Buod

Ang gallstones o mga bato sa apdo ay tumutukoy sa pamumuo o pagkukumpol ng mga sangkap sa loob ng apdo (gallbladder). Ang mga namuong sangkap na ito ay may hawig sa mga bato, kaya naman tinatawag itong “gallstones.”

Namumuo ang mga sangkap sa loob ng apdo kapag nagkaroon ng kakulangan sa balanse ng mga kemikal sa loob nito. Ang mga sintomas ng gallstones ay ang labis na pananakit sa apektadong bahagi, pagkahilo at pagsusuka, pagkakaroon ng lagnat, paglobo ng tiyan at impatso, maging ang paninilaw ng ilang mga bahagi ng katawan.

May mga iniinom na gamot para malusaw ang mga bato sa apdo. Subalit, pinakamainam ang operasyon para rito upang ganap na matanggal ang mga bato sa loob nito.

Kasaysayan

Bago pa ang ika-19 na siglo ay kilala na ang kondisyon na gallstones. Subalit, ang pag-aalis sa apdo sa katawan ay makabago nang paraan ng paglunas sa sakit na ito. Noon ay nilulunasan ito sa pamamagitan ng cholecystostomy, isang uri ng paraan ng pagbubukas sa apdo para alisin ang mga bato at mga likido nito. Sa mga panahong iyon ay inaakala ng mga manggagamot na kapag inalis ang apdo ay mamamatay ang pasyente. Subalit, ang pag-aalis ng bato mula sa apdo ay nagbibigay ng panandalian lamang na ginhawa. Ang pananakit ay maaaari pa ring magpatuloy.

Subalit sa katotohanan, noon pang ika-17 na siglo ay napatunayan na ng dalawang Italyanong mga manggagamot na maaaring mabuhay ang hayop na tinanggalan ng apdo. Subalit, ang natuklasan nilang ito ay nalimutan hanggang noong ika-19 na siglo.

Sa pag-unlad ng mga pamamaraan sa paggamot sa gallstones, napag-alaman na maaari palang tanggalin ang apdo na hindi namamatay ang pasyente. Kaya noong 1897 ay naging pamalagiang lunas na ang pag-aalis sa apdo para sa mga pasyenteng may ganitong kondisyon. At mula noon, hindi lamang nalunasan ang pagkakaroon ng bato sa apdo, nalunasan din ang pagkakaroon ng mga komplikasyon na dulot ng hindi pagtanggal sa apdo matapos na tanggalin ang mga bato sa loob nito.

At sa wakas, noong 1985 ay lalo pang umunlad ang cholecystectomy nang ang isang Aleman na surgeon na si Erich Mühe ay matagumpay na nakapag-alis ng apdo ng isang pasyente. Ginamit niya ang mga instrumentong pang laparoscopy sa kauna-unahang pagkakataon. Nasundan ito noong 1987 nang alisan din ng apdo ang isang pasyente ng isang Pranses na surgeon gamit ang nasabi ring pamamaraan. Sa loob lamang ng may dalawang taon noong 1980s ay nabago na ng laparoscopic na paraan ng paglunas sa gallstones. At mula noon ay naging malaganap na ang paggamit sa paraang ito sa Estados Unidos.

Mga Uri

May iba’t ibang uri ng mga bato na maaaring mamuo sa apdo. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Gallstones na mula sa kolesterol. Ang pinaka-karaniwang uri ng gallstones ay ang mga namuong kolesterol na karaniwan ay kulay dilaw. Ang mga ito ay mga kolesterol na hindi nalusaw na may halong iba pang mga sangkap.
  • Pigment gallstones. Ito ay mga uri ng bato sa apdo na kulay itim o kaya ay kayumanggi. Ang mga ito ay dulot ng pagkakaroon ng sobrang dami ng bilirubin, isang uri ng sangkap na matatagpuan kapag nilulusaw ng katawan ang hemoglobin.

Mga Sanhi

Ang pagkakaroon ng bato sa apdo o gallstones ang pinaka-karaniwang sanhi ng sakit sa apdo. Kapag ang mga bato sa apdo ay humalo sa likidong bile, ang likidong ito ay hindi makadadaloy papalabas ng apdo. Maaapektuhan din nito ang pagdaloy ng mga digestive enzyme mula sa pancreas.

Kapag nagpatuloy ang pagkakaroon ng bara sa apdo at sa pancreas, ang mga ito ay mamamaga. Ang pamamaga sa apdo ay tinatawag na cholecystitis. Ang pamamaga naman sa pancreas ay tinatawag na pancreatitis. Magdudulot din ito ng iba’t ibang mga komplikasyon at impeksyon.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung paano namumuo ang mga bato sa apdo. Ito ay maaaring nangyayari dahil sa mga sumusunod:

  • Malabis na pagkakaroon ng kolesterol sa bile. Ang normal na bile ay may sapat na dami ng kemikal para lusawin ang kolesterol mula sa atay. Subalit, kapag nahigitan ng kolesterol ang mga kemikal ng bile, ang labis na kolesterol ay maaaring mamuo at maging bato.
  • Malabis na pagkakaroon ng biliburin sa bile. Ang biliburin ay isang uri ng kemikal na nalilikha kapag nilulusaw ng katawan ang mga red blood cell sa pamamagitan ng atay. May mga kondisyon na kung minsan ay nagkakaroon ng sobrang dami ng biliburin sa atay. Ang mga labis na biliburin ay maaari ring mamuo sa apdo.
  • Hindi maayos na pag-aalis ng mga likido sa apdo. Kapag may nalabing bile sa apdo, maaari ring mamuo ang mga ito at maging sanhi ng pagkakaroon ng bato sa apdo.

Mga Sintomas

Karaniwan ay walang sintomas ang gallstones. Nalalaman lamang na ang isang tao ay mayroon nito kapag kapansin-pansin na ang mga sintomas.

Pananakit ng tagiliran

Ang isa sa pinaka-pangunahing sintomas ng kondisyong ito ay ang pananakit sa itaas na bahagi ng kanang tagiliran. Ang pananakit na ito ay maaaring pawala-wala at maaaring maramdaman sa pagitan ng ilang araw, linggo, o kaya ay buwan.

Ang pananakit ay maaaring sumumpong pagkaraang kumain ng matataba na pagkain. Karaniwan itong sumusumpong sa gabi. Kapag nagkaroon ng pananakit, maaari itong tumagal nang may 30 minuto hanggang limang oras.

Ang iba pang mga sintomas ng gallstones ay ang mga sumusunod:

Image Source: www.medicalnewstoday.com

  • Pagkamaselan sa mga matataba at masesebong pagkain
  • Impatso, malabis na pagdighay, at paglobo ng tiyan
  • Pagkahilo, pagduduwal, at pagsusuka
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Paninilaw ng balat at mga mata

Mga Salik sa Panganib

Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng bato sa apdo sa pamamagitan ng mga sumusunod na mga kondisyon:

  • Pagiging labis na mataba. Pinapataas ng pagiging mataba ang antas ng kolesterol sa katawan. Nagiging lubhang mahirap din para sa apdo na lubusang alisin ang mga laman nito.
  • Labis na pagkonsumo ng matataba na pagkain. Ang labis na taba mula sa kinakain ay maaaring mamuo sa apdo bilang bato.
  • Pagkakaroon ng pagbabagong hormonal. Ang pag-inom ng mga birth control pill, pagsasailalim sa hormone replacement therapy, at pagiging buntis ay maaaring mga salik din sa pagkakaroon ng gallstones. Ang mga ito ay nagpapataas ng dami ng estrogen sa katawan na nagiging sanhi ng hindi ganap na pagka-ubos ng laman ng apdo.
  • Pagkakaroon ng diabetes. Ang diabetes ay nagdudulot ng pagtaas ng dami ng triglyceride, isang uri ng taba sa dugo, na maaaring magdulot din ng gallstones.
  • Pag-inom ng gamot na pampababa ng kolesterol. May mga ganitong uri ng gamot na may side effect na nagpaparami ng kolesterol sa apdo.
  • Mabilis na pagbaba ng timbang. Sa mabilis na pagbagsak ng timbang, ang atay ay gagawa ng mas maraming kolesterol na maaari namang magdulot ng gallstones.
  • Pag-aayuno o fasting. Hindi gaanong pumipiga ang apdo kapag umiwas sa pagkain nang ilang panahon.
  • Genetics. Maaari ring maging salik sa pagkakaroon ng gallstones ang genetics. Ito ay mas karaniwang umaapekto sa mga babae, sa mga matatanda (60 na taong gulang pataas), at sa ilang mga lahi.

Pag-Iwas

May mga salik sa pagkakaroon ng gallstones na hindi maaaring iwasan, kagaya ng edad, kasarian (mas karaniwan ito sa mga kababaihan), at lahi.

Subalit, mayroon pa ring mga paraan upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon nito, katulad ng mga sumusunod:

Image Source: https://unsplash.com

  • Pagkakaroon ng vegetarian diet. Napatunayan sa mga pag-aaral na kapag gulay ang karamihan sa kinakain ng isang tao, nababawasan ang panganib ng pagkakaroon ng gallstones. Mataas kasi sa fiber ang mga gulay at lubhang mas mababa ang taba ng mga ito kaysa sa mga karne.
  • Pag-iwas sa sobrang matatabang pagkain. May mga taong hindi dapat umiwas sa karne dahil sa medikal na kondisyon. Kung hindi maiiwasan ang pagkain ng karne, dapat ay pinipili lamang ang mga uri nito na may kakaunting taba at kumain lamang nito nang sapat.
  • Pagpapanatili ng tamang timbang. Ang pagkontrol sa timbang ng katawan ay makatutulong din sa pag-iwas sa gallstones. Subalit, dapat gawin ito sa wastong paraan at hindi gawin nang biglaan.
  • Pagkain nang mas kaunti. Sa halip na kumain nang marami sa bawat meal, sikaping kumain lamang nang kaunti. Nakatutulong ang paraan na ito dahil mas madali para sa digestive system na tunawin ang kakaunting dami ng pagkain sa tiyan.
  • Pag-inom ng maraming tubig. Ugaliing uminom ng maraming tubig upang makatulong sa maayos na digestion pagtunaw ng mga kinain.

Sanggunian