Buod
Ang hadhad ay isang uri ng impeksyon sa balat na kadalasang tumutubo sa mga singit. Mapula ito at makati. Ito ay tila malaking buni na ang naaapektuhan ay mga singit. Ang madalas magkaroon nito ay mga atleta o mga taong pawisin kaya naman kilala rin ito sa tawag na jock itch sa salitang Ingles.
Ang mga organismo na nagdudulot ng hadhad ay mga fungi, gaya ng Trichophyton rubrum o T. mentagrophytes. Ang mga fungi na ito ay mahilig manirahan sa mga singit at pawising bahagi ng katawan. Bukod sa mga singit, naaapektuhan din nito ang mga paa kaya naman maaari ring magkaroon ng alipunga o athlete’s foot ang mga taong may hadhad.
Kapag nagkaroon ng hadhad ang isang tao, magkakaroon siya ng tila malaking buni sa kanyang mga singit na may kasamang pangangati at pamumula. Kung minsan, ang hadhad ay nalilinyahan ng mga maliliit na umbok o sugat na medyo makaliskis. Upang malunasan ang sakit sa balat na ito, kailangan lamang maging malinis sa katawan ang pasyente at magpahid ng mga antifungal cream. Kung hindi bumibisa ang mga ito, maaaring magreseta ang doktor ng mga antifungal medication na iniinom.
Kasaysayan
Ang hadhad ay isang uri ng ringworm infection. Ibig sabihin nito, ito ay isang uri ng buni na sa mga singit lamang tumutubo. Tinawag itong “jock itch” sapagkat ang madalas na naaapektuhan nito ay mga “jock” o mga taong mahihilig sa sports.
Inakala noon ng mga sinaunang tao na ang sanhi ng mga buni ay mga bulate kaya naman tinawag din itong ringworm. Bukod dito, ang kadalasang hugis ng mga ordinaryong buni ay pabilog. Subalit sa hadhad, ang hugis nito ay maaaring maging iregular o nahahawig sa hugis ng kalahating buwan.
Noon pa man ay laganap na ang sakit sa balat na ito. Bandang 1800s, maraming taong mahihirap at kulang sa wastong sanitasyon ang nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng buni, gaya ng ordinaryong buni, hadhad, at alipunga. Subalit magmula nang matuklasan ni David Gruby na ang sanhi ng mga buni ay mga fungi, naging madali na ang pagtuklas ng mga lunas upang gumaling mula sa kondisyong ito.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Ang pangunahing sanhi ng hadhad o jock itch ay mga fungi partikular na ang Trichophyton rubrum o T. mentagrophytes. Makukuha ang mga fungi na ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Hindi wastong paglilinis ng katawan
- Panghihiram ng mga personal na kagamitan ng taong may hadhad
- Pakikipagtalik sa taong may hadhad
- Paghawak sa mga infected na exercise equipment
Mga Sintomas
Kung nakararanas ng mga sumusunod na sintomas, posibleng ito ay hadhad:
- Pagkakaroon ng tila buni o malaking pantal sa mga singit
- Pagkakaroon ng mga pantal na nalilinyahan ng mga maliliit na umbok o sugat
- Pagkakaroon ng mga pantal na makaliskis
- Pangangati at pamumula ng mga singit
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com|
Ang pinaka-naaapektuhan ng kondisyong ito ay ang mga taong pawisin. Bukod dito, mas malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng hadhad ang mga sumusunod:
- Mga kalalakihan. Ang mga kalalakihan ay mas madalas magkaroon ng hadhad kaysa sa mga kababaihan sapagkat ang kanilang pawis ay naiipon sa kanilang mga bayag at hita. Dagdag dito, mas maraming kalalakihan ang aktibo sa sports at iba pang mga mabibigat na gawain.
- Mga matataba. Ang mga matataba ay mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng hadhad sapagkat mas marami silang mga skin fold o tupi-tuping balat.
- Mga teenager. Madalas ring magkaroon ng hadhad ang mga teenager dahil sila ay nasa yugto ng pagdadalaga at pagbibinata. Dahil sa mga pabago-bagong hormone, maaaring maging mas pawisin sila.
- Mga diabetic. Ang mga taong may diabetes ay mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng hadhad. Dahil mataas ang kanilang blood sugar level, mas madalas silang makaranas ng pangangati ng balat.
Mga Komplikasyon
Madalang naman magkaroon ng komplikasyon ang hadhad, sapagkat kadalasang ang naaapektuhan nito ay ang mga singit at puwetan lamang. Ganunpaman, kung hindi ito malalapatan ng angkop na lunas, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng hadhad ng mga hita at ari
- Pagkakaroon ng secondary infection dulot ng labis na pagkamot
- Pagkakaroon ng cellulitis
- Pagkakaroon ng abscess formation
- Pagkakaroon ng skin discoloration o post-inflammatory hypopigmentation/hyperpigmentation
Pag-Iwas
Ang hadhad ay hindi naman mabilis na nakahahawa. Subalit, maaaring mahawaan nito kapag direktang nadikitan ang balat ng bahaging may hadhad. Maaaring mahawa ng hadhad kung nakipagtalik sa taong may ganitong kondisyon sa balat, o kaya naman ay nanghiram ng mga personal na gamit ng taong infected. Upang hindi mahawaan at magkaroon ng ganitong sakit sa balat, iminumungkahing gawin ang mga sumusunod:
- Panatilihing malinis at tuyo ang mga singit pati na rin ang mga karatig-bahagi nito. Araw-araw na maligo at maglinis ng katawan bago matulog.
- Magsuot ng mga malilinis at komportableng damit. Iwasan ang pagsusuot ng mga masisikip na damit lalo na ng mga damit pang-ibaba.
- Iwasang manghiram ng mga personal na kagamitan ng ibang tao lalo na ng mga damit pang-ibaba, tuwalya, at sports uniform.
- Magsuot palagi ng mga tsinelas o sapatos lalo na sa mga pampublikong lugar. Maaaring dapuan ng fungi ang mga paa at magdulot ng alipunga. Kung may alipunga, maaari itong kumalat sa mga singit.
- Linisin ang mga kagamitan lalo na ang mga kagamitang pang-ehersisyo. Punasan ito ng mga disinfectant upang mapatay ang anumang mga mikrobyo.
- Lagyan ng antifungal powder ang mga singit upang hindi tubuan ng mga
Sanggunian:
- https://www.verywellhealth.com/jock-itch-tinea-cruris-fungal-infection-1068772
- https://www.webmd.com/drugs/2/drug-160663/anti-fungal-topical/details
- https://www.health.harvard.edu/a_to_z/jock-itch-tinea-cruris-a-to-z
- https://www.webmd.com/men/causes-and-prevent-jock-itch#1-5
- https://mediko.ph/karamdaman/buni-ringworm/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/jock-itch/diagnosis-treatment/drc-20353812
- https://ufhealth.org/jock-itch
- https://www.medicinenet.com/jock_itch/article.htm