Buod

Sa kondisyong hepatitis, ang atay ng isang tao ay namamaga. Maraming uri ng hepatitis at iba’t iba rin ang mga sanhi nito. Mayroong dulot ng virus, bacteria, at parasitiko. Sa ibang mga kaso naman, maaaring ito ay dulot ng labis na pag-inom ng alak, pag-inom ng iba’t ibang mga uri ng supplement at gamot, at autoimmune disorder.

Kapag naapektuhan ng sakit sa atay na ito, maaaring walang ipakitang mga sintomas ang isang tao. Kung magkaroon man, maaari siyang makaranas ng jaundice (paninilaw ng mga mata at balat), pagiging sobrang dilaw o itim ng ihi, pagiging kulay abo ng dumi, lagnat, pamamanas, pagsakit ng tiyan at mga kasu-kasuan, pagsusuka, madalas na pagkaantok o pagkapagod, pangangati ng balat, at iba pa.

Ang paggamot sa hepatitis ay batay sa uri at tindi nito. Maaaring bigyan ang pasyente ng mga gamot upang maibsan ang mga nararanasang sintomas. Bukod dito, kadalasang hindi na nangangailangan pang ipayong manatili ang pasyente sa ospital. Subalit kung ang hepatitis ay malubha, maaaring kailangang manatili sa ospital upang higit na mabigyang pansin ang paglunas sa kondisyon.

Kasaysayan

Noon pa man ay may mga tala na tungkol sa hepatitis. Bandang 3000 BC, ang mga sinaunang Sumerian ay may mga naitalang sintomas na gaya ng jaundice na dulot ng pagkapinsala ng atay. Bagama’t tama sila sa aspetong ito, pinaniniwalaan nila na ang atay ay napinsala dahil inatake ito ng demonyong nagngangalang Ahhazu.

Ayon naman kay Hippocrates noong 400 BC, ang jaundice ay dulot ng pagkakaroon ng labis na plema at dugo sa atay. Kaya naman kapag napuno raw ito, ang mga pasyente ay nagiging mainitin ang ulo at hindi alam ang mga sinasabi.

Noong kapanahunan naman ng mga digmaang gaya ng Napoleonic War, American Revolutionary War, World War I at II, naging laganap ang infectious jaundice. Ito ay dahil sa kakulangan ng malinis na kapaligiran at hindi maayos na sanitasyon. Sa katunayan, tinatayang mahigit 10 milyong mga sundalo ang naapektuhan ng hepatitis noong World War II. Ang paglaganap ng hepatitis ay pinaniniwalaang dulot ng mga kontaminadong bakuna na itinuturok sa mga sundalo upang ma-iwasan ang sakit na tinatawag na yellow fever.

Mga Uri

Maraming uri ang hepatitis at ito ay nahahati sa dalawang grupo, ang infectious hepatitis at non-infectious hepatitis. Sa infectious hepatitis, ang kondisyon ay dulot ng mga mikrobyong gaya ng virus, bacteria, at parasitiko. Sa non-infectious hepatitis naman, ito ay maaaring dulot ng hindi pagkakaroon ng malusog na pamumuhay o kaya naman ay mayroong autoimmune disorder. Upang maintindihan ang bawat uri, basahin ang mga sumusunod:

Infectious Hepatitis

Mga Uri ng Infectious Hepatitis:

  1. Viral hepatitis. Ang viral hepatitis ay ang pinakalaganap na uri ng Sa kondisyong ito, ang atay ay namamaga dahil sa mga virus. Mayroon din itong iba’t ibang mga uri:
  2. Hepatitis A. Ang hepatitis A ay dulot ng hepatitis A virus (HAV). Maaaring makuha ang virus na ito kung ang isang tao ay nakainom ng tubig o nakakain ng pagkaing kontaminado ng dumi ng isang taong may hepatitis A.
  3. Hepatitis B. Sa hepatitis B naman, ang isang tao ay naapektuhan ng hepatitis B virus (HBV). Maaari itong makuha sa pakikipagtalik, pagkaturok ng kontaminadong hiringgilya, o kaya naman ay paggamit ng kontaminadong pang-ahit ng ibang tao. Maaaring ang virus ay manirahan sa dugo, vaginal secretion, at semilya ng lalaki.
  4. Hepatitis C. Halos natutulad ito sa hepatitis B, subalit ang sanhi nito ay ang hepatitis C virus (HCV). Maaaring makuha ito sa pakikipagtalik, paggamit ng kontaminadong hiringgilya, pagsalin ng kontaminadong dugo, at iba pa. Ang kaibahan lamang nito sa hepatitis B ay kumakalat lamang ito sa pamamagitan ng contact sa kontaminadong dugo.
  5. Hepatitis D. Ang dulot ng hepatitis D ay ang hepatitis D virus (HDV). Maaring makuha ito sa kontaminadong ihi, vaginal fluid, semilya, at dugo. Subalit magkakaroon lamang ng hepatitis D kung mayroon ding hepatitis B ang isang tao sapagkat hindi mabubuhay ang HDV sa katawan kung wala ang HBV.
  6. Hepatitis E. Ang hepatitis E ay dulot ng hepatitis E virus (HEV). Maaaring magkaroon nito kung nakainom ng tubig na kontaminado ng dumi ng infected na tao. Karaniwan ito sa mga lugar na may hindi wastong sanitasyon gaya ng Middle East, Asya, Central America, at Aprika.
  7. Bacterial hepatitis. Ang uring ito ay dulot ng mga Maaaring magkaroon nito kung ang atay ng isang tao ay naapektuhan ng mga bacteria na gaya ng Escherichia coli, Kiebsiella pneumoniae, Neisseria meningitidis, salmonella, at marami pang iba.
  8. Parasitic hepatitis. Bukod sa mga virus at bacteria, maaari ring magdulot ng hepatitis ang mga parasitiko gaya ng mga protozoan, trypanosoma, plasmodium, at iba pa.

Non-infectious Hepatitis

Mga Uri ng Non-infectious Hepatitis:

  1. Alcoholic hepatitis. Maaari ring magkaroon ng hepatitis ang isang tao kung siya ay labis na umiinom ng alak. Ang alak ay may mga sangkap na maaaring makapinsala sa atay at magdulot ng pamamaga nito.
  2. Toxin and drug-induced hepatitis. Sa uring ito, nagkakaroon ng hepatitis dahil ang isang tao ay umiinom ng mga gamot o gumagamit ng anumang may toxin na nakapipinsila sa atay. Maging ang mga dietary supplement ay nakapagdudulot din ng pamamaga ng atay lalo na kung hindi wasto ang paggamit nito.
  3. Autoimmune Hepatitis. Ang autoimmune hepatitis ay ang hindi mapigilang pagkasira at pamamaga ng atay dahil inaatake ito ng mismong immune system ng katawan. Bagama’t hindi malaman kung bakit ito nangyayari, maaaring namana ang ganitong uri ng kondisyon.

Mga Sanhi

Image Source: www.freepik.com

Ang hepatitis ay mayroong iba’t ibang mga sanhi. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Mga mikrobyong gaya ng virus, bacteria, at parasitiko. Maaaring makuha ang mga ito sa kontaminadong pagkain o tubig, hiringgilya, pang-ahit, pakikipagtalik, vaginal secretion, similya, dugo, ihi, paggamit ng mga personal na bagay ng infected na tao, at iba pa.
  • Labis na pag-inom ng alak. Ang mga selula ng atay ay maaaring masira, magkasugat, at mamamaga kapag labis-labis ang pag-inom ng alak sapagkat ito ay may mga sangkap na nakapipinsala.
  • Namamana. Maaari ring mamana ang ibang uri ng hepatitis na gaya ng autoimmune hepatitis. Kung may kasaysayan ng kondisyong ito sa inyong pamilya, hindi malayong magkaroon nito lalo na kung hindi nag-iingat sa kalusugan.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Bagama’t ang hepatitis ay may iba’t ibang uri at sanhi, ang mga sintomas nito ay halos magkakatulad. Kung maaapektuhan nito ang isang tao, maaari siyang makaranas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Jaundice o paninilaw ng mga mata at balat
  • Pagiging sobrang dilaw o itim ng ihi
  • Pagiging kulay abo ng dumi
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pamamanas
  • Pagsakit ng tiyan at mga kasu-kasuan
  • Pagsusuka
  • Pagtatae
  • Madalas na pagkaantok o pagkapagod
  • Pangangati ng balat
  • Pagkawala ng gana sa pagkain

Kung ang hepatitis ay hindi gaanong malubha, maaaring hindi magpakita ng anumang mga sintomas ang pasyente. Sa ibang mga kaso naman, maaaring makaranas lamang ng paninilaw ng mga mata at balat.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: unsplash.com

Ang hepatitis ay maaaring makaapekto sa kahit na sinuman. Subalit, maaaring mas tumaas ang posibilidad na magkaroon nito dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Hindi pagkakaroon ng wastong sanitasyon
  • Kakulangan sa malinis na tubig at pagkain
  • Pagkakaroon ng kinakasamang infected na tao sa iisang bubong
  • Pagiging aktibo sa pakikipagtalik sa iba’t ibang tao
  • Pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki
  • Paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot
  • Pagbabakasyon sa lugar na maraming mga kaso ng hepatitis nang walang bakuna
  • Pagkain ng mga hilaw na pagkaing-dagat
  • Hindi wastong paghuhugas ng mga kamay
  • Pagtratrabaho sa ospital
  • Pagpapalagay ng mga tato at hikaw
  • Pagpapa-pedicure, manicure, at pagpapagupit ng buhok
  • Pakikipaghiraman ng mga personal na kagamitan

Mga Komplikasyon

Kung ang hepatitis ay hindi agad malalapatan ng tamang lunas, maaaring magdulot ito ng mga komplikasyong gaya ng mga sumusunod:

Ang mga komplikasyong nabanggit ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente, kaya naman hinihikayat na magpakonsulta agad sa doktor kapag may mga sintomas na nararamdaman upang hindi na lumubha pa ang kondisyon.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Upang maka-iwas sa pagkakaroon ng hepatitis, iminumungkahing gawin ang mga sumusunod:

  • Ugaliing maghugas ng mga kamay bago kumain.
  • Siguraduhing malinis ang tubig na iinumin at mga pagkain.
  • Iwasan ang pagkain ng mga hindi gaanong luto o hilaw na mga pagkain.
  • Pakuluan at salain ang tubig na iinumin upang maalis ang anumang mikrobyo.
  • Mag-ingat sa mga pampublikong kainang gaya ng mga turo-turo o karinderya. Siguraduhing malinis ang mga kubyertos na gagamitin.
  • Huwag maghiraman ng mga personal na bagay gaya ng mga sipilyo at pang-ahit.
  • Iwasang matusok ng mga hiringgilyang gamit na.
  • Kung magpapatato o magpapahikaw, magpalagay lamang sa mga may permiso at malinis na pasilidad.
  • Gumamit ng condom kapag nakikipagtalik upang mabawasan ang posibilidad na mahawaan.
  • Kung may kasama sa bahay na kasalukuyang nagpapagaling sa hepatitis, maglaan ng mga baso, kubyertos, tuwalya, at iba pang mga personal na bagay na siya lamang ang gagamit upang hindi siya makahawa sa iba.
  • Siguraduhing kumpleto ang bakuna para sa

Sanggunian