Buod

Ang sakit na galis (scabies) ay isang kondisyon na nagdudulot ng labis na pangangati at pamamantal sa balat. Ito ay dulot ng mga tungaw (mites) na sarcoptes scabiei na makikita lamang gamit ang microscope. Ang katawagan sa sakit na ito ay batay sa Latin na scabiēs na ang kahulugan ay “makati.”

Nagkakaroon ng galis ang tao kapag kumakalat ang mga tungaw sa balat, naghukay ang mga ito sa ilalim ng balat, at nangitlog dito. Ito ang paraan upang sila ay mabuhay at dumami. Ang pangangati ay allergic na reaksyon ng katawan sa mga tungaw, sa kanilang mga itlog, at sa kanilang mga dumi.

Ang mga sintomas nito ay ang labis na pangangati, pamamantal, pagsusugat, at ang pagkakaroon ng mga paltos sa balat.

Sa ngayon ay nilulunasan ito sa pamamagitan ng mga nireresetang mga gamot na nagtataglay ng mga kemikal na pamatay sa mga tungaw at sa mga itlog nito.

Kasaysayan

Image Source: www.medicinenet.com

Napakatagal na ng sakit na galis. Mula pa sa sinaunang panahon ay mayroon nang mga naitalang kaso nito. Batay sa pag-aaral, mula pa noong 494 B.C. ay mayroon nang mga naitalang kaso nito sa Ehipto at Gitnang Silangan. Maging sa mga kwento ng Bibliya ay naitala ito bilang isang uri ng ketong.

Noon namang ika-apat na siglo B.C. ay naitala ni Aristotle ang isang uri ng mala-kutong insekto na lumalabas sa isang taghiyawat kapag ito ay pinipisa – isang pagsasalarawan na walang pagkakaiba sa galis.

Ang Romanong manunulat na medikong si Aulus Cornelius Celsus (c. 25 BC – 50 A.D.) ang kinilalang nagbigay ng katawagang “scabies” sa kundisyong ito. Samantala, ang Italyanong manggagamot na si Giovanni Cosimo Bonomo ay isinalarawan din ang galis sa kaniyang sulat noong 1687 ukol sa mga uod sa katawan ng tao.

Mula noong ika-19 hanggang ika-20 siglo ay nagkaroon na ng iba’t-ibang mga gamot at lunas para sa sakit na ito. Sa panahon naman natin ngayon ay nagpapatuloy ang mga pagsasaliksik ukol sa iba pang mga mabibisang paraan para ito ay lunasan.

Mga Uri

Ang uri ng tungaw na nagdudulot ng galis ay iisa lamang. Ito ay ang Sarcoptes scabiei. Subalit, maaari itong magdulot ng iba’t-ibang uri ng galis, kagaya ng mga sumusunod:

Karaniwang galis

Ito ay ang pinakakaraniwang uri ng sakit na ito. Nagdudulot ito ng matinding pangangati na mayroong pamamantal sa mga kamay, sa gawing pulso, at iba pang bahagi. Ito ay hindi umaapekto sa mukha at anit.

Nodular na galis

Ito ay nagdudulot ng pagkakaroon ng mga makakating umbok sa balat, lalo na sa gawing ari, singit, at sa mga kilikili.

Norwegian scabies

Ang Norwegian scabies ay tinatawag ding crusted scabies. Ito ay isang uri ng malubha at labis na nakahahawang uri ng galis. Nagkakaroon ng crust o pagkapal ng balat dulot ng sakit na ito bunga ng libu-libong mga tungaw at mga itlog ng mga ito na nasa loob ng balat. Nakaaaapekto ang sakit na ito lalo na sa mga taong may mahinang immune system, kagaya ng mga mayroong HIV at mga sumasailalim sa chemotherapy.

Mga Sanhi

Image Source: indaytrending.com

Ang galis ay nakahahawang sakit sa balat na dulot ng tungaw na Sarcoptes scabiei var. Hominis. Ito ay nangangailangan ng mga taong host upang mabuhay. Ang isa sa pinakapalatandaan ng sakit na ito ay labis na makating pamamantal na bunga ng paghuhukay ng babaeng tungaw sa balat kung saan ay inilalagak nila ang kanilang mga itlog.

Ang mga tungaw na nagdudulot ng galis ay madaling maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng pagdadampi ng mga balat. Maaari ring kumalat ang mga tungaw sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • mga kagamitan sa pamamahay
  • mga damit
  • mga kubre ng kama
  • mga kulungan
  • mga rehab facilities
  • mga nursing home
  • mga paaralan
  • mga bihisan sa mga gym

Sintomas

Image Source: mga-sakit.com

Ang tao ay maaaring magkaroon ng galis ng ilang beses. Sa unang pagkakataon, ang mga sintomas nito ay maaaring magpakita mula dalawa hanggang anim na linggo. Samantalang sa mga sumusunod na pagkakataon ng pagkakaroon nito, ang sintomas ay maaaring mas mabilis na magpakita. Ito ay sapagkat mas mabilis na ang pag-react ng immune system laban dito.

Kabilang sa mga sintomas ng galis ay ang mga sumusunod:

  • Pangangati. Labis ang pangangati na dulot ng galis at ito ang pinakakaraniwang sintomas nito. Ang pangangati ay mas malala sa gabi.
  • Pamamantal. Ang pamamantal ng galis ay bunga ng paghuhukay ng mga tungaw sa balat na nagdudulot ng mga marka. Ang mga ito ay karaniwang makikita sa mga singit ng balat na maaaring kamukha ng taghiyawat. Maaari ring mamuo ang mga paltos na may lamang likido.
  • Mga sugat. Dahil sa pangangati ay maaaring magsugat ang mga apektadong bahagi ng balat bunga ng labis na pagkamot.
  • Pagkakapal ng balat (crusting). Ang pagkakapal ng balat ay isang uri ng malalang galis na bunga ng pangingitlog ng libu-libong mga tungaw sa balat. Ang crust ng balat ay maaaring kulay gray at nagbibitak.

Mga Salik sa Panganib

Kahit na sino ay maaaring magkaroon ng galis. Kahit ang pinakamalinis na tao ay maaari pa ring magkaroon nito.

Ang isa sa pinakamalalaking salik sa panganib ng pagkakaroon nito ay ang pamamalagi sa mga dako kung saan ay magkakalapit ang mga tao. Kaya, ang mga tao sa mga sumusunod na lugar ay maaaring mahawa ng taong may galis:

  • dormitoryo
  • kulungan
  • rehab
  • daycare center (ito ang dahilan kaya ang mga bata ay mas karaniwang nagkakaroon nito)
  • nursing home

Ang mga may edad na ay karaniwan namang nagkakaroon ng Norwegian scabies, isang uri ng malalang galis, sapagkat sila ay may mahihinang immune system.

Ayon naman sa isang pag-aaral noong 2009 sa isang mahirap na lugar sa Brazil, ang mga sumusunod ay mga salik din sa pagkakaroon ng galis:

  • hindi maayos na pabahay
  • kakulangan sa edukasyon
  • mababang kita sa pamilya
  • batang edad
  • pagkakaroon ng maraming bata sa tahanan
  • pagpapahiram at panghihiram ng mga damit o tuwalya
  • kulang sa paligo

Pag-Iwas

Image Source: wplesterluma.wordpress.com

Mahirap maiwasan ang galis. Subalit, ang mga sumusunod ay nagpapababa sa posibilidad ng pagkakaroon at ng pagkalat ng sakit na ito:

Maayos na paglalaba at pagpapatuyo ng mga damit. Ang mga damit, tuwalya, at kubre ng kama ay dapat na hinuhugasang mabuti, lalo na ng maligamgam na tubig. Dapat din itong patuyuin ng husto sa ilalim ng araw. Ang mga damit na may tungaw na hindi maaaring labhan ay itago sa selyadong plastik ng ilang linggo upang mamatay sa gutom ang mga tungaw.

Regular na pagva-vacuum. Ang mga sahig na may carpet ay tiyaking laging nava-vacuum upang matiyak na ito ay hindi pinamamahayan ng mga tungaw. Ang bag naman ng vacuum na sumasalo sa mga alikabok ay dapat ding linising maigi upang huwag pamahayan ng mga tungaw.

Sanggunian