Buod
Ang Gilbert syndrome ay isang uri ng namamanang genetic disorder. Sa kondisyong ito, nagkakaroon ng mataas na dami ng bilirubin sa katawan. Ang bilirubin ay isang uri ng waste product o dumi sa dugo na bunga ng natural na pagkasira ng mga red blood cell. Kung maiipon ang bilirubin sa katawan, maaaring magkaroon ng jaundice o paninilaw ng balat at mga mata.
Hindi naman isang mapanganib na kondisyon ang Gilbert syndrome. Sa katunayan, hindi ito nangangailangan ng lunas sapagkat hindi naman ganoon kataas ang dami ng bilirubin sa katawan. Maaari lamang magkaroon ng paninilaw kung matri-trigger ito ng stress, pag-eehersisyo, pagkakaroon ng regla, pag-inom ng alak, pagkalipas ng gutom, at iba pa.
Kadalasan ding walang ipinapakitang mga sintomas ang mga pasyenteng may Gilbert syndrome. Kung mayroon man, nagkakaroon lamang ng kaunting paninilaw at kusa rin itong nawawala. Ang iba naman ay maaaring makaranas din ng pagduduwal, pananakit ng tiyan, pagtatae, at mabilis na pagkapagod. Kung ang mga sintomas ay nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay, maaari namang lunasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapahinga.
Kasaysayan
Walang gaanong mga tala tungkol sa kasaysayan ng Gilbert syndrome. Subalit, ang unang naglahad ng kondisyong ito ay si Augustin Nicolas Gilbert, isang French gastroenterologist, noong taong 1901. Kilala rin ang kondisyong ito sa tawag na constitutional hepatic dysfunction at familial nonhemolytic jaundice.
Sa Estados Unidos, tinatayang 3-7% ng mga tao ang naaapektuhan ng Gilbert syndrome. Subalit sa ibang mga pag-aaral, umaabot ito ng 13%. Dagdag dito, hindi agad nalalaman ng isang tao na may ganito pala siyang kondisyon sapagkat hindi siya nakararanas ng mga sintomas. Sa iba naman, aksidente lamang nilang nalalaman ito kapag sumailalim sila sa mga pangkaraniwang pagsusuri ng dugo at doon lamang nila makikita na mataas pala ang dami ng bilirubin sa kanilang katawan.
Mga Sanhi
Nakukuha ang Gilbert syndrome kapag namana ng mga anak ang problemadong gene mula sa isa o parehas nilang mga magulang. Ang gene ay nagkakaroon ng problema sapagkat mayroong mutation o pagbabagong nagaganap sa UGT1A1 gene. Dahil dito, hindi makagawa ang katawan ng sapat na bilirubin-UGT. Ito ang enzyme na tumutulong sa pagsira ng bilirubin upang mailabas ito sa katawan. Dahil sa kakulangan ng enzyme na ito, hindi magawang maiproseso ng atay ang bilirubin kaya naman nananatili lamang ito sa mga tisyu at daluyan ng dugo.
Mga Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com/
Karaniwang hindi nakararanas ng mga sintomas ang mga taong may Gilbert syndrome. Kung makaranas man ng mga sintomas, maaaring makitaan o makaramdam ng mga sumusunod:
- Bahagyang paninilaw ng balat at mga mata
- Pagduduwal
- Pananakit ng tiyan
- Paglaki o paglobo ng tiyan (bloating)
- Pagtatae o diarrhea
- Pagtitibi o constipation
- Mabilis na pagkapagod
- Pagkawala ng gana sa pagkain
- Pakiramdam na magkakasakit o tatrangkasuhin
- Pagkahilo
- Pagkalito
Kahit ma-diagnose ang isang tao na mayroong Gilbert syndrome, ang mga sintomas na nabanggit ay hindi naman araw-araw na nararamdaman. Maaaring maranasan lamang ang mga sintomas kung matri-trigger ang mga ito ng stress, labis na pag-eehersisyo, pagkagutom, dehydration, pagkapuyat, pagkakaroon ng impeksyon, pag-inom ng alak, pagkakaroon ng regla, nalamigan, at iba pa.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng Gilbert syndrome ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagkakaroon ng kasaysayan ng Gilbert syndrome sa pamilya. Kung may kasaysayan ng Gilbert syndrome sa pamilya, mataas ang posibilidad na magkaroon nito. Maaaring mamana ang problemadong gene at magdulot ng pagtaas ng dami ng bilirubin sa katawan.
- Pagiging lalake. Ayon sa datos, mas maraming kalalakihan ang naaapektuhan ng kondisyong ito kaysa sa mga kababaihan.
Bukod sa mga nabanggit, wala ng iba pang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Dagdag dito, wala ring kaugnayan sa pagkakaroon ng Gilbert syndrome ang labis na pag-inom ng alak, mga salik na pangkapaligiran, at mga sakit sa atay.
Mga Komplikasyon
Ayon sa mga doktor, walang dalang panganib ang pagkakaroon ng Gilbert syndrome. Sa katunayan, ang mga taong mayroong ganitong kondisyon ay namumuhay nang aktibo at walang problema sa pangkabuuang kalusugan. Dahil dito, wala itong mga kilalang komplikasyon. Hindi rin nito pinapapataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa atay.
Pag-Iwas
Ang pagkakaroon ng Gilbert syndrome ay hindi maaaring ma-iwasan sapagkat ito ay isang genetic disorder. Ibig sabihin nito, naipapasa ang sakit na ito kapag namana ang mga problemadong gene ng mga magulang.
Sanggunian
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/166971.php
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17661-gilberts-syndrome
- https://www.healthline.com/health/gilberts-syndrome
- https://www.webmd.com/children/what-is-gilbert-syndrome#1
- https://www.nhs.uk/conditions/gilberts-syndrome/
- https://en.wikipedia.org/wiki/Gilbert%27s_syndrome#History
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gilberts-syndrome/symptoms-causes/syc-20372811