Buod

Ang bosyo o goiter ay ang pagkakaroon ng bukol sa bandang ibaba ng leeg, malapit sa Adam’s apple. Ito ay isang uri ng sakit sa thyroid gland na nakaaapekto sa maraming Filipino. Sa katunayan, ayon sa Philippine Thyroid Association, mas maraming Pinoy ang nagkaka-bosyo kaysa sa sakit na diabetes.

Nagkakaroon ng bosyo sapagkat hindi sapat ang iodine na nakukuha ng katawan mula sa mga pagkain, kaya naman ang thyroid gland ay namamaga at nagiging bukol. Ang thyroid gland ay nasa bandang leeg at ito ay may kinalaman sa metabolismo, pagkakaroon ng anak, at paglaki ng isang tao.

Ang kadalasang naaapektuhan ng bosyo ay mga kababaihan, lalo na ang mga buntis, pati na rin ang mga batang nasa pag-itan ng mga edad na 6 at 12. Bukod dito, mas laganap ang sakit na ito sa mga taong naninirahan sa mga bulubunduking probinsya at mga lugar na malalayo sa siyudad at karagatan.

Kung maaagapan ang sakit na ito, maaari pang magamot ang bosyo sa pamamagitan ng pag-inom ng medikasyon. Pero kung ito ay malala na, kailangan nang tanggalin ang bukol sa pamamagitan ng operasyon.

Kasaysayan

Noong sinaunang panahon pa lamang, bandang 2,500 B.C., ay may mga naitala ng kaso ng goiter o bosyo ang mga Chinese. Bagama’t wala pang linaw kung ano ang sanhi nito, ginagamot nila ang mga taong may bosyo gamit ang halamang dagat.

Gaya ng mga Chinese, ang mga Indiano naman ay may sarili ring kontribusyon sa kasaysayan ng bosyo. Ang tawag nila sa bosyo ay galaganda. Ginagamot naman nila ang galaganda sa pamamagitan ng pag-inom ng gatas, at pagkain ng kanin, barley, at pipino.

Sinundan ito ng maraming pag-aaral ng mga doktor at mananaliksik. Pero noong ika-20 siglo lamang nabigyang linaw kung ano ba talaga ang sakit na bosyo. Noong taong 1840 ay nadiskubre nila Robert Graves at Carl von Basedow ang iba’t ibang abnormalidad ng thyroid gland, at nakapagbigay sila ng tamang deskripsyon ng bosyo.

Isa pang mahalagang kaganapan sa kasaysayan ng bosyo ay ang kontribusyon ni Emil Theodor Kocher noong taong 1909. Ginawaran siya ng parangal dahil nakadiskubre siya ng mga epektibong pamamaraan kung paano magamot ang bosyo sa pamamagitan ng pag-oopera sa thyroid.

Mga Uri

Ang bosyo ay may 3 uri at kabilang na rito ang mga sumusunod:

  • Colloid Goiter (Endemic) – Ang colloid goiter ay isang malaking bukol sa leeg, malapit sa Adam’s apple. Nagkakaroon nito sapagkat kulang ang iodine sa katawan. Tinatawag din itong endemic goiter sapagkat ito ang pinakalaganap na uri ng bosyo sa anumang lugar.
  • Nontoxic Goiter (Sporadic) – Ang nontoxic goiter ay isang maliit na bukol sa leeg. Ang sanhi nito ay hindi pa lubos na malinaw. Pero ayon sa ibang mananaliksik, posibleng lithium, isang uri ng psychiatric drug, ang isa sa mga sanhi nito. Ang bosyo na ito ay “nontoxic” sapagkat hindi nito naaapektuhan ang normal na produksyon ng thyroid hormone. Tinatawag din itong “sporadic” sapagkat iilan-ilan lamang ang naaapektuhan nito.
  • Toxic Multinodular Goiter – Gaya ng colloid goiter, ang toxic multinodular goiter ay sanhi rin ng kakulangan sa iodine. Pero sa uri ng bosyo na ito, imbis na isang malaking bukol sa leeg, ay maraming maliliit na bukol ang tumutubo.

Mga Sanhi

Image Source: unsplash.com

Upang hindi magkaroon ng goiter o bosyo, alamin ang iba’t ibang sanhi nito. Kabilang na rito ang mga sumusunod:

  • Kakulangan sa iodine – Ang kakulangan sa iodine ay ang numero unong sanhi ng bosyo. Ang iodine ay importanteng mineral sa katawan at ito ay kadalasang nakukuha sa mga pagkaing dagat, halamang dagat, gatas ng baka, at iodized salt. Pero alalahanin na ang labis na pagkonsumo nito ay magreresulta rin sa bosyo.
  • Pagkakaroon ng ibang sakit sa thyroid gland – Ang pagkakaroon ng ibang sakit sa thyroid gland gaya ng hypothyroidism, hyperthyroidism, o thyroiditis ay posible ring magdulot ng bosyo. Sa paglala ng mga sakit na ito, maaaring magkaroon ng komplikasyon na magdudulot ng goiter.
  • Paninigarilyo – Ang palagiang paninigarilyo ay maaari ring maging sanhi ng bosyo. Kapag napuno ng nikotina ang katawan, mas mahihirapan itong mag-absorb ng iodine nang maayos.
  • Pagbabagong hormonal – Naaapektuhan ang normal na gawain ng thyroid gland kapag may pagbabagong hormonal. Kadalasang nag-iiba ang produksyon ng hormones kapag ang isang tao ay nasa stage ng pagdadalaga o pagbibinata, nagbubuntis, o nasa menopausal age na.
  • Lithium – Ang lithium ay isang uri ng psychiatric drug na ginagamit upang pakalmahin ang mga taong may bipolar disorder at suicidal tendency. Pero pinaniniwalaan ng ibang doktor at mananaliksik na ang lithium ay nakaaapekto sa normal na gawain ng thyroid gland, kaya naman nagkaka-bosyo.
  • Pagsasailalim sa radiation therapy – Kung sumasailalim sa regular na radiation therapy na malapit sa leeg, maaaring magkaroon ng bosyo. Posibleng mamaga ang thyroid gland dahil sa madalas na pagkakalantad nito sa radiation.

Sintomas

Image Source: mga-sakit.com

Ang pinakakilalang sintomas ng bosyo ay ang pagkakaroon ng malaking bukol sa leeg. Pero hindi lamang dahil may bukol ka dito ay bosyo na agad ito. Upang malaman kung bosyo talaga ito, alamin ang iba’t iba nitong sintomas:

  • Bukol sa leeg – Kung maliit pa ang bukol, maaaring hindi pa ito makita. Kailangang kapain ang leeg upang masalat kung may bukol o pamamaga.
  • Paninikip ng lalamunan – Ang isa pang sintomas ng bosyo ang paninikip ng lalamunan. Dahil namamaga o lumalaki ang thyroid gland, natutulak ang ibang parte ng leeg at nagsisiksikan.
  • Nahihirapan sa paglunok – Bukod sa paninikip ng lalamunan, posibleng samahan din ito ng hirap sa paglunok. Hindi malunok agad ng taong may bosyo ang kanyang pagkain sapagkat nagdudulot ang bukol ng pananakit.
  • Pag-ubo at pagkapaos – Maaari ring makaranas ng pag-ubo at pagkapaos ang taong may bosyo. Dahil sa pagkakaroon ng bukol, pakiramdam ng taong may bosyo ay kailangan niyang alisin ang nakabara sa pamamagitan ng pag-ubo. At kapag madalas na ang pag-ubo, ito ay magreresulta sa pagkapaos.
  • Hirapan sa paghinga – Ang pagkakaroon ng bukol sa leeg ay nagdudulot ng hirap sa paghinga. Hindi makadaan nang ayos ang hangin sapagkat bahagya itong naaantala ng bukol o pamamaga.

Mga Salik sa Panganib

Ang mga salik sa panganib ng goiter o bosyo ay ang mga sumusunod:

  • Edad – Ang sinumang may edad sa pag-itan ng 6 at 12, at 40 pataas ay malaki ang posibilidad na magka-bosyo. Ito ay dahil sa ang mga batang paslit ay hindi mahilig magsipagkain, samantalang ang mga nasa edad 40 pataas naman ay kadalasang naaapektuhan ng iba’t ibang sakit. Dahil dito, hindi ma-absorb ng katawan ang iodine.
  • Mga babae – Ang kadalasang nagkakaroon ng bosyo ay ang mga kababaihan. Sila kasi ang nakararanas ng maraming pagbabagong hormonal dulot ng pagbubuntis at menopause.
  • Medical history ng pamilya – Kung ang ilan sa myembro ng iyong pamilya ay may medical history ng pagkakaroon ng sakit sa thyroid gland, posibleng ikaw ay magkaroon din ng bosyo.
  • Paninirahan sa bulubunduking lugar – Kadalasan, ang mga taong naninirahan sa bulubundiking lugar ay walang sapat na supply ng mga pagkaing mayayaman sa iodine. Pero kung naninirahan sa mga lupaing malapit sa karagatan, ang mga itinatanim na halaman ay posibleng mayaman sa iodine.
  • Medikasyon – Posible ring tumaas ang posibilidad na magka-bosyo kung umiinom ng medikasyon gaya ng amiodarone at lithium. Ang amiodarone ay isang uri ng heart drug, samantalang ang lithium ay isang uri ng psychiatric drug.
  • Radiation exposure – Maaaring mamaga ang thyroid gland kung ang isinasagawang radiation therapy ay malapit sa leeg. Ang madalas na exposure ng leeg sa radiation ay posibleng maapektuhan ang mga healthy cell.

Pag-Iwas

Image Source: govirall.net

Madali lang maiwasan ang sakit na bosyo. Kumain lamang ng mga pampalasa at pagkaing mayaman sa iodine gaya ng mga sumusunod:

  • Iodized salt – Ang iodized salt ay isang klase ng asin na dinagdagan ng iodine. Bagama’t ang ibang mga bansa ay gumagamit na ng iodized salt noong 1920s pa lamang, naging laganap lang sa Pilipinas ang iodized salt noong 1995 matapos maisabatas ang Salt Iodization Act.
  • Seaweed o halamang dagat – Ang seaweed o halamang dagat ay mayaman sa iodine at antioxidants na nakatutulong upang makaiwas sa thyroid cancer. Ang pinaka-popular na uri ng halamang dagat ay ang kombu kelp, wakame, at nori.
  • Pagkaing dagat – Maraming pagkaing dagat ang mayaman sa iodine gaya ng isdang bakalaw, tuna, at hipon. Kumpara sa ibang isda, ang bakalaw at tuna ay mas nakabubuti sa kalusugan sapagkat kaunti lamang ang taba ng mga ito pero umaapaw sa iodine content. Ang hipon naman ay mas mayaman sa iodine kumpara sa ibang shelled foods sapagkat mas naabsorb nito ang natural na iodine ng dagat.
  • Gatas at mga produktong gawa sa gatas – Ang gatas ng baka ay mayaman sa iodine. Bukod dito, ang mga produktong gawa sa gatas gaya ng keso at yogurt ay nakatutulong din sa pag-iwas sa bosyo.
  • Itlog – Ang itlog ay mas kilala sa protina nito, pero mataas din ang iodine content nito. Ang iodine ng mga itlog ay matatagpuan sa pulang parte nito.

Muling paalala: bagama’t iminumungkahi na kumain ng pagkaing mayaman sa iodine, dapat ito ay sapat lamang. Dahil kapag sobra ang iodine sa katawan, pwede pa ring maging sanhi ito ng bosyo.

Sanggunian