Buod
Ang herpes ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik (sexually transmitted disease o STD). Sa kondisyong ito, ang pasyente ay nagkakaroon ng mga maliliit na paltos sa kanyang ari kaya naman ito ay kilala rin sa tawag na genital herpes. Subalit bukod sa ari, maaari ring magkaroon ng mga paltos sa puwet, singit, hita, at maging sa bibig. Ang mga paltos na ito ay kadalasang maliliit, kumpul-kumpol, mapupula, mahapdi, at makati. Kung tinubuan ng mga paltos sa loob ng ari, malaki rin ang posibilidad na makaranas ng sakit sa pag-ihi.
Ang herpes ay sanhi ng dalawang uri ng virus, ang herpes simplex virus 1 (HSV-1) at herpes simplex virus 2 (HSV-2). Kung maaapektuhan ng HSV-1, maaaring magkaroon ng herpes sa bibig. Samantalang ang HSV-2 ay nagdudulot ng herpes sa ari at mga kalapit nitong bahagi. Maaaring makuha ang mga virus na ito kung ang isang tao ay nakahawak o nadikitan ng laway, tamod, o vaginal secretion ng isang infected na tao. Maaari ring makuha ang mga ito sa pakikipaghalikan.
Upang malunasan ang mga sintomas ng herpes, maaaring magbigay ang doktor ng mga antiviral na gamot. Maaari ring uminom ang pasyente ng mga painkiller upang mabawasan ang anumang pananakit na nararamdaman sa katawan. Bukod sa mga ito, papayuhan din ang pasyente na panatilihin ang kalinisan ng katawan—lalo na sa mga apektadong bahagi.
Kasaysayan
Noon pa man, laganap na ang sakit na herpes. Sa katunayan, ipinagbawal ni Emperador Tiberius (14 AD-37 AD) ang pakikipaghalikan ng mga tao sa Roma dahil sa napakaraming kaso ng mga paltos sa bibig. Noong bandang ika-18 siglo naman, nataguriang sakit ng mga babaeng prostitute ang herpes. Subalit, ang terminong “herpes” ay naimbento lamang noong taong 1713 nang mabanggit ito sa libro ni Richard Boulton na “A System of Rational and Practical Chirurgery.” Nalaman lamang din na virus pala ang sanhi nito noong bandang taong 1940.
Noong bandang taong 1960, nagsagawa ang mga doktor at mananaliksik ng mga pag-aaral kung mabisa rin ba ang mga antiviral therapy na ginagamit sa adult encephalitis, keratitis, at iba pang mga viral na sakit sa herpes. Dahil sa iba’t ibang mga pag-aaral at pagsusubok, nakatuklas ang mga doktor ng mabibisang kombinasyon ng mga antiviral na gamot para sa herpes, gaya ng deoxyuridine, idoxuridine, cytosar, cytarabine, at vidarabine.
Nang sumapit naman ang taong 1970, natuklasan na ang acyclovir, ang kasalukuyang pinakamabisang gamot para sa herpes. Opisyal namang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Estados Unidos ang paggamit ng acyclovir noong taong 1998.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Ang herpes ay sanhi ng herpes simplex virus (HSV). Maaaring ito ay HSV-1 o HSV-2. Ang HSV-1 ang siyang dahilan kung bakit nagkakaroon ng herpes sa bibig. Samantalang ang HSV-2 naman ang sanhi ng herpes sa ari. Karaniwang naninirahan ang HSV sa laway, tamod, at vaginal secretion ng isang tao.
Maaaring makuha ang mga virus na ito dahil sa mga sumusunod:
- Pakikipaghalikan. Ang HSV ay maaaring manirahan sa laway ng tao, kaya maaaring maipasa ito sa pamamagitan ng halik. Bagama’t ang HSV-1 ay nagdudulot ng herpes sa bibig, maaari ring magdulot ito ng herpes sa ari. Ito ay lalo na kung ginamit ng infected na tao ang kanyang bibig sa pakikipagtalik (oral sex).
- Pakikipagtalik. Bukod sa laway, maaari ring manirahan ang HSV sa tamod o semilya ng lalaki o kaya naman ay sa mga vaginal secretion ng babae. Kaya naman kapag nakipagtalik ang isang tao sa isang taong infected, malaki rin ang posibilidad na mahawaan nito.
- Paggamit ng mga sex toy ng infected na tao. Maaari ring makuha ang virus sa paggamit ng mga sex toy na hindi gaanong nalinis sapagkat maaaring mayroon pa itong mga naiwang laway, tamod, o vaginal secretion.
Bagama’t ang herpes ay isang sexually transmitted disease, hindi nangangahulugan na hindi ka magkakaroon nito kahit hindi ka nakikipagtalik. Maaari pa ring magkaroon ng herpes kung madalas makisalo sa mga baso, pinggan, o kubyertos ng infected na tao. Maaaring ang kanyang mga kagamitan sa kusina ay may laway na infected ng virus. Bukod dito, maaari ring makuha ang herpes sa paggamit ng mga tuwalya ng infected na tao lalo na kung ito ay may mga discharge pa mula sa pagpupunas ng kanilang ari.
Mga Sintomas
Masasabing may herpes ang isang tao kung siya ay nakikitaan o nakararamdam ng mga sumusunod na mga sintomas:
- Pagkakaroon ng mga paltos sa ari o ibang bahagi. Ang mga paltos ng taong may herpes ay tila mga maliliit at kumpul-kumpol na butlig na may lamang tubig o nana. Maaaring tumubo ang mga paltos sa ari, puwet, singit, hita, o bibig.
- Pagkakaroon ng mapula at makating mga paltos. Hindi naman nangangahulugan na kapag tinubuan ng paltos ay herpes agad ito. Subalit, kung ang mga paltos ay namumula, nangangati, at bigla na lamang tumubo pagkatapos makipagtalik, maaaring ito ay
- Pagkakaroon ng nagsusugat o nagtutubig na mga paltos. Ang mga paltos ng pasyenteng may herpes ay maaari ring magsugat at magtubig. Sa mga malalalang kaso naman, ang mga paltos ay maaari ring pumutok.
- Pananakit ng ari tuwing umiihi. Maaari ring tumubo ang mga paltos sa loob ng ari. Kaya naman sa tuwing umiihi ang pasyenteng may herpes, makararanas siya ng pananakit o panghahapdi dito.
- Pagkakaroon ng mabahong discharge mula sa ari. Kung ang mga paltos sa loob ng ari ay pumutok, maaaring magdulot ito ng kakaibang discharge o likido sa ari. Kadalasan, ang discharge ng babaeng may herpes ay mas mabaho kumpara sa mga normal nitong vaginal discharge.
Ang mga sintomas ng herpes ay maaaring lumabas dalawang araw matapos makipaghalikan o makipagtalik sa taong infected. Subalit, maaari ring matagalan ang paglabas ng mga sintomas at abutin ng isang buwan.
Mga Salik sa Panganib
Ang herpes ay walang pinipili. Bata man o matanda, nakikipagtalik man o hindi, maaari pa ring maapektuhan ng kondisyon na ito. Subalit, mas lalong tataas ang posibilidad na magkaroon ng herpes dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pakikipagtalik sa iba’t ibang tao na hindi gaanong kilala
- Pakikipagtalik ng walang proteksyon
- Pakikipagtalik sa murang edad
- Pagkakaroon ng mahinang resistensya
- Madalas na panghihiram ng personal na gamit ng iba
Mga Komplikasyon
Kung ang herpes ay hindi naman gaanong kalala, maaaring mawala ang mga paltos nang kusa hangga’t pinapanatiling malinis ang katawan. Subalit, maaari ring magdulot ito ng mga komplikasyon gaya ng mga sumusunod:
- Dehydration
- Encephalitis
- Impeksyon sa balat
- Pamamaga ng mga mata
- Pamamaga ng pantog at tumbong
- Meningitis
Ang mga sakit sa utak gaya ng encephalitis at meningitis ay madalang lamang na komplikasyon. Subalit, posible pa ring magkaroon ng mga kondisyong ito kung ang virus ay nakarating sa utak o spinal cord.
Pag-Iwas
Image Source: www.acsh.org
Image Source: https://www.foxnews.com/lifestyle/couples-swapper-sleeping-arrangement-has-twitter-users-in-disbelief
Upang maka-iwas sa pagkakaroon ng herpes, gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
- Ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon upang mahugas at maalis ang anumang virus na nahawakan.
- Kung makikipagtalik, siguraduhing gumamit ng condom upang ma-iwasan ang direktang pagdidikit ng mga ari.
- Maging tapat sa isang katalik at iwasan ang pakikipagtalik sa iba’t ibang taong hindi gaanong kilala.
- Huwag manghiram ng mga personal na gamit ng iba. Iwasang manghiram ng mga sex toy, tuwalya, baso, pinggan, kubyertos, lipstick, pangsipilyo, at iba pang kagamitan sapagkat maaaring pamahayan ng herpes virus ang mga bagay na ito.
- Palakasin ang resistensya ng katawan upang hindi madaling dapuan ng kung anu-anong sakit. Kumain ng masusustansya at mag-ehersisyo upang lumakas ang pangangatawan.
Sanggunian:
- https://www.healthline.com/health/std/genital-herpes
- https://www.nhs.uk/conditions/genital-herpes/
- https://www.avert.org/sex-stis/sexually-transmitted-infections/herpes
- https://www.cdc.gov/std/herpes/stdfact-herpes.htm
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/151739.php#symptoms
- https://en.wikipedia.org/wiki/Herpes_simplex#Epidemiology
- https://www.winchesterhospital.org/health-library/article?id=103113
- https://www.healthline.com/health/can-you-die-from-herpes#genital-herpes