Ang katawan, tulad din ng sa mga makina ay maaaring pumalya o masira kung mapapabayaang mainit o mag-overheat. Ganito ang maaaring mangyari sa katawan ng tao kung mapa-sobra sa pagtaas ng temperatura. Ang heatstroke ay ang kondisyon na dulot ng sobrang pagtaas ng temperatura ng katawan o overheating. Maaari itong maranasan kung mananatiling naiinitan ang katawan nang mahabang panahon na umaabot sa temperatura na 40 degree Celcius. Isa itong seryosong kondisyon na maaaring makaapekto sa maayos na paggana ng katawan lalo na sa utak, at kung mapapabayaan ay maaari makamatay. Ito ay itinuturing na emergency, at nangangailangan ng agarang paggagamot.
Ano ang sanhi ng heatstroke?
Ang pagkakadanas ng heatstroke ay maaring dahil sa ilang sitwasyon. Maaaring ito ay dahil sa mga sumusunod:
- Pananatili nang matagal sa mainit o maalinsangang kapaligiran. Tiyak na nakaaapekto ang temperatura sa paligid sa temperatura ng katawan. Kaya naman, ang sobrang init na kapaligiran ay maaaring makapagpataas ng temperatura ng katawan. Ang pananatili nang matagal sa ganitong sitwasyon ay maaaring pag-umpisahan ng heatstroke.
- Sobrang pagkilos. Ang sobra-sobrang pagkilos din ay nakapagpapataas din ng temperatura ng katawan, lalo na kung gagawin ito sa mainit na kapaligiran o sa ilalim ng araw. Ang tuloy-tuloy na pisikal na gawain na may kakaunting pagkakataon ng pagpapahinga ay maaari ding humantong sa heatstroke.
- Pagsusuot ng mainit na damit. Tataas din ng husto ang temperatura ng katawan kung ang isusuot na damit sa mainit na panahon ay sobrang kapal. Halimbawa ay ang mga nagsisilbing mascot sa mga kaganapan na nananatili nang matagal sa mainit na kasuotan.
- Sobrang pag-inom ng alak. Nakaaapekto ang pag-inom ng alak sa kakayahan ng katawan na i-regulisa ang temperatura ng katawan. Kaya naman, sa ilang pagkakataon, nagiging salik ang sobrang pag-inom nito sa pagtaas ng temperatura at pagkakadanas ng heatstroke.
- Kakulangan ng tubig sa katawan. Malaki ang papel ng tubig sa pagpapanatili ng tamang temperatura ng katawan. Kaya naman nakakakontribyut din ang kakulangan nito sa pagkakadanas ng heatstroke.
Sino ang may mataas na posibilidad na makaranas ng heatstroke?
Ang heatstroke ay maaaring maranasan ng kahit na sino, ngunit may ilang salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaranas nito. Narito ang ilan sa mga ito:
- Edad. Ang mga sanggol at mga matatanda na ang edad at higit 65 na taon ang pinakaapektado ng pagbabago sa temperatura. Ang mga sanggol na hindi pa lubusang maayos ang sistema ng katawan sa pag-reregulisa ng temperatura, at ang matatanda na humihina naman ang abilidad na ito ang may pinakamataas na panganib ng pagkaka-heatstroke.
- Gawain o trabaho na maglalagay sa mainit na kapaligiran. Ang mga taong nagtatrabaho sa maiinit na lugar gaya ng mga metro aide, traffic police, o mascot, at mga indibidwal na may nakakapagod na gawan gaya ng mga atleta ay may mas mataas na posibilidad ng pagkaka-heatstroke.
- Biglaang pag-taas ng temperatura. Ang mga taong hindi sanay sa mainit na panahon at biglang pupunta sa lugar na mainit ay may malaki rin na posibilidad na ma-heatstroke.
- Pagkakaroon ng ilang kondisyon o karamdaman. Ang pagiging sobrang bigat o obese, o kaya naman ang pagkakaroon ng kasaysayan ng stroke, sakit sa puso o altapresyon ay may mataas din na posibilidad ng pagkaka-heatstroke.
Ano ang maaaring komplikasyon ng heatstroke?
Ang pananatili ng katawan sa mataas na temperatura ay maaaring magdulot ng ilang mga komplikasyon. At ang mga pinakamalala ay ang pag-palya sa paggana ng ilang organ ng katawan gaya ng atay, bato at utak. Kung mapapabayaan, maaari rin itong humantong sa pagkamatay.