Gamot at Lunas
Image Source: unsplash.com
Bagama’t ang hepatitis B ay isang seryosong kondisyon, maaari naman itong malunasan sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagpapahinga nang sapat. Nakatutulong ang pagpapahinga nang sapat upang mabilis na malabanan ng katawan ang hepatitis B virus. Kung maaari ay lumiban muna sa pagtratrabaho.
- Pag-inom ng maraming tubig. Ang pag-inom ng maraming tubig ay nakatutulong upang mahugas ang virus sa atay. Nakatutulong din ito upang manatiling hydrated ang pasyente.
- Pagkain nang wasto. Karaniwang walang ibinibigay na gamot sa mga pasyenteng may hindi malulubhang kondisyon. Subalit, makatutulong ang pagkain nang wasto upang mas mabilis na gumaling sa sakit na ito. Kumain ng mga prutas, gulay, isda, at hindi matatabang karne upang lumakas ang resistensya ng katawan. Ganunpaman, kung may nararamdamang pagduduwal at pagsusuka, untian muna ang pagkain.
- Paglilinis ng katawan. Dahil ang balat ay nagkakaroon ng paninilaw, maaari ring mangati ito. Upang mabawasan ang pangangati, ugaliing maligo araw-araw at magsuot ng komportableng damit. Siguraduhin din na may sapat na bentilasyon ang kuwarto.
- Pag-inom o pagturok ng mga gamot. Karaniwang binibigyan lamang ng mga gamot ang pasyenteng may chronic hepatitis B. Maaaring resetahan ang pasyente ng mga antiviral medication na gaya ng entecavir, tenofovir, lamivudine, adefovir, at telbivudine upang malabanan ang virus sa atay. Karaniwang iniinom lamang ang mga gamot na ito. Subalit, maaari ring bigyan ang pasyente ng interferon injection kung ayaw niya ng mahabang gamutan. Bukod sa mga nabanggit, maaari ring bigyan ang pasyente ng gamot sa lagnat, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at iba pa upang maibsan ang mga sintomas.
- Pananatili sa ospital. Kung malubha ang kondisyon, maaaring manatili ang pasyente sa ospital at kabitan ng suwero. Sa pamamagitan nito, mananatiling hydrated ang pasyente at maaari pang padaanin sa suwero ang ilang mga gamot upang mas mabilis na bumisa.
Karamihan ng mga pasyenteng nagkakaroon ng hepatitis B ay gumagaling sa sakit na ito. Subalit, maaari itong abutin ng 1 hanggang 3 buwan. Kapag gumaling sa sakit na ito, magigign immune na ang katawan o hindi na muling magkakaroon pa ng hepatitis B.