Buod
Ang gestational diabetes ay isang uri ng diabetes na nararanasan ng mga buntis. Sa sakit na ito, normal naman ang dami ng asukal sa dugo o blood sugar level ng isang babae bago mabuntis, ngunit nagkaroon siya ng diabetes pagkatapos mabuntis
Ang mga sintomas ng kondisyong ito ay karaniwang lumalabas sa pagitan ng ika-24 at ika-28 linggo ng pagbubuntis. Maaaring makaranas ng matinding pagkapagod, panlalabo ng paningin, matinding pagkauhaw, palagiang pakiramdam na naiiihi, at paghilik habang natutulog. Ang mga sintomas na ito ay napaka-karaniwan sa lahat ng mga nagbubuntis, kaya naman hindi agad matukoy ng buntis kung siya ay may gestational diabetes. Upang malaman kung mayroong ganitong kondisyon ang isang buntis, kailangang masuri ang kanyang blood sugar level.
Nagkakaroon ng gestational diabetes kapag ang placenta o inunan ng sanggol ay masyadong naparami ang paggawa ng mga hormone gaya ng human placental lactogen (hPL) at mga hormone na nakapagpapataas ng insulin resistance. Dahil sa pagdami ng mga hormone na ito, ang katawan ng buntis ay hindi magawang tanggapin ang insulin. Ang insulin ay isang uri ng hormone na nangangasiwa sa normal na dami ng asukal sa dugo sa katawan.
Kadalasan, nakukuha ang gestational diabetes dahil sa labis na pagkain at kakulangan sa pag-eehersisyo. Dagdag dito, ang buntis ay maaaring bumigat nang husto, pati na rin ang sanggol na nasa sinapupunan. Bukod din sa mga ito, maaaring magkaroon ng gestational diabetes kung may kasaysayan ng anumang uri ng diabetes o altapresyon sa pamilya.
Ang gestational diabetes ay maaaring magdulot ng komplikasyon sa panganganak at makaapekto sa kalusugan ng sanggol. Upang malunasan ito, dapat sundin ang payo ng doktor. Maaaring imungkahi ng doktor na i-monitor ang blood sugar level bago at pagkatapos kumain sa pamamagitan ng isang glucose monitoring device. Maaaring magturok din ang buntis ng regular na mga insulin injection lalo na kung ang blood sugar level ay hindi bumababa pabalik sa normal na antas nito. Bukod sa mga ito, kailangan din ng buntis na kontrolin ang kanyang pagkain at mag-ehersisyo araw-araw.
Kasaysayan
Ang kauna-unahang naglahad sa kondisyon na gestational diabetes ay si Dr. J. P. Hoet ilang taon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inilahad niya ito sa kanyang papel na nakalathala sa wikang Pranses. Ito naman ay isinalin ni Dr. F. D. W. Lukens sa wikang Ingles upang ilathala sa librong pinamagatang “Diabetes” noong 1954.
Pagkatapos ng pagkakatuklas na ito, ang National Institutes of Health ay gumawa ng isang programa tungkol sa mga pinagmulan ng mga chronic disease o pangmatagalang sakit. Nagtatag sila ng isang gusali sa Boston, Massachusetts at ito ay pinamamahalaan ni Hugh Wilkerson. Sumali sa programang ito si Dr. John B. O’Sullivan, matapos siyang makapagtapos ng pag-aaral sa Royal College of Physicians and Surgeons noong taong 1951. Isa si O’Sullivan sa mga kauna-unahang nagsaliksik tungkol sa gestational diabetes.
Noong kapanahunan ni O’Sullivan, nagkaroon ng maraming kontrobersya tungkol sa pagtukoy ng kondisyon na gestational diabetes. Dahil napakahirap nitong i-diagnose, nagsagawa si O’Sullivan ng mga pananaliksik sa pamamagitan ng oral glucose tolerance test (OGTT). Sa tulong ng statistician na si Claire Mahan, nagawa nilang magtalaga ng mga mas tumpak na criteria kung paano matutukoy ang gestational diabetes.
Dahil sa tagumpay nila O’Sullivan at Mahan, inendorso ng National Diabetes Data Group (NDGG) ang mga ginawa nilang criteria. Hanggang sa ngayon, ito pa rin ang ginagamit na paraan upang ma-diagnose ang kondisyon na gestational diabetes.
Sa kasalukyan, kung ang resulta ng OGTT ay tumutugma sa mga sumusunod na criteria, masasabing may gestational diabetes ang isang buntis:
- Nasa 5.1 mmol/L o mahigit pa (fasting)
- Nasa 10 mmol/L o mahigit pa (1 oras matapos inumin ang matamis na likido)
- Nasa 8.5 mmol/L o mahigit pa (2 oras matapos inumin ang matamis na likido)
Mga Sanhi
Maaaring magkaroon ng gestational diabetes ang isang buntis kapag naparami ang paggawa ng mga hormone sa inunan ng sanggol. Halimbawa ng mga hormone na ginagawa ng inunan ay ang human placental lactogen (hPL) at mga hormone na nakapagpapataas ng insulin resistance.
Dahil hindi na tama ang balanse ng mga hormone sa katawan, maaaring ma-ipon ang mga asukal sa dugo o kaya naman ay magkaroon ang katawan ng insulin resistance. Sa insulin resistance, ang katawan ng buntis ay hindi magawang tanggapin ang insulin. Gaya ng nabanggit noong una, ang insulin ay tumutulong upang mapangasiwaan nang wasto ang blood sugar level sa katawan. Kung hindi ito tinatanggap ng katawan, maaaring mabunga ito ng gestational diabetes sa isang buntis.
Bukod sa nabanggit, maaaring makuha ang gestational diabetes kapag ang isang buntis ay hindi malusog ang pamumuhay. Kabilang sa mga maaaring magdulot nito ay ang mga sumusunod:
- Labis na pagkain habang buntis
- Hindi pag-eehersisyo
Kung may kasaysayan ng diabetes o altapresyon sa pamilya, maaari ring magkaroon ng gestational diabetes sapagkat ito ay nasa angkan na. Subalit, maaari namang mapababa ang posibilidad na magkaroon ng kondisyon na ito kung mapapangasiwaan nang husto ang pagkain at pag-eehersisyo nang wasto.
Sintomas
Image Source: www.askdrshah.com
Ang mga sintomas ng gestational diabetes ay karaniwang lumalabas sa ika-2 trimester ng pagbubuntis o kaya naman ay sa pagitan ng ika-24 at ika-28 linggo ng pagbubuntis. Ilan lamang sa mga sintomas na maaaring maranasan ng nagbubuntis ay ang mga sumusunod:
- Matinding pagkapagod
- Panlalabo ng paningin
- Matinding pagka-uhaw
- Palagiang pakiramdam na naiiihi
- Paghilik habang natutulog
Mapapansin na ang karamihan sa mga sintomas na nabanggit ay kadalasang nararanasan din ng mga may normal na pagbubuntis. Dahil dito, hindi madaling matukoy ang gestational diabetes. Upang matiyak na may ganitong kondisyon ang isang buntis, kailangan munang suriin ang kanyang blood sugar level.
Mga Salik sa Panganib
Ang gestational diabetes ay maaaring maka-apekto sa sinumang nagbubuntis, subalit tumataas lalo ang posibilidad na magkaroon nito ayon sa mga sumusunod na salik:
- Pagkakaroon ng edad 25 pataas. Ayon sa mga nakalap na datos, ang mga buntis na may edad 25 pataas ang mas madalas magkaroon ng gestational diabetes.
- Lahi o etnisidad. Mas marami ring kaso ng gestational diabetes ang naitatala sa mga taong ang lahi ay African-American, Asyano, Hispanic, at Native American.
- Pagkakaroon ng kasaysayan ng diabetes at altapresyon sa pamilya. Kung maraming kamag-anak na mayroong diabetes, posibleng magkaroon ng gestational diabetes ang isang buntis. Kung ang pamilya ay mayroon ding altapresyon, maaari ring magkaroon ng kondisyon na ito. Ayon sa datos, 80% ng may altapresyon ay mayroon ding
- Pagkakaroon ng labis ang timbang bago mabuntis. Ang pagkakaroon ng labis na timbang bago mabuntis ay nakapagpapataas din ng posibilidad na magkaroon ng gestational diabetes. Kung ang body mass index (BMI) ay 30 o mahigit pa, hindi malayong magkaroon ng kondisyong ito.
- Pagkakaroon na noon pa ng gestational diabetes. Kung nagkaroon na ng gestational diabetes sa mga naunang pagbubuntis, maaaring magkaroon muli nito sa mga susunod na pagbubuntis.
- Pagsilang noon sa isang malaking sanggol. Kung nagsilang na noon pa sa isang malaking sanggol noon, hindi malayong magkaroon ng gestational diabetes ang isang ina sa mga susunod na pagbubuntis. Ang pagsilang ng isang malaking sanggol na mahigit 4 na kilo ay indikasyon na napaparami ang asukal sa dugo at ito ay napupunta sa bata.
- Pagsilang ng sanggol na may birth defect. Ang nagsilang ng sanggol na may birth defect ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng gestational diabetes sa mga susunod na pagbubuntis. Ang mga ito ay indikasyon na hindi maayos ang glucose control ng katawan.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Upang hindi magkaroon ng gestational diabetes, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
- Magbawas ng timbang. Kung nagbabalak magbuntis, sikaping magbawas muna ng timbang. Tandaan, kung ang BMI ay nasa 30 o mahigit pa, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng gestational diabetes.
- Kumain ng balanse at masusustansyang pagkain. Kung kasalukuyang buntis, ugaliing kumain ng balanse at masusustansyang pagkain. Kumain ng prutas, gulay, isda, at karne, at iwasan ang mga matatamis, maaalat, at mga pagkain na nagpapataas ng antas ng kolesterol sa katawan.
- Mag-ehersisyo araw-araw. Upang matunaw ang mga kinain at mapanatili ang tamang timbang, ugaliing mag-ehersisyo araw-araw. Hindi naman nangangailang magsagawa ng mga ehersisyong mabibigat. Ang simpleng paglalakad lamang ay sapat na upang hindi gaanong bumigat ang timbang.
- Regular na kumonsulta sa doktor. Kung kasalukuyang buntis at nagkaroon na ng gestational diabetes sa mga naunang pagbubuntis, regular na kumonsulta sa doktor upang hindi ito maulit o maagapan man lang ang kondisyon.
Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang gestational diabetes sapagkat maaaring magdulot ito ng komplikasyon sa panganganak at maka-apekto sa kalusugan ng ina at ng kanyang sanggol. Kung hindi napangangasiwaan ang gestational diabetes, ang sanggol sa sinapupunan ay maaaring lumaki nang sobra at magdulot ito upang manganak sa paraang cesarean ang ina. Bukod dito, maaari ring magkaroon ng pre-eclampsia o altapresyon ang ina at magresulta sa stroke. Maaari ring manganak nang premature ang ina.
Sanggunian
- https://www.healthline.com/health/gestational-diabetes
- https://www.cdc.gov/pregnancy/diabetes-gestational.html
- https://www.webmd.com/diabetes/gestational-diabetes-guide/gestational-diabetes#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gestational-diabetes/symptoms-causes/syc-20355339
- https://www.nhs.uk/conditions/gestational-diabetes/
- https://care.diabetesjournals.org/content/25/5/943
- http://www.bloodpressureuk.org/BloodPressureandyou/Yourbody/Diabetes