Gamot at Lunas

Dahil walang tiyak na sanhi ang fibromyalgia, ang paggamot nito’y nakasalalay sa paglunas ng nararamdamang sintomas ng pasyente. Sa puntong ito, magkasamang isinasagawa ang pag-inom ng gamot, at pangangalaga sa sarili.

Pag-Inom ng Gamot

Isa sa mga layunin ng pag-inom ng gamot ay para sa maayos na pagtulog ng pasyente. Ang mga gamot na madalas gamitin para sa fibromyalgia ay:

  • Mga gamot sa pananakit o pagkirot (pain relievers). Mga karaniwang gamot sa pananakit gaya ng acetaminophen, ibuprofen, at naproxen sodium ang madalas na ginagamit dito. Paminsan-minsa’y maaring ipagamit ng doktor ng mas malakas na gamot kagaya ng Tramadol. Samantala, ang iba namang gamot gaya ng mga narcotic na uri ay di ginagamit dahil maaring palalain ng mga ito ang nararamdamang pananakit.
  • Mga anti-depressant. Ang mga gamot gaya ng duloxetine at milnacipran ay maaring makatulong sa pagka-hapo, at kirot na nararamdaman kapag may fibromyalgia. Para naman sa pagtulog ay maaring ireseta ng doktor ang amitriptyline.
  • Mga gamot laban sa pangingisay, o seizures. Gaya ng mga anti-depressant, ang gamot laban sa pangingisay ay nakatukatulong din sa pag-bawas sa nararamdaman na pananakit. Ang mga gamot na pregabalin and at gabapentin ay kadalasang nirereseta para rito.
  • Mga nagpapalambot ng kalamnan o muscle relaxant. Dahil kung minsan ay may kasamang  paninigas ng kalamnan ang fibromyalgia, pwede ring ireseta ng doktor ang ganitong klase ng gamot. Cyclobenzaprine ang gamot na madalas gamitin para dito.

Alternatibong Lunas

Maaari ring gumamit ng alternatibong lunas para mapagaan ang nararamdamang sintomas ng sakit na ito. Ilang halimbawa ng ganitong klaseng lunas ay:

  • Acupuncture. Ang sinaunang lunas na ito’y nagmula sa Tsina, at gumagamit ng napaka-pinong karayom na ipinapasok sa balat sa iba’t-ibang kalaliman. Ayon sa paniniwala ng mga acupunturist, ang mga karayom na ito’y nagpapaganda ng daloy ng dugo at tumutulong sa pagbawas ng mga nararamdamang sakit.
  • Pagmasahe. Isa ding sinaunang pamamaraan ng paglunas ang pagmasahe. Ilang benepisyo ng pagmasahe ay ang pagbaba ng heart rate, at pagkabawas ng tensyon. Tumutulong din ang pagmasahe sa pagbawas ng pananakit ng katawan.
  • Yoga at Tai-Chi. Sa Yoga at Tai-Chi ay pinagsasama ang mabagal na paggalaw, malalim na paghinga, at meditation. Ang lahat na ito’y nakatutulong sa pagbawas o pagtanggal ng tensyon.
  • Aromatherapy. Ang aromatherapy o paggamit ng mga mababangong langis ay maari ding makabawas sa nararamdamang tensyon ng pasyente.

Tandaan lamang na bago gumamit ng alternatibong lunas para sa fibromyalgia ay makabubuting ikonsulta muna ito sa doktor. May mga pagkakataon kasi na maaring maging sagabal ang ilan sa mga ito sa iniinom na gamot.