Buod

Ang hepatic encephalopathy ay isa sa mga uri ng kondisyon na bunga ng pagkakaroon ng sakit sa atay. Ito ay karaniwang na-oobserbahan sa mga taong may cirrhosis. Ang sakit na ito ay tumutukoy sa grupo ng mga neuropsychiatric na mga kondisyon na dulot ng hindi maayos na paggana ng atay.

Sa ngayon ay wala pang maituturing na tiyak na sanhi ng sakit na ito. Subalit, may ilang mga trigger na kinikilala na nagpapataas sa salik ng pagkakaroon nito. Kabilang sa mga ito ay ang labis na dami ng protina sa mga kinakain, maging ang pagkakaroon ng sakit sa mga bato. Ang ilan naman sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang pagkakaroon ng hirap sa konsentrasyon, pagkibot ng mga kalamnan sa ilang bahagi ng katawan, maging ang pagkaranas ng labis na kapaguran.

Sa ngayon ay wala pa ring tiyak na lunas para sa sakit na ito, maliban na lamang ang pag-iwas sa mga pagkaing may mataas na antas ng protina.

Kasaysayan

Ang hepatic encephalopathy ay maaaring umiral na noon pang sinaunang panahon. Sa katunayan, ang kondisyon kung saan ang taong naninilaw at tila nasisiraan ng bait ay inilarawan na ni Hippocrates sa panahon nila noong mga 400 B.C.E. Samantala, sina Celsus at Galen naman noong mga panahon ng una at ika-tatlong siglo ay kinilala rin ang naturang kondisyon.

Pagsapit naman ng ika-18 at ika-19 na siglo ay nagkaroon ng mga makabagong paglalarawan na umuugnay sa mga sakit sa atay sa mga neuropsychaitric na mga kondisyon. Ang isa sa mga nagsagawa nito ay si Giovanni Battista Morgagni noong 1761.

Mula noon ay natukoy ang mga salik sa pagkakaroon ng hepatic encephalopathy, kagaya ng pagkakaroon ng labis na protina sa mga kinakain.

Mga Uri

May tatlong uri ang hepatic encephalopathy batay sa uri ng sakit ng atay. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Type A. Ang sakit na ito ay kaugnay ng pagkakaroon ng malala nang uri ng pagpalya o paghina ng atay (acute liver failure)
  • Type B. Ang sakit na ito ay kaugnay ng portosystemic bypass na walang natural na uri ng hepatocellular na sakit
  • Type C. Ang sakit na ito ay kaugnay ng pagkakaroon ng cirrhosis at ng portal hypertension o kaya ay ng portosystemic shunt.

Mga Sanhi

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang tiyak na sanhi ng hepatic encephalopathy. Subalit, ang sakit na ito ay karaniwang nagdudulot ng pamumuo ng mga nakalalasong sangkap sa mga daluyan ng dugo dahil sa hindi wastong proseso ng atay sa mga ito.

Sa taong walang sakit, ang mga nakalalasong sangkap na katulad ng ammonia ay inilalabas ng atay mula sa katawan. Kadalasang galing ang mga ito sa mga protina matapos silang sumailalim sa natural na proseso ng metabolismo. Ang mga nakalalasong sangkap naman na ito ay sinasala ng mga bato upang tuluyang ilabas sa katawan sa pamamagitan ng pag-ihi.

Kapag nagkaroon ng pinsala sa atay, hindi nito masasala nang wasto ang mga nakalalasong sangkap. Sa halip, mamumuo ito sa dugo at maaaring makarating pa sa utak. Bukod dito, maaari ring magdulot ang mga ito ng pinsala sa iba pang mga bahagi ng katawan at sa mga ugat.

Ang mga sumusunod ay ang iba’t ibang mga trigger sa pagkakaroon ng hepatic encephalopathy:

  • Mga impeksyong katulad ng pulmonya
  • Pagkakaroon ng sakit sa bato
  • Dehydration
  • Pagkakaroon ng kakulangan ng antas ng oxygen sa katawan (hypoxia)
  • Pagsasailalim sa operasyon o pagkaranas ng trauma
  • Paggamit ng mga gamot na pumipigil sa immune system
  • Pagkain ng malabis na dami ng protina
  • Paggamit ng mga gamot na pumipigil sa paggana ng ilang bahagi ng central nervous system, kagaya ng mga tranquilizer
  • Pagkakaroon ng kawalan ng balanse sa mga electrolyte, lalo na ang pagbaba ng antas ng potassium makaraang sumuka o magtae nang labis

Mga Sintomas

Image Source: www.acilci.net

Ang pangunahin sa mga sintomas ng hepatic encephalopathy ay ang mga pagbabago sa kalagayang pangkaisipan ng mayroon ng sakit na ito. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Kakulangan sa pagiging alerto
  • Hirap sa pag-iisip o pag-unawa
  • Pagkakaroon ng kalituhan
  • Pagiging malilimutin
  • Pagbabago sa mga nakasanayang pag-uugali
  • Hirap sa konsentrasyon
  • Labis na kapaguran

Ang mga sintomas na ito ay lumalala kalaunan. Bukod din sa mga nabanggit na mga sintomas, ang mga taong may sakit na ito ay maaari ring makaranas ng mga sumusunod:

  • Hindi sinasadyang pagkibot ng kalamnan
  • Hindi sinasadyang paggalaw ng mga mata
  • Panginginig
  • Panghihina ng mga kalamnan
  • Hirap sa paglunok o pagsasalita
  • Pagkakaroon ng mga seizure o pangingisay

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.dukehealth.org

Ang ilan sa mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng hepatic encephalopathy ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng impeksyon sa atay
  • Pagkakaroon ng gastrointestinal bleeding
  • Pagkakaroon ng pagtitibi
  • Kakulangan ng mga electrolyte sa katawan
  • Paggamit ng ilang uri ng mga gamot na nagdudulot ng pinsala sa atay

Mga Komplikasyon ng Hepatic Encephalopathy

Ang mismong kondisyon na ito ay isang uri ng komplikasyon na dulot ng sakit sa atay, gaya ng cirrhosis.

Pag-Iwas

Image Source: www.bbc.com

Dapat tandaan na hindi lahat ng uri ng hepatic encephalopathy ay maaaring iwasan. Subalit, maaaring mabawasan ang panganib sa pagkakaroon nito sa pamamagitan ng mga sumusunod na pamamaraan:

  • Pag-iwas o kaya ay pagbawas sa iniinom na mga nakalalasing na inumin
  • Pagkain nang sapat na dami ng mga masusustansyang pagkatin
  • Pag-iwas sa mga nakalalasong sangkap

Sanggunian