Buod

Ang hepatitis C ay isang uri ng sakit sa atay na sanhi ng hepatitis C virus o HCV. Sa kondisyong ito, ang atay ay nagkakaroon ng impeksyon at pamamaga, na nagdudulot naman ng iba’t ibang mga sintomas sa pasyente na gaya ng paninilaw ng balat at mga mata, pangangati ng balat, pagkakaroon ng maitim na ihi, pamamanas, at iba. Subalit ayon sa mga doktor, maaaring hindi lumabas ang mga sintomas na ito kung hindi naman malubha ang kondisyon.

Karaniwang nagkakaroon ng hepatitis C kung ang isang tao ay natusok ng kontaminadong karayom o hiringgilya, nakipagtalik sa infected na tao na mayroon ding sexually transmitted disease (STD), nagpahikaw o nagpatato, at marami pang iba. Nakukuha lamang ang HCV kung mayroong kontaminadong dugo na nakapasok sa katawan ng tao. Bagama’t hindi ito nakukuha sa vaginal secretion o tamod, ang mga taong may STD ay kadalasang nagdurugo ang ari kaya naman maaaring mahawaan pa rin nito sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Hindi rin nakukuha ang HCV sa laway, pag-ubo, pagbahing, at paghalik.

Maaaring malito kung ano ang kaibahan ng hepatitis C sa hepatitis B sapagkat parehas ang dalawang itong maaaring makuha sa kontaminadong dugo. Ganunpaman, ang hepatitis C ay tanging nakahahawa lamang sa pamamagitan ng dugo, samantalang ang hepatitis B ay maaaring maihawa sa pamamagitan ng dugo at ibang mga bodily fluid, gaya ng vaginal secretion at tamod.

Upang gumaling sa sakit na hepatitis C, kailangan ng pasyente na magkaroon ng mas malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng pagkain nang wasto at tamang pagpapahinga. Sa mga malulubhang kaso naman, maaaring resetahan ang pasyente ng mga antiviral medication.

Kasaysayan

Noong kalagitnaan ng taong 1970, si Harvey J. Alter at ang kanyang pangkat ng mga mananaliksik ay nagsagawa ng pag-aaaral tungkol sa nag-usbungang mga kaso ng hepatitis dahil sa pagsasalin ng dugo o blood transfusion. Ayon sa kanila, hindi raw ito dulot ng hepatitis A o hepatitis B na virus kundi ibang virus na tinawag nilang non-A, non-B hepatitis (NANBH).

Ilang dekada ang dumaan subalit hindi pa rin matukoy ng mga mananaliksik ang NANBH. Pero pagsapit ng taong 1988, nakumpirma na ni Alter ang virus sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga NANBH specimen. Noong taong 1989, tinawag na ang NANBH na hepatitis C virus o HCV. Dahil sa pagkakatuklas na ito, ito ang nagsilbing daan upang magsagawa muna ng mga screening test bago salinan ng dugo ang mga pasyenteng nangangailangan at nang hindi na magkaroon pa ng hepatitis C. Dahil dito, halos wala ng mga kaso ng hepatitis C ang naitala pagsapit ng taong 2000.

Mga Uri

Ang hepatitis C ay mayroong dalawang pangunahing uri batay sa tindi ng kondisyon. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Acute hepatitis C. Sa kondisyong ito, maaaring walang maranasang mga sintomas ang isang tao. Malalaman lamang niya na may hepatitis C pala siya kung siya ay magpapasuri ng kanyang dugo. Subalit, kung may mga sintomas naman, ito ay karaniwang hindi malubha at hindi nagtatagal ng 6 na buwan.
  • Chronic hepatitis C. Kapag hindi agad nalunasan ang acute hepatitis C, maaaring magdulot ito ng chronic hepatitis C. Kapag sumapit na sa yugtong ito, ang atay ay posibleng mayroon ng mga malubhang pinsala at maaaring magtagal ang kondisyong ng mahigit 6 na buwan.

Mga Sanhi

Ang sanhi ng hepatitis C ay ang hepatitis C virus (HCV). Ang HCV ay mayroong mahigit na 67 na genotype o uri. Subalit ang pinakapangkaraniwang uri nito ay ang type 1.

Maaaring magkaroon ng impeksyon ang atay kung ang virus ay makakapasok sa daluyan ng dugo. Karaniwang nakukuha ang HCV sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pagkatusok ng kontaminadong hiringgilya
  • Pakikipagtalik sa iba’t ibang kaperaha lalo na sa mga may sexually transmitted disease
  • Nagamitan ng maruming karayom habang nagpapatato o nagpapahikaw
  • Nagamitan ng maruming kagamitan habang nagdidialysis
  • Pagkahawa ng sanggol sa inang may hepatitis C

Hindi ito nakukuha sa pamamagitan ng paghalik, pakikipagyakapan, o paggamit ng parehas na kubyertos, pinngan, o baso. Ito ay kumakalat lamang sa pamamagitan ng dugo.

Mga Sintomas

Image Source: www.healthline.com

Kadalasan, hindi agad nakikitaan ng mga sintomas ang mga pasyenteng may hepatitis C. Karaniwang lumalabas lamang ang mga sintomas kapag ang atay ay may pinsala na o malubha na. Masasabing may hepatitis C ang isang tao kapag nakararanas siya ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng jaundice o paninilaw ng balat at mga mata
  • Pangangati ng balat
  • Pagkakaroon ng maitim na ihi
  • Pagmamanas ng mga paa
  • Pagkakaroon ng ascites o paglobo ng tiyan dahil sa sobrang tubig
  • Mabilis na pagkakaroon ng mga pasa
  • Mabilis na pagdurugo ng katawan
  • Pagkakaroon ng mga spider angioma o mga litid na tila hugis-gagamba
  • Pagkaranas ng matinding pagkapagod
  • Pagkawala ng gana sa pagkain
  • Pagbaba ng timbang
  • Pagkaantok, pagkalito, at hindi maintindihan na pagsasalita

Kung walang mga ipinapakitang sintomas ang isang taong may hepatitis C, malalaman lamang ito kung siya ay magpapasuri ng kanyang dugo. Ayon sa datos, maaari pa ngang umabot ito ng ilang dekada bago makitaan ang pasyente ng mga sintomas. Pero sa panahong mangyari ito, ang atay ay maaaring may malubha ng pinsala.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.metropolitan-general.gr

Walang pinipili ang sakit na hepatitis C. Kahit sino ay puwedeng magkaroon nito. Subalit, mas tataas ang posibilidad na magkaroon nito kung ikaw ay:

  • Nagpasalin ng dugo bago sumapit ang taong 1992. Bago sumapit ang taong 1992, wala pa noong mga HCV blood screening test. Kaya naman kung nasalinan ng dugo noong panahong iyon, maaaring may kasamang HCV ang naisalin na dugo. Tandaan na ang mga sintomas ng hepatitis C ay hindi agad lumalabas at maaaring abutin ng ilang dekada.
  • Lulong sa ipinagbabawal na gamot. Ang mga ipinagbabawal na gamot ay karaniwang ginagamitan ng mga hiringgilya na paulit-ulit na ginagamit, at madalas ay naghihiraman pa ang mga nalulong dito.
  • Nars, doktor, o sinumang kawani ng ospital. Ang mga nars at doktor ay karaniwang gumagamit ng mga hiringgilya upang magbigay ng gamot sa pasyente o kaya naman ay kumuha ng dugo para masuri ito.
  • Madalas na nakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha. Maaari ring tumaas ang posibilidad ng pagkakaroon ng hepatitis C kung madalas na nakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha. Ayon sa mga ulat, mas nakahahawa rin ng hepatitis C ang mga kapareha na may STD.
  • Sumasailalim sa dialysis. Kung ang mga kagamitan sa dialysis ay hindi nalilinis nang maayos, maaaring magkaroon ng hepatitis C ang pasyente.
  • Mahilig magpatato o magpahikaw. Ang mga karayom na ginagamit sa pagpapatato o pagpapahikaw ay maaaring hindi nalinis nang mabuti at may natira pang kaunting dugo ng ibang tao na maaaring mailipat sa iyo.
  • Buntis na may hepatitis C. Maaaring maipasa sa sanggol na nasa sinapupunan ang hepatitis C virus. Subalit, ito ay napakadalang. Tumataas lamang ang posibilidad na magkaroon ang sanggol ng hepatitis C kung mayroon ding HIV ang kanyang ina.

Mga Komplikasyon

Kung hindi agad matutukoy at malulunasan ang hepatitis C, maaaring masira nang masira ang atay pagkatapos ng maraming taon, at magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:

  • Liver cirrhosis. Isa sa mga pangunahing komplikasyon ng hepatitis C ay liver cirrhosis. Kapag nagkaroon ng kondisyong ito, ang atay ay magkakasugat-sugat. Dahil dito, mahihirapan ang atay na gampanan nang maayos ang mga gawain nito sa katawan. Kabilang na rito ay ang paggawa ng bile at ang pagtatanggal ng lason na nasa dugo.
  • Kanser sa atay. Isa pang mapanganib na komplikasyon ng hepatitis C ay kanser sa atay. Sa kondisyong ito, ang atay ay nagkakaroon ng mga bukol na maaaring kumalat pa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
  • Pagpalya ng atay. Maaari ring magkaroon ng komplikasyon na liver failure o pagpalya ng atay ang pasyenteng may hepatitis C. Kapag pumalya ang atay, ang tanging makapagsasagip na lamang sa buhay ng pasyente ay ang pagsasailalim sa liver transplant sapagkat hindi na talaga gumagana ang atay.

Kaya naman kung may napapansing kakaiba sa katawan, iminumungkahi ng mga doktor na magpakonsulta agad upang mabigyan ng lunas ang sakit na nararamdaman.

Pag-Iwas

Image Source: www.acsh.org

Dahil ang hepatitis C ay kadalasang nakahahawa kapag mayroong dugo, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:

  • Paggamit ng condom. Kung hindi lubusang kakilala ang kapareha sa pakikipagtalik, ugaliing gumamit ng condom upang mabawas-bawasan ang posibilidad na mahawa. Kapag nakipagtalik sa isang taong may hepatitis C na mayroon pang STD, karaniwang nagdurugo o may kahalong dugo ang kanyang mga vaginal secretion o kaya naman ay tamod.
  • Pag-iingat sa pagpapatato at pagpapahikaw. Kung balak magpatato o magpahikaw, kunin lamang ang serbisyo ng mga legal at malilinis na shop sapagkat mas may alam sila sa tamang proseso at paglilinis ng kanilang mga karayom at ibang kagamitan.
  • Pag-iwas sa paulit-ulit na paggamit ng hiringgilya. Kapag nagamit na ang isang hiringgilya sa pagtuturok, itapon na ito nang maayos at huwag ng gamitin pa. Maaaring makontamina ito at magamit pa ng ibang tao.
  • Pagtigil sa paggamit ng droga. Bukod sa nakasasama ang droga sa katawan, maaaring maging daan pa ito upang magkaroon ng hepatitis C sapagkat kadalasang naghihiraman ang mga lulong sa droga ng mga hiringgilya at iba pang kagamitan sa pagtuturok ng ipinagbabawal na gamot.
  • Pag-iwas sa direktang pagkakalantad sa dugo. Kung naatasan sa pagkuha ng mga blood sample, mainam na magsuot ng guwantes o gloves upang ma-iwasan ang direktang pagkakalantad sa dugo. Dagdag dito, nakatutulong din ang gloves upang hindi tuluyang matusok ang mga kamay habang gumagamit ng hiringgilya.
  • Pag-iwas sa panghihiram ng personal na gamit ng iba. Ang mga personal na gamit ng iba, gaya ng pang-ahit at sipilyo ay maaaring may mga bahid ng dugo na maaaring may dala-dalang Upang hindi mahawaan ng hepatitis C, huwag humiram ng personal na gamit ng iba.

Sanggunian