Buod
Ang hand, foot, and mouth disease o HFMD ay kilalang infectious disease na nakaaapekto sa mga bata. Ang sakit na ito ay kadalasang dulot ng coxsackievirus na nakukuha sa pamamagitan ng paglanghap ng mga droplet o maliliit na laway ng taong may sakit, o kaya naman ay sa paghawak ng mga bagay na kontaminado ng dumi ng taong infected.
Kapag nagkaroon ng sakit na ito, ang pasyente ay magkakaroon ng mga sugat at pantal o butlig sa kanyang mga kamay, paa, at bibig. Kung minsan, nagkakaroon din ng mga sugat at butlig ang puwit. Bukod sa mga ito, makararanas din ang pasyente ng lagnat, pananakit ng lalamunan, hirap sa paglunok, kawalan ng gana sa pagkain, at iba pa.
Ang HFMD ay hindi naman isang seryosong kondisyon bagama’t lubos itong nakahahawa. Sa katunayan, maaaring gumaling nang kusa ang pasyente sa loob ng 7 o 10 araw. Ganunpaman, hinihikayat na pangalagaan nang mabuti ang mga pasyenteng infected ng HFMD sapagkat maaari pa rin itong magresulta sa iba’t ibang komplikasyon. Upang mas mabilis na gumaling sa kondisyon, maaaring pahiran ang pasyente ng mga topical ointment, uminom ng mga gamot sa lagnat at pananakit, uminom o kumain ng malalamig na inumin o pagkain, at iba pa.
Kasaysayan
Ang hand, foot, and mouth disease ay unang nailahad sa Canada at New Zealand noong taong 1957. Dagdag dito, ang nagpangalan sa sakit na ito ay si Thomas Henry Flewett, isang miyembro ng mga samahan ng pathologist at doktor.
Batay sa pananaliksik at obserbasyon sa mga outbreak ng sakit na ito, ang karaniwang naaapektuhan ay mga batang may edad na 10-taong-gulang pababa. Naitala rin ng mga mananaliksik na madalas umusbong ang sakit na ito tuwing panahon ng tagsibol, tag-init, at taglagas. Pinaniniwalaan na ang mainit at mamasa-masang temperatura sa mga panahong ito ay nakatutulong sa pagkalat ng mga virus.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng virus na sanhi ng HFMD, may mga nangyaring outbreak sa Tsina, Japan, Hong Kong, Korea, Malaysia, Singapore, Thailand, Taiwan, at Vietnam. Sa katunayan, mula noong taong 1997, may naitala ng 71 na outbreak sa iba’t ibang panig ng Kanluran at Timog-Silangang Asya.
Mga Sanhi
Image Source: wexnermedical.osu.edu
Ang pinakapangunahing sanhi ng hand, foot, and mouth disease ay ang coxsackievirus A16. Ang virus na ito ay kabilang sa mga grupo ng nonpolio enterovirus. Karaniwang nakukuha ang virus na ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paglanghap o pagkakalunok sa mga droplet o maliliit na laway ng taong may sakit na umubo o bumahing
- Pagkakahawak sa mga bagay na may sipon, dura, o laway ng taong may sakit
- Pagkakahawak sa likido na mula sa mga sugat o butlig ng taong may sakit
- Pagkakahawak sa mga bagay na may dumi ng taong may sakit
Lubos na nakahahawa ang HFMD sa mga kabataan kaya naman iminumungkahi ng mga doktor na panatilihing malinis ang katawan, pati na rin ang kapaligiran.
Mga Sintomas
Ang sakit na hand, foot, and mouth disease ay maaaaring magdulot ng ilang mga sintomas at senyales na gaya ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng masakit at mapupulang pagsusugat sa dila, palibot ng bibig, sa loob na bahagi ng pisngi, at mga gilagid
- Pagkakaroon ng mapupulang butlig na walang pangangati sa mga palad, daliri, talampakan, at minsan, pati sa puwit
- Lagnat na maaaring lumagpas sa 38oC
- Pananakit ng lalamunan
- Mabigat na pakiramdam
- Kawalan ng gana sa pagkain o pagsuso (para sa mga sanggol)
- Pagiging iritable ng sanggol
Ang mga sintomas na nabanggit ay kadalasang unang lumalabas matapos ang 3 hanggang 6 na araw mula sa pagkakahawa ng sakit. Maaaring ang pasyente ay lagnatin muna at makaranas ng hirap sa paglunok bago magsilabasan ang mga sugat at pantal o butlig.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.sintmaartengov.org
Ang hand, foot, and mouth disease ay kadalasan lamang nakaaapekto sa mga bata sapagkat mas mahina ang kanilang mga resistensya. Narito ang mga partikular na salik na maaaring makapagpataas ng posibilidad na maapektuhan ng sakit na ito:
- Mga batang may edad na 10-taong-gulang pababa
- Pagpunta o paglalaro sa mga matataong lugar
- Pag-aaral sa mga daycare center
- Pagpunta sa mga lugar na may mga aktibong kaso ng HFMD
Mga Komplikasyon
Bagama’t napakadalang magkaroon ng mga komplikasyon ang hand, foot, and mouth disease, maaari pa rin itong magresulta sa mga sumusunod lalo na kung ito ay napabayaan:
- Dehydration at kakulangan ng nutrisyon. Ang HFMD ay kadalsang nagdudulot ng pagsusugat sa loob ng bibig at lalamunan. Dahil dito, ang bata’y nahihirapan sa paglunok at nagreresulta sa pagtanggi sa pagkain. Kung hindi kumukain nang maayos ang bata, maaari siyang makaranas ng dehydration at magkulang ang kanyang nutrisyon sa katawan.
- Viral meningitis. May ilang pagkakataon na ang coxsackievirus ay nagdudulot ng impeksyon sa bahagi ng utak at spinal cord na siyang humahantong sa pamamaga ng mga nasabing bahagi ng katawan. Ang sakit na ito ay tinatawag na viral meningitis.
- Encephalitis. Kung ang impeksyon ay lumala at nakaapekto na sa loob ng utak, maaari itong magdulot ng pamamaga o encephalitis. Ito ay isang seryosong komplikasyon na nangangailangan ng agarang atensyong-medikal.
Pag-Iwas
Image Source: www.prnewswire.com
Maaaring maiwasang magkaroon ng hand, foot, and mouth disease kung mananatiling malinis ang pangangatawan. Ganunpaman, kung ang isang tao ay napahawak sa mga bagay na may virus na nagdudulot ng sakit na ito, maaari pa rin siyang maapektuhan. Upang bumaba ang posibilidad na magkaroon ng sakit na ito, narito ang ilang mga hakbang sa pagpapanatili ng kalinisan sa sarili at ng kapaligiran:
- Ugaliin ang wastong paghuhugas ng mga kamay. Laging maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain, pagkatapos maglaro, o kaya’y sa tuwing pagkatapos gumamit ng palikuran. Gumamit ng sabon at tubig at banlawan ang mga kamay nang maayos. Kung walang sabon at tubig, maaaring gumamit ng sanitizer o alcohol.
- I-disinfect ang buong bahay. Ugaliin din ang paglilinis ng tahanan at lagi rin itong i-disinfect upang mapatay ang anumang mga mikrobyo, lalo pa’t ang mga bata ay madalas magsubo ng mga bagay na kanilang napupulot.
- Paglilinis ng katawan pagkatapos maglaro sa mga playhouse. Sa kasalukuyan, maraming mga bata ang nagkakaroon ng HFMD pagkatapos maglaro sa mga playhouse na nasa mall. Kung sa tingin niyo ay marumi ang playhouse, huwag nang paglaruin ang inyong anak at pumili na lamang ng ibang mapaglilibangan. Kung hindi maiiwasan, linisin o punasan agad ang mga nalantad na balat ng inyong anak gamit ang baby wipes. Hugasan din ang kanyang mga kamay gamit ang sabon at tubig, o kaya ay lagyan ng alcohol. Pagkarating sa bahay, paliguan ang inyong anak pagkatapos magpahinga nang saglit.
- Pag-iwas sa taong may sakit. Kung may kasamang pasyente sa bahay, huwag munang maglalapit ang mga taong hindi pa nagkaroon ng HFMD upang hindi mahawa. Ugaliing itapon nang maayos ang mga ginamit na tisyu ng pasyente at regular na palitan ang kanyang kobre-kama at mga punda. Iwasan ding ipahiram sa ibang mga kamag-anak ang mga personal na gamit ng pasyente, gaya ng tuwalya, baso, at iba pa. Kapag magaling na ang pasyente, linisin at i-disinfect ang buong kuwarto at mga bagay na ginamit.
Sanggunian
- https://www.nhs.uk/conditions/hand-foot-mouth-disease/
- https://www.healthline.com/health/hand-foot-mouth-disease
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hand-foot-and-mouth-disease/symptoms-causes/syc-20353035
- https://www.cdc.gov/hand-foot-mouth/about/signs-symptoms.html
- https://www.webmd.com/children/guide/hand-foot-mouth-disease#1
- https://en.wikipedia.org/wiki/Hand,_foot,_and_mouth_disease#History