamamaraan kung paano inaayon ng utak ang senyales ng pananakit. Ang mga pagkikirot na ito’y nahahayag sa tinatawag na “trigger points” o mga lugar sa katawan na pag pinindot ay nagiging masakit.

Kadalasang nararamdaman ang sintomas ng fibromyalgia pagkatapos ng isang aksidente, operasyon, matinding tensyon, o traumang emosyonal. May mga pagkakataon din na ang mga sintomas nito ay dahan-dahang naiipon at walang iisang tukoy na sanhi kung bakit ito lumalabas.

Mga kababaihan ang kadalasang nakararanas ng fibromyalgia, kaysa mga kalalakihan. Sa ngayon ay wala pang lunas ang sakit na ito. Gayunpanaman, may mga iba’t-ibang klase ng gamot na puwedeng makatulong sa pag-pawi ng pananakit na dulot nito. Bukod dito, ang pag-ehersisyo, sapat na pahinga, at pag-iwas sa labis na pag-aalala ay nakatutulong din.

Kasaysayan

Image Source: www.medscape.com

Lingid sa kaalaman ng marami, ang fibromyalgia at ang mga sintomas nito ay matagal nang napapansin ng mga doktor. Subalit ito ay naipaloloob lamang sa terminolohiyang rayuma ng laman. Ito (rayuma) ang naging tawag dito hanggang taong 1904, nang si Sir William Gowers ay lumikha ng terminolohiyang “Fibrositis” para sa mga iba’t-ibang sintomas na may pagkahawig sa fibromyalgia.

Sa pangalang fibrositis, and pantig na “fibro” ay patungkol sa connective tissue at ang “sitis” naman ay sa pamamaga. Gayunpaman, hindi naging sapat ang katagang fibrositis sa ganitong uri ng sakit dahil hindi pamamaga ang sanhi nito. Ito din ang dahilan kung bakit noong taong 1976, naisip ng mga mananaliksik na tawaging fibromyalgia and karamdamang ito. Sa salitang ito, pinagsama ang “fibro” para sa connective tissue, “my” para sa kalamnan, at “algia”, para sa pananakit o kirot.

Mga Sanhi

Sa kasamaang palad, hindi pa rin buo ang pananaliksik at kaalaman tungkol sa kung ano ang puno’t dulong sanhi ng fibromyalgia. Sa kasalukuyan, ang nakikitang mga sanhi, o “triggers” nito ay:

  • Impeksyon. Posibleng maging sanhi ng fibromyalgia ang pagkakaroon ng impeksiyon.
  • Genetics. Kung mayroong kang kamag-anak na nakararanas ng karamdamang fibromyalgia, maaaring magkaroon ka rin nito.
  • Traumang Pisikal. Maari ding magmula ang fibromyalgia sa traumang pisikal, gaya ng aksidente.
  • Traumang Emosyonal. Emosyonal na trauma gaya ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay, isang abusadong relasyon, o di kaya pakikipag hiwalay sa ka-relasyon ay maaari ding pagmulan ng fibromyalgia.

Sintomas

Image Source: unsplash.com

Ang sintomas ng fibromyalgia ay:

  • Kapaguran. Kadalasan ay nakararamdam ng pagkahapo ang mga taong may fibromyalgia kahit mahaba ang kanilang tulog. Sa puntong ito, kadalasan din ay putol-putol ang kanilang tulog gawa ng kirot. Nakararamdam din ang may fibromyalgia ng kahirapan sa pagdulog, bunga ng sleep apnea o kaya naman ay ng di mapigilang paggalaw ng mga binti.
  • Problema sa Kamalayan. Isa pang sintomas ng karamdamang ito ay ang tinatawag na “Fibro Fog”, na kung saan nahihirapan ang tao na tumutok sa kanyang mga gawain. Kasama din dito ang pagka-balisa, at pagkalito sa pagsasalita.
  • Laganap na Pananakit. Mapurol ang katangian ng pananakit ng fibromyalgia at nararamdaman sa kalamnan. Kadalasan ito’y tumatagal nang di kukulangin sa tatlong buwan.

Ang fibromyalgia ay madalas din nauugnay sa iba pang sintomas gaya ng:

  • Sakit sa sistemang panunaw (Irritable Bowel Syndrome).
  • Sakit sa ulo gaya ng migraine.
  • Pananakit ng panga.

Mga Salik sa Panganib

Ang mga salik sa panganib ng fibromyalgia ay:

  • Kasarian. Mas madalas nangyayari ang fibromyalgia sa kababaihan.
  • Kasaysayang pampamilya. Mas mataas ang pagkakataon na magkakaroon ka ng ganitong sakit kung mayroon kang kamag-anak na nakararanas din nito.
  • Mga iba pang angkop na sakit. Ang osteo-arthritis, rayuma, o lupus ay pwede ding pagmulan ng fibromyalgia.

Pag-Iwas

Nakatutulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng fibromyalgia ang mga di kanais-nais na bisyo gaya ng paninigarilyo at labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang dalawang ito’y kadalasang nakahahadlang sa mahimbing na pagtulog—na siyang nakapagtutulong sa pagbawas ng sintomas ng fibromyalgia.

Mahirap man tuparin ito, kailangan ding iwasan ang mga bagay o mga taong nakapagdadala ng alala o pighati. Subaybayan din ang nararamdaman, para ito’y masabi ng detalyado sa iyong doktor. At higit sa lahat, magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Ang sakit na ito at mga sintomas nito ay di imposibleng mahanapan ng lunas, kaya di rin angkop na maging sanhi ito ng sobra-sobrang pagka-balisa at negatibidad.

Kaakibat ng pag-iwas sa mga bisyo at sa paggamot ng fibromyalgia ay ang pangangalaga sa sarili. Ang pangangalaga sa sarili ay napaka-importante dahil nagiging daan ito para ma-ibsan ang tensyon na isa sa mga sanhi ng karamdamang ito. Maari din ituring na uri ng pag-iwas sa fibromyalgia ang tamang pangangalaga sa sarili.

  • Matulog nang sapat. Ang sapat na tulog ay nakababawas sa pakiramdam ng pagka-hapo, na isa sa mga kinikilalang sanhi ng fibromyalgia. Malaking tulong ang pag-tutok sa isang takdang oras ng pagtulog at pag-gising.
  • Umiwas sa labis na pag-aalala. Ang resulta ng labis na pag-aalala ay di pagtulog nang sapat, kaya malaking bagay ang pag-iwas nito. Bagamat minsa’y hindi ito madaling gawin lalo na’t kapag may mga problemang hinaharap, maaring gamitin ang meditation o ehersisyong pagpapahinga para ito’y matamo.
  • Palaging pag-ehersisyo. Sa umpisa, ang pag-ehersisyo ay pwedeng makadagdag sa pananakit. Ngunit ang pananakit na ito’y nababawasan sa paglipas ng panahon, at habang nasasanay ang iyong katawan. Ito’y nakapagpa-giginhawa din sa tensyon, na nakatutulong sa pagtulog. Gayunpaman, kailangan pumili ng nararapat na ehersisyo para sa iyong sitwasyon. Ilang halimbawa nito ay ang paglalangoy, paglalakad, at pag-bibisikleta.
  • Panatiliin ang malusog na pamumuhay. Ang pagkain nang tama, pag-iwas sa pagkaing sobra sa mantika, at pagbawas ng pag-inom ng kape ay ilan lamang sa pwedeng gawin ukol dito. Maghanap din ng gawain na kung saan makararamdam ng kasiyahan gaya ng pagtugtog, pagpinta, o pagsayaw.
  • Hinay-hinay sa mga gawain. Ang tinutukoy dito ay ang labis ng paggawa ng mga aktibidad sa panahon na walang nararamdamang pananakit, na minsa’y nakapagdadagdag sa tensyon. Gayunpaman, di naman ibig sabihin nito’y di dapat masyadong magkilos. Mas mahalagang maghanap ng tamang balanse sa pagitan ng paggawa at pagpapahinga.

Sanggunian