Buod

Ang hepatorenal syndrome ay isang uri ng nakamamatay na kondisyon na kung saan ang mga kidney o bato ng mga pasyenteng may malalalang sakit sa atay ay nagkakaroon ng pinsala. Sa kondisyong ito, hindi na nakatatanggap ng sapat na dugo ang mga bato. Dahil dito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pagkalito, pagdidiliryo, pagduduwal at pagsusuka, pagkalimot, pagtaas ng timbang, at paninilaw ng balat at mga mata. Sintomas din hepatorenal syndrome ang  pagkaunti ng dami ng ihi, pangingitim ng kulay ng ihi, at pamamaga o paglaki ng tiyan.

Ang karaniwang sanhi ng hepatorenal syndrome ay liver cirrhosis o ang pagsusugat ng atay. Bukod dito, maaari ring magdulot g hepatorenal syndrome ang ibang sakit sa atay, gaya ng acute liver failure at alcoholic hepatitis. Maaari ring magkaroon ng hepatorenal syndrome kung may impeksyon ang abdominal fluid.

Ayon sa mga doktor, ang pinakamabisang lunas para sa kondisyon na ito ay liver transplantation. Subalit, kung masyado nang malala ang kondisyong ng pasyente, maaaring ipagpaliban muna ang liver transplantation at isailalim muna sa hemodialysis. Maaari ring bigyan ng iba-ibang medikasyon ang pasyente upang mapabuti ang pagdaloy ng dugo sa mga bato.

Kasaysayan

Gaya ng nabanggit noong una, ang hepatorenal syndrome ay isang komplikasyon ng mga pasyenteng may malalang sakit sa atay. Ang salitang “hepato” ay nangangahulugang “atay,” samantalang ang “renal” naman ay tumutukoy sa mga kidney o bato.

Noon pa man, kilala na ang hepatorenal syndrome bilang isang terminal disease o isang uri ng  sakit na may napakaliit lamang na posibilidad na malunasan. Sa katunayan, ang hepatorenal syndrome ay nabansagan din noong una bilang “liver-death syndrome.”

Maraming nang mga doktor ang nagsaliksik tungkol sa sakit na ito. Ayon sa pag-aaral nila Freriches at Flint noong 1861, ang mga pasyenteng may sakit sa atay na gaya ng advanced cirrhosis at ascites ay mayroong oliguria o pagkaunti ng ihi. Pagkatapos ng isang siglo, natuklasan naman nila Hecker at Sherlock na nagkakaroon din ang pasyenteng may cirrhosis ng azotemia o pagtaas ng dami ng nitrogen sa dugo dulot ng hindi mabisang pagsasala ng mga bato sa dugo.

Bagama’t nagkakaroon ng problema ang mga bato sa mga pasyenteng may sakit sa atay, wala namang natukoy na pagbabago sa hugis at istruktura ng mga bato. Ayon sa pag-aaral nila Kopel, ang mga bato ng mga namayapang pasyente na may hepatorenal syndrome ay gumagana pa rin naman nang maayos noong mailipat o mai-transplant ang mga ito sa mga pasyenteng may chronic uremia (isang uri ng sakit sa bato).

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang mga ganitong uri ng pag-aaral upang mas lalong maunawaan ang hepatorenal syndrome.

Mga Uri

Mayroong dalawang uri ng hepatorenal syndrome. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Type I (Acute). Ang type I hepatorenal syndrome ay ang mabilis na pagkapinsala ng mga bato na maaaring magdulot ng kidney failure o pagpalya ng mga bato. Kapag ang pasyente ay may ganitong uri ng hepatorenal syndrome, makararanas siya ng pagkaunti ng ihi, pagkalito, pamamanas, at pagtaas ng dami ng nitrogen sa dugo. Itinuturing na mas mapanganib ito sa type II hepatorenal syndrome.
  • Type II. Ang type II hepatorenal syndrome ay ang unti-unting pagkapinsala ng mga bato. Sa kondisyong ito, naiipon ang tubig sa tiyan na siyang nagiging sanhi ng paglaki nito. Kumpara sa type I, mas mabagal ang paglala ng sakit na ito.

Mga Sanhi

Ayon sa mga dalubhasa, nagkakaroon ng hepatorenal syndrome ang isang tao dahil may nagaganap na paninikip sa mga daluyan ng dugo ng mga bato. Dahil dito, hindi nakatatanggap ang mga bato ng sapat na dami ng dugo na siyang nagdudulot ng pagkapinsala ng mga ito.

Kabilang sa mga sanhi ng hepatorenal syndrome ay ang mga sumusunod na sakit:

  • Liver cirrhosis. Ang liver cirrhosis ay ang pagsusugat ng atay. Sa paglala ng kondisyon na ito, nagkakaroon ng maraming komplikasyon at naaapektuhan ang mga bato.
  • Acute liver failure. Ang acute liver failure ay ang unti-unting pagpalya ng atay hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng kakayahang magampanan ang tungkulin sa katawan.
  • Alcoholic hepatitis. Ang alcoholic hepatitis ay ang pamamaga at pagkakaroon ng impeksyon ng atay dulot ng labis na pag-inom ng alak. Nagagamot ang sakit na alcoholid hepatitis. Oras na lumala ito, tumataas din ang panganib na ito’y makapagdulot ng hepatorenal syndrome.
  • Abdominal fluid infection. Ang abdominal fluid infection ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa abdominal fluid na tulad ng mga asido at bile o apdo. Isang puwedeng magdulot ng impeksyong ito ay ang labis na pag-inom ng mga diuretic pill o mga gamot na tumutulong magbawas ng dami ng tubig sa katawan.

Mga Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Sa hepatorenal syndrome, maaaring makaranas ang pasyente ng iba-ibang sintomas na gaya ng mga sumusunod:

  • Pagkalito, diliryo, at pagkalimot. Dahil may pinsala na ang mga bato, ang mga toxin o lason at dumi sa katawan ay hindi nasasala nang maayos. Ang mga toxin na naipon sa katawan ay maaaring makaapekto sa utak at magresulta sa pagkalito, diliryo, at pagkalimot.
  • Pagduduwal at pagsusuka. Ang mga pasyenteng may hepatorenal syndrome ay madalas ding makaranas ng pagduduwal at pagsusuka. Maaaring ito ay dulot din ng mga naipon na toxin sa katawan at ang pag-inom ng napakaraming gamot para sa iniindang sakit sa atay.
  • Pamamaga o paglaki ng tiyan. Ang pamamaga o paglaki ng tiyan ay indikasyon na may sakit sa atay at mga bato ang isang pasyente. Dahil hindi nailalabas ang sobrang tubig sa katawan, naiipon ito sa tiyan. Puwede ring maipon ang tubig na ito sa ibang mga bahagi ng katawan at magdulot ng bahagyang pamamanas.
  • Pagtaas ng timbang. Tumataas din ang timbang ng mga pasyenteng may hepatorenal syndrome dahil naiipon lamang ang tubig sa kanilang katawan.
  • Paninilaw ng balat at mga mata. Ang paninilaw ng balat at mga mata ay tinatawag na jaundice sa Ingles. Nangyayari ito sapagkat hindi na magawang masala ng mga bato ang biluribin sa katawan. Sa halip na mailabas ang bilirubin, naiipon lamang ito at nagdudulot ng paninilaw.
  • Pagkaunti ng dami ng ihi. Nagkakaroon din ang pasyenteng may hepatorenal syndrome ng oliguria o pagkaunti ng dami ng ihi. Dahil sa mga impeksyon at paninikip ng mga ugat ng katawan, bumababa ang kakayahan ng mga bato na gumawa ng ihi at maglabas ng dumi sa katawan.
  • Pangingitim ng kulay ng ihi. Ang pangingitim ng kulay ng ihi ay isang pangkaraniwang sintomas ng sakit sa atay at mga bato. Kapag nagkaproblema ang mga bato, nagkakaroon ng bile ang ihi na siyang nagiging sanhi ng pangingitim nito.

Mga Salik sa Panganib

Gaya ng unang nabanggit, amataas ang panganib na magkaroon ng hepatorenal syndrome ng mga pasyenteng may malalang sakit sa atay. Nakaaapekto rin ang mga sumusunod sa pagkakaroon ng malaking posibilidad ng hepatorenal syndrome:

  • Pabago-bagong presyon ng dugo
  • Paggamit ng mga diuretic o mga gamot na pampadalas ng ihi
  • Pagdurugo ng tiyan at mga bituka dulot ng iba-ibang sakit, tulad ng ulcer at diverticulitis
  • Pagkakaroon ng impeksyon sa mga bato

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Maiiwasan lamang ang pagkakaroon ng hepatorenal syndrome kung maiiwasan din ng pasyente ang pagkakaroon ng sakit sa atay. Upang manatiling malusog at masigla ang atay, iminumungkahing gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:

  • Kumain ng masusustansyang pagkain at iwasan ang matatabang pagkain.
  • Mag-ehersisyo nang kahit 30 minuto araw-araw upang maging maayos ang pagdaloy ng dugo sa katawan at mapanatili ang tamang timbang.
  • Iwasan ang labis na pag-inom ng alak upang hindi mapinsala ang atay.
  • Kung may ginagamot na karamdaman, uminom lamang ng sapat na dosis ng gamot alinsunod na rin sa payo ng doktor.
  • Kapag ang isang pasyente ay na-diagnose na mayroong hepatorenal syndrome, posibleng magkataning na ang kanyang buhay lalo na kung hindi agad maisasagawa ang liver transplantation. Ang pasyenteng may type I hepatorenal syndrome ay posibleng mabuhay lamang hanggang 3 buwan. Samantalang ang pasyenteng may type II hepatorenal syndrome ay maaaring mabuhay lamang ng hanggang 6 na buwan mula sa araw ng pagkaka-diagnose sa sakit na ito. Subalit, kung maisasagawa ang liver transplantation, tataas ng hanggang 65% ang survival rate ng pasyente.

Sanggunian