Gamot at Lunas  

Image Source: www.freepik.com

Nagagamot naman ang hadhad, subalit ang bilis ng paggaling nito ay nababatay sa tindi ng kondisyon. Maaari itong abutin ng higit 1 buwan lalo na kung ang hadhad ay masyadong malaki. Ganunpaman, kung gagawin ang mga sumusunod na lunas, mas mapabibilis ang paggaling nito:

  • Pagliligo araw-araw. Ugaliing maligo araw-araw upang hindi lumaki ang hadhad. Kapag naipunan ang mga singit ng libag at pawis, mas lalo itong lulubha at kakalat sa mga karatig-bahagi nito. Pagkatapos maligo, tuyuing mabuti ang katawan, lalo na ang mga singit. Maglaan ng bukod na tuwalyang pantuyo para sa mga bahaging ito. Tandaan na mas mainam ding gumamit ng malamig na tubig pampaligo sapagkat nakatutulong ito sa pagtatanggal ng kati.
  • Pagpapalit ng damit nang madalas. Upang mabilis gumaling ang hadhad, kailangang magpalit ng damit nang madalas, lalo na ng damit pang-ibaba. Kung hindi magpapalit ng damit, maiipunan lamang ng dumi at pawis ang mga singit. Ugaliing magpalit ng damit pagkauwi galing trabaho, pagkatapos gumawa ng nakapapawis na gawain, o tuwing bago matulog.
  • Pagsusuot ng komportable o maluwag na damit. Habang nagpapagaling ng hadhad, mas mainam na magsuot muna ng mga komportable o maluluwag na damit, lalo na mga damit pang-ibaba. Para sa mga kalalakihan, mas mainam na magsuot muna ng boxer shorts sa halip na Sa mga kababaihan naman, mas mainam na magsuot muna ng mga daster at maluluwag na shorts sa halip na panty.
  • Paggamit ng akapulko. Kung may tanim na akapulko, maaari rin itong gamitin bilang gamot sa hadhad. Ang akapulko ay isa sa 10 halamang-gamot na aprubado ng Department of Health (DOH). Kilala ang halamang ito sa tawag na bayabas-bayabasan sapagkat ang mga dahon nito ay kamukha ng bayabas. Dagdag dito, tanyag din ito sa kakayanan nitong magpagaling ng mga impeksyon sa balat na dulot ng fungi, gaya ng hadhad. Upang gamitin itong gamot sa hadhad, kumuha lamang ng mga sariwang dahon nito, linisin, at dikdikin. Ipahid ang katas nito sa apektadong balat 1 o 2 beses sa isang araw hanggang sa gumaling.
  • Pagpapahid ng antifungal cream. Dahil ang sanhi ng hadhad ay fungi, ang mabisang lunas para rito ay ang pagpapahid ng antifungal cream. May mga antifungal cream na nabibili ng walang reseta ng doktor, subalit ang mga mas mabibisang brand nito ay nangangailangan ng reseta. Halimbawa ng mga antifungal cream ay terbinafine, tolnaftate, clotrimazole, at Pahiran lamang ang apektadong bahagi 1 o 2 beses sa loob ng isang araw hanggang sa ito ay gumaling. Mas mainam na hugasan muna ng sabon at tubig ang mga singit bago ipahid ang cream. Tiyakin din na tuyo ang mga ito bago maglagay ng gamot.
  • Pagpapahid ng antifungal cream sa alipunga. Karamihan ng mga taong may hadhad ay mayroon ding alipunga o athlete’s foot. Ito naman ay ang tila buni ng mga paa. Kapag hindi nagamot ang alipunga, maaari ring bumalik ang hadhad. Maaari rin namang pahiran ito ng antifungal cream na ginagamit pampahid sa hadhad.
  • Paglalagay ng antifungal powder. Bukod sa antifungal cream, mayroon ding mga antifungal powder na puwedeng bilhin mula sa mga botika o online health shop. Kadalasan, ang mga antifungal power ay naglalaman din ng mga sangkap na mayroon sa antifungal cream na gaya ng Sa pamamagitan ng paglalagay nito, hindi na lumalaki at dumadami pa ang fungi. Nakatutulong din ang pulbos na ito upang hindi gaanong maging pawisin ang mga singit. Maglagay nito 1 o 2 beses sa loob ng isang araw. Mas mainam na ilagay ang pulbos na ito pagkatapos maligo o mahugasan ang mga singit.
  • Pag-inom ng mga antifungal medication. Kung hindi bumibisa ang mga cream o pulbos, maaaring magreseta ang doktor ng mga antifungal medication na iniinom. Halimbawa ng mga gamot na ito ay terbinafine, itraconazole, fluconazole, Posaconazole, at Kapag na-absorb o nasipsip ng katawan ang mga gamot na ito, maaaring mapuksa ang pinakang-ugat ng fungi na nagdudulot ng hadhad.
  • Pagpapahid ng topical steroid. Ang topical steroid ay isa ring uri ng pampahid na gamot. Maaaring magreseta ang doktor nito kung ang hadhad ng pasyente ay sobrang nagdudulot ng pangangati. Nakatutulong ang mga topical steroid na gaya ng hydrocortisone upang mabawasan ang pangangati at pagsusugat nito.
  • Pag-inom ng mga antibiotic. Bagama’t ang sanhi ng hadhad ay isang uri ng fungi, maaari pa ring magreseta ang doktor ng antibiotic lalo na kung nagkaroon na ng impeksyon sa balat. Maaaring magkaroon ng impeksyon ang mga singit dahil sa madalas na pagkamot ng mga ito. Dahil ang pagkamot ay nagdudulot ng mga sugat, maaaring mapasukan ang balat ng mga bacteria at magresulta sa impeksyon.

Kadalasang gumagaling ang hadhad sa loob ng 1 o 2 linggo, lalo na kung gagawin ng pasyente ang mga iminungkahing lunas. Ang regular na pagpapahid ng antifungal cream ay karaniwang sapat na upang gumaling ang kondisyon. Subalit, kung hindi pa rin nawawala ang hadhad sa loob ng 1 o 2 linggo, mas makabubuti na kumonsulta sa dermatologist, isang doktor na espesyalista sa paggamot ng mga sakit sa balat.