Buod
Ang glaucoma ay isang uri ng sakit sa mata na tinaguriang “silent thief of sight” sa wikang Ingles. Ang ibang pasyente kasi ay hindi nakararamdam ng kahit na anong sintomas at bigla na lang mawawala ang kanilang paningin. Pero kadalasan, ang mga pangunahing sintomas ng glaucoma ay ang labis na pananakit ng mga mata, pananakit ng ulo, pagkahilo, at pagsusuka. Bukod sa mga ito, isa rin sa pinakakilalang sintomas ng glaucoma ay ang pagkakakita ng makukulay na “halo” kapag tumingin ang pasyente sa ilaw.
Nagkakaroon ng glaucoma sapagkat tumataas ang presyon sa loob ng mga mata, o kaya naman ay walang sapat na supply ng dugo ang mga optic nerve. Ito ay nagiging sanhi ng problema dahil ang mga optic nerve ay ang bahagi ng mga mata na siyang nagbibigay ng imahe sa utak. Kadalasang nagkakaroon ng diperensya sa mga mata kapag ang isang tao ay may katandaan na, mataas ang presyon, mahilig uminom ng kape, o kaya naman ay labis na naninigarilyo.
Bagama’t naaapektuhan ng glaucoma ang dalawang mga mata, kadalasan ay hindi ito magkasabay. Maaaring magbigay ang doktor ng mga gamot para pabagalin ang panlalabo ng mata o kaya ay magsagawa ng operasyon, pero hindi na nito maibabalik pa sa dati ang malinaw na paningin.
Kasaysayan
Noong sinaunang panahon pa lamang ay may mga naitala ng impormasyon tungkol sa glaucoma, pero ang bansag ni Hippocrates sa sakit na ito ay “glaykoseis.” Ayon sa kanya, ang glaykoseis ay isang uri ng pagkabulag ng mga nakatatanda.
Nasundan ito ng maraming pag-aaral, subalit noong taong 1622 lamang nabigyang linaw ni Dr. Richard Bannister kung ano ba talaga ang sakit na ito. Si Dr. Bannister ay isang espesyalistang doktor sa mga mata at siya ang kauna-unahang naglahad ng koneksyon sa pagitan ng pagtaas ng presyon sa loob ng mga mata at glaucoma.
Isa pang mahalagang naitala sa kasaysayan ng glaucoma ay ang pagkaka-imbento ni Hermann von Helmholtz ng ophthalmoscope noong taong 1850. Dahil sa ophthalmoscope, naging madali na ang pagsusuri ng mga mata at ang pag-diagnose ng glaucoma.
Noong taong 1856 naman, ay naisagawa ni Albrecht von Graefe ang kauna-unahang matagumpay na operasyon ng glaucoma. At noong 1875, nadiskubre ang pilocarpine, isang uri ng gamot para sa glaucoma.
Mga Uri
Maraming uri ng glaucoma at ito ay naihahambing sa apat na uri:
- Open Angle Glaucoma (Chronic) – Ang open angle glaucoma ang pinakalaganap na uri ng glaucoma. Nagkakaroon nito sapagkat ang drainage canals ng mga mata ay nababarahan kaya naiipon ang likido sa mata o aqueous humor. Ito ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon sa loob ng mga mata, kaya naman nagkakaroon ng glaucoma. Ang uri ng glaucoma na ito ay “chronic.” Ibig sabihin nito ay hindi agad-agaran. Lumalala lang ang pagkalabo ng mga mata kapag ang kondisyon ay may katagalan na.
- Angle Closure Glaucoma (Acute) – Ang sanhi ng angle closure glaucoma ay katulad ng open angle glaucoma. Ang kaibahan sa dalawang uri na ito ay “acute” ang angle closure glaucoma. Kapag sinabing “acute,” ito ay nangangahulugang agaran o biglaan. Sa uri na ito, nagkakaroon ng mabilisang pagtaas ng presyon sa loob ng mga mata na nangangailangan ng agad-agarang atensyong medikal.
- Normal Tension Glaucoma – Ang normal tension glaucoma ay nauugnay sa open angle glaucoma. Subalit, walang namumuong presyon sa loob ng mga mata kaya tinawag itong “normal tension.” Nagkakaroon lamang nito kapag ang optic nerves ay walang sapat na supply ng dugo, na siyang nagiging sanhi ng panlalabo ng mata.
- Secondary Glaucoma – Ang secondary glaucoma ay resulta ng komplikasyon ng iba’t ibang uri ng sakit. Halimbawa, kung ang isang tao ay may katarata, diabetes, o tumor, posibleng magkaroon ng secondary glaucoma, lalo na kapag ang mga sakit na ito ay lumala na.
Mga Sanhi
Image Source: www.health.harvard.edu
Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng glaucoma. Pero ang mga pinakakilalang sanhi nito ay ang mga sumusunod:
- Pagbabara ng drainage canals ng mga mata – Nagkakaroon ng glaucoma kapag ang drainage canals ng mga mata ay nagkabara. Dahil dito, hindi makadaan ang likido ng mga mata o aqueous humor, na nagreresulta sa mataas na presyon sa loob ng mga mata.
- Walang sapat na supply ng dugo sa optic nerves – Gaya ng nabanggit noong una, ang optic nerves ay responsable sa pagdadala ng imahe sa utak. Kapag nakulangan ang mga ito ng supply ng dugo, maaari rin itong magresulta sa glaucoma.
Bakit nagkakaroon ng pagbabara o kakulangan ng supply ng dugo? Posibleng ang mga ito ay dahil sa mga sumusunod:
- Katandaan – Isa sa numero unong dahilan ng pagkakaroon ng glaucoma ay ang katandaan. Sapagkat humihina na ang mga nakapalibot na ugat sa mga mata, maaaring tumaas ang presyon nito sa loob at maging sanhi ng glaucoma.
- Altapresyon o high blood pressure – Kapag ang isang tao ay laging tumataas ang presyon ng dugo, tumataas din ang presyon ng loob ng mga mata. Kung hindi ito ginagamot, maaaring magdulot ito ng glaucoma.
- Paggamit ng ilang medikasyon – Ang paggamit ng ilang medikasyon gaya ng corticosteroids ay nakapagpalalala ng kondisyon ng taong may glaucoma. Ang corticosteroids ay kadalasang ginagamit upang magamot ang pamamaga ng katawan na dulot ng arthritis. Bagama’t hindi pa lubusang malinaw kung bakit nangyayari ito, ang sinumang gumagamit ng corticosteroids ay pinapayuhang mag-ingat.
- Paninigarilyo – Ang nikotina na galing sa sigarilyo ay nakapagpapasikip ng mga ugat ng katawan, kabilang na rito ang mga ugat sa mata. Kung ipagpapatuloy ang paninigarilyo, posibleng magkaroon ng glaucoma.
- Pag-inom ng kape – Ang caffeine na nagmumula sa kape ay maaari ring makapagpataas ng presyon sa loob ng mga mata. Ayon sa mga doktor, limitahan lamang ang pag-inom ng kape sa pag-itan ng 1-2 tasa araw-araw.
Sintomas
Upang hindi lumala ang glaucoma, ang mga sintomas na ito ay dapat antabayanan:
- Labis na pananakit ng mga mata – Ang labis na pananakit ng mga mata ay posibleng senyales na nabarahan na ang drainage canals ng mga mata. Maaaring maramdaman ang labis na pananakit ng mga mata kahit na ikaw ay walang ginagawa na nakapagdudulot ng stress.
- Pananakit ng ulo, pagkahilo, at pagsusuka – Kapag nakararamdam na ng mga mas malubhang sintomas, maaring hindi na ito simpleng pananakit ng mga mata lamang na dulot ng kapaguran sa pagbabasa o paggamit ng computer. Kaya kung ang pananakit ng mga mata ay may kaakibat na pananakit ng ulo, pagkahilo, at pagsusuka, magpatingin na agad sa doktor.
- Namumulang mga mata – Kung hindi naman nairita ang mga mata dahil sa alikabok, aircon, o pag-iyak, pero biglang namula ang mga mata, posibleng ito ay dahil sa unti-unting pagtaas ng presyon sa loob ng mga mata.
- Nakakakita ng makukulay na “halo” sa paligid ng ilaw – Masasabing may glaucoma ang isang tao kapag may nakikita siya ng makukulay na “halo” sa tuwing siya ay tumitingin sa ilaw. Bagama’t paminsanang nakakakita ng puting halo sa mga ilaw, ang halo na nakikita ng pasyenteng may glaucoma ay kakulay ng bahaghari.
- Lumalabong paningin – Kung ang pasyente ay may chronic open angle glaucoma, posible siyang makaranas ng unti-unting paglabo ng paningin. Pero sa kaso ng acute angle closure glaucoma, posibleng mawala agad ang paningin sa loob lamang ng dalawang araw.
- Pagkawala ng side vision – Kung hindi na makakita sa tagiliran ng mga mata, ang isang tao ay siguradong may glaucoma. Ang pagkawala ng side vision ay sintomas na ng malalang glaucoma.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Bagama’t lahat ng tao ay posibleng magkaroon ng glaucoma lalo na sa kanilang pagtanda, tumataas ang posibilidad na magkaroon nito base sa mga sumusunod na salik:
- Edad – Ang madalas magkaroon ng glaucoma ay ang mga taong nasa edad 60 pataas. Subalit, kung ang isang tao ay African-American, posibleng magkaroon na sila agad ng glaucoma kahit sila ay 40-anyos pa lamang.
- Lahi o Etnisidad – Ang mga African-American ay naitalang may pinakamaraming kaso ng glaucoma. Sa mga Asyano naman, gaya ng mga Pilipino, ang pinakalaganap na uri na nakaaapekto ay ang angle closure glaucoma. Sa mga Hapon naman, sila ay madalas maapektuhan ng normal tension glaucoma. Ito ay marahil sa pagkakaiba ng genes at istruktura ng mga mata ng bawat lahi o etnisidad.
- Family history – Kung ang ilan sa myembro ng pamilya ay may glaucoma, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito. Kaya naman ay mas pinaiigting ang pag-iingat kung nasa angkan niyo na ito.
- Medikasyon – Minsan, nagdudulot din ng glaucoma ang paggamit ng mga medikasyon gaya ng corticosteroids. Sa patuloy na paggamit nito, posible nitong mas mapalala ang glaucoma ng pasyente.
- Pagkakaroon ng ibang karamdaman – Kung may ibang karamdaman ang pasyente gaya ng katarata, diabetes, o tumor, posibleng magkaroon ng komplikasyon sa mata at magresulta sa glaucoma. Upang maiwasan ito, kailangan munang lapatan ng lunas ang mga kasalukuyang sakit.
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Upang hindi magkaroon ng glaucoma, iminumungkahi ng mga doktor na gawin ang mga sumusunod:
- Panatilihin ang tamang timbang – Ang pagkakaroon ng labis na timbang ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyon sa mga mata. Kaya naman upang hindi mangyari ito, iminumungkahi na mag-ehersisyo araw-araw. Pwede kang maglakad, mag-jogging, maglangoy, o gumawa ng mga nakapapawis na gawaing bahay upang magkaroon ng wastong timbang.
- Huwag manigarilyo – Hindi lamang sakit sa baga ang maaaring maidulot ng paninigarilyo. Maaari rin nitong maapektuhan ang paningin. Sa paghithit ng sigarilyo, ang mga ugat ng katawan, kabilang na ang ugat ng mga mata, ay maaaring sumikip at panimulan ng glaucoma.
- Bawasan ang pag-inom ng kape – Bagama’t ang kape ay epektibong pampagising, ang labis na pag-inom nito ay makasasama sa mga mata. Base sa pag-aaral, ang kape ay nakapagpapataas ng presyon ng mga mata na maaaring magresulta sa glaucoma.
- Iwasang tumaas ang presyon – Ang pagkakaroon ng mataas na presyon ay maaari ring magdulot ng glaucoma. Upang mapanatiling normal ang presyon, huwag kumain ng matatabang pagkain, bawasan ang pag-iinom ng alak, matinding pag-ehersisyo, at iwasan ang anumang nakaka-stress na bagay.
- Protektahan ang mga mata mula sa araw – Ang matinding sikat ng araw ay posibleng magdulot ng pinsala sa mga mata. Upang maprotektahan ang mga mata, magsuot ng shades o sombrero.
- Kumain ng mga pagkaing pampalinaw ng mga mata – Para hindi agarang lumabo ang mga mata, kumain ng mga pagkaing pampalinaw ng mga mata gaya ng isda, mani, prutas, gulay, itlog, at karne. Uminom din ng maraming tubig upang hindi manuyo ang mga mata.
- Magpa-checkup ng mga mata – Kahit walang nararamdamang sintomas, ugaliing bumisita sa espesyalistang doktor ng mga mata. Ito ay kailangan upang masuri ang kondisyon ng mga mata at malapatan agad ng karampatang lunas kung sakaling may problema ang mga ito.
Ang glaucoma ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkabulag ng mga nakatatanda, pero malaki rin naman ang posibilidad upang ito ay maiwasan. Panatilihin lamang na malusog ang buong pangangatawan, nang sa gayon ay manatili ring malusog ang mga mata.
Sanggunian
- https://www.glaucoma.org.au/media/1281/history-of-the-word-glaucoma.pdf
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/3520122
- https://www.preventblindness.org/what-are-different-types-glaucoma
- https://www.visionaware.org/info/your-eye-condition/glaucoma/the-different-types-of-glaucoma/125
- https://www.healthline.com/health/glaucoma#causes
- https://www.buhayofw.com/medical-advice/other-diseases-of-ofws/ano-ang-glaucoma-at-pagkabulag-gamot-lunas-sanhi-sintomas-537d9ba273187#.XVRmPugzbIU
- https://www.brightfocus.org/glaucoma/prevention-and-risk-factors
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/321226.php
- https://www.pressreader.com/
- https://business.inquirer.net/76101/saving-filipinos-from-serious-form-of-glaucoma
- https://www.health.ny.gov/prevention/tobacco_control/smoking_can_lead_to_vision_loss_or_blindness.htm
- https://discoveryeye.org/coffee-and-glaucoma/